Kung hindi mo kilala si Fr. Lino E. Nicasio, SVD malamang na hindi ka tubong Pandurucan (dating pangalan ng San Jose). O kung taal ka man naming “ka-tribo”, malamang ay hindi ka pa tao o sanggol ka pa lang noong huling quarter ng Dekada ’60 hanggang mid-’70s. Kung hindi man ay baka hindi ka Katoliko at kung Katoliko ka man ay hindi ka gaanong pala-simba noong bata ka. Bihirang estudyante mula sa St. Joseph School at Divine Word College, at may mangilan-ngilan ding taga-San Jose National Highschool (SJNHS) na tulad ko,- ang hindi siya kilala. Kilala ko si Fr. Nicasio pero hindi niya ako kilala.
Siya ay sikat na propesor, manunulat at champion sa larangan ng Homeletics hindi lamang sa SVD communities kundi sa buong bansa (baka sa buong mundo pa nga,..e!) at may PhD. Degree sa Speech na nakuha niya sa Indiana University, hindi ko alam kung kailan. Siya ang unang pari na nagbigay ng bagong dimensiyon, anyo, hugis at kulay sa salitang “sermon” sa tenga at puso ng aking mga kababayan. Dangan kasi naman, daig mo pa ang nasa sinehan na ang palabas ay pinaghalong komedi, aksyon at drama kapag siya ang nagho-homiliya.
Pero hindi lang si Fr. Nicasio ang ating ibibida ngayon. Higit sa lahat ay ang tinagurian ng prestihiyosong Time Magazine sa issue nito noong Disyembre 1979 na, “The Microphone of God”. Ang taong aking tinutumbok ay tampok sa isang sulatin ni Fr. Nicasio (lumabas sa babasahing “Diwa : Studies in Philosophy and Theology” na jointly published ng Graduate School of Divine Word Seminary sa Tagaytay and Christ the King Seminary sa QC sa edisyon noong Nobyembre 1992) na may pamagat na FULTON J. SHEEN: A Mighty Preacher of God”. Birthday niya ngayon dahil May 8 taong 1895 nang siya (si Archbishop Sheen po, hindi si Fr. Nicasio!) ay isilang sa El Paso, Illinois., US of A.
May mga pagkakataong inaabangan ko nga ngayon sa telebisyon,- sa Eternal World Television Network o EWTN, ang re-run (na black and white pa) ng kanyang pumatok na show na “Life is Worth Living” na ilang dekada ang inilagi sa ere. Ang “Life is Worth Living” ay humatak noon ng audience share na 30 million viewers per week. Pinataob ng naiibang religious program na ito ang karibal niyang mga sikat na TV personality na sina Frank Sinatra at Milton “Mr. Television” Berle. Noong 1952, na-kopo ni Archbishop Sheen ang Emmy Award dahil sa “Life is Worth Living”. Pumanaw si Archbishop Sheen dahil sa sakit sa puso noong December 9, 1979 matapos niyang bigyan ng bagong dimensiyon, anyo, hugis at kulay ang salitang “preaching” sa mamamayan ng daigdig. Katulad din ni Fr. Lino E. Nicasion, SVD, na bihira nang bumibisita dito sa amin sa San Jose.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment