Tuwing nakikita ng aking tatlong taong gulang na anak na si Pipay sa telebisyon ang basketbolistang si Pau Gasol (ng Memphis Grizzlies dati na Los Angeles Lakers na ngayon) sa NBA, kakalabitin niya ako at sasabihing, “Tay, syut si Jesus, o”.
Alam n’yo naman ang mga bata, lahat yata ng lalakeng mestiso, medyo mahaba ang buhok at may makapal na balbas ay napagkakamalang si Hesus.
Pero teka, may sinasabi nga ba ang Bibliya tungkol sa mga atleta? O ang ating Simbahan sa isports sa pangkalahatan? Siyempre naman, dahil sa lahat ng dimensyon ng buhay ng tao,- pang-kaluluwa man yan o pang-katawan, ang Simbahan ang nagsisilbing Ina at Guro.
Noong sports writer pa lang ako sa “The Image” sa Occidental Mindoro National College (OMNC), hindi ako agad makumbinsi na maaaring iugnay ang isports sa espiritwalidad ng tao hanggang sa mabasa ko ang tulang isinulat ni Grantland Rice na pinamagatang “Alumnus Football”.
Ang alam ko lang noon, ang palakasang (isports) nabanggit lang sa Bibliya ay yung wrestling sa pagitan ni Jacob at ng Diyos. Kung may Cable TV na siguro noon ay nag-agawan sa pag-cover nito ng ESPN at EWTN. Pinaghalo kasi itong religious at sporting event!
Pwera biro, alam n’yo ba na ang Simbahang Katolika ay may tinatawag na Vatican’s Office of Sports na itinatag ni Papa Juan Pablo II? At noong ika-27 ng Mayo 1982 ay tila ganito ang naging buod ng kanyang talumpati sa International Olympic Committee:
Marangal ang tingin at punong-puno ng pagtangkilik ang Simbahan sa isports sapagkat itinuturing nito (Simbahan) na ang ating katawan kumbaga ay “obra maestra” ng paglikha. Kung ang isports ay isinasagawa sa tamang pamamaraan,- walang kinikilingan, ‘di namamayani ang dayaan, tapat at bukal ng kapatiran, itinatampok at itinataas nito ang dangal ng tao, na hindi naman dapat nauuwi sa bulag na paghanga at pagsamba. Ang isports ay isang makapangyarihang elemento ng moral at panlipunang pagkakatuto.
Nauna rito, si Pope Pius XII ay nagpalabas din noong Hulyo 29, 1945 ng isang sulatin na pinamagatang “Sports at the Service of the Spirit” na nagsasabing ang mahusay na pangangatawan at kaisipan ay daluyan ng paghahanap ng katotohanan, … daan ng pagsunod at paglilingkod sa ating Manlilikha.
Ang isang Kristiyano ay hindi dapat maging utak-talunan at para hindi ito mangyari ay dapat maging displinado tayo. Ang Kristiyano ay hindi boksingerong umaasa lamang sa tsamba. Sa wika nga ay below par performance. Sanayin natin ang ating sarili sa patuloy na sakripisyo at ensayo. Sa ganitong paraan lamang tayo magiging karapat-dapat na “Atleta ni Kristo”. Lunes Santo man o sa lahat ng araw sa buhay mo.
Sabi nga ni Pau Gasol sa isang interview noong maging MVP siya,- kahit nabalian ng tuhod at manalo ang kanyang Team Spain sa FIBA World Championship sa Japan noong 2006, na pinanood din namin ni Pipay sa Basketball TV, “There are no short cuts to victory.”
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment