Dalawang istasyon lang ng radyo sa Occidental Mindoro ang hindi pa nagpapatugtog ng mga awiting pang-Adbiyento at Pamasko,- ang Spirit FM at ang DZVT-AM na kapwa pag-aari ng Simbahang Katoliko at kasapi ng Catholic Media Network o CMN. May mga texter pa nga na nagtanong kung bakit hindi kami nagpapatugtog ng Christmas songs. At nung rally namin kontra anomalya sa Occidental Mindoro Electric Cooperative (OMECO) noong Biyernes, (Nobyembre 14) ay tinapatan (na naman!) ang aming sound system nang malakas na trompa na tumutugtog ng mga awiting pamasko.
Walang batas na nagbabawal sa pagkanta at pagpapatugtog ng mga ganitong awitin nang ganito ka-aga pero hindi ito wasto kung tutuusin ayon sa aral-Katoliko. Ang Adbiyento at ang Pasko ay pawang mga selebrasyon ng pagsamba. Alam at sinusunod ito ng sinumang tapat na alagad ng Simbahan. Sa ating paniniwala, hindi nararapat at ‘di pa angkop ang pagsasaya sa ganitong paraan kaakibat ng Pasko, sapagkat maituturing na ang mga aktong ito ay mababaw pa at walang ganap na kahulugan. Hindi pa ngayon panahon ng isang ganap na pagsasaya at selebrasyon kaugnay sa Pagsilang. Labas pa ito sa malawak na konteksto ng pagsamba at teolohiya. Hindi pa panahon nang pag-papatugtog at pag-awit ng ganitong mga kanta’t tugtugin.
Ginagawa lamang ito kadalasan sa mga commercial advertising o media organizations or stations na hindi pag-aari ng Simbahan o hindi pinamumunuan ng mga pari (o madre).
Sa Kalendaryong Kristiyano ang Pasko ay nagsisimula lamang sa ika-25 ng Disyembre hanggang ika-6 ng Enero o Epiphany. Ang Adbiyento naman, kagaya nang alam natin is the season of PREPARATION for Christmas at hindi CELEBRATION of Christmas at ang Unang Linggo ng Adbiyento ngayong taon ay magsisimula pa lang sa ika-30 ng Nobyembre. Magkaiba ang Adbiyento sa Pasko kagaya kung papaano magkaiba ang Lent sa Easter. May esensyal na gamit ang Christian Holy Days sa pagtuturo natin ng pananampalataya. Siyanga pala, dapat ay alam din natin ang pagkakaiba ng mga awiting pamasko sa Pang-Adbiyento. Bilin sa atin ito noon ni Fr. Gerry F. Causapin.
Sa ganitong aspeto, ang Adbiyento ay may malalim na kinalaman sa expectation and longing, a preparation for Christmas,- a great day of celebration. Kagaya nang kung papaano ang Lent ay isang paghahanda tungo sa kaganapan ng Easter. Umuusad at humahayon ang mga pangyayari sa ating buhay at hindi naka-himpil. Kung hindi ganito ang ating magiging pagtingin dito, hilaw ang ating magiging maagang pagdiriwang dahil mawawala ang katotohanan ng buhay na siyang unang nagbunsod sa panahong ito ng ating buhay pananampalataya. Na siya nang nangyayari sapagkat mas namamayani ngayon ang komersyalismo sa makabagong Pasko kaysa sa pam-pananampalatayang layon nito. Ang ganitong Pasko at pagsasaya ay pambubulabog lamang sa ating pagsamba. Kagaya nang ginawa ng OMECO na ginawang pambulabog lamang ang (mga awiting para sa) Pasko!
Matapos ang ganitong paghahanda ng sarili at sa buhay ay magiging ganap na ang Pasko sa atin at hindi ang mga ampaw at mabababaw na kaligayanang dulot ng mga awiting pamasko na inaawit at pinatutugtog sa mga himpilan ng radyo at mga bagay na pamaskong pinapalamuti sa mga commercial at paanunsiyo sa radyo at telebisyon. Kabilang ang iba pang kaugnay na bagay kagaya ng Christmas card, decors at Santa Claus na pawang mga bahagi lamang ng hiram na kultura at tradisyon na inilahok pa sa negosyo.
Sa pagtatapos ng ganitong paghahanda pa lamang tayo makakatagpo ng tunay at makabuluhang pag-asa at pananalig sa Diyos na naging bahagi ng kasaysayan ng sanlibutan, sa tunay na buhay ng bawat tao, sa mga bagay na magagawa at ginagawa natin kasama si Hesus ngayon. Konkretong halimbawa ay ang pagtutol sa pagmamalabis at katiwalian ng mga namumuno sa OMECO.
Magiging isa itong pagkakataon upang maging makabuluhan ang Kanyang muli ay “pagpapalaya sa Israel”. Siya ay darating at panunumbalikin at pag-iisahin ang lahat ng bagay. Naging kasa-kasama natin ang lumaki na at nagkaisip na na Sanggol sa Sabsaban sa ating mga panlipunang pagkilos. Kagaya nang pagigiit ng katarungan, pagkakapantay-pantay at katapatan sa pamumuno at pamamalakad sa OMECO.
Sa ganito, tiyak kong may hindi tayo nakikitang Kasama na nainis din sa pang-gugulo at pagpapa-tugtog nang malalakas na Christmas song sa ating rally noong Biyernes.…
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment