Isang welcome development ito sa Month of Peace…
Muli na namang nagkaroon ng pagkakataon sa isang dayalogo o pagpupulong ang hanay ng Mangyan at sundalo kahapon, ika-17 ng Setyembre 2008. Ang pagpupulong ay naglalayong repasuhin ang naunang kasunduan ng dalawang panig tatlong taon na ang nakalilipas. Ito ay ginanap sa San Isidro Labrador Formation Center (SILFC) sa San Jose, Kanlurang Mindoro at higit sa 50 lider-katutubo mula sa iba’t-ibang tribu at samahan ang dumalo dito.
Maliban sa mga Mangyan, ang mga sundalo ng Philippine Army (PA) ay pinangunahan ni Lt. Col. Arnulfo Burgos na siyang Battalion Commander ng 80th IB, PA na naka-talaga sa lalawigan. Kabilang sa mga opisyal ng sundalong naroroon ay sina Capt. Julio Cayandag at 1 Lt. Archie Labordo na siyang Operation Officer at Asst. Operation Officer ng tropa, ayon sa pagkakasunod.
Matatandaan na ang kasunduan sa pagitan ng mga opisyal Mangyan at sundalo ay nilagdaan at pinagtibay noong Setyembre 6, 2003 sa pamumuno ni Col. Fernando L. Mesa (na nag-retiro na ngayon) at dating Commanding Officer ng 204th BDE, PA. Sa ilalim ng pamumuno ni Col. Mario Chan bilang bagong pinaka-mataas na opisyal ng brigade ay walang pagpapanibagong naganap sa kasunduan. Bagkus, noong Hunyo 16, 2005, sa pamamagitan ng isang dayalogo ay nagkaisa na lamang na magka-tuwang na maglulunsad ng serye ng konsultasyon at cultural sensitivity seminar na padadaluyin ng mga Mangyan habang kalahok ang mga sundalo.
Noong Hunyo 24, 2005 unang inilunsad at serye ng pag-aaral sa Alpha Coy sa Cabacao, Abre de Ilog para sa tribung Iraya. Sinundan ito ng sa Tribong Alangan sa Sablayan Astrodome Hunyo 26, 2005 sa Bravo Coy. At Charlie Coy naman ang nakaharap ng mga katutubo mula sa Mangyan Buhid, Tao Buid at Hagura noong Hunyo 28, 2005. Si Lt. Col. Elmer Quiros noon ang Battalion Commander.
Sa pinaka-huling dayalogo kahapon sa pagitan ng mga opisyal ng Mangyan at sundalo, tiniyak ni Col. Burgos na handa siya at ang mga opisyales ng brigade na mas nakatataas sa kanya na lumagda sa isang kasunduan na pangunahing naglalaman ng mga probisyon kapareho nang naunang dokumento. Ayon kay Burgos, ang mga bagay na nasusulat dito ay pawang mga pagtitiyak ng batayang karapatang pantao ng mga mamamayan kung kaya’t marapat lamang na ito ay pagtibayin at itaguyod. Inaasahan sa hinaharap ay mapi-pinalisa ang ilang mga detalye sa lagdaan ng magkabilang panig. Iminungkahi pa ni Burgos na ito ay gawing bukas sa lahat lalung-lalo na sa media.
Kabilang sa mga iminungkahing dagdag sa kasunduan ay ang paglalagay ng mga tukoy na probisyon sa pangangalaga sa mga bata, kababaihan at mga nakatatanda sa panahon ng armed conflict sa mga pamayanang katutubo, kabilang din ang hindi pagrerekrut ng CAFGU sa hanay ng mga Mangyan.
Sa bahaging Open Forum, nang tanungin ng mga Mangyan hinggil sa papel na ginagampanan ng mga sundalo sa mga amba ng operasyon ng pagmimina sa lalawigan, tiniyak ni Burgos na wala sa kanilang mandato ang usaping ito. Hindi umano sila paggagamit sa mga minero sapagkat hindi sila ang tamang ahensiya ng gobyerno na tutugon dito. Counter insurgency umano ang dahilan ng kanilang pamamalagi sa lalawigan at hindi ito. Nauna rito ay ipinagmalaki ng opisyal ang kanilang mga ginagawang aksyong sibilyan sa mga pamayanan kagaya nang medical mission, mga socio-economic project at iba pa sa kaniyang tinatawag na “Operation Barangayan” na inilunsad sa ilang mga barangay sakop ng Sablayan at Calintaan. “Huwag kayong matakot sa sundalo”, pahayon pa niya sa mga lider-katutubo.
Sinabi naman ni Sr. Thea Bautista, FMM ng PAMANAKA na ang pinagmumulan ng takot na ito nang mga katutubo sa mga military ay hindi lamang lisyang impresyon kundi ang mga konkretong karanasan ng takot. Halimbawa ay ang serye ng mga naka-gigimbal na paglabag sa karapatang pantao ng mga Mangyan. Halimbawa dito ay ang Talayob Massacre na kung saan ay isang pamilyang Mangyan ang walang-awang pinatay ng mga sundalong noon ay naka-talaga sa lalawigan.
Sa kanyang huling mensahe, nakiusap si Msgr. Ruben Villanueva sa mga opisyal ng PA na maging pasensyoso sa pakikipag-ugnayan at pakikipagtalastasan sa mga Mangyan sapagkat iba ang kanilang kultura kaysa sa atin, kaysa sa mga sundalo,- na sinang-ayunan naman ni Burgos.
Kinatawan ni Fr. Anthony Tria, SVD ang Mangyan Mission at Si Ric Fugoso naman bilang kalihim ang PASAKAMI.
Thursday, September 18, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment