Friday, February 6, 2009

Huli


Ang Balita:

Nahaharap ngayon sa kasong Robbery with Intimidation and Extortion ang isang kilalang local political propagandist na si Alex R. Del Valle. Nasakote ng mga pulis noong Miyerkules, ika-4 ng Pebrero, 2009 bandang alas 6:00 ng umaga sa pamamagitan ng isang entrapment operation ang mamamahayag sa Room 101 ng Mindorenyos Hotel sa Brgy. 9, sa Mamburao, kapitolyong bayan ng Occidental Mindoro, matapos umangan ng marked money na nagkakahalaga ng Isang Daang Libong Piso (P 100,000.00) na umano ay kinikil niya kay dating Congressman, dating Gobernador at ngayon ay Brgy. Captain Jose T. Villarosa, na mahigpit na political rival ni Gov. Josephine Ramirez-Sato. Si Del Valle ay Brgy. Kagawad din ng San Roque, sakop ng bayan ng San Jose.

Dinakip umano ang mamamahayag ng mga tauhan ni Police Senior Inspector Rollifer Jaure Capoquian kasama ang dating Vice-Mayor ng Mamburao na si Nilo Villanueva. Ayon sa pulisya, ang markadong mga salapi ay nakalagay brown envelope at kaagad nga siyang idinitine sa Mamburao Municipal Jail. Kahapon ay nakapag-lagak na ng kaukulang halaga ang suspek para sa kanyang pansamantalang paglaya.

Sa isang panayam kay Villarosa sa isang lokal na radyo, sinabi umano ni Del Valle na ang halagang ito ay para magkaroon ng “peace of mind” ang dating kongresista at para hindi na niya (Del Valle) umano “banatan” ito sa radyo. Si Del Valle ay may programa sa DZVT simula ala-1:00 hanggang alas-2:00 hapon tuwing Sabado na may pamagat na “SA TOtoo Lang..” Ilan sa mga maiinit na episodes ng programa ay ang kanyang panayam kay Joey De Venecia na anak ni dating House Speaker Jose De Venecia na dating kaalyado at family friend ng mga Villarosa hanggang sa maghiwalay na nga ng landas ang mga Villarosa at De Venecia dahil sa ZTE Scandal at mga bagong pulitikang kaganapan sa bansa.

Si Alex Del Valle ay dating regular announcer ng DZVT hanggang sa ito ay maalis at lumipat sa Bambi-FM na pag-aari ng pamilya Villarosa. Siya ay matagal na naging PR man o propagandista ng mga Villarosa hanggang sa lumipat ito sa kampo ni Governor Sato bago ang eleksyon noong isang 2007.

--------------

Ang Pagninilay:

Walang masama sa pagiging propagandista ni Alex Del Valle lalo na at kasama sa kanyang gawain ang pamamandila ng mga programa, proyekto at pampulitikang layon ng kanyang (mga) amo. Ang masama ay kapag lampas na ito sa pamantayang etikal ng isang diyaryista o journalist.

Kung totoo ang paratang, masalimuot at mailalagay sa tubig na mainit ang kanyang career lalung-lalo na sa pulitika. Kagawad pa kasi siya ng Barangay San Roque na binigyan ng mandato ng kanyang mga nasasakupan. Kung mapapatunayan, wala na siyang mukhang ihaharap sa kanyang mga ka-babaryo. Maaaring sa kangkungan ng kasaysayan siya damputin. Pero tanging batas lamang ang makapagsasabing siya ang maysala at anumang gawain na lampas sa itinatadhana ng batas at moralidad, may sala man siya o wala, ay paghamak na sa kanyang pagkatao.

Ang pangyayari ay magsilbi sanang mitsa upang suriin natin,- hubarin muna natin ang ating (partisan) political spectacles, kung ano ang sitwasyon ng mass media practitioners at mga media institutions sa lalawigan, inosente man si Alex Del Valle o maysala. Kung papaano tayo pinaglalaruan at ginagamit ng mga pulitiko sa lahat ng panahon lalung-lalo na kapag eleksyon. Kung papaano tayo pinupulaan, hinahamak, pinagtatawanan ng mga tao kapag naka-talikod. Mga taong hindi naman natin ginawan ng masama at vice-versa. Mga taong hindi naman natin kaaway o kagalit pero itinuturing tayong kaaway dahil lamang kagalit o hindi nila gusto ang ating mga amo. May ilan pa ngang mga kamag-anak natin na dahil sa pulitika ay hindi na tayo binabati. Wala na bang paraan para magsama-sama ang mga kagawad ng lokal na media sa isang tukoy na layuning para sa sariling kabutihan at kagalingan ng sambayanan at hindi ng mga pulitikong tunay na nagpapahirap sa bayan?

Ipalagay na na guilty si Alex Del Valle sa mga akusasyong ito, naging mas marangal na tao na ba tayo kaysa sa kanya? O baka naman siya lang ang nahuli o pinilit na hinuli dahil may mas malalim na pakay? Nangangahulugan ba ito na siya lang ang media man na gumagawa ng ganito sa Occidental Mindoro? O dahil matapang siya at pumasok siya sa bitag? O loko, super loko na kahit pa big time politician sa probinsiya ay lakas-loob niyang in-extort o in-intimidate? O talagang matakaw siya sa pera? Wala tayong dapat ipagmalaki at hindi tayo magiging mas marangal sa kanya kung hindi nga natin ginawa ang paratang sa kanya ay okey lang sa atin kung ang perang isinu-suweldo sa atin o tinatanggap natin ng legal ay mula sa mga pagawaing bayan kaya nasasakripisyo ang kapakanan ng mga mamamayan. Hindi ba katiwalian din ito sa ating panig?

Dapat ding magnilay ang mga namumuno ng lokal na istasyon ng radyo. Hindi komo ito ay paid program o “block timer” ay hindi na natin sila sagutin at wala na tayong pakialam sa kanilang mga pinagsasabi at tinatalakay sa mga programa sa ating himpilan o imonitor man lang nang maigi. Pera o revenue lang ba ang katapat nito sa atin kahit nagagamit na sa pansariling kapakanan at adyenda ng mga host at sponsors ang ating istasyon? Hindi ba puwedeng ang aspetong ito ng revenue ay ibaling na lang natin sa ibang social forces, kagaya ng mga international funding institutions,mga entrepreneurs, cooperatives, corporations o sa ating mga mission partners at iba pa imbes na sa mga pulitiko? Marami pang mga pamamaraang p'wedeng gawin.

Habang buhay mang makulong si Alex Del Valle ay hindi rin mababago ang katotohanang ang mayorya sa mga mamamahayag sa Kanlurang Mindoro ay lubos o tanging sumasalig lamang kaya napapa-ikot ng mga pulitiko. Kung wala kang nakikitang masama dito, may malaking krisis ka sa iyong pagpapahalaga at prinsipyo bilang tao at bilang Kristiyano...

Gusto ko lang idagdag, hindi alam ng mga ordinaryong taga-pakinig ang konsepto ng “paid program” o anumang aspeto sa marketing, technical at iba pa. Hindi nila alam ito at hindi sila entresadong malaman pa. Ang mahalaga ay kung ano ang isyu, kung sino ang kanilang naririnig at kung saan sila nakikinig. Sa kanila, basta kung saang istasyon ka nagsasalita ay taga-roon ka. Ikinukunekta nila ang sinasabi ng nagsasalita mismo at sa himpilang kanilang pinakikinggan. Hindi sapat ang “disclaimer” sa pang-unawa ng mga ordinaryong taong ito, kabilang yaong mga katutubo at ang masa na sinasabi nating tunay nating pinaglilingkuran. Libong beses ko na itong naranasan…

May pag-asa pa tayo, mga kasama,- tayong mga hindi nakikinabang (legal man o illegal, direkta man o hindi, maliit man o malaki, sinasadya man o hindi, kusa mang ibinibigay o pinipilit, at iba pa… Meron pa ba nito sa Occidental Mindoro?) kung gagawin nating salalayan ang pangyayaring ito sa ating mga pagninilay at gawain. May pag-asa pa tayo. Sabi nga ni Nick Quijano sa aklat na “News for Sale (The Corruption and Commercialization of the Philippine Media)” na ipinalabas ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) noong 2004 na sinulat ni Chay Florentino-HofileƱa, sa p. 24 :

“In spite of all these I still maintain a positive, and even optimistic, regard for all Filipino journalists. I am confident that even in the face of the wounding issue of corruption, most will still rise to the demands of their profession. ”

... kapag naihiwalay na natin ang mga kaanib ng lokal na midya na may pulitikal na pang-ilong at yaong mga wala at kapag may organisadong grupo ng mamamayan na magbabantay sa ating integridad!

6 comments:

  1. Anuman ang kinalabasan ng nangyari kay Alex ito ay katotohanan lamang na ang taong nagnanais magkaroon ng higit pa sa normal na dapat lamang sa kanya at ginamit na tuntungan ang pagiging medyas" este Media pla magkakaroon at magkakaroon ng katapat at makakarma.Kaya nia palang mag-bail ng 100thousand pesos bkit kinakailangan nia pang ipagbili ang kanyang prinsipyo at pagkatao? hindi dpat bigyan katwiran at sbihin na ang mga humuhusga sa kanya ay hindi marangal na tao, bagkus dapat maging leksyon ito sa mga katulad ninyong nsa radyo na ginagamit at mikropono upang manira ng isang indibidwal.Gawin lamang nio ang tungkulin at hindi dpat pumanig sa kung sino khit ang istasyon nio ay nakikinabang rito.

    ReplyDelete
  2. Sinisiraan ba ng mga media practitioner ang mga protektor ng STL kung "binabanatan" nila ito? Ang mga aborsiyunista, mga abusadong sundalo at rebelde o mga negosyante kaya? O kaya ang mga tiwaling pulitiko o ang lingkod bayan na ginagamit ang kanyang kapangyarihan o tungkulin para sa pansariling kapakanan na pawang may mga basehan naman kami? Depende iyan... Tiyak na may isang magagalit sa amin pero lalong hindi kami dapat manahimik. Lalung-lalo na kung lalagyan namin ng kapalit na pabor ang anumang banggitin namin sa mikropono. Kung kami ay magsasalita, dapat na sakop din kami ng etikal na pamatayan na itinatadhana ng batas, ng KBP o alinmang awtoridad at hindi ang sinumang grupo ng taong hindi awtorisadong magsabi kung etikal o hindi ang isang broadcast commentary at iba pa..

    Kaya walang karapatan ang sinumang tao o grupong may pulitikal na pinapanigan kung kami ay, katulad ng sinabi mo, "naninira ng isang indibidwal" o hindi. Mas higit naming tatanggapin ang puna na nanggagaling sa mga grupong wala sa loob ng pulitikal na bakod ng isang pulitiko kagaya ng mga nasa NGO, akademiya at samahang masa.

    Pero kung ang ibig mong ipakahulugan sa pagsasabing, "gawin lamang ninyo ang tungkulin ninyo.." ay magbalita na lamang kami ng straight at huwag nang mag-komentaryo ng malalim para hindi maka-sakit ninuman, pasensya na pero hindi namin ito gagawin. Magiging taksil kami sa aming prophetic role bilang mga mananampalataya...

    Ang masaklap, kadalasan ang ginagawang pag-puna ng isang partikular na mass media practitioner,- halimbawa sa isang pulitiko, ay ipinapalagay kaagad na pag-kampi sa kanyang katunggali. Iyan naman ang masaklap sa ibang kapanalig ng mga pulitiko, ang ipalagay na kaaway (o may kinikilingan)ang lahat nang pumupuna sa kanila. Ang masakit, kahit ang mga non-aligned o non-partisan ay kaagad na "isusumbong" sa kanilang mga amo na agad namang pinaniniwalaan. Naging biktima ako niyan kaya alam ko iyan.

    Tama ka, sana ay hindi dapat pumapanig sa kung sinong pulitiko ang istasyon namin, pero isama na rin natin pati ang mga istasyong pag-aari o pinamamahalaan ng mga pulitiko dito sa lalawigan. Maaaring sa palagay mo ay pwedeng hindi panigan o kontrahin ng mga istasyon ang mga may-ari o namamahala nito, pero sa palagay ko ay hindi. Kagaya namin, hindi mo rin kami aasahang mag-advertise ng mga contraceptives, ng alak o mag-announce ng resulta ng Lotto dahil kontra ito sa aming paninindigan. Hindi namin ito ii-ere hanggang kami ay radyo ng Simabahang Katolika. Kahit sabihing mayroon kaming pinapanigan. Ang Simbahan, maipaalala ko lang po sa inyo, ayon sa kanyang mga doktrina, kagaya ni Hesus ay may preferential option for the poor o pagkiling sa mga dukha. Kaya sa isang partikular na isyu, mas papanig, kakampi o papabor ang Simbahan sa mga mahihirap kaysa sa mga mayayamang pulitiko.

    Uulitin ko lang ang punto ko sa aking posting na tila pinalampas mo : Magkakaroon lamang ng integridad ang mga mamamahayag sa Kanlurang Mindoro kung wala ng impluwensiyado at makapangyarihang tao ang itinuturing nilang amo, pinakikinabangan nila at nakikinabang naman sa kanila. Mga mamamahayag na hindi sa mga may matataas na antas sa lipunan nakikipagniig at pumapanig kundi sa karaniwang taong ang tanging partisan political exercise lamang na ginagawa ay ang bomoto tuwing panahon ng eleksyon..

    Salamat sa puna at bukas ako sa patuloy na palitang-pananaw...

    Mabuhay ka!

    ReplyDelete
  3. hey dude,to be a tru media man is a sacrifice, huh?

    -Mindoro Turk

    ReplyDelete
  4. Kapag hindi humihingi (at tumatanggap) ng personal na pabor ang isang nasa midya mula sa mga mayayaman, impluwensiyado at makapangyarihang tao sa ngalan ng kanyang propesyon bilang mamamahayag ay kumikilos lamang ng tama na siyang magpapatibay ng kanyang integridad at kredibilidad. Sakripisyo ba itong maituturing o gumawa lang siya ng tama na siya namang dapat asahan sa kanya,- ask ko lang ha, dude?

    ReplyDelete
  5. Does it mean po ba na sa mayayaman, maiimpluwensya, makapangyarihang tao lamang hindi dapat makahingi ng personal na pabor ayon sa iyo ang pamantayan na may integridad at kredibilidad ang mga media practitioner? at kumusta naman,.. kung ang grupo halimbawa ang nagagamit at willing din naman ang grupong pumunta sa maimpluwesiyang taong yun na sama sama pang nagpupunta sa tahanan ng "Nenay" ng lalawigan? siguro masasabi nating may integridad at tunay na mamamahayag ang isang nasa radyo kung talagang alam mo sa sarili mo na " ni isang piranggot ng pinapadalang regalo sa iyo ay hindi mo tinanggap"hmmmm lets see the sacrifice dude!

    ReplyDelete
  6. Ewan ko po sa inyo, pero dito sa amin sa Occidental Mindoro, kadalasan ang mga may kakayahan lamang na regular na makapagbigay sa midya, kung sinumang mga may katungkulang tao (pulis, guro, bisita, at iba pa..) at sa mga botante ng mga bagay na may inaasahang kapalit ay ang mga mayayaman at maimpluwensiya.

    Dito rin sa amin, mga mahihirap ang madalas na nagbibigay ng mga maliliit na bagay na walang inaasahang kapalit at hindi ang mga maimpluwensiyang tao katulad ng mga pulitiko. Ang mga mahihirap dito sa amin ay mas inuuna ang kanilang isusubo kaysa sa isusuhol sa mga kagaya ng midya, at iba pa...

    Tama ka, hindi dapat humuhingi ng personal na pabor sa sinumang pulitiko, mayayaman o maimpluwensiyang tao ang isang media practitoner gaano man kaliit ko kalaki gamit man o hindi ang kanilang propesyon. Lalong masama kung sama-sama pa silang naghihingi ng pansariling tulong o personal na pabor (yaong labas sa organisasyong kanilang kinakatawan)at sabi mo ay, "sama-sama pang nagpupunta sa "Nenay" (kahit na sa "Gerlay") ng lalawigan..." Kotong in band na 'yun.

    Hindi naman masama ang tumanggap ng regalo. Labag naman sa kabutihang asal o kabastusan naman para sa nagmamabuting loob na nagbibigay kung hindi mo ito tatanggapin. Lalo na kung ang mga regalong ito ay hindi mo naman ito ikayayaman at hindi ikababago ng iyong usual life in an instant. Kung ang buhay mo ay mananatili pa ring ganoon. Halimbawa kung kahapon ay problema mo ang pamalengke at dahil lumapit ka sa pulitiko ngayon ay makakapamalengke ka na mamamaya. UUlitin ko, walang masama sa pagtanggap ng regalo kung sila ay walang inaasahang kapalit, o sa itong panig naman, igiit man nila o hindi, ay hindi ka gagawa ng pabor para sa kanila. Halimbawa kung hindi mo sila babanatan sa radyo kahit na palpak ang kanilang mga proyekto. Walang masama sa pagtanggap ng regalo kung ang mga ibinibigay naman sa ito ay kaya mo namang bilhin sa pamamagitan ng iyong maliit na kinikita. Pero wala rin kapalit siyang inaasahan at hindi ka rin magbibigay ng pabor, ha...

    Ang pagbibigay at ang pagtanggap ng anumang alay, handog, regalo ay hindi lamang depende sa motibo nagbibigay at binibigyan kundi sa pag-unawa, pagsusuri at pagtitimbang sa motibo ng mga nagbibigay sa atin at sa ating mga tumatanggap. Binigyan ng Diyos ang tao ng malakas na pandama para sa bagay na ito at konsensya para malaman kung ano ang tama at mali at pananampalatayang gagabay sa atin para sa tamang at moral na pagpapasya...

    Ipanalangin rin sana natin at huwag lamang tuligsain ang mga taong ito, o kaya ay patawarin at sana ay mapaglabanan ng ating mga lokal na midya ang temptasyong ito tuwing darating sa kanilang buhay. Kabilang na ako...

    Salamat, sa komento.. At mabuhay ang Kanlurang Mindoro!

    ReplyDelete