Wednesday, February 4, 2009

Sanib Pulitika


Maigting ang panawagan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa kanyang mga kaalyado sa pulitika: “The unification of Lakas and Kampi must now proceed in earnest and with deliberate speed”.

Ang atas na ito ni GMA ay kanyang ibinulalas sa Executive Meeting sa stalwarts ng dalawang partido noong Huwebes, ika-29 ng Enero, 2009 sa Mimosa Hotel sa Clark, Pampanga. At sa layuning ito ay itinalaga niya si Sec. Gabriel Claudio, na kanyang political adviser na siya ring tatayong head ng bagong tatag na Consolidation and Unification Committee na titiyak na hindi “magsasabong” ang dalawang pro-GMA party sa 2010. Idinagdag pa ni Madam Gloria, “Guided by a common vision and united by a sense of purpose with the best interest of the people at heart, I now ask you to work on a merger with Kampi and fortify the ranks of our merged party so that we may face the electoral process of 2010 with righteousness and confidence.”

Layunin din umano ng Komite na maging responsible sa pade-determina at pagsasa-aktibo sa mga pamantayan at mekanismo sa pagpili ng kandidato sa halalan sa isang taon sa mga posisyong pambansa.

Alam natin na dito sa atin, ang "Dos Marias" sa ating pulitikang lokal ay isang Lakas at isang Kampi. Sinabi ni Claudio sa isang hiwalay na panayam na iniiwasan ng Pangulo ang paghaharap o “engkuwentro” sa pagitan ng mga kandidato ng Kampi at Lakas sa antas lokal kagaya nang nangyari noong 2007. Nagangahulugan ba ito nang pagsasama sa tiket ng dalawang Madam ng Occidental Mindoro sa ilalim ng iisang political banner sa 2010 at hawak-kamay na silang mag-a-appear sa mga campaign sortie? Kung hindi, sino sa kanila ang kakalas sa merger? In the first place, mangyayari kaya ang merger na ito?

Huwag munang mag-alala yung mga lokal nating pulitiko na hindi pa emotionally prepared makasama sa pangangampanya ang kanilang mga dating kagalit at katampuhan o ka-“LQ”. Hindi pa ito sementado. May hassle pang naka-amba’t nakikita. Maaaring maging killjoy ang mga taga-Lakas na loyal (kung may natira pa..) kay Congressman Jose De Venecia at i-frustrate ang merger. Isa pa, mismong si dating Pangulong Fidel V. Ramos, na titular head ng Lakas-CMD ay tutol din daw dito sa dahilang hindi pa niya idini-disclose.

May panukala pa nga pala si Ex-Senator Heherson Alvarez, Executive Vice-President ng Lakas : “We want the merger to start from the bottom.” Ibig sabihin, kung walang pagsasanib sa lokal, walang totoong merger na magaganap. Naniniwala akong walang mangyayaring pagsasanib at least sa local level. Sa huli, kanya-kanya pa rin ‘yan. At pareho silang makatitiyak ng pambansang ayuda sa kampanyahan sa 2010 sa usapin ng logistics, endorsements at iba pa.

Mahahati lang ang partido sa dalawa. Kagaya ng Liberal Party-Atienza Wing at Liberal Party-Drilon Wing noon na sabi ko nga ay pinaghiwalay lang ng “wings”. Depende ‘yan kaninong political “whisper (?)” sila mas makikinig. Sasablay ang dalaw mo (what I mean is,- ng s’yota mo sa iyo…) pero hindi siguro ang hula ko. Period!

Wala nang biruan, sa Occidental Mindoro pagkatapos ng eleksyon, sa mga posisyong pambansa ay mananaig pa rin ang oposisyon. And as usual, wala na silang pakialam sa resulta ng pambansang halalan. Kung sino ang ating mga ibinoto at nanalong senador, bise-presidente at maging presidente. Kagaya kung papaano wala na silang pakialam kung dinaig halimbawa nina Loren at FPJ sina Kabayang Noli (na talagang “kabayan” natin sa Mindoro) at Tita Glo noong 2004. O kung ang mga mamamayan man ay bumoto sa administrasyon o sa oposisyon.

Pagkatapos ng 2010, ang key leaders pa rin ng dalawang local political groups ang ating iboboto at mananalo. May tig-isang term pa kasi sila. Ang crucial at importante lang sa kanila ay ang bilang ng mga alkalde, bise-alkalde at mga bokal kanilang maipapanalo at ma-iluluklok. At doon nila labis na itutuon ang kanilang pondo at ilan pang rekurso, estratehiya sa kampanya, - sa loob man o labas ng batas panghalalan.

Tiyak na magiging magastos ang halalan sa 2010 dahil pati ang mga kasong isasampa sa hukuman resulta ng reklamong pang-eleksyon (sa alinmang antas ng proseso nito) ay kanilang pinansiyal na pagha-handaan. Hindi ka nakatitiyak na makaka-upo ka o mag-iinit ang iyong puwet sa puwesto lalung-lalo na kung ilang pulgada lang ang iyong lamang. Kaya titiyakin nilang dapat ay milya-milya ang layo nito sa kanilang kalaban para makalusot sa asunto sa huli. S’yempre, ang lalim at balong ng kanilang balon ng kuwarta sa kampanya ang siyang magtitiyak niyon! Hindi man natin maibulgar dito kung saan nila ito huhugutin, alam na ninyo kung papaano at saan nila ito babawiin. At kapag bumaha ang kuwarta sa eleksyon, mas maraming nguso ang mamantikaan kaya maraming dudulas (at dadalas) magsalita (o mananahimik dahil mamumu-alan ng sebo!).

Kaya ang mga bata’t baguhan ngunit may kakayanan, mararangal, matitino at karapat-dapat na mga pulitikong walang sapat na pondo ay mag-dadalawang-isip na seryosohin ang kanilang kandidatura o tuluyang aatras na lang. Ang pulitika dito sa atin ay paikot-ikot na lang na parang asong pilit inaabot ang sarili niyang buntot…

Pagkatapos ng 2010,- taga-administrasyon man o taga-oposisyon ang maging pangulo, VP o ang mayorya ng senador at kongresista ay mananatili ang eksena sa larawang makikita sa itaas: Para silang very close at parang magkaisa sa layunin na parang hindi nagka-kanya-kanya na animo tunay na magkatuwang sa pagpapa-unlad ng lalawigan. Oo, mananatiling ganito ang larawan sa itaas…

…. hanggang hindi natin naiisip na kung hindi na talaga mababago ang mga bida sa ating “pelikula ng pulitika”,- ang mga ekstra, ang iskrip, mga eksena, telon at entablado na lang ang ating repormahin sa pamamagitan ng non-partisan means…

---------
(Photo courtesy of Allan Potestades of AVSJ Bigkis Balita)

3 comments:

  1. Galing naman ng picture nilang tatlo> Di ba bawal magpicture ng tatlo kasi mamalasin yung nasa gitna? Mabuti na lang nagpapicture sila. Sana magkatotoo ang pamahiin!
    Kahit pa parehong umupo si Girlie at si Nene, pareho pa rin. Wala pa ring mangyayari sa lalawigan dahil para sa 2 babae, mas mahalaga ang kapangyarihan.
    Kung titingnan, dahil sa 2 babae ang umupo bilang lider ng lalawigan, sasabihin na Gender Sensitive talaga ang pulitika sa atin at tiyak na sasabihing empowered na ang mga kababaihan. Ngunit ilang kababaihan o grupo lang ba ang na-empowered? Kung magkakaroon ng malalim na pag-aaral sa kalagayan ng mga kababaihan sa ilalim ng pamamahala ng 2 babaeng ito,tiyak na bagsak katulad din ng pagbagsak sa ilalim ni GMA.
    Sana naman magkaroon na ng bagong mukha sa eleksyon! Nakakasawa na ang 2 babaeng ito!

    ReplyDelete
  2. Sabi ni GMA sa picture, "sige, pag nagkurutan kayo, papaluin ko kayo ng mikropono!"
    Sabi ni Girlie, "ako ha, wala akong ginagawa, nakangiti lang ako."
    Sabi ni Nene, sabay punas ng pawis, "hmppp, imbiyerna... mamaya ka lang... pag-alis ng babaeng may nunal!"

    ReplyDelete
  3. To Eunice : maganda ngang punto na suriin rin ito sa perspektiba ng feminismo sa lalawigan...

    To Anonymous : Okey na photo caption 'yan a. LOL!! Salamat...

    ReplyDelete