Monday, February 16, 2009
Sumuko Na
Matapos ang halos anim na buwang pagtatago sa batas ay sumuko na rin kaninang umaga sina Bokal Randolph “Randy” Ignacio ng Unang Distrito ng Kanlurang Mindoro at dating bokal na ngayon ay Assistant Provincial Agriculturist (APA) Peter Alfaro kasama ang close-in security ni former Mamburao Mayor Joel “Big J” Panaligan na si Gaspar Bandoy. Matatandaan na noong Setyembre 2008 ay inisyuhan ng Warrant of Arrest ang tatlo sa kasong Serious Illegal Detention na isinampa sa kanila ni Romulo de Jesus, Jr., guro sa isang paaralan sa nasabing bayan. Kasama ng tatlo sa mandamyento de aresto ang isang Judy Lorenzo na kasalukuyan pa ring at-large. Ang warrant ay ipinalabas ni Judge Ulysses Delgado ng Regional Trial Court (RTC)- Branch 44 sa Mamburao sa rekomendasyon ni Provincial Fiscal Levitico Salcedo.
Ang kaso ay isinampa umano ng mga kaanak ni De Jesus laban sa apat kasama ang ilang John Does. Ang nagsakdal na si De Jesus ay kasalukuyan pa ring at-large dahil naman sa isang kasong may kinalaman sa umano ay pandaraya noong nakaraang halalan noong 2007 na mababasa sa http://i-site.ph/blog/?p=202.
Ang pinag-ugatan, kung tutuusin ng kasong ito ay ang umano’y ballot switching incident na nangyari sa Mamburao Central School noong nakaraang halalan noong 2007 dito sa amin, na noon nga ay kandidato itong si Ignacio habang Provincial Campaign Manager naman ng Dream Team (taguri sa political group ni Gov. Josephine Y. Ramirez-Sato) noon si Alfaro.
Noon pa man ay may mga higing-higing na na lalabas sina Alfaro at Ignacio sa unang bahagi ng taon at kaninang umaga, bandang alas 8:00 at iniskortan sila ng PNP Provincial Director PSSupt. Ceasar Daniel Miranda papunta sa RTC-44. Matapos na dumaan sa ilang proseso sa hukuman ay agad na kinalaboso ang dalawa at kasalukuyang naka-kulong sa Mamburao Provincial Jail.
Sa ganitong mga sitwasyon at komo ang Serious Illegal Detention ay isang heinous crime, walang bail recommended dito. Ang tangi na lamang magagawa ngayon ng kampo nina Alfaro at Ignacio ay ang maghain ng Petition for Bail sa hukuman. Itinaggi naman ng kampo ng mga katunggali ng dalawa sa pulitika na may direktang kinalaman sila sa pagsasampa ng kaso.
May ilang mga kritiko din ng kampo ni Governor Sato na nagsasabing kahit papaano ay liable ang gobernadora sa pagkakanlong sa dalawa noong nagtatago pa ang mga ito sa batas. Kinukuwestiyon din ang umano ay patuloy na pagtanggap ng honorarium at suweldo ng dalawa habang sila ay naka-puga. Ayon pa rin sa kanila ay dapat noon pa sinuspinde ni Vice-Governor Mario Gene J. Mendiola si Ignacio matapos ang kung ilang araw na siyang absent sa Sangguniang Panlalawigan (SP) Session…
Abangan lalo natin ang susunod na kabanata….
…. pero kailan kaya magiging ‘sing dalisay ng tubig-ulan ang pamumulitika dito sa atin?
---------
(Photo grabbed from http://laylasphotoblog.blogspot.com )
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment