Wednesday, March 19, 2008

Kontrobersyal!

Kahapon ay Martes Santo, at sa diwa ng Semana Santa ay balikan natin ang pangyayari sa buhay ni Hesus sa huling Martes na ito ng Kanyang buhay. Ito ay tinatawag ng mga teologo na “Day of Controversy” sapagkat dito sinukat ng kanyang mga kaaway ang kanyang pagiging Anak ng Diyos. Dito siya inulan ng mga tanong katulad ng ukol sa authority, kung marapat magbabayad ng buwis (sa Cesar) at kung ano ang pinakamahalagang kautusan,.. at iba pang kontrobersya.

Speaking of controversy, mukhang kontrobersyal din ang ginawang pag-baliktad kahapon ng 5th Division ng Court of Appeals o CA sa naunang hatol ni Judge Teresa Yadao ng Quezon City Regional Trial Court sa dating Gobernador at Congressman, na nanalo ring Kapitan sa Brgy. Bubog, San Jose, Occidental Mindoro na si Jose Tapales-Villarosa na lalong kilala sa tawag na JTV. Si JTV ay asawa ni Deputy Speaker Ma. Amelita “Girlie” Villarosa.

Ayon sa CA, hindi sapat ang ebidensiya upang idiin at hatulan si JTV sa kasong pagpatay sa magkapatid na Michael at Paul Quintos noong 1997. Maliban kay Villarosa, pinawalang-sala rin ang tatlong iba pang naunang nahatulan na sina Gelito Bautista, Mario Tobias at Ruben Balaguer. Habang sinusugan naman ng CA ang guilty verdict sa tatlong pang co-accused ng dating gobernador.

Sa aming panayam sa “Pintig ng Bayan” sa radio DZVT kanina kay G. Ricardo Quintos, ama nina Paul at Michael, hindi umano siya naniniwala na tunay ngang pinaboran ng CA si Villarosa hanggat hindi siya nakakabasa ng resolusyon ng nabanggit na hukuman. Pero ang utos ng pagpapalaya ay pumutok kaagad at nakumpirma kanina ring umaga sa mga pambansang news agency. Kinapanayam si JTV sa Makati Medical Center kung saan siya ay naka-confine dahil sa umano ay kanser sa baga.

Abangan na lang natin ang susunod pang mga inaasahang magiging kontrobersyal ring reaksyon dito ng mga Mindorenyo. Tatapusin lang marahil nila ang Mahal na Araw.

No comments:

Post a Comment