Pabulaga na naging bisita sa ilang barangay sa San Jose, Occidental Mindoro kahapon ang isang team ng mga foreign geologist at ilang Pinoy mula sa consortium groups na SEASTEMS Inc. at Phoenix Geophysics upang umpisahan na ang naka-iskedyul na Magneto-telluric (MT) Survey. Kung ating matatandaan, ang MT Survey ay isa sa mga gawain sa ilalim ng Oil Exploration (Service Contract 53) ng Department of Energy (DoE) at Pitkin Petroleum Ltd. o Pitkin. Noon pa mang Oktubre 2006 ay may permiso na mula kay Governor Josephine Y. Ramirez-Sato ang nasabing oil exploration proposal.
Bitbit ang kanilang mga kagamitan, kinapulong nila ang ilang opisyales ng Brgy. Camburay sa pangunguna nina Kapitan Ernesto Juan at Kagawad Froilan Dalalo. Ito ay ang ikalawang ulit na ng mga taga-SEASTEMS, Inc sa Camburay at unang silang pumaroon noong ika-7 ng Agosto ng kasalukuyang taon, kung kailan sila nagsagawa ng Information, Education Campaign o IEC hinggil sa proyekto bilang bahagi nga nang ginagawa nilang social preparation. More or less 50 residents lang ang dumalo sa naunang pagtitipon samantalang ang total registered voter ng barangay ay umaabot sa bilang na 702. lumalabas na 7% lang ng mga mamamayan ang kanilang nakausap noong isang buwan. Ayon kay Juan, wala siyang iginawad na anumang opisyal na tugon dito ngunit ayon kay Dalalo, pumayag ang nakararaming dumalo sa pagpasok ng oil exploration sa Camburay. Ang Camburay ay kinaroroonan din ng Municipal Dump Site ng San Jose. Si Juan ay isang mahigpit na kasangga sa pulitika ni Sato.
Nauna rito, kahapon ay tahasang tinutulan ng mga opisyales ng Brgy. Magbay, sa pangunguna ni Kapitan Val Lumogda at mga lider ng Pamayanang Kristiyano (Pakris) ang ganap na pagsisimula ng survey ng Phoenix Geophysics sa kanilang lugar. Ito ay dahil hindi pa umano sila nakapag-lulunsad ng isang Barangay General Assembly ukol sa proyekto. Sa harap ng Barangay Hall ng Magbay ay makikita ang mga anti-oil exploration streamers. Kaya bagsak ang balikat na tumuloy sa Camburay ang grupo ng Pitkin.
Pero hindi naging “suwabe” ang kanilang pagpasok kahapon sa Camburay. Inulan ang pagpupulong nang mga pagtatanong at diskusyon mula sa Services Committee members ng Pamayanang Kristiyano ng Camburay na pinangungunahan ni Gng. Ester Supetran at Gng. Patria Gaudiel na mula sa Parokya ni San Jose (Katedral). Kinuwestiyon ni Dalalo ang presensiya ng mga taga-bayan at pinanindigan niya na pumayag na ang mga tao sa proyekto batay sa naunang pulong. Hindi na ituloy kaagad kahapon ang survey dahil sa pangyayari hanggang sa mapagpasyahan na lamang na muling magkaroon ng pulong sa Biyernes upang ma-pinalisa ang pagpayag o pagtutol dito ng mga opisyales ng barangay. Abangan na lang muna natin…..
Pero ito ang siste, sabi ni Gng. Teresita Agravante ng SEASTEMS Inc., pinayagan sila ni Mayor Romulo “Muloy” Festin ng San Jose para sa gawain ng MT Survey ngunit inamin nito na berbal lang ito at walang opisyalidad. Tiyak naman daw sila na pinapayagan ni Meyor Muloy ang lahat ng kanilang aksyon. Pero sa interview sa kanya kanina ni Helen de Guzman sa “Pintig ng Bayan” over DZVT, pinabulaanan ng alkalde na may “go signal” o “basbas” niya ang pagpasok ng mga taong ito kaugnay ng Petroleum Service Contract No. 53 sa kanyang hurisdiksyon. Wala daw silang pormal na napagkasunduan. Nag-courtesy call lang daw ang mga ito. Sino kaya sa kanila,… sabi nga ng mga Bisaya, “…. ang matuod kag ang butigon?”
Tama ba na mas sundin ng mga opisyales ng bayan, barangay at lalawigan ang kumpas ng kanilang mga padrino at patron sa pulitika kaysa sa pagtatanggol at pangangalaga ng kalikasan? Mas matimbang kasi sa kanila ang political affiliation kaysa sa kalikasan at kapakanan ng buong barangay. Ano ito, pulitikal na “langisan” o pulitikal na “paglalangis”?
Sa pagtatapos,…. ibig kong ibahagi ang isang text message na natanggap ko kanina: “Magandang pagkakataon ang isyu o usapin sa (Pitkin) oil exploration para ma-check natin kung papaano tumayo ang ating mga elected official (sa barangay, bayan at lalawigan) for common good. Sa karanasang ito ay makikita rin natin ang mukha at larawan ng ating mga pamahalaang lokal…” Isama na natin ang iba pang social forces dito sa atin.
Umpisa pa lang ito ng serye ng "pag-lalangis"...
Wednesday, September 3, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment