Parang radio drama material talaga 'to 'p('m)re...
Mag-iisang linggo na ngayong nagtatago sa batas sina Bokal Randolph “Randy” Ignacio ng Unang Distrito ng Kanlurang Mindoro at dating bokal at ngayon ay Assistant Provincial Agriculturist Peter Alfaro matapos silang isyuhan ng Warrant of Arrest hinggil sa kaso ng Serious Illegal Detention na isinampa sa kanila kamakailan. Si Romulo de Jesus, Jr., guro sa isang paaralan sa Mamburao ang naghain ng demanda laban sa kanila.
Maliban kina Ignacio at Alfaro, kasama rin sa warrant ang isang Atty. Judy Lorenzo, Gaspar Bandong at ilang John Does. Ang Mandamyento de Aresto ay ipinalabas ni Judge Ulysses Delgado ng Regional Trial Court (RTC)- Branch 44 sa Mamburao at nauna rito ay sa bisa ng rekomendasyon ni Provincial Fiscal Levitico Salcedo.
Ang pinag-ugatan, kung tutuusin ng kasong ito ay ang umano’y ballot switching incident na nangyari sa Mamburao Central School noong nakaraang halalan noong 2007 dito sa amin, na noon nga ay kandidato itong si Ignacio habang Provincial Campaign Manager naman ng Dream Team (taguri sa political group ni Gov. Josephine Y. Ramirez-Sato) noon si Alfaro.
Hindi na natin tatalakayin ang merito ng election fraud case laban kay de Jesus dahil nasa korte na ito. Pero ganito umano ang istorya: huli sa akto ng mga nagbabantay na supporters at poll watchers na pinalitan umano nitong si de Jesus ang mga orihinal na balota noong mga panahong iyon. Kaya lang, siya ay “nasakote” nga ng mga taga-Dream Team na naroroon sa Precinct No. 0003-A sa Mamburao Central School. Pamilyar kami sa kasong ito dahil ang Simbahang Lokal noon bilang kinatawan ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting ( PPCRV) sa probinsiya ay naging katuwang noon ni Atty. Margarita Tamunda ng Legal Network for Truthful Elections o LENTE na isang NGO sa Mamburao sa pag-tugaygay nito.
Mula sa kanyang presinto, may tatlong araw yata na hindi pinahintulutang lumabas si de Jesus sa Munisipyo hanggang sa ito ay magkasakit. Kinasuhan si de Jesus na noon ay BEI Chairman sanhi ng paratang na pandaraya ngunit siya ay nawala (o tumakas?) mula o pagka-galing sa ospital kung saan siya na-confine. Matapos siyang ma-isyuhan noon ng kaukulang search warrant. Sari-saring bulung-bulungan mula sa magkabilang kampo ang lumutang. Kapwa may bahid ng paratang. Totoo man o hindi, may balita na may mga pulitikong direktang nakipag-ugnayan noon kay de Jesus bago at pagka-tapos ng election (Sino? Siyempre alam kong naisip n’yo na yan!). Sa katotohanan itong si de Jesus, noon pa man ay may pending warrant of arrest din kagaya ngayon nina Ignacio at Alfaro, et al. Pare-pareho silang at large o nagtatago sa batas. Bagama’t ang kaso laban kay de Jesus ay may bail recommended habang ang Serious Illegal Detention laban kina Bokal Ignacio at iba pa ay 'di pwedeng piyansahan.
Dito sila tagilid, dito sila dehado. Kung sakaling madarakip, malaki ang tsansa nilang maghihimas nang malamig na rehas habang dinidinig ang kaso sa hukuman. Ito naman ay kung hindi magkakaroon nang mahusay na istratehiya at remedyong legal silang gagawin. Sa kasalukuyan ay may mga hakbangin ang ginagawa ang kampo nina Ignacio at Alfaro kabilang ang pag-“katok” sa Department of Justice at iba pa sangay ng pamahalaan na may kinalaman sa hudikatura. Sa panig naman ng Sangguniang Panlalawigan o SP, todo suporta sila sa kanilang kasama na si Ignacio at dating kasamang si Alfaro.
Speaking of support from the SP, last Monday (September 1, 2008) ay tahasang binigyang babala ni Bokal Roderick Q. Agas ng Ikalawang Distrito ang lahat kung papaanong maaring gamitin ang hustisya laban sa mga taong naghahanap ng katotohanan. Balita ko rin, naroroon ang alkalde ng capital town ng lalawigan nang mag- privilege speech si Agas. Si Agas ay kaalayado ng political rival nina Ignacio at Alfaro last local elections.... Noon marahil yun. Ngayon ay lalong may mas malaking tsansang si Bokal Rod ay “sumakabilang-bakod” na.... At naisip na nila ‘yan!
Lalabas kaya at haharapin kaya nina Alfaro at Ignacio ang batas at linisin ang kanilang mga sarili? Hanggang saan kaya silang ipagtanggol ng kanilang mga kaalyado sa pulitika? Hanggang kailan sila magtatago?... Huwag bibitiw sa kuwentong ito na bahagi na ng buhay ng bawat Mindorenyo....!!!
Para talagang dramang pang-radyo ang pamumulitika dito sa amin: makulay pero nakakainis na rin kung minsan dahil re-cycle na ang mga eksena at nakakasawa na ang mga talent at higit sa lahat, masyado nang predictable ang istorya. Nakaka-uta na rin. Pero mas mainam pa nga ang mga drama sa radyo at kadalasan ay may redeeming values na iniiwan sa mga listeners samantalang ang pamumulitikang ganito ay nagpapamana ng value crisis sa mga mamamayan....
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment