Ngayong araw na ito ay isasagawa ang taunang Alay Lakad dito sa San Jose na may temang : “Kagalingan ng Kabataan, Responsibilidad ng Bayan”. Tabi-tabi po,.. pero kahit na sabihing ang layunin nito ay upang maka-pangalap ng pondo para sa mga “poor but deserving out-of-school youth”, sa akin ay pakitang-tao lamang ang simulang ito ni Ferdinand Marcos almost 30 years ago. Ginamit lang ito ng mga naunang pulitiko sa kanilang pagpapa-pogi na itinuloy naman ng mga sumunod sa kanila.
Mga tiwaling pulitiko na siyang pangunahing pasang krus ng sambayanang Pinoy….
Eniwey, mamaya ay babagtasin ng mga kalahok ang kahabaan ng mga pangunahing kalsada sa bayan hanggang sa San Jose Town Plaza para sa isang programa. Naiiba ang programa mamaya dahil may bisita tayong bigating tao. Siya ay pupunta dito sa atin hindi lamang para sa Alay Lakad kundi sa ilang bagay kaugnay ng disaster preparation. Opo, bisita natin mamaya si Senador Richard “Dick” Gordon na Chairman din ng Philippine National Red Cross.
Red Cross… speaking of Cross, ginugunita rin ng Simbahang Katoliko sa buong mundo ngayon,- September 14, ang “Triumph of the Cross”. Kung ating iisa-isahin ang mga panlipunang problema o krus ng Mindorenyo ay baka abutin ka nang kinabukasan sa pagbabasa ng blog na ito, kaya huwag na lang. Pero sa kabila ng pag-iral ng mga krus na ito sa ating kolektibong balikat bilang mamamayan ay sa krus pa rin tayo tumatakbo, tumatangis at naghahanap ng kaligtasan.
Ang panawagan pa rin ay hindi nagbabago: ang pagtataguyod sa krus ay pagtataguyod din sa pagsunod kay Hesus. Hindi yaong tinatawag na “dolorismo” o pagiging bulag sa mga negatibong panlipunang kaganapan sa ating paligid. Kagaya ng pagmamalabis ng mga pulitiko at iba pa. Ang krus na ito ay hindi kalooban ng Diyos para sa bayan. Ang krus na ito ay mapang-alipin at hindi sa ikaluluwalhati ng Diyos. Atin Siyang sundan at wika nga, “…let us carry our cross with courage, hanging upon it with constancy…”
Ang mga pulitikong tiwali, kabilang ang kanilang mga kampon, ang mga tumataguyod sa kanila ay mga panday ng krus. Sino ba naman ang magnanais na magpatuloy tayo sa paggawa ng krus na ang mga materyales ay kasakiman, poot at kriminalidad? Mga krus na nililikha natin para sa ating kapwa at para sa Kanya. Ang paglilingkod ng tapat, matuwid at wasto ng mga pulitiko ay nagwawasak ng krus ng sambayanan. Upang, sabi nga ni Leonardo Boff sa librong “Passion of Christ, Passion of the People, “… we can live a life founded in a life that no cross can crucify.”
Paalala lang po, ang pag-ahon sa kahirapan at hanap-buhay ay higit na mahalaga para sa aming maliliit na Mindorenyo kaysa sa awayang pulitika ng mga malalaki at malalakas na tao para sa mga proyektong tagos sa buto.
Na alam kong magiging bahagi ito ng Alay Lakad balang araw. Kapag naging matagumpay na ang adbokasiya ni Sen. Gordon para sa automated elections kahit beyond 2010....
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment