Akala ko noon ay sa Isla ng Mindoro lang mayroong Mangyan. Bagama’t wala pang malalim at lubusang tanggap na anthropological evidence, may Mangyan din pala sa Sibuyan, Romblon. Mangyan-Taga-Bukid ang tawag sa kanila.
Una ko itong nalaman mula kay Juanito Lumawig, ang kasalukuyang Chairman ng PASAKAMI o Pantribung Samahan sa Kanlurang Mindoro, habang kami ay sakay ng barko at naglalayag mula Batangas pauwi ng San Jose noong nakaraang Miyerkules (Mayo 21). Kagagaling lang namin noon sa Regional Rural Congress for Southern Tagalog and Bicol Regions na ginanap sa Lipa City. Ang pagkakatuklas sa mga Mangyan ng Sibuyan ay naitala sa isang sulatin ni Juan Calabio, isang paring Espanyol noong 1895.
Alam n’yo ba na ang salitang “Mangyan” ay walang kahulugan o non-existent sa anumang diyalekto nang alinmang tribong hindi pa “nababahiran” o “nauugnayan” ng sibilisasyon? Ipalagay natin na pumunta ka sa pinaka-liblib na pamayanan ng mga Bangon sa Bansud sa Oriental at Tau-Buhid sa Calintaan sa Occidental na ang mga tao doon ay hindi pa nai-impluwensiyahan ng kabihasnan, direkta man o hindi,- hindi nila alam na sa kanila ipinantutukoy ang salitang “Mangyan”. Sa totoo lang, and katagang “Mangyan” ay terminong patag o termino lamang ng pamahalaan (noon at ngayon) patungkol sa kanila. Nagsimula ang katawagang ito noong sinaunang panahon pa ng mga Kastila hanggang sa kanila na itong tanggapin lalung-lalo na nang pormal at opisyal na silang pumaloob sa gobyerno o pamahalaan sa kapatagan. Katulad natin, sila man noon ay naiinsulto kapag tinawag mong “Mangyan”. Pero ngayon ay hindi na. At katulad ng mga kabataang taal na Mindorenyo, proud na rin silang tawaging “Mangyan” lalung-lalo yaong mga kahit papaano ay may kaugnayan na sa makabagong sibilisasyon.
Gayundin pala ang salitang “Tamaraw”. Kung may diksyunaryo lang ang mga tribu, tiyak na wala kang matatagpuang katagang “Tamaraw” doon. Wala ring kahulugan sa kanila ang salitang ito. Para sa mga Tau-Buid, “Uhwang” o “Todo” (big animal) ang tawag nila sa Tamaraw.
Palibhasa salitang Mangyan na rin lang ang ating paksa ngayon, gusto ko ring ibahagi na pinanatili natin ang pangalan ng mga pangunahing bundok na salitang Mangyan ang pinagmulan. Hindi lang pala bundok kundi pati mga pangunahing ilog at ilan dito ang ating pag-uusapan.
Unahin natin ang “Pandurucan”. Ito ay nagmula sa salitang “Durok” na para sa mga Hanunuo at Buhid ay isang proseso ng paglilinis ng kaingin. Kaya ang ibig sabihin ng “Pandurukan” ay “lugar ng kaingin”. Ito ang lumang pangalan ng San Jose. Ang isunod naman natin ay ang “Labangan”. Nagmula ito sa salitang “Labang” na para sa mga Hanunuo ang kahulugan ay “(masamang) espiritu”. Kaya ang ibig sabihin ng “Labangan” ay “place of the bad spirits” sa wikang English. Ang Labangan River ay ang unang ilog mong madadaanan papuntang Magsaysay kapag galing ka ng Norte.
Sa Calintaan naman, ang Ilog ng Anahawin ay nagmula sa salitang Tau-Buid na “Anawan”. Ang ibig sabihin ng “Anaw” ay sebo. Dito umano kadalasang hinuhugasan ang sinalab na hayop,- Baboy Damo man o Tamaraw,- kaya natatapunan ito ng mantika at tinawag nga itong “Anawan”. “Lumintaw” naman ang tawag sa malalaki at makakating gabi na marami raw noon sa ilog na ito na sakop ng Rizal.
Kung may mga pinanatili tayong pangalan ng ilog ay mayroon din naman tayong sagarang binago. Hindi ko alam kung bakit. Eto ang ilan bilang sampol: Ang Mangyan name ng “Mompong” sa Sablayan ay “Bangluan” na isang ritwal ng pag-papausok para itaboy umano ang mga kamalasan. Ewan kung bakit ito pinalitan. Pero anu’t-ano pa man, suwerte ang bayang ito sa likas na yaman.
Ito ang pinakamalupit. “Rayusan” ang tawag noon ng mga Tau-Buid sa ilog na ito. At palibhasa mataas at napaka-tarik (o "tirik") ng bundok na aakyatin mo paglampas ng ilog, tinawag itong “Pa-tirik” ng mga biyahero at residente. And later nang maipluwensiyahan marahil ng burgis na pagpapangalan, ang “Pa-tirik” ay bigla na lang naging westernized na “Patrick”!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment