Sa panaginip, gusto ko sanang sumalubong kahapon sa pagdating ng barko sa piyer ng Caminawit at iladlad ang streamer na may nakasulat na, “WELCOME BACK ...”. Para ito sa mga opisyales na um-attend sa Seminar on Barangay Governance sa Baguio City noong isang linggo.
Ang “promotor” (read: nag-organize) ng seminar na ito ay ang panlalawigang tanggapan ng Department of the Interior and Local Government o DILG. Two hundred eighty (280) participants ang dumalo mula sa iba’t-ibang barangay sa 11 municipalities ng Kanlurang Mindoro. Ayon sa isang insider sa Association of Barangay Councils o ABC sa San Jose, hindi bababa sa P15,000 kada tao ang ginastos ng bawat barangay sa official travel na ito sa tinaguriang Summer Capital of the Philippines. Kaya kung ating susumahin, tumataginting na almost 4.2 million pesos ang kabuuang ginastos dito. Halagang mas malaki sana ang maitutulong kung mauuwi sa basic services ng isang mahirap na barangay.
Sa konsepto ng training/seminar, ang expected participants dito ay yaong mga first time elected officials pero hindi ito nasunod. Kahit ‘yung second and third- termers ay namasya...este, dumalo rin at nagbigay ng P5,500 per head food and accommodation fee sa Sky Rise Hotel sa downtown ng nasabing lungsod. Mabuti naman at kahit papaano ay nakalimutan nila ang reyalidad na sa kani-kanilang barangay ay laganap ang malnutrisyon, talamak ang mga illegal na droga, pamumutol ng kahoy at pangingisda at iba pang panlipunang sitwasyong naglalarawan sa malalang kahirapan sa kanayunan.
Sa kabila nito, saludo naman ang mga participants sa husay ng tagapagsalita na si Atty. Genaro Jose Moreno, Jr. ng DILG National Office bagama’t kakaunti lamang umanong hand-outs ang naipamigay ng secretariat.
Sabi ng ilang mga kasali dito : “Inggit lang kayo na mga hindi nakasama!”,.. “E, anong masama doon? May pondo naman exclusively intended para riyan”,... “Masyado naman kayong kill joy. Ang mga travel na ganyan ay incentive para sa mga barangay officials..”
Walang masama at marami naman talagang natututunan sa ganitong mga pag-aaral pero depende rin yan sa mga participants kung ano ang kanilang tunay na layunin sa pag-attend. Ang matuto at isabuhay ang mga napag-aralan sa aktuwal na pamumuno o ang lantaran lamang na pamamasyal? Kung sa bagay, pwede nga namang pag-isahin ang paglalaro at pag-aaral. Sabi nga, "All work and no play makes Kap a dull boy!"
Pero ang hindi ko lang maintindihan ay kung bakit kinakailangan pa na sa malayong lugar ito isagawa. Wala bang ibang pamamaraan upang hindi ito maging ganito ka-gastos? Hindi ba pwedeng dito na lang ito gawin sa isang bayan sa atin? Mga tanong ko lang iyan bilang taxpayer.
Sa likod nga pala sana ng streamer ko na may naka-sulat na “WELCOME BACK..” ay may karugtong at naka-tatak na, "...TO REALITY!”
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment