Kapag ganitong malapit na ang Disyembre at malakas ang hampas ng hanging amihan ay wala nang sasarap pa sa matulog nang maaga. Mga gabing malimit na nagbubunga ng panaginip. Kagaya nang napanaginipan ko kagabi. Ganito ang istorya:
Bumaba daw mula sa langit ang isang anghel. Isang kompyuter o kung ano ang kanyang bitbit na ang itsura ay parang pinaghalong vacuum cleaner at laptop. Ipinatawag daw nito ang lahat ng mga lokal na mamamahayag at in alphabetical order ay pinapila papunta sa kanya ang lahat ng mga komentarista sa radyo para ma-interview. Hindi malinaw sa aking panaginip kung ano ang layunin ng misyon niyang ito sa lupa at kung sino ang nag-utos sa kanya. Palibhasa anghel siya, inasyum ko na lang sa aking panaginip na order ito ng kanyang Bossing sa langit.
Eto ang kakatwa sa panaginip ko. Hindi ko maalala kung anu-ano ang mga itinanong niya sa akin at kung papaano ko ito sinagot. Hindi ba kadalasan sa ating mga panaginip ay tayo ang bida, ang main character? Ewan ko kung bakit higit kong naaalala sa aking paggising kanina ang conversation sa pagitan ng anghel at ng brodkaster na sumunod sa akin.
May parang headset daw na ikinabit sa kanya ang anghel sabay tanong : “Boses mo ba ‘yan?”. “Opo”, sagot ng announcer. “Gusto mo bang malulong sa pag-iinom ang mga listener mo?”. Salubong ang kilay ng sugo ng langit. “May drink moderately naman ako sa huli a…”, katwiran niya. “Ipalagay na, pero hindi ka ordinaryong tao. May kakaibang biyaya ka na hindi taglay ng iba. At tila wala ka pang balak na isuko iyon batay sa mga ikinikilos mo ngayon. Bakit hindi na lang isa sa mga tao mo ang gumawa nito, lalung-lalo na yaong mga tunay na tumutoma? Kung mahalay ang mga endorsement na ganito sa isang menor de edad ay gayundin sa iyo.”, paliwanag ng anghel. “Illegal ba ito para sa akin?”, apila pa ng brodkaster. “Hindi, pero unethical…may kilala ka bang kapareho mo na gumagawa nito? Kahit mga laklakero ang mga kapatid mo ay ikinukubli nila ito as much as possible at hindi ginagawa sa publiko ang pagiging patay-lasing. May mga kilalang celebrity nga na kahit alukin ng malaking halaga ay ayaw mag-endorso ng alak at sigarilyo. Hindi mo pa ba naisip iyan?” Kahit medyo galit na daw ang anghel ay ayaw pa ring matinag ang program host. Sabi pa ng anghel, “Tunay na unethical ang inclusion ng ilang commercial advertisers sa buong mundo ng religious themes or the use of religious images and PERSONALITIES to sell products, e ‘di lalo na ang alak. Hindi ba nakalagay iyan sa p. 25 ng “Ethics in Advertising” na ipinalabas ng Pontifical Council for Social Communication ng Simbahang Katoliko noong 1997? By the way, pinaniniwalaan mo pa ba ito?”
“Bakit si Panfilo Lacson may Facial Care, si Richard Gordon may Safeguard, si Pia Cayetano may Downy, si Kiko Pangilinan may Lucky Me at si Chiz Escudero may Circulan? At saka bakit ka ba nakikialam sa akin??!! WALA KANG PAKIALAM BUHAY KO!!!”. Sa sunod-sunod na mga tanong na ito ay napahiya ang anghel at hindi kaagad naka-imik. Isang napakahabang katahimikan ang namagitan sa kanila.
Binasag ito nang malumanay na winika ng anghel, “Pasensya na kaibigan,…ituring mo na lang na hindi nangyari ang interview kong ito sa iyo, na hindi kita nakita at naka-usap. Nakalimutan ko na karaniwang pulitiko ka na nga rin pala ngayon...”, marahang ibinuka ng anghel ang kanyang pakpak at bumalik sa langit dala ang kanyang mga kagamitan. Malungkot na malungkot daw ito. Pero umaasa ang anghel na matapang na haharapin nito,.. itutuwid ang lahat at babalik sa kanyang kawan ang mamang iyon . Gagamitin niyang muli ang kanyang talento para sa tunay na Hari ng Sanlibutan. Muli siyang papasok sa loob ng liwanag mula sa "pagkaka-patapon sa dilim" at hindi na muling "magngangalit ang kanyang mga ngipin" kagaya nang mababasa sa ating Ebanghelyo sa araw na ito (Mt. 25:14-20).
Iyan din ang aking inaasahan noon pa man at ‘di lamang nang ako ay magising kaninang umaga....
Sunday, November 16, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment