Simula noong isa pa lamang akong gusgusing bata na naliligo nang hubo’t-hubad sa Ilog Pandurucan, ang Araw ng mga Patay ay isa sa mga araw na aming pinaka-aabangan sa loob ng isang taon. Maliban s'yempre sa Pasko. Panahon kasi ito ng paglipat ng venue ng aming mga kalokohan at katarantaduhan mula kalye, bahay at paaralan tungo sa sementeryo.
Ang pandedekwat ng mga mamahaling kandila at pagkain mula sa mga puntod ng mga negosyanteng Intsik at mga prominenteng tao, (na lalantakan namin sa tabing dagat. Yung atang ,ha... hindi yung kandila!), ang pananakot sa mga babaeng ka-edad namin para magpa-cute at kung anu-ano pang kabulastugan. Pero ang pinaka-paborito ko ay ang paglibot sa mga nitso at puntod ng namayapang anak ng Pandurucan na nag-iwan ng alamat, kuwento at kasaysayan sa aming musmos na isipan noon. Sisilipin lang namin ang kanilang puntod at pagkukuwentuhan nang bahagya ang kanilang mga adventure o kasaysayan. Oo, ang sementeyo man ay isang malawak na sanggunian o reperensya sa pagsusulat ng lokal na kasaysayan.
Halimbawa lang ay yaong puntod ng mga kilalang pamilya na biktima ng Philippine Airlines (PAL) plane crash sa Sablayan noong 1966 na may isang taga-Bubog na high school student ng Divine Word College of San Jose ang naka-survive; ang isang idol naming basketbolista na napatay ng isang matandang residente; ang isang high school student na artistahing binatilyo na namatay sa isang vehicular accident sa Caminawit kasama ang kanyang mga ka-klase na na-ligtas naman; ang kilalang piloto ng PAF na taga-Camburay at member ng Blue Diamond; ang tila-Robin Hood na lider ng mga armadong grupo hanggang sa siya ay mapatay ng mga military sa Magsaysay ; ang sharp shooter na dating miyembro ng Philippine Army na maraming sundalo ang tinarget at natapos ang kasaysayan nang kuyugin ng mga pulis at militar sa Magbay; ang aktibistang guro na binaril sa harap ng isang bangko bago mag-Undas; at iba pa. Ilan lamang ito sa mga kuwentong nasa likod (o ilalim) ng mga lapida ng mga taong bahagi ng kasaysayan ng bayan kong sinilangan. Mga taong namatay na hindi man tayo kilala at ni hindi natin naka-usap man lang. Mga taong nakilala lamang natin sa mga kuwento ng ating mga kababayan ngunit hindi personal nating wika nga ay naka-daupang palad.
Pero bakit pa tayo lalayo? Ang ating mga malalapit na kaanak o mahal sa buhay na pisikal na nahaplos tayo at nahaplos din natin. Sila na kahit papaano ay nag-isip para sa ating ikabubuti, ang mga asal at gawi na naka-impluwensiya sa atin, ang mga moral and material legacies na iniwan nila sa atin. Sila na nagpasaya sa atin sa iba’t-ibang paraan. Marahil sa kabila ng mga adhikain nila para sa atin ay mayroon din silang mga bagabag na taglay hanggang sa kanilang huling sandali sa mundo. Ngunit isa lang ang tiyak, ang buhay nila ang nagturo sa atin kung papaano mabuhay sa San Jose, sa Kanlurang Mindoro o saan mang lugar sa mundo…. katulad nina Tito Oca, ang 'maalamat' na si Tito Caloy at Tito Bert na dating Chief Tanod ng Brgy. Pag-asa, na sukob sa taon ang pagkamatay noong nakaraang taon. Sila ay magkakapatid. Isama na rin natin ang mga kapatid nilang nauna sa kanila na si Manuel (ang tatay ko) at Kapitan Addie (na halos bente anyos na naging Kapitan ng Brgy. Bubog). Alay ko sa kanilang ala-ala ang posting na ito.
Kagaya ng ating pag-alala na alayan sila ng dasal, alalahanin din natin,- tayong mga nabubuhay pa,- ang isa’t-isa. Tayo na patuloy na nakikibaka sa araw-araw sa ating sariling buhay, buhay-pamilya, buhay-pamayanan at buhay-lipunan. Tayo na naghahanap ng kahulugan ng ating buhay. Tayo na nagsisikap pa ring mabuhay, matuto, magmahal at makapag-iwan ng legacy o tatak Kristiyano. Ipanalangin natin ang isa’t-isa upang sa pamamagitan ng ating pananampalataya ay sumulong tayo sa pakikibaka kasabay ng pag-aalala sa inspirasyong iniwan sa atin ng mga mahal nating yumao. Upang kung sakaling dumating na rin ang ating oras ay katulad ni St. Paul ay maipagmamalaki rin natin na, “I have run the race, I have fought the good fight, I have kept the faith”.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment