Friday, November 28, 2008

Sulong Mindorenyo

Isang Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon sa ating lahat, lalung-lalo na sa ating mga panauhin (isa-isang banggitin ang kanilang mga pangalan) mga kasapi at pamunuan ng ating samahan. Magandang gabi po…

May kababaang-loob kong tinatanggap ang ibinigay ninyong tiwala sa akin bilang Pangulo ng Samahang Mindorenyo dito sa Hong Kong . Hindi madali ang gawaing ito kaya kailangan nating manalangin upang tayo ay maging isa,- iisa sa ating mga prayoridad, iisa sa ating mga pagpapahalaga at pagtatalaga ng sarili tungo sa pag-unlad ng bawat kasapi.

Ang pagpunta ng iba’t-ibang tao sa dayuhang bansa,- kagaya nating mga Pilipino sa Hong Kong ,- sa palagay ko ay magiging isa nang permanenteng tagpo sa pandaigdigang eksena. May krisis man sa ekonomiya, ang panlipunang puwersang ito ay patuloy na magtutulak sa mga tao upang tumungo sa ibayong dagat at maghanap nang maunlad na buhay, para sa kanila at kanilang pamilya hanggat ang labor export ay centerpiece ng istratehiyang pang-ekonomiya ng pamahalaan natin sa Pilipinas. Ngunit may mga bagay lamang na mahirap nilang maunawaan sa kalalagayan natin. Ang mahalaga ay hindi natin sinusuong at nilalampasan ang mga balakid na ito para lamang sa ating mga sarili.

Sa inyo na mga kasama sa samahang ito, nais kong ipabatid na higit kaylan man, ngayon natin ipakita ang ating pagkakaisa, pagtatalaga ng ating sarili tungo sa kaunlaran at kapakanan nating lahat. Ipakita natin ang dangal ng Mindorenyo. Maging kasing tatag tayo ng Bundok Halcon, ang ikaapat na pinakamataas na bundok sa bansa na matatagpuan sa ating Isla ng Mindoro . Kung kinakailangang umakyat tayo sa Mt. Tai Mo Shan at isigaw ang katagang “Mabuhay ang Occidental Mindoro” ay gagawin natin batbat man ng lumang tensiyong pulitikal at dati na ring kahirapan na nararanasan ng ating mga ka-lalawigan.

Dito sa Hong Kong ay namumuhay tayo at nabubuhay, nagta-trabaho tayo at gumagawa. Hindi lamang PARA SA IBA kundi KASAMA NG IBA. Isang bagay na hindi lamang para sa ating sarili kundi para sa IBANG TAO: sa ating pamilya at sa ating mga amo na kapwa masasabing pareho nating mga MAHAL SA BUHAY. Gayundin, ipinapakita natin ang ating pagiging alagad ni Hesus sa pamamagitan ng ating mga pagpapasan ng ating kanya-kanyang Krus sa araw-araw sa isang lupaing dayuhan, sa mga gawaing itinalaga sa atin ng Diyos.

Sa mga kapwa ko opisyal, buwagin natin ang pader na naghihiwalay sa atin at gawin natin itong tulay tungo sa ikauunlad at kapakanan ng bawat isa sa atin. Sa inyong lahat, hangad ko ang iyong mga panalangin at suporta. Sabay nating pag-alabin ang diwang dangal ng Mindorenyo sa ating mga puso…

Maraming salamat po at kasihan nawa tayo ng Diyos.

--------------
(NB: Inaugural Speech ito ni Ms. Criselda B. Marcelo na newly elected Chairperson or President ng Occidental Mindoro Association in Hong Kong na i-re-render niya sa kanilang Oath Taking sa Hong Kong sometime in December '08.-NAN)

4 comments:

  1. norman,
    pakisama din naman sa iyong mga ipino-promote na blogs itong http://www.triond.com/users/Moron+Savant
    salamat.

    ReplyDelete
  2. Sino po sila? Paki bigay naman ng clue para malaman ko kung sino pa kayo. Salamat sa pagbisita...

    ReplyDelete
  3. si ipe ito. yung dating janitor dyan sa ssc.

    ReplyDelete
  4. Ok. Kabibisita ko lang dun kanina. Global topics na ang tirada mo, a..

    Tatambay na ako sa site na 'yan. Marami na naman akong mapupulot mula sa dati naming janitor (he,.he,.he..)

    ReplyDelete