16th Birthday na ngayon ni Yobhel at sa pasukan ay mag-e-enroll na siya sa college. Dito lang sa San Jose. Nagbunga kasi nang maganda yung naging activity nila ni Ryan Corpuz noong October 25. Si Yobhel (o Yob) ay ang aking panganay at kaisa-isahang anak na lalaki. November 30 nang siya ay ipinanganak at siyempre birtdey niya tuwing Bonifacio Day na kapistahan din naman ni St. Andrew o San Andres.
Noong sanggol pa lang siya at hindi pa nabibinyagan, akala ng mga aktibista kong kaibigan noon ay sa kilalang rebolusyunaryo namin siya ipapangalan. Halimbawa ay “Andrew” (na variation ng “Andres” (Bonifacio)) o kaya ay “Karl”, “Sandino”, “Joma”, "Amado", "Crisanto" o "Ernesto" (na papalayawan ng "Che"). Nagbabasa ako noon ng isang babasahing binigay ng isang kaibigan na may titulong “From Darkness to Light” na inilimbag ng United Church of Christ of the Philippines o UCCP at isinulat ng isang Sharon Rose Joy Ruiz-Duremdez na hindi ko kilala kung sino. Isa itong modyul sa pagsasanay para sa pagpapamalay sa karapatan ng kababaihan sa Simbahan at lipunang Pilipino. Doon ko lang nalaman na ang salitang “Jubilee” pala ay mula sa isang salita na ang ibig sabihin ay “ram’s horn” o “tambuli” o “trumpeta” (o ang tunog nito) na kadalasang pinatutunog kada limampung taon. Ang “Jubilee” o “Hubileyo” ay mula sa salitang Hebreo na “Yobhel”. Sa mga magulang, may panahon pa bang mas sasaya kaysa sa pagsilang ng kanilang anak? Hindi ba’t dapat na hatid nito ay isang isang dakilang selebrasyon at hindi takot at pangamba? Pero bakit sa iba ay tila tumor o kanser kung ituring ang pagbubuntis?
Iyan ang kuwento kung bakit Yobhel ang kanyang pangalan. Siyanga pala, isa pang dahilan kung bakit hindi ko siya pinangalanang “Andres” ay dahil baka kako hindi ang mga kabayanihan ni Bonifacio ang kanyang masundan balang araw, o kaya ay ang mga yapak ni San Andres ng Galilea na kapatid ni Simon Pedro, kundi ang sa Andres na karakter sa isang kuwento sa komiks ni Carlo J. Caparas noon. ‘Yun bang si Andres na asawa ni Matilde (Sa loob-loob ko, ako na lang 'yun at 'wag na siya!)...
At palibhasa hindi lang naman ako ang may kagagawan kung bakit lumitaw si Yob sa Brgy. Bubog, idinugtong sa “Yobhel” ang “Viktor” na Russian version at male variation naman ng pangalan ng HIGIT na may kagagagawan sa kanyang pagsilang sa mundo,-ang kanyang nanay na “Victoria” ang buong pangalan. Para sa aming mag-asawa noon, ang kanyang kapanganakan ay isang celebration of victory!
Ngayong araw ay ang Unang Linggo ng Adbiyento at pasimula muli ng ating Liturgical Calendar. Ang “Adbiyento” kagaya ng itinuro sa atin ay mula sa salitang Latin na ang ibig sabihin ay “arrival” o “pagdating”. Sa Panahon ng Adbiyento ay may apat na kandila tayong sinisindihan sa sumisimbolo sa pag-asa, kapayapaan, pag-ibig at kaligayahan. Maliban dito ito ay isa ring Kristiyanong selebrasyon katulad ng Hubileyo. Mamaya ay bisita ng Saint Joseph-Cathedral Parish si Fr. Jerry Orbos, SVD para sa isang Advent Recollection na inisponsor ng Worship Ministry ng Parokya na dadaluhan namin.
Ang Advent ay paghahanda ng liwanag sa gitna ng kadiliman o wika nga, ‘from darkness to light’ na pamagat din ng babasahing binabasa ko noong 1992 na taon nang ipanganak si Yob.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment