Thursday, February 19, 2009

Pit(i)kin! Part 3


Muli na naman naming nakaharap ang mga kinatawan ng Department of Energy (DOE) at Pitkin Petroleum Limited kahapon, hindi na nga lang sa mga pamayanan kundi sa aming sariling teritoryo. Pamilyar na pamilyar na ang mukha namin sa isa’t-isa sapagkat kami ay nagsilbing mga anino nila tuwing sila ay magpupunta sa mga pamayanan para isulong ang Oil Exploration Project dito sa aming lalawigan. Kasama ang mga kasapi ng Pamayanang Kristiyano, mga madre at katutubo, kami ang mga “aninong” bumubuntot-buntot sa kanila noong isang taon. Mga "aninong" bumuntot na rin marahil ng kanilang mga bangungot noon.

Oo, muli na namang napag-kikita dito sa Occidental Mindoro ang mga tauhan ng DOE at Pitkin upang muli ay in-introduce ang tinatawag na Service Contract No. 53. Ang Oil Exploration Project na ito sa isla ng Miindoro at paksa na sa aking mga nakaraang posting na muli mong mababasa sa kategoryang "Pagmimina" ng binabasa ninyong blog ngayon o kaya ay sa posting na ito. Ito ang ilan sa mga dahilan kung bakit dapat na tutulan ang proyektong ito.

Sa kanilang presentasyon na ginanap sa Chancery Building ng Bikaryato Apostoliko ng San Jose kagabi, ika-18 ng Pebrero 2009, sinabi ng mga tagapagsalita ng dalawang ahensiya na target nilang makapaglunsad ng mga asembliya sa dalawampung (20) barangay na sasakupin ng proyekto. Muli nilang susuyurin (at susuyuin)ang tanggapan ng ating mga lokal na halal na lider, kabilang ang mga organisadong grupong pampamahalaan at pribado para ipaliwanag at payagan sila sa gawaing ito.

Sa muling pagsulyap sa mga nakaraan nilang gawain noong isang taon, ang kanilang isinagawang Magneto Telluric Survey (MTS) ay hindi umano siyento porsyentong natapos. Otsenta’y tres porsyento (83%) lamang umano ang kanilang natapos. Mula rin sa orihinal na target na anim (6) na bayan, apat na lang ngayon ang isasailalim sa tinatawag na 2D Seismic Survey. Ang apat (4) na bayang sasakupin na lamang nito ay ang mga bayan ng San Jose, Rizal, Calintaan at Sablayan. Dalawampung (20) barangay naman ang tatamaan nito. Ang Gen. Emilio Aguinaldo, Burgos at Ligaya sa Sablayan; Concepcion, Iriron, Malpalon at Poypoy sa Calintaan; Sto. Nino, San Pedro, Adela, Rizal (Limlim), Pitogo at Aguas sa Rizal; at sa San Jose naman ay ang mga barangay ng San Agustin, Central, San Isidro, Camburay, La Curva, Magbay, Bagong Sikat at ang minamahal naming barangay ni Aiza, ang Brgy. Bubog, ang modelong barangay ng lalawigan. Tinatayang aabutin sa pitong taon ang exploration phase ng proyekto na maaaring ma-extend nang hindi lalampas sa tatlong taon.

Sa matuling paliwanag ang Seismic Survey ay isang pamamaraang gumagamit ng sound waves upang malaman ang uri, kalidad, lalim at lapad ng mga bato sa ilalim ng lupa. Ginagamit ito sa paghahanap ng langis, natural gas, tubig pati mga mineral. Layunin nito na maka-kalap ng dagdag na geophysical na datos upang kumpirmahin ang resulta ng naunang nang isinagawang Magneto-Telluric Survey. Ito ang gawaing magpapatibay ng desisyon kung tutuloy sa susunod na hakbang ng pagtitiyak kung may sapat na langis sa bahaging ito ng ating lalawigan. At ang susunod na hakbang na ito ay ang pagbubutas o drilling. Ang drilling operation ay pangungunahan hindi lamang ng DOE at Pitkin kundi ng Philodrill Corporation at Anglo Philippine Holdings Inc. at Basic Petroleum.

As usual, sa presentasyon ng Pitkin ukol sa SC 53 kagabi ay walang bago. As expected, punong-puno ito ng mga pangako na pangangalagaan nila ang kalikasan at wala umano silang puputuling puno at sisiraing lupa at igagalang din umano nito ang buhay ng mga hayop-ilang. Yun naman daw tungkol sa dinamita o pagsabog, wala naman daw dapat ikatakot sa lindol sapagkat mahinang putok lang naman ang kailangan dito at gagawin daw ito nang malayo sa mga kabayanan. Idinagdag pa nila na ang mga ginamit na dinamita ng Philippine National Oil Company noong taong 1981-1984 ay mas malakas pero hindi ito lumikha ng paglindol sa isla.

Ipinagdiinan din ng aming mga bisita kagabi na ligtas, epektibo at hindi mapanira sa kapaligiran ang gawain. Hindi na raw kailangang magsagawa pa ng Environmental Impact Assessment (EIA) ang proyekto dahil daw sa Memorandum of Agreement (MoA) noong 1999 sa Pagitan ng DOE at Department of Environment and Natural Resources o DENR. Sabi nila….

Mukhang magiging paspasan ang gagawin nilang tirada sa Oil Exploration Phase 2 o ang 2D Seismic Survey dahil ayon na rin sa DOE at Pitkin, hindi p’wede sa tag-ulan ang kanilang instrumento. Mayroon din silang mga eskemang inilatag at na kung saan ay ika-klaster ang bawat bayan at munisipalidad at doon na lamang isasagawa para umano iwasan ang Lupaing Ninuno ng mga katutubong Mangyan.

Sa pagtatapos ng kanilang presentasyon, lumapit sa akin si Engr. Winky Pangilinan ng DOE (na nakilala ko nang kami ay parehong inanyayahan ng Sangguniang Bayan ng Magsaysay sa kanilang session last year. S'yempre, pabor siya at ako naman ay against..) at sinabi : “Long time no see…”At sagot ko sa kanya, “Kita na lang po tayo uli sa mga host community…”

Pitikin ang Pitkin!

--------
(Credit : Social Services Commission (SSC) File Photo taken by Ms. Teresita D. Tacderan)

4 comments:

  1. pahiram ako ng ibang data mo.update ko paper presentation ko sa school. Pakisabi kay tess credit ko rin photo niya. kasi sa sablayan lang mga photos ko.

    ReplyDelete
  2. No problem.

    Lulubog yang mga taga-Pitkin na 'yan ora mismo sa mga lugar na binanggit ko at patuloy pa rin nating titiyakin na talagang sumasang-ayon ang mga taga-community at hindi lutong makaw ang gawing mga konsultasyon. Yung EIA ay dapat pa ring igiit. Nasa proseso sila ngayon ng paghingi ng mapa sa NCIP pero hindi pa sila nakakakuha. Para daw maiwasan ang mga lipaing ninuno...

    Sa ilalim kasi ng IPRA, anumang proyekto sa pamayanan, maliit man o malaki, ay dapat na dumaan sa Free Prior and Informed Consent (FPIC)ng mga IP kaya hindi pinaniniwalaan ng mga Mangyan ang DOE-DENR Memo na sinasabi nila...

    ReplyDelete
  3. Teka nga pala, why don't conduct a study on the impact of mining to women?

    ReplyDelete
  4. Pwede naman mag-launch ng forum to specifically discuss the effects of mining to women. Kasi according to studies, women and children particularly bear the brunt of mining in many areas in the world. Suggestions ko lang po: pwede itong gawing tungtungan sa kampanya against mining.Pwede rin itong dalhin sa Women's Month.

    ReplyDelete