Naging hobby na ng anak kong si Anawim (o Tutay), trese anyos, ang mag-lista ng mga kasabihan (na kanyang nabasa, kinopya o gawa-gawaan lang n'ya) na sa palagay niya ay katawa-tawa o naiiba sa unang sulyap, ngunit kung iyong pagninilayan ay nuggets of wisdom pala. Hiniram ko kaninang umaga ang kanyang listahan at ibinigay naman niya. At sinubukan kong ilapat sa political realities ng Kanlurang Mindoro ngayon and here they are:
“Kung puro palpak ang pagpipilian, ang hindi pagpili ay karangalan”
(Kung wala nga naman alternatibong pulitiko tuwing eleksyon, kagaya dito sa atin na dalawang paksyon lang,- mas tama pa nga ‘ata kung minsan ang ganitong katwiran.)
“Ang kasalanang ayaw aminin ay mas matindi pa sa pagsisinungaling”
(Ano na kaya ang nangyari sa report at mga kaso ng umano’y malawakang dayaan at bilihan ng boto noong 2007 Local Elections dito sa lalawigan natin?)
“Walang halaga ang laki ng mata ng kuwago kung naka-pikit ito”
(Yung isang opisyal na kakilala ko, harap-harapan na ang bentahan ng “bato” sa barangay niya pero daig pa niya ang bulag!)
“Hindi aampat ang sakit ng pigsa kahit diligan mo ng isang baldeng luha”
(Puro band-aid solution lamang ang lunas ng aming mga pulitiko sa problema ng hospital and urgent medical services para sa mga agaw-buhay na pasyete. Puro awa na lang at konting limos pero walang long- lasting solution ukol dito.)
“Hindi sa iyo magkakasya ang mahabang kamiseta, pumatong ka man sa lamesa”
(Umisip naman sana kayo ng bago at mas epektibong istilo ng pamumuno at pamamahala. Palpak na nga ‘yung sinundan, gagayahin pa!)
“Ang taong mabuti sa iyo pero masama sa iba o kahit na sa kakampi mo, ay hindi mabuting tao”
(Ang siraan daw ng mga magkakampi sa pulitika ay tipikal na ugat ng pagkaka-watak-watak at “pagbaliktad” ng mga partymates imbes na ang kaibhan ng prinsipyo at pagkamulat sa katotohanan.)
“Sa damdamin ng iba, maging pagong humusga at kidlat umunawa”
(Dito nga sa amin, kahit 'yung walang muwang na batang anak ng political opponent niya ay idinadamay at idinadawit. Umunawa sa damdamin? Walang ganyan sa pulitika,‘no!)
“Hindi ka aakyat ng puno para mamingwit ng isda”
(Wala na tayong maaakyat na puno kapag natuloy ang Mindoro Nickel Project at ganito tayo ka-tanga kapag pinayagan natin ito!)
“Nakababasa ang ampyas pero hindi nakakabingi ang kulog”
(Kahit utay-utay lang, tiyak naman na may epekto sa masa. Hindi kagaya nung isang proyekto ng isang Mayor na puro lang propaganda at pa-pogi pero wala namang sustenableng resulta.)
“Walang prutas ang nahuhulog nang malayo sa kanyang puno”
(Kung bulok ang Tatay na pulitiko, chances are ganoon din ang gumigiri-giring (ka-)anak!)
“Hindi mo malulunok nang minsanan ang bagay na mas malaki sa iyong lalamunan”
(May pulitikong ganyan ka-ganid at ka-takaw dito sa amin. Tiyak sa inyo rin.)
“Kapag nag-aaway ang mga aso sa tumana, kuyapit ang kanilang mga garapata”
(‘Yung mga propagandista ng pulitiko sa gitna ng pampulitikong batikusan sa media ng kani-kanilang mga amo ay parang mga garapatang ganito.)
“Ang bubwit na hinulog sa lungga ng mga daga ay hindi magiging pusa.”
(May number of political young bloods tayo ngayon pero palibhasa ka-“lahi” o kapartido sila ng mga trapo ay nagiging trapo na rin yata.)
“Kapag pinakawalan mo ang bayawak sa manukan, hindi ka na makakakita ng itlog”
(Ganyan ang nangyari sa atin!! Palibhasa bumoto tayo ng mga “bayawak”, walang progreso ang ating bayan. Hindi na tayo maka-kain ng itlog. Mabuti pa ang lamok..(?))
At ang aking paborito: "Ang tubig sa inidoro ay swimming pool sa guyam"
(Iba-iba tayo ng pananaw. Ganito ang tingin ko sa sitwasyon ng pulitika sa Kanlurang Mindoro, e.. anong magagawa n’yo?)
Monday, May 5, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
thank you, at mganda po... GOD bless po...
ReplyDelete