Wednesday, February 25, 2009
Hapon Na Naging Mangyan?
Ganito rin ang aking nararamdaman kapag naaalala ko ang pangyayaring ito. Ilang taon na kasi ang nakalilipas, may isang panayam sa radyo ang isa naming lider ng lalawigan at sinabi niya na kapag naaprobahan ang JPEPA (Japan-Philippines Economic Partnership Agreement) ay tuluyan nang maaayos ang pangunahing mga kalsada sa Occidental Mindoro. Blooper ito sapagkat alam natin na walang kinalaman sa pagpapagawa ng national highway ang nasabing kasunduan. Ang JBIC (Japan Bank for International Cooperation) baka pa mayroong kinalaman. Tampok din ito sa isang pinag-usapang blog post ng aking mga ka-lalawigan noon na maaari ninyong silipin ngayon dito.
Napapahalakhak sa isip nang mag-isa at halos katusan ko ang sarili sa pinaghalong tuwa at inis kapag naaalala ko ito...!
Pero hindi ito ang aking paksa ngayon. Naalala ko lang dahil usapang Japan ang bahig natin ngayon …
Kahapon ay may bisita kaming isang Japanse citizen na si Ms. Chiho Tanaka, Representative ng Volunteer Section ng Japan International Cooperation Agency o JICA. May isang programa kasi ang JICA na pagtutuwangan ng Social Services Commission (SSC) na opisinang kinakatawan ko. Pero hindi rin ang JICA Project na ito ang aking pupuntiryahin ngayon.
Bagamat hindi ito kasama sa itinerary o tunay na pakay kahapon ni Ms. Tanaka, may nakiusap sa amin na kapanayamin ng aming bisita ang isang matandang Mangyan, na 90 anyos na raw,- dahil may hinala ‘ata yung nakiusap sa amin na dating sundalong Hapon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang matanda na tawagin na lang nating Mang Simon. Tunay na may mga kaibigan ang matanda na naniniwalang siya ay isang Hapon. Sa palagay ko nga, mas sila pa ang naniniwala na Japanese straggler ito kaysa sa may katawan! Hindi kaya nase-second childhood na lang ang matandang katutubo?
Si Mang Simon noong medyo malakas-lakas pa ay malimit pumasyal sa ilang kaibigan sa sentrong bayan para bisitahin at tumanggap ng mumunting tulong mula sa mga ito. Kabilang ang ilang pari sa kanyang mga kaibigan. Kuwento sa amin ng isang malimit na maka-huntahan ni Mang Simon, ang matanda daw ay malimit nagsasalita ng lenguwaheng sa kanyang palagay ay wikang Hapon. Pero itong si Mang Simon kaylanman ay hindi nag-claim na siya ay Japanese soldier dati o tunay nga siyang Hapon. Simula kasi nang sumuko si Lt. Hiroo Onoda sa Isla ng Lubang sakop ng Occidental Mindoro, maraming umutlaw na urban legends na sa mga kabundukan ng Mindoro hanggang ngayon ay mayroon pang mga Japanese stragglers na nakikipamuhay sa mga Mangyan o dili kaya naman ay tuluyan nang pinangatawanan umano ang pagiging katutubo. Mga claim na authentic ang ilan pero mas marami ang peke o hoax kagaya ng kaso ng isang 85 anyos na Mangyan na si Sangrayban. Ang kaso ni Capt. Fumio Nakahira na natagpuan sa Mt. Halcon noong Abril 1980 ay napatunayang authentic. At marami pang kuwentong Japanese-Straggler-turned-Mangyan na mababasa sa registry na ito ng Wanpela.
Kahapon ay halos isang oras naming nilakad ang kinaroroonan ni Mang Simon sa Sitio Salapay, isang pamayanan ng mga katutubo sa Brgy. Monte Claro sakop ng bayan ng San Jose. Wala namang problema sa lakad, sanay kami sa ganitong lakaran. Kung minsan nga mas mahaba at mas matagal pa dito ang aming tinatahak. Tumawid kami sa patay na ilog at umakyat ng ilang gulod hanggang sa magharap na nga si Mang Simon at si Ms. Tanaka. Hinayaan namin silang magkasarili. Halos isang oras silang “nag-usap”. Agad silang pinalibutan ng mga batang katutubo, karamihan sa kanila ay kaanak ng matanda.
At komo mahuhuli na kami sa tunay naming pakay sa mga cooperative member na talagang may kinalaman sa JICA Project, kami ay bumalik na sa lugar na kinaroroonan ng aming sasakyan. Habang kami ay naglalakad tinanong ko si Ms. Tanaka tungkol kay Mang Simon. Isang matamis na ngiti lamang ang kanyang iginanti sa akin at isang misteryosong iling. Isa lamang ang tiyak ko, hindi na muling maghaharap pa si Ms. Tanaka at si Mang Simon kaugnay ng isyu ng pagiging straggler ng huli.
Hanggang kaninang umaga ay napapahalakhak ako sa isip nang mag-isa at halos katusan ko ang sarili sa pinaghalong tuwa at inis dahil naalala ko ito...!
-------
(Photo credit: www.wanpela.com.. Relatives of Lt. Hiroo Onoda waiting for him to come down from the mountains of Lubang, Occidental Mindoro)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment