Magmistulang lagari man ang mga diskusyon hinggil sa kinalaman nang oil exploration ng Department of Energy (DoE) at Pitkin sa aming pulitikang lokal, ganito ko lamang sinusuri ang isyu sa pulitikal na espeho:
Una, sa yugto pa lamang ng oil exploration ay hindi maiiwasang magkaroon nang banggaan ng prinsipyo sa pagitan ng mga ordinaryong mamamayan sa mga barangay at mga halal na opisyal, lalung-lalo na ang mga kapitan. Ang gasgas na linya na "ang kanilang pag-iral ay para paglingkurang ang mas nakakarami" ngayon ay 'di na lamang 'ata gasgas kundi burado na. Sa totoo lang, sa aming palagay, sa kabila ng milyun-milyong pera na maaaring iakyat nito sa kaban ng pambansang pamahalaan, hindi ito maayos na makararating sa mga mahihirap dahil sa kaliwa’t kanang korupsyon na hanggang ngayon ay nalalasahan pa ng masang Pinoy ang pait at dalit. Kagaya na lamang ng fertilizer scam umano ni Jocjoc Bolante,at iba pang mga buhay na karanasan ng panunuhol at pandarambong ng mga naka-barong at naka-amerkanang tulisan...
Ikalawa, bagama't maka-tunggali sa pulitikang lokal ang mga paksyong pulitika,- ang grupo ni Governor Sato at ni Rep. Villarosa ay kapwa ka-alyado ni GMA (na alam nating hayagang nag-buyangyang ng likas na yaman ng bansa sa dayuhang kapital) simula nang siya ay maging pangulo (bago ko makalimutan,- i-si-share ko lang, ang mga pulitiko nga pala sa amin, kung sino ang mananalong pangulo ay iyon ang sinusuportahan!) Kung saka-sakaling matuloy ang proyektong ito, pareho silang babango kay GMA. Pareho silang makikinabang sa punto nang suportang pulitikal mula sa pambansang antas lalung-lalo na sa 2010.
Tahasan ang pagsuporta dito ni Gobernadora Sato at nang kanyang mga kaalyado, samantalang ang grupo naman ng mga Villarosa ay walang inilalabas na kongkretong posisyon ukol dito. Pero mapupuna natin na maraming kapitan rin na kaalyado ng mga Villarosa ang pumayag sa pagsasagawa ng MT Survey sa kani-kanilang mga barangay habang alam natin na direktang kinakatigan ito ng kasalukuyang pamahalaang pam-probinsiya. Mabuti kung sa pagpapasyang ito ay walang naka-impluwensiya sa mga kagawad at kapitang nabanggit. Wala nga ba?
Sa ganitong sitwasyon, maaaring sa pamamagitan ng oil exploration ay huhugos ang salapi at campaign fund na kapwa magagamit ng dalawang paksyong ito ng pulitika sa Occidental Mindoro. Sa pagbaha ng kuwarta sa halalan, posible na lalong lalaganap ang kaso ng election irregularities kagaya noong 2007. Mas magkakaroon sila ng dagdag na pondo halimbawa, para sa pagsampa ng mga kaso pagkatapos ng halalan laban sa kanilang mga naging kalaban na kahit matalo sa eleksyon ay mapapaboran naman ng hukuman sa bandang huli. At kapag nagtagumpay ang Service Contract No. 53 at makapag-operate, sabihin nating sa loob ng unang dalawampung taon, kapwa sila makikinabang sapagkat alam natin na sila ay magpapalit-palitan lamang ng posisyon bilang gobernador o kinatawan sa kongreso.
Samakatuwid, parang lagaring Hapon ang kabig ng ganansiya nila dito, p(m)’re,- may “kain” na patulak, may “kain” pa pahila!...
Tuesday, September 23, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
BE FACTUAL
ReplyDelete