May isang asong tahimik na ang pangalan ay Mindo. Si Mindo ay naka-tali sa puno ng duhat sa gitna nang isang malawak na halamanan. Habang naka-tali, si Mindo ay kumakain ng kanyang masaganang tanghalian noong araw na iyon. Walang anu-ano ay dumating ang isang siga-sigang askal (asong kalye) na tawagin na lang nating Pitt King.
Tuso itong si Pitt King. Inggit na inggit siya kay Mindo. Laway na laway niya itong pinapanood habang kumakain. “Papaano kaya mapapasa-akin ang kanyang pagkain?”, tanong niya sa sarili. At bigla ay may na-isip siyang paraan. Ito ang kanyang ginawang estilo: Giniri-girian niya si Mindo at nilaro-laro habang ito ay naka-tali. Paikut-ikot siyang hinabol ni Mindo. Tumatakbo siya at tumatalon hanggang sa mapulupot ang tali ni Mindo sa puno ng santol at sa matatalim na dawag.
Dahil sa pagkaka-pulupot ay hindi na niya maabot ang kainan na ngayon ay naka-ngising nilalantakan ni Pitt King habang nauubos ang pagkaing para talaga sa kanya. Klik na klik ang kanyang dog style.
Ganyan po ang kasasapitan natin kapag pinayagan natin na mag-operate alinman sa mga dambuhalang korporasyong minero dito sa Occidental Mindoro. Sasapitin natin tiyak ang kapalaran ng asong si Mindo kung maniniwala tayo sa ating mga lider,- barangay man, bayan o lalawigan,at nasyunal- na ito ang magsasalba na pang-ekonomiyang mga problema natin. Huwag natin dagling paniwalaan na limpak-limpak na buwis ang papasok sa mga barangay at bayan dahil ditto. Hindi rin ito tunay na magbubukas ng malaking pa-trabaho sa mga Mindorenyo at kung meron man ito ay pansamantala lamang.
Ang pagsasaka na lang ang pagtutuunan natin nang pansin. Ang mga ilog, kabundukan at kapatagan natin ay mayaman at dito tayo kumukuha nang ating ikinabubuhay. Noon pa man ay pagsasaka na ang ating ikina-bubuhay ay dito rin nakilala ang ating lalawigan, bakit tayo susuong sa isang industriyang ‘di natin gagap at kabisado? Bakit hindi natin timbangin kung alin ang mas mahalaga, ang ekonomiya o ang kalikasan at ekolohiya?
Huwag tayong basta na lamang sasang-ayon sa ating mga lider na tila payag wasakin ang kalikasan basta ang mga LGU ay kumita lang at kabang yaman ng bayan lamang ang iniisip. Sana ay walang money involved sa pagpayag nilang ito. Walang pabor silang makukuha sa kanilang political patrons sa Maynila. Walang pressure sa kanila mula sa kanilang padrino. Sabi nga ni George Orwell : "Circus dogs jump when the trainer cracks his whip, but the really well-trained dog is the one that turns his somersault when there is no whip."
Tuesday, September 30, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment