Pormal na pinagtibay ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa pamamagitan ng isang Pastoral na Pahayag na nilagdaan ng pangulo nito na si (Jaro) Archbishop Angel N. Lagdameo, D.D. noong Enero 28, 2007 na may titulong “The Dignity of the Rural Poor – A Gospel Concern” ang makasaysayang National Rural Congress-II o NRC-II. Abala ngayon ang buong Simbahang Katoliko kabilang ang kalakhan sa mga diyosesis sa bansa para sa NRC-II na gaganapin sa mga susunod na buwan. Sayang nga lamang at walang pang antas- Parokya at PAKRIS (Pamayanang Kristiyano) na gawaing inilunsad kaugnay ng NRC-II ang aming Simbahang Lokal gayong krusyal din namang usapin ang Repormang Agraryo o CARP dito sa Kanlurang Mindoro. Masasabi kong isa ang usapin sa lupa sa mga ugat ng pampulitikang kaguluhan dito sa amin.
Kuwarenta anyos na ang nakalilipas simula nang ilunsad ang National Rural Congress – I noong 1967 na nagbigay mandato sa atin bilang isang Simbahang naglalakbay na “tumungo sa mga kanayunan” o sa mga lugar na pinabayaan noon (hanggang ngayon ba?) ng pamahalaan sa usapin ng programang pang-kaunlaran pati sa kalingang pastoral ng Simbahan. Kagaya nang nabanggit ko na, ang pinaka-tutok o central focus ngayon ng NRC-II ay ang Comprehensive Agrarian Reform Program o CARP, maliban sa iba pang isyu kagaya ng extra judicial killings at pagmimina. Ang CARP ay anak ng Comprehensive Agrarian Reform Law (CARL) o R.A 6657.
Sa isang buwan ay bente anyos na ang CARP ngunit wala pa ring substansyal na pagbabago sa buhay ng ating mga magsasaka. Marami ang nagsasabi na bigo ang CARP at hindi kumpleto. Hati ang tingin ng iba’t-ibang grupo ng mamamayan sa programa. Ang iba ay ibig itong ipatigil at naglalatag ng panibangong programang umano’y tunay na repormang agraryo habang ang ilang naman ay nagmumungkahing ito ay i-extend ngunit kailangang dumaan sa malalimang reporma.
Naging usad-suso (‘snail’po ang tinutukoy ko!) ang implementasyon nito sa buong bansa. Sa Land Acquisition and Distribution o LAD ang accomplishment lamang ng DAR ay 65% noong 1998 kung kailan sana ay na-terminate na ang programa ayon sa batas.
Sa talaan ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa Occidental Mindoro, sa usapin ng Land Tenure Improvement (LTI), nakapag-distribute na umano sila ng 35,752 ektarya as of March 2008 sa 11 municipalities nito equivalent to 95.93% accomplishment. Ang pinakamalaking distribusyon ay ang Sablayan na umaabot sa 11,231 na sinundan ng San Jose na 8,417 has. Ang pinaka-maliit ay ang pinagsamang Looc at Lubang na umabot lamang sa 266 has. Pero hindi kaya naging pabago-bago ang kanilang target for LTI kagaya sa sitwasyon sa bansa na inisyal na tumarget ng 10.3 milyong ektrya na ibinaba sa 8.1 at sumisid sa 8.06 million has. noong 1994?
More or less 32,559 beneficiaries o ARBs in the province ang umano’y nakinabang dito. Pero hindi malinaw sa talaan ang klasipikasyon kung ilan sa ipinamahagi ang pribadong pag-aari ng mayayamang maylupa (na kadalasang hindi dito sa lalawigan naninirahan) at ilan ang lupang pag-aari ng gobyerno. Hindi kaya na-tameme sila sa mga local landlord (o landed elite) kaya nagkasya na lang sa distribution of public lands?
Sana ay magkaroon tayo ng pagkakataong marinig at mapulsuhan ang mga magsasaka,- o ma-verify man lang ang mga datos na ito mula mismo sa ating mga pamayanan sa sityo at kanayunan. Sa mismong mga “nabiyayaan” o “nabiktima” ng CARP,... ang epekto nito sa mga katutubong Mangyan na pawang mga magsasaka rin,... at iba pang kaugnay na usaping nayon.
Simula’t-sapul, mayroon nang anim na batas na may kinalaman sa repormang agraryo sa bansa ngunit pawang bigo ito upang wakasan ang monopolyo sa lupa ng mga elitista na kadalasan ay mga pulitiko rin. Mga usapin ng katarungan, kapayapaan at katotohanan kung kaya tayo dapat makisangkot sa isyung ito. Pero, dito sa Mindoro,- hindi kaya dahil maselan at kontrobersyal ang isyung ito ay mas gusto nating manahimik na lang?
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment