Kumbaga sa bulig, matagal na sanang siyut sa salakab si Occidental Mindoro Electric Cooperative o OMECO GM Alex Labrador kung hindi lamang sa tatlong dahilan. Dalawa dito ay pawang mga sabi-sabi habang ang isa ay dokumentado.
Ito ang dalawang hearsay (na walang nagpapatotoo pero wala din naman nag-papasinungaling): Una, inarbor siya ng isang lider pulitiko sa lalawigan na ayaw kong pangalanan (Pero alam kong sasabihin ninyo sa akin na, “Naisip ko na ‘yan!); at ikalawa, bagyo talaga itong si GM sa National Electrification Administration o NEA….
Ang ikatlo, na sabi ko nga ay dokumentado,- mismong ang Board of Directors (BOD) ng OMECO noong 2007 ang umabsuwelto sa kanya. Hindi na sana aabot sa ganito ka-tindi ang problema at usapin sa ating kooperatiba kung noon pa man ay inaksyunan na siya ng BOD. Kaya kung tutuusin, hindi lamang si GM ang dapat na maging tampulan ng kritisismo at pagpuna dito kundi pati tayong mga ordinaryong konsumidor (consumer). E ‘di kasi naman, tayo ang nagluklok sa mga tinamaan ng magaling na BOD Members na iyan, hindi ba? Balikan natin ang BOD…
Siya ay “inabsuwelto” sa pamamagitan ng OMECO Board Resolution No. 48 Series of 2007 na may pamagat na : “Resolution Expressing Confidence and Support of the OMECO Board of Directors to the Commitment Made by the General Manager During Roundtable Assessment.” Sa liham ni NEA Deputy Administrator for Electric Distribution and Utilities Services Pablo M. Pan III kay Mr. Joaquin Castronuevo, Executive Officer ng Mina de Oro Chamber of Commerce and Industry, Inc., noong ika-16 ng Agosto 2007 ay nakasaad na, “…the Board requested that GM Alex Labrador be given enough time to turn around the coop towards financial viability and operational inefficiency…”
Hindi man directly, parang inamin na rin ng BOD na may problema nga sa pamamahala ng kooperatiba si Labrador. Maging sa audit na isinagawa ng Odsinada, Rivera and Co. ay may ganitong conclusion: “… all this uncertainty may effect the cooperative’s financial statements and ultimately, its ability to remain on a “on-going concern” basis…”
Bagama’t inaayunan ko ang aksyon ni Director Arsenio “Boy” Samson ng Calintaan na lumilikha sa isang investigating committee sa BOD, sa aking palagay ay hindi ito sapat. Tama lamang na agad ay lumikha at magpatibay ang BOD ng isang resolution para sa preventive suspension ni GM for six months o higit pa. Maaari itong gawin habang ginagawa o pagkatapos ng NEA Audit na kasalukuyang on the way. Sana ay ma-realize ng mga BOD Member, lalung lalo na ang Chairman na si Jerry Villanada, na kung hindi gagawa ng aksyong pabor sa mga consumer ang BOD ay pwede silang sampahan ng kasong administratibo ng mga konsumidor, o kasong kriminal pa. Siyempre ito ay isasampa sa mga korte kung saan hindi na sila mapapayungan ng NEA.
Sa Institutional Advisory No. 3 ng NEA na inisyu noong ika-7 ng Disyembre 2005, sa No. 2 : Compliance to Legal Requirements ay ganito ang ating mababasa: “ The Board ensures that the organization complies with laws, its own charter and by-laws. In fact, under the most legal conditions, the Board – NOT the Manager – is directly held liable and subject to prosecution when the organization violates laws and trusts..”
Kung ayaw nilang maniwala ay bahala sila. Kasaysayan na lang ang huhusga sa inyo. O kaya naman, sa darating na Setyembre 22, 2008 ang NEA ay maglulunsad,- national ang scope nito ‘tol, ng Cooperative Management Course Seminar Series sa Toledo City, Cebu. At least makinig na lang kayong mabuti. Mag-aral nang mabuti at isabuhay sa inyong pagbabalik ang inyong mga natutuhan.
Sana bago matapos ang taon ay mayroon na tayong isang bagong OMECO na may mga responsable, tapat at may commitment na BOD Members…
Hindi kagaya ng mga bulig na nagsusumiksik sa burak…
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment