Thursday, July 31, 2008

Pundido Na


Hindi notaryado kaya sarkastiko ang pagkaka-banat ng dalawang dokumento na may isang linggo na umanong ikinalat sa buong lalawigan. Pero okey lang. Nag-litanya ang mga ito ng umano’y anomalya sa loob ng Occidental Mindoro Electric Cooperative (OMECO) at ng General Manager (GM) nito mismo. Dalawa ang ipinamudmod na liham sa media, mga bahay, tanggapan at indibidwal,- isang English at isang Tagalog. At kahapon ko lang ito nabasa.

Patuya kundi man satiric ang estilo ng sumulat at isa lang ang tiyak ko: marami itong nalalaman sa loob ng nasabing tanggapan. Detalyado ang kanyang figures at legitimate din naman ang kanyang (kanilang?) concerns. Balita ko ay hindi pinag-ukulan ng pansin ng Board of Directors (BOD) ng OMECO ang nilalaman (o ang mga akusasyon) ng liham dahil sa “hearsay” lang ito,... kasi wala nga naman itong lagda at wala ring legal bearing. (“moral” meron tiyak!) Nangangahulugan rin ba na walang katotohanan ang mga bintang na ito dahil anonymous ang gumawa? Tama ba ang katwiran na hindi ito p’wedeng imbestigahan ng BOD dahil sa hindi nagpakilala ang nag-aakusa?

Maraming paratang,..may opisyal, may personal. Kumbaga sa putahe ay Chop Suey na. Sige, subukan nating ilagay sa kapsula ang laman ng “palibot-liham” na ihahanay ko nang patanong:

More or less 2 M pesos na nga ba ang kabuuuang utang ng OMECO sa National Power Corporation o Napocor ngayon? Lumobo na nga ba sa 1 Million Pesos ang hindi na-liquidate na cash advance ni GM Alex C. Labrador? Umaaabot nga ba sa P 30,000 ang halaga ng foodstuff na buwan-buwang isinusuhol ng GM sa mga Napocor at National Electrification Administration (NEA) officials sa Maynila? Nag-hire nga ba sila ng isang System Loss Consultant na P50,000 ang sweldo kada buwan? May kutsabahan nga ba si GM at ang kanyang Finance Manager? Hindi nga ba transparent ang inyong Monthly Financial Report? Totoo bang gumastos ang OMECO Board sa kanilang recent travel sa Lubang ng halagang P200,000 simula June 23 hanggang July 1, 2008?

Sampol pa lang ‘yan at hindi ko isinagad. Hindi ko na isinama ang mga sa tingin ko ay masyadong personal o kaya naman ay walang direktang kinalaman sa mga OMECO Member-Consumer na katulad ko....

Noon ko pa sinasabi na mapupundi at mapupundi rin ang mga Mindorenyo at parang kidlat nilang ibubuga ang kanilang mga hinaing at galit. Mga pagkilos na hindi na kailangan pang ipa-notaryo sa abugado!

Tuesday, July 29, 2008

Sa Bahay Lang...


“Ilan ang anak mo?”, tanong ko sa ka-kuwentuhan kong Barangay Tanod. “Lima,. sampung taon ang pinaka-matanda.”

“May trabaho ba ang misis mo?” “Wala,.. sa bahay lang.”

“Anong ginagawa niya sa araw-araw?” “Madaling-araw siya kung gumising, nag-iigib ng tubig, nagwawalis ng bakuran, nagluluto ng almusal. Sa bandang pa-tanghali, maglalaba at pagkatapos ay pupunta sa tumana at mangunguha ng gulay. Pagkatapos ay magluluto, mag-papaligo ng mga bata at magpapa-suso ng aming bunso at pangalawa sa bunso.”

“Umuuwi ka ba tuwing tanghali?” “Hindi na.. malayo, e. Nagpapa-hatid na lang ako ng baon sa kanya.- mga tatlong kilometro ang layo ng Barangay Hall namin...”

“At ‘pag uwi niya?”, “E,‘di patutulugin niya ang mga bata o aalagaan. Bago magluto ng hapunan ay magpapakain siya ng baboy at magpapatuka ng manok. Maghahanda siya ng hapunan para sa pag-uwi ko ay kakain na kami.”

“Nahihiga ba siya kaagad pagka-tapos ng hapunan?” “Mas nauuna akong natutulog. Marami pa siyang ginagawa bago matulog. Naghuhugas ng plato, tumutulong gumawa ng assignment ng mga bata, nanunulsi at namamalantsa. Alas diyes na ng gabi kung siya ay mahiga. Kapag may ronda kami, hihintayin niya akong umuwi at sabay kaming maghahapunan.”

“Sabi mo walang trabaho ang misis mo?” “Wala nga,... sa bahay lang siya!”

--------------
(Kadalasan, ang pananaw nating mga kalalakihan sa salitang “trabaho” ay yaon lamang may sweldo at ginagawa sa ‘workplaces’ at hindi sa bahay. Wala bang gender sensitivity awareness program ang mga barangay official dito sa Kanlurang Mindoro o related topic man lang kaya sa mga seminar?)

Patabaing Biik



“Intex Resources has also undertaken nursery development activities,
producing over 27,000 seedlings for fruit-bearing trees and industrial crops such as abaca, rattan and bamboo, thereby reducing “slash-and-burn” or “kaingin” practices....”

“Another 100,000 seedlings are also raised in separate nurseries for the eventual
reforestation programs within and surrounding the exploration area. Eventually this will contribute to the protection and preservation of Mindoro’s watershed – a key aspect of responsible mining.....”

(From Intex Resources Press Statement; May 16, 2007)

--------
A,... ang Occidental Mindoro pala (ang kalikasan o ang watersheds dito)ay parang biik na palalakihin muna, patatabain at saka kakatayin?

Friday, July 25, 2008

Iligtas ang Calawagan at Calavite


Upang siguro ay lubusang ma-protektahan ang ganda at yaman ng kalikasan sa bayan ng Paluan, lalung-lalo na ang pamosong Bundok Calavite at Calawagan River (na makikita sa larawan sa gawing kanan),- ay pinagtibay ng Sangguniang Bayan (SB) nito ang Resolution No. 16; Series of 2008. Pinagtibay ito sa pamamagitan ng SB session noong Mayo 19, 2008. Matingkad na binabanggit dito ang “vehement objection ..... to any large scale operations...” na maaaring i-propose (o buksan) sa kanilang munisipalidad. Ang resolusyon ay isinulong ni Hon. Michael O. Diaz na unanimously approved naman ng SB. Attested ito ni Municipal Vice-Mayor at Presiding Officer Edgar P. Barrientos at inaprobahan ni Mayor Abelardo S. Pangilinan ng nasabing bayan.

Bagama’t ito ay isang resolution lang (as we all know and isang reso ay temporary lamang), maganda na rin itong take-off sa mga anti-mining moves doon. Kumbaga, may ulo na ng pakong pupukpukin. Mayroon nang uumpisahan sa pag-uusap. Sabi nga sa isang bahagi ng dokumento: ”...large-scale mining operations would endanger the environmental integrity of the whole municipality to the detriment of the present and future generations of Palueños...”

Maliban kina Diaz, Barrientos at Pangilinan, lumagda din sa resolusyon sina Hon. Demosthenes R. Viaña, Antonio L. Tinaliga, Willard F. Sanchez, Joemarie T. Velandria, Melvin T. Tagumpay at ABC President Lynette C. Torreliza.

HV Kuwarenta


Narinig ko sa DZVT kani-kanina lang ang mensahe ni Occidental Mindoro Bishop Antonio P. Palang tungkol sa 40th Anniversary ng “Humanae Vitae”. At ang pananaw niya sa kabanalan ng buhay sa diwa ng sulatin.

Eksaktong 40 anyos na ngayong araw na ito ang “Humanae Vitae”. Ang Encyclical Letter na isinulat ni Pope Paul VI dahil ika-25 rin noon ng Hulyo taong 1968 nang ito ay isa-publiko. Sa kanyang sampung taong panunungkulan, wala nang sumunod pa ditong encyclical si Pope Paul VI.

Pero ganito ko lang ka-simpleng naunawaan ang (mensahe ng) “Humanae Vitae”: “Kayong mga mag-asawa, maging responsable kayo. Magsama at magtuwang kayo hindi lamang sa sarap kundi PATI sa hirap. Huwag lamang PAG-PAPASARAP ang inyong isipin at gawin. Ang pagpapahalaga sa karapatan at responsibilidad ay ang UNANG HAKBANG sa pagpapabanal ng buhay mo at ng iba.”

Ang pandaigdigang sitwasyong mag-asawa simula noong 1968 hanggang sa kasalukuyan ay nagpapatuloy at lalong lumalala kaya nananatiling napapanahon pa rin ang mga panawagan at hamon ng Simbahan na naka-ukit sa “Humanae Vitae”. Ang kontrasepsyon ayon sa ilang datos ng Simbahan ay naging daan sa penomenal na pagtaas ng antas ng mga kaso ng adultery at out-of-wedlock births.

Kabi-kabilang batikos din ngayon ang inabot ng mga lider Katoliko partikular si Arsobispo Jesus A. Dosado, CM ng Ozamiz. Ito ay dahil sa kautusan nitong huwag bigyan ng komunyon ang mga pulitikong sumusuporta sa umano’y anti-life bills.

Sabi naman ng iba, huwag lang ilimita ang communion ban sa mga pulitiko. Isama pati ang mga PARI! Ipagbawal din ang pagpapa-komunyon ng mga paring Katoliko na sexual molesters and offenders (lalung-lalo na yung mga pedophile!), nagpapa-gamit ng kontraseptibo o nagpa-abort ng/sa kani-kanilang sekswal partners, at yung mga hayagan o patagong sumusuporta sa mga pulitikong nag-susulong ng anti-life bills kapalit ng limpak-limpak na donasyon para sa pondo ng parokya....(?)Ewan...

Change topic. Paalala pa nga ng isang pari na si Fr. Paul Marx, “When you sow contraception, you reap abortion..” At ang mensaheng iyan ay para sa lahat: pagano, binyagan, pari at layko. Oo, para sa lahat. Katulad ng “Humanae Vitae” na itinampok kanina ng Obispo sa radyo.

Wednesday, July 23, 2008

Kung Bahay Lang ....


Puwedeng larawan ito ng Kanlurang Mindoro. Mga mamamayang doble kayod,- nagpapa-renta ng bahay, naglalako ng samu’t-saring paninda kabilang ang litsong manok at baboy,- at kung anu-ano pang pagkaka-kitaan. Sa kabila ng pagsusumikap ay hindi pa rin tayo umaasenso. Hindi na tayo tuma-“tahan” sa ating tahanan. Luging tindahan na ang ating bahay. Niluma na nang panahon ang pamamaraan at estilo ng pamumuno ng ating mga lider-pulitiko habang ang mga kapit-bahay (kapit-lalawigan) natin ay magagara nang mansyon at ang pangarap nating maging katulad nila ay tila isa na lamang ilusyon.

Kung hindi tayo magigising sa katotohanan.......

Kung ang Kanlurang Mindoro ay BAHAY at hindi LALAWIGAN!

--------
(Larawang kuha ni Bb. Teresita D. Tacderan sa Rizal St. Brgy. 4, Mamburao, Occidental Mindoro noong ika-19 ng Hulyo 2008-NAN)

Monday, July 21, 2008

Isang Paggunita sa Talayob Massacre


Eksaktong limang taon na ngayon ang nakalilipas mula nang maganap ang tinawag naming Talayob Massacre....

Isang araw bago ang insidente,- noong ika- 20 ng Hulyo, 2003 , bandang alas-kuwatro ng hapon, pumunta si Lenlen Baticulin, isang dalagitang Mangyan, sa bahay ng kanyang mga kaanak sa Barangay Purnaga, Magsaysay, Occidental Mindoro. Bahay ng mag-asawang Roger at Olivia Blanco (kapatid ni Lenlen si Olivia. Si Olivia noon ay walong buwang buntis) at mga pamangkin na sina John-john Kevin, 3 taon; at Dexter, 1 ½ taon, upang yayain na manalukan sa Brgy. Nicolas, sakop din ng nasabing bayan. Nang hapon ding iyon ay nagdesisyon sii Lenlen na doon na magpalipas nang gabi.

Si Lenlen na noon ay disais anyos pa lamang ay nasa unang taon sa sekondarya at mag-aaral ng Paaralang Mangyan na Angkop sa Kulturang Inaalagaan o PAMANAKA, isang Mangyan alternative school na pinangangasiwaan ng Mangyan Mission ng Bikaryato ng San Jose.

Isa lamang sana itong karaniwang umaga sa isang matahimik na pamayanan. Ika-21 noon ng Hulyo, taong 2003 bandang alas-5 ng umaga, Habang abala ang lahat sa paghahanda para sa kanilang pagpunta sa baryo, nag-aayos ng zipper ng bag si Lenlen, naghuhugas ng kalderong paglulutuan ng baon si Olivia, naghahanda ng mga damit si Roger, samantalang ang dalawang maliliit na pamangkin ay masayang naglalaro sa ibabaw ng mesa sa labas ng kanilang bahay.

Binasag ang katahimikan ng sunod-sunod na mga putok ng baril. Agad bumagsak mula sa mesa si Dexter, duguan at tadtad ng punglo ang katawan. Narinig ni Lenlen ang sigaw ng kanyang bayaw na si Roger, “Si Toto...may tama!!”. Matapos ang unang sigwa ng mga putok ay tinakbo ni Olivia si Roger na noo’y kalung-kalong ang wala nang buhay na si Dexter. Kitang-kita rin ni Lenlen ang pamangking si John-john na lumundag sa mesa upang pumunta sa mga magulang, subalit sunod-sunod na putok muli ang umalingawngaw, bago pa man nakalapit sa mga magulang si John-john ay tinamaan na rin ito ng mga bala sa likod.

Dinapaan ni Roger ang kanyang buong pamilya sa pag-aakalang maililigtas pa niya ang mga ito sa putok ng mga baril Sumisigaw sa panaghoy noon si Olivia, “Bakit ninyo kami ginaganito? Wala kaming kasalanan sa inyo!”

Subalit nilunod na lamang ng mga putok ng baril ang mga sigaw at panaghoy ng pamilya. Agad na binawian nang buhay ang mag-asawang Roger at Olivia. Pagkatapos pa nang ilang mga putok ay wala nang natirang buhay sa buong pamilya Blanco,- isang pamilyang Mangyan.

Nang inaakala ni Lenlen na tapos na ang putukan ay sinubukan niyang lumabas nang bahay upang magtago sa halamanan. Ngunit sunod-sunod na putok ang kanyang narinig na mukhang sa direksiyon niya patungo. Agad siyang gumapang palabas at humingi nang saklolo sa kanilang mga kapit-bahay. Nilapitan naman siya nang isang babaeng kapit-bahay at sinabing pasasamahan siya sa asawa’t anak nito kung saan man siya magpapahatid.

Kinaumagahan, kaagad nagsagawa nang sariling imbestigasyon at dokumentasyon ang Social Services Commission (SSC) at Mangyan Mission kaugnay sa naganap na insidente. Pagkatapos makakalap nang mahahalagang datos at ebidensiya ay agad itong nagsampa nang kasong kriminal laban sa ilang matataas na opisyal ng 16th Infantry Batallion ng Philippine Army (PA) sa Fiscal’s Office sa San Jose, Occidental Mindoro ng kasong multiple murder. Bago pa man ang mauwi sa hukuman ang kaso, ang mga sundalong direktang sangkot sa pagpatay ay inilipat na nang destino.

Sumulat noon sina Rev. Fr. Rodrigo Salazar, Coordinator, Mangyan Mission; Rev. Fr. Mario Ronquillo, Chancellor kay Secretary Eduardo Ermita na noon ay Chief Presidential Adviser on the Peace Process upang humingi ng ayuda.

Hiniling nila na sa pamamagitan ng OPAPP ay makahingi ito nang tulong sa mga ahensiya ng pamahalaan at mga institusyong nagbibigay ng suportang legal upang mapabilis ang paglilitis ng kaso at mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng buong pamilya Blanco. Nangangamba rin sila na baka magkaroon ng white wash sa kaso at matulad sa iba pang kaso na sangkot ang militar at mabasura lamang ito. Ipinadala ang sulat noong ika-walo ng Agosto, 2003.

Hindi dito natapos ang paghingi nang tulong ng SSC at Mangyan Missiom, umapela din ito maging ang mga lokal na lider ng pamahalaan upang matutukan ang pagresolba sa nasabing kaso.

Maigting ang naging pagtatalo sa husgado kung saan dapat litisin ang kaso. Sa Maynila ba o dito sa Mindoro? Sa korte ba ng sibilyan o ng militar? Sa mismong Regional Trial Court dito sa San Jose pinagtibay na ang pamamaslang umano ay ginawa habang ang mga militar ay nasa tour of duty kung kaya sa korte ng militar sila dapat na litisin. Ito nga ang pinagtibay at hanggang ngayon ang kaso ng mga Blanco ay eksaktong limang taon nang nabibinbin sa (mga) hukuman.

Sa isang panayam kay Col. Fernando L. Mesa (na ngayon ay heneral na), sinabi nitong walang katotohanan ang paratang sa kanila na sinadya nila ang pamamaril. Naipit lamang daw ang mga ito sa bakbakan ng militar at New Peoples Army (NPA). Ito umano ay isang legitimate encounter.

Sa isang dayalogo sa pagitan ng PASAKAMI at ng mga militar, nagbigay ng umano’y tulong na salapi ang 16th IB na nagkakahalaga ng apat na libong piso. Sa mga Mangyan, walang katumbas na halaga ang buhay ng tao.

Kung nabubuhay lamang sila ngayon ay apat na taon na sana ang batang ipinagbubutis ni Olivia, walong taon na si John-john,- samantalang anim na taon na si Dexter.

Kung sila ay nabubuhay lamang, suguro ay abala na naman sila ngayon sa paghahanda para sa talukan para meron silang maitustos sa pangangailangan ng kanilang lumalaking pamilya. Sana katulad nang dati payapa at tahimik silang namumuhay....nangangarap ......para sa magandang kinabukasan ng kanilang mga anak.

Limang taong singkad na pala ang mabilis na lumipas subalit ang hustisyang nais makamit nang mga biktima at pamilya nito ay lubhang napakailap sa kanilang lahat.

Saturday, July 19, 2008

"Communion Ban" sa Oksi?


May balita akong isa ang kongresista ng Occidental Mindoro na si Deputy Speaker Ma. Amelita C. Villarosa sa mga co-author ni Rep. Edcel Lagman ng Albay ng House Bill No. 17 (A.K.A “Reproductive Health Care Bill”) na may titulong: “An Act Providing for a National Policy on Reproductive Health, Responsible Parenthood and Population Development and for other Purposes”. Ang panukalang batas ay ipinasa noon pang taong 2007.

Anumang tanggi nang mga mambabatas, sa pananaw ng Simbahang Katoliko, ito ay hindi katanggap-tanggap. Medyo umaagwat na nga sa usapin at isyung ito ang Malakanyang. Kabilang ang ilang co-authors nito. Ayon sa mga sumusuporta dito, ang HB No. 17 ay hindi pro-abortion o kaya naman ay ukol sa sexual promiscuity kundi para sa adbokasiya para sa reproductive health na isa umano sa mga batayang karapatan ng mga mamamayan. Sabi naman ng iba, bina-black mail lang ng Simbahan ang pamahalaan.

Sabi naman ni Fr. Melvin Castro, Executive Secretary CBCP Episcopal Commission on Family and life, ".... any artificial means to control human body especially in its fertility is contrary to the Gospel. This is not just invented by the Church."

Si Rep. Janette Loreto-Garin (1st District of Iloilo) bilang doktor by profession ay ang pinaka-vocal na supporter nito. Si Madam Girlie ay hindi ko pa ni minsang narinig na nagsalita tungkol sa “Reproductive Health Care Bill" sa local media. Ewan ko sa national media. Hindi ba isa si Madam Girlie sa mga co-author nito?

Sa pagdidiin sa paninindigan ng Simbahang Katoliko kontra sa aborsiyon, opisyal na inihayag ni Ozamiz Archbishop Jesus A. Dosado, CM na ang mga pulitikong Katoliko ay hindi dapat bigyan ng komunyon hanggang sila ay hindi nakapagtitika sa kanilang umano’y (panlipunang)kasalanan. Sa Ozamiz ay opisyal na nag-impose kamakailan si Archbishop Dosado ng communion ban sa mga umano’y sa pananaw ng Simbahan ay “nagtataguyod ng aborsiyon” bagama’t hindi naman tahasan o direktang tinutukoy sa mga lumagda sa HB No. 17 o sa Senate Bill No. 43 na siyang bersyon nito sa Senado.

Hindi natin tatalakayin at palalawakin pa dito ang debate. Bahala na diyan ang mga eksperto. Hindi naman ako pari at lalong hindi ako pulitiko. May mas credible sa atin sa isyung ‘yan para tumalakay.

Iwan muna natin ang HB No. 17. Pangkalahatan muna nating tingnan ang issue ng communion ban...

Mayroon lang akong tanong: “Papaano kung maaprobahan ang panukala na i-adopt sa buong bansa ang ginawa ni Archbishop Dosado? Kung ipatupad ito dito sa ating Bikaryato?” Ewan ko.... hindi ko alam kung ano ang mangyayari. Tiyak na lalong pag-iinitan ng mga lokal na pulitiko ang ilan nating pari at mga taong-Simbahan na kina-aasaran nila.

Pero bago ko ito tapusin, siyempre gusto kong i-quote si Archbishop Oscar Cruz ng Lingayen-Dagupan at isang world acclaimed Cannonist hinggil sa usapin (may kaugnayan man ito o wala sa ating pinag-uusapan): “It is the priest’s duty to act against public sinners. If a priest or a bishop does not punish a public sinner, it is the priest or the bishop who will err.”

Sinabi niya ‘yan. Nabasa ko iyan sa CBCP News On-line kahapon. Maniwala man kayo o hindi, - sa akin o sa kanya!

Friday, July 18, 2008

May Isa Pa ....


Hindi lang Mindoro Nickel Project (MNP) ng Intex Resources ang kasalukuyang gumigiri-giri sa lalawigan para mag-mina. Isa rin itong malaking mining project pero hindi nga lang korporasyong dayuhan. Pinoy na Pinoy daw ito ‘pre. Ito ay ang Agusan Petroleum and Mineral Corporation o APMC. Sulyapan lang muna natin ang ilang mga importanteng datos hinggil sa kumpanyang ito:

Rehistrado ito sa Securities and Exchange Commission o SEC noong July 24, 1995 with SEC Registration No. AS095-007434. layunin ng APMC (“Agusan” na lang ang itawag natin para maalala natin na ito ang “aagusan” ng lahat ng kikitain nila!) na maka-kuha ng permit sa pamahalaan para mag-explore at umano ay mag-develop ng mga lugar para sa potential na pagkakaroon ng gold, silver, copper, iron at iba pang metallic na mineral as well as non-metallic mineral. At may target na initial exploration cost na Four Million Five Hundred Thousand Pesos (4,500,000.00).

Noong February 26, 1996 ay nag-file na ang Agusan ng aplikasyon nito para sa FTAA (AFTA-IV-B005) sa Mines and Geosciences Bureau (MGB) Regional Office na sumasakop sa mga bayan ng San Teodoro at Baco sa Oriental Mindoro at sa bayan ng Abra de Ilog dito sa Oksi. Bubungkalin ng Agusan ang may 46,050.6483 ektarya sa kabuuan. Sa Abra de Ilog at tatamaan ang mga barangay ng Tibag, Lumang Bayan, Maalisis, Balao, Tuay, Wawa, Tara, Pulo at Tugan.

Kagaya ng MNP ay mayroon din silang “promises” (that are made to be....?): “(1) pursue sound and systematic exploration program...; (2) maintain a cost effective operation to make certain the viability and sustainability of the project; and, (3) ensure that an environmentally- friendly or benign (parang tumor/cyst‘huh?-NAN) mining operation can be put in place....” (from Agusan’s Environmental Work Program)

Kung sa MNP ay pagdududa ang anti-mining groups sa Free and Prior Informed Consent o FPIC process sa National Commission on the Indigenous Peoples o NCIP-Occidental Mindoro. Kaya bantay sarado rin dito ang mga samahang katutubo hindi lamang sa Oksi kundi maging sa Oriental. Salamat na lamang at matibay pa ring naninindigan ang pamahalaang Bayan ng Abra de Ilog sa kanilang 25-year Large Scale Mining Moratorium. Palaban pa rin si Mayor Eric Abalos Constantino, Vice-Mayor Floro Castillo at kanilang Sangguniang Bayan o SB. Kunsabagay, kung hindi nila gagawin ito at masisira ang kalikasan, papaanong “aarya” ang Abra?

Pero sino ba ang may-ari ng Agusan?

Ang kumpanya raw na ito ayon sa ilang bali-balita ay pag-aari nang kilalang negosyante na si Ramon Ang. Pangulo at Chief Operating Officer ng San Miguel Corporation (SMC). May tsismis din: Hindi kaya dummy lang si Ang nang umano’y kroni ni Marcos noon na si Eduardo “Danding” Cojuanco?

Ang FTAA nga pala sa normal na daloy nito ay ang pagpapatibay ng kasunduan para sa tulong pinansiyal at teknikal sa pagitan ng gobyerno at ng kumpanyang minero. Sa ilalim ng FTAA, ang kumpanyang minero ay magkakaroon ng full control sa industriya ng mina sa bansa habang sa iba naman ay ang kumpanya ay mabibigyan lamang ng mineral production sharing agreement ng pamahalaan.

Kapit kabayan sa isa pang laban....

Wednesday, July 16, 2008

Giyera sa Aguas


Taong 2006 pa umano nang simulang maghasik ng lagim sa Brgy. Aguas at Pitogo sa bayan ng Rizal, Occidental Mindoro ang mga armadong kalalakihang ito. Tinatakot nila ang mga karaniwang magsasaka kung kaya ang mga ito ay hindi na makapagsaka sa kasalukuyan. Noong unang linggo ng Hulyo ay napasabak sa bakbakan ang mga itinalaga doong civilian volunteers na ikinasugat ng isa sa kanila. Kaagad namang naglunsad ng operasyon ang PNP-Rizal ngunit hindi na nila inabutan ang mga bandido sa pangunguna nang isang Meno Andres, 24 anyos na mamamayan din ng nasabing lugar.

Noong ika-3 ng Hulyo, 2008, personal na dumalaw si Gov. Josephine Ramirez-Sato sa lugar kasama ang ilang matataas na lider ng probinsiya kabilang ang mga opisyales ng Philippine Army at PNP. Nagbigay siya ng apat na araw na palugit para sumuko si Andres at ang kanyang mga kasamahan ngunit makalipas ang takdang palugit ay hindi pa rin tumugon ang mga armadong grupo. May bali-balita rin, batay sa text messages sa kanilang mga kaanak na hindi umano sila susuko. Inatasan ng gobernador ang Philippine Army na tuldukan na ang mga karahasang ito sa loob ng 15 araw.

Sa isang munting pagpupulong sa pamayanan, ipinahayag ng mga mamamayan doon ang kanilang takot at iba pang dulot nito. Higit sa 20 pamilya sa Sitio Surong ay nagsilikas dahil sa matinding pangamba. Naatala din ang pag-aaral sa Hacienda Yap Barangay High School. Dito rin napag-alaman ng mga awtoridad na ang gang ay mayroong mga matataas na kalibre ng baril,- kagaya ng M-14 at Galil, maliban pa sa ilang mababang kalibre kagaya ng Carbine at Shotgun. Simula noong 2006, anim na tao na ang naitatalang napapatay ng gang na binubuo nang may hindi bababa sa lima katao. Dito rin inihayag ng gobernador ang halagang P 200,000. pabuya sa ulo ni Andres at sa makapagtuturo ng kanilang kinaroroonan.

Taktika daw nitong si Andres, ayon sa mga taga-roon na bitbitin ang kanyang mga anak at asawa sa tuwing siya ay tutugisin ng mga pulis at ginagawa niyang human shield ang mga ito. At sa bawat pagkakataong mayroon itong naitutumba, ito ay lumalabas ng lalawigan para magpalamig at kapag hindi na siya mainit ay muling magbabalik sa lugar.

Kaya noong Martes (ika-8 ng Hulyo) ay naglunsad ng opensiba ang militar para madakip, buhay man o patay, ang tinatawag na “Andres Gang”. Nagsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng 407th Police Provincial Mobile Group (PPMG) at ang Elite Platoon ng 80th IB ng Philippine Army. Pero ang kakatwa, sa proseso ng kanilang pagsuyod para masilo ang “Andres Gang” ay encampment ng New People’s Army (NPA) na malapit sa lugar ang bumulaga sa kanila. Ang grupong bumubuo sa 40 katao, ayon sa pulisya ay pinamumunuan ni Jovito Marquez o “Ka Basay” na siyang lider ng Platoon Guerilla (PlaGuer) na siyang combatant mobile group ng NPA sa buong isla ng Mindoro.

Kinumpirma ni Police Supt. Cecilio Ison na nagkaroon nga nang engkuwentro noong araw na iyon,- NPA laban sa mga sundalo - na tumagal ng halos tatlong oras sa isang pook sa Brgy. Aguas na tinatawag na Hacienda Yap. Ibinunyag ito sa DZVT ng opisyal noong ika-14 ng Hulyo, taong kasalukuyan. Inamin ng militar na sila ay gumamit ng helikopter, V-150 at Simba vehicle sa nasabing operasyon kabilang ang mga rocket at 50-caliber machine gun.

Sa panayam kay PNP Provincial Director Audie Encina-Arroyo noong araw ding iyon, sinabi niya na sila ay naka-samsam nang mga claymore mine, mga granada at mga subersibong dokumento sa lugar na pinagkampuhan.

May lumalabas ngunit hindi kumpirmadong ulat na kaya naroroon ang mga NPA ay misyon din nilang likidahin ang gang dahil sa kabi-kabilang reklamo sa kanila ng mga mamamayan. Kapwa target ng Army at ng NPA ang “Andres Gang” at dahil nga ang mga sundalo at rebeldeng Komunista ang nagka-bulagaan,- parang mailap na labuyo itong naka-takas sa kanila. Ngunit ang ulat na ito ay pinabulaanan ni Lt. Col. Arnulfo Burgos, Battalion Commander ng 80th Infantry Batallion ng PA. Ayon kay Burgos, ang operasyon ng LaGuer ay walang kaugnayan kay Andres at sa kanyang mga gawaing kriminal.

Walang naitalang casualty sa panig ng pamahalaan ngunit isa ang namatay sa panig ng NPA na umano ay medical officer ng grupo. (Ewan ko kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa ito pinapangalanan ng militar) Walang sibilyan na nadamay sa enkuwentro taliwas sa lumabas sa mga national tabloid. Tumakas ang mga NPA sa may bulu-bunduking bahagi ng Monte Claro at Batasan. Lalong lumaganap ang takot ng mga mamamayan sapagkat hindi na lamang na-concentrate ang operation sa bayan bahagi ng Aguas at Pitogo kundi tumawid pa ito sa dalawa pang barangay ng Batasan at Monte Claro. Naniniwala ang militar na may mga sugatang rebelde na dapat mabigyan nang lunas kaya nanawagan silang magbibigay ng tulong sa ganitong sitwasyon.

Huling nagkaroon nang enkuwentro sa pagitan ng NPA at ng militar noong nakaraang buwan ng Pebrero...

Sa panayam sa “Pintig ng Bayan” kahapon, inamin ni Burgos at ni Capt. Julio Cayandag, Operations Officer ng 80th IB na itong si Andres ay dating asset ng militar na hindi maayos na na-handle. Nagkaroon umano ito ng kaugnayan sa isang opisyal ng noon ng 16th IB na hinalinhinan ng 80th IB sa Mindoro dalawang taon na ang nakalilipas. Kapwa nila tiniyak na back to normal na ang sitwasyon sa naturang mga lugar kahit hindi pa nila nakikita kahit anino ni Andres...

------------------

Whew! Naulit lang ang ganitong istorya sa Kanlurang Mindoro. Naaalala ko tuloy ang kuwento noong late 80s ni Noel "Rex" Verdadero at ang kanyang gang of bandits... Hay,- buhay!

Monday, July 7, 2008

Ang Mindoro ay Atin


Magandang Tanghali po sa inyong lahat.

Sa oras pong ito ay inaasahan ko na ako ay magkakaroon nang pagkakataong makapagsalita bilang kinatawan ng hanay nating mga katutubo dito sa Oksidental Mindoro. Naalala ko po nang ako ay manumpa sa Malakanyang bilang PCB Chairman, sinabi ng pangulo (Gloria Macapagal-Arroyo) na, “... sa ilalim ng Batas IPRA, Malaki ang paggalang ng ating pamahalaan sa mga katutubo subalit mayroon siyang isang termino (salita) na iniwan, na sa pagmimina ay mayroon ding isang batas na ilalapit sa mga katutubo...”.

Sa pagkakataong ito bilang ako po ay isang katutubo at isang Mangyan sa lalawigan dito Occidental Mindoro at gayundin sa Oriental,- kilalanin natin ang ating sarili bilang isang katutubo. Tanungin natin kung anong tribo tayo at anong kultura ang ating dinadala. Tayo ay kinilala ng pamahalaan sa ilalim ng IPRA o Batas 8371 na siyang ginamit ng pamahalaan upang iangat tayo sa ibang mamamayan na noon ay tila hindi tayo pinapansin. Pero sa pagkakataon pong ito na tayo ay hinahamon sa isang pagsubok kung saan ay nakasalalay ang ating salinlahi, alalahanin natin na ang lahat ng iyan ay ipinagkatiwala sa atin nang ating mga ninuno - ang lahat ng bagay na nariyan sa ating kapaligiran. Alalahanin po natin na hindi atin iyan. Iyan po ay pamana sa atin ng ating mga ninuno. Kaya nga sa mga kamay rin natin ito nakasalalay. Kapag nagdesisyon tayo nang wala sa kultura at wala sa batas, hindi tayo makapagbibigay ng magandang pamana sa ating salinlahi.

Isang punto lang po ang gusto kong itanong sa ating lahat na mga katutubo:”(Nasa) Kultura ba na ipinamana ng ating mga ninuno ang pagmimina? O kaya, may kultura ba tayong mga katutubo na minahin ang ating lupaing ninuno na inihabilin sa atin na (nang) maayos?” Gusto ba nating ipamana sa ating mga anak at sa mga aanakin pa ang kapaligirang wala nang lupa? Alalahanin po natin na ang Mindoro ay atin. Kasabay nang pagkatatag at alinmang pangalan ng pook o lugar dito ay Mangyan ang nagbigay niyan. Dahil ang lahat ng bagay at pangalan ng lugar ... bawat lugar na ito ay buhay, karanasan at kasaysayan ng ating mga ninuno.

Sana po sa pagkakataong ito, ilagay natin nang maayos,... lingunin ang nakaraan.. pag-aralan natin ang ating haharapin. May Mangyan pa kayang tatawagin pagkalipas nang dalawampu’t limang taon? Masasabi bang ikaw ay isang katutubo na ipinagtatanggol at pinuprotektahan ng Batas IPRA kung hindi ka na katutubo dahil ninakaw o wala na sa iyo ang iyong sariling kultura? Napakahalaga nang habilin at lagi nating isipin na ang lupa ay buhay. Anumang bagay na naririyan ay siyang nagbibigay at tumutugon sa ating pangangailangan sa araw-araw.

Lumipas po ang mahabang panahon na hinanap natin ang pagkalinga ng pamahalaan subalit tayo ay nanatiling buhay hanggang ngayon. Sa isang pagkakataong hindi natin alam, ang puno’t dulo nang ating kahihinatnan, tayo ay mag-ingat baka tayo mahulog sa butas (bitag). Sa tindi ng batas na nagsasaad ng karapatan na ibinigay sa ating mga katutubo, na ang pag-aari at na sinaklawan ng lupaing ninuno ay mula sa itaas at hanggang sa kailaliman. Kaaalinsabay nang sinasabing free and prior informed consent, gusto ko lang bigyang diin na hanapin ang katapat ng batas na ito sa ating kultura. Ang FPIC ay hindi lang po sa batas kundi kailangang ibatay ito sa kultura. Dahil ang pinakamahalagang nilalaman ng Batas IPRA ay ang aming kultura. Kung wala ang kultura sa batas ay balewala din ang batas.

Ito lang po ang mensaheng nais kong iparating: sana ang lahat ng bagay na inihabilin sa atin nang ating mga ninuno ay panatilihin natin at pangalagaan para sa mga kabataan nating isisilang pa upang hindi nila tayo masisi sa huli. Tandaan natin na ang Mindoro ay atin at asahan natin at huwag alisin sapagkat ito ay dapat na makapiling natin habang buhay.

Maraming salamat po at magandang tanghali sa inyong lahat....

-----------------
(Talumpati ni Silda Sanuton, isang lider ng tribong Iraya sa Occidental Mindoro sa kanyang mensahe sa Consultative Community Assembly (CCA) para sa aplikasyon ng Aglubang Mining Corporation na ginanap sa Feliz del Mar Resort sa Sablayan, Occidental Mindoro noong ika-3 ng Hulyo 2008)

Saturday, July 5, 2008

NCIP Napandale .... CCA Sabit?

Isinagawa noong araw ng Huwebes (Hulyo 3, 2008) sa Sablayan ang isang Community Consultative Assembly (o CCA) na inilunsad nga ng NCIP-Occidental Mindoro. Ang gawain ay isa sa mga requirement sa proseso ng Free and Prior Informed Consent (FPIC) na dapat daanan bago simulan ang anumang gawaing pang-kaunlaran batay sa Indigenous Peoples Rights Act of 1997 o IPRA. Sa bisa ng NCIP Administrative Order No. 01 S. 2006, ang nasabing pulong konsultasyon ay inilunsad.

Nauna rito ay naka-amoy na nang hindi maganda kapwa ang Mangyan Mission ng Bikaryato ng San Jose at ng Calapan,- at mga tribo at samahang Mangyan kabilang ang mga PO at NGO sa buong Isla ng Mindoro na lumalaban sa Mindoro Nickel Project (MNP) at Intex Resources Corporation. Una ay ang pagkakaroon nang limitasyon sa bilang ng mga inimbitahan. Ayon kay Fr. Rodrigo Salazar, SVD tila sinadyang hindi binigyan ng imbitasyon o ipinaalam man lamang sa dalawang Mangyan Mission offices ang pagdaraos ng nasabing CCA.

Sa katunayan may balita pa ayon mismo kay Vice-Mayor Eduardo Gadiano na bago pormal na simulan ang asembliya ay isinara ang gate ng resort at hindi pinapasok ang mga taga-munisipyo ng Sablayan. Sa bayan ng Sablayan ay pinaiiral ang General Ordinance No. 2007-60o3b na nagpapatibay sa batas nang pagkakaroon ng 25-year moratorium sa mga large scale mining project sa kanilang bayan. Kaugnay nito, binigyang-diin ni Bokal Randolph Ignacio ng Unang Distrito ng lalawigan ng Occidental Mindoro, bilang kinatawan ni Gov. Jasephine Ramirez-Sato, na pinagtibay na ng Sangguniang Panlalawigan ang nasabing ordinansa.Idinagdag pa niya na sa pagmimina, ang mga kumpanya lamang ang kikita at hindi ang mga Mindorenyo.

Sa mga panimulang pananalita pa lamang ay umarangkada na ang mga anti-mining messages na inumpisahan ni Sablayan Mayor Godofredo Mintu. Sa kanyang mensahe ay maigting siyang nanindigan sa kanilang ipinatutupad na ordinansa. Direkta niyang sinabi sa mga taga-Intex na naroroon na, “...handa kaming makipag-tulungan sa lahat ng mga proyektong inyong ipapasok sa Sablayan pero huwag lamang ang pagmimina...” Sa panig naman ni Gadiano, sinabi niya na ang ipinatutupad na ordinansa ay may katapat na kaparusahan sa sinumang lalabag dito. Naroon din at nagbigay ng pahayag bilang LGU ang kinatawan ni Mayor Alfredo Ortega, Jr. ng Victoria, Oriental Mindoro na si G. Vincent Gahol na naghanay nang ilang mahahalagang datos kaugnay ng pagkilos ng mina sa kanilang bayan at ilang pahayag ng pagtutol dito ng kanilang pamahalaang lokal.

Ang mga nanguna sa paglulunsad ng CCA Atty. Alexander “Dan” Restor, legal officer ng NCIP-Occidental Mindoro; Engr. Narcisa Eder, OIC-Provincial Officer; at Ms. Eden Cenon, OIC-Field Officer sa Sablayan Service Center. Kasama rin ng FPIC Team si Atty. Bert Almonte, legal officer naman sa Oriental Mindoro.

May lumabas na bulung-bulungan na ang may 150 na mga Mangyang kabilang sa mga grupong pro-mining na Kabilogan at Sadaki na mula sa Oriental Mindoro ay “hinakot” ng Intex. Pero ang alingasngas na ito ay hindi nakumpirma ngunit hindi rin napasinungalingan.


Sa unang kalahating araw ng pagtitipon ay na-domina nang mga “hindi imbitadong” tao at grupo ang talakayan na pawang tumatayo sa posisyong kontra-mina. Kabilang si Brgy. Captain Boyet Esteban na nagpahayag nang pagtataka kung bakit hindi sa isang lugar sa Pag-Asa (na siyang host barangay ng MNP sa Sablayan) ito ginawa upang madama ang tunay na community spirit ng CCA.

Kapwa puno ng emosyon ang binitiwang salita ng mga Mangyan Mission Coordinators ng Apostolic Vicariate of San Jose (AVSJ) at Apostolic Vicariate of Calapan (AVC) na sina Fr. Anthony “Tonton” Tria, SVD, at Fr. Edu Gariguez, ayon sa pagkakasunod (na verbatim kong ipu-post next time-NAN). Kasunod nila ay ang maikli ngunit malamang mensahe naman ni PCB Chairman Silda Sanuton na siyang Pangalawang Pangulo ng Pantribung Samahan sa Kanlurang Mindoro o PASAKAMI. Maliban sa kanila, kasama rin sa mga nag-“gate crash” sina Msgr. Ruben “Jun” Villanueva, Vicar General ng AVSJ at hindi bababa sa 15 madre mula sa iba’t-ibang kongregasyon.

Kinahapunan, as usual ay pro-mining stance at mga positibong epekto umano ng mina ang teknikal na ibinahagi ni Regional Director Roland de Jesus ng Mines and Geo-Sciences Bureau (MGB) ng DENR. Ayon sa kanya, ang Mining Act of 1995 ay nagluwal ng mga responsable at maka-kalikasang probisyon sa industriya ng mina. Sa panig naman ng Intex Resources Corporation (AKA Aglubang Mining Corporation) ay same old line naman ang naging presentasyon.

Ipinakilala nila ang kanilang kumpanya. Inihayag ang mga teknikal na bahagi ng kanilang operasyon at ang kanilang kasalukuyang mga ginagawa sa pamayanan. Tiniyak nang kanilang mga taga-pagsalita sa pangunguna ni Mr. Andy Pestano, Community Relations Officer ng Intex, na sila ay maninindigan sa prinsipyo ng responsible mining sa lahat nang kanilang mga gagawin. Tampok sa presentasyon ang iba’t-ibang buting maidudulot umano ng MNP....

Matinding baliktaktakan ang kinauwian ng bahaging Open Forum. Samut-saring isyu na ang lumutang. Ang tungkol sa pagiging lehitimong tribung Mangyan ng tinatawag nilang “Ruwang” na mga miyembro ng PO na Kabilogan at Sadaki; ang pagsasabing ang konsultasyon iyon ay para lamang sa kanila na direktang tatamaan ng MNP; ang pagkakaunawa ng mga katutubo sa FPIC; at iba pang kaugnay na bagay hindi lamang ng mining kundi ng IPRA.

At ang nakakatawa pa, imbes na ang direktang atakihin ng mga katutubo ay ang Intex, ay lubos na napandale ay ang NCIP-Occidental Mindoro na naunang inulan ng paratang na nakikipag-kutsabahan umano sa Intex sa ilang mga gawain laban sa kultura at ninanais ng mga Mangyan. Nanindigan naman si Atty. Restor na magsampa ng kaukulang kaso laban sa mga tauhan ng NCIP na kurap at hindi tumutupad sa kanilang tungkulin.

In short, sa paghahanda pa lamang ang CCA ay magulo na at punong-puno ng kontrobersiya kaya marahil idineklara itong failure ng mga anti-mining na dumalo,- yung mga official delegates man o yung mga “gate crasher”. Bagamat ayaw na ituring itong ganito ng NCIP-Occidental Mindoro. Pero malalaman lamang natin kung ano talaga ang kinauwian ng CCA batay sa kanilang ihahaing documented report sa mga concerned bodies anumang araw mula ngayon.

Iisa lang ang malinaw, gagawi ang NCIP at magpa-facilitate uli sa iba pang prosesong pang-FPIC. Sa kabilang banda, ang mga anti-mining groups sa Occidental Mindoro at Oriental Mindoro,- LGU, PO at NGO, Simbahan, Mangyan o taga-patag man,- ay mukhang nagsimula nang magpakita ng kanilang tunay na pagkakaisa kontra sa mina,... partikular sa Mindoro Nickel Project.

Friday, July 4, 2008

Ang Opisyal na Stand ng Bikaryato sa Mina

Bilang isa sa mga pangunahing requirements sa proseso ng Free and Prior Informed Consent o FPIC ng National Commission on the Indigenous Peoples o NCIP- Occidental Mindoro kahapon, Hulyo 3, 2008 ang Consultative Community Meeting sa Feliz del Mar Resort sa Sablayan, Occidental Mindoro. Dito nagkita-kita ang may humigit-kumulang sa 200 na mga pro and anti mining groups sa buong isla ng Mindoro, katutubo man o taga-patag, mga LGU representatives at PO at NGO. At sa mga susunod na post ay magbibigay tayo nang iba pang balita hinggil sa okasyon. Isa-isa lang...

Ito muna : naging okasyon din ito upang muling ihayag ng Apostoliko Bikaryato ng San Jose ang kanyang pinaka-huling pahayag ukol sa pagmimina na binasa kahapon ni Msgr. Ruben “Jun” Villanueva, ang Vicar General ng ating Simbahang Lokal:

------------------


PAHAYAG NG PAGPAPANIBAGO
SA PANINIDIGANG LABAN SA PAGMIMINA SA DIWA NG IKA-25 ANIBERSARYO NG BIKARYATO APOSTOLIKO NG SAN JOSE

“Kailangan matutunan ng mananampalataya ang pinakamalalim na kahulugan at kahalagahan ng lahat ng nilikha, at ang pagkiling nito tungo sa pagpupuri sa Diyos.”

(Lumen Gentium, 36)

Apat na taong singkad na ang nakalilipas, ika-29 ng Nobyembre, 2004 noon nang unang magpalabas ang Bikaryato Apostoliko ng San Jose ng isang opisyal na pahayag tungkol sa balaking pagmimina sa Kanlurang Mindoro na pinamagatang “Pahayag ng Pagtutol ng Social Services Commission (SSC) at Vicarial Indigenous Peoples Apostolate (VIPACO) ng Bikaryato Apostoliko ng San Jose Laban sa Malawakang Pagmimina sa Buong Isla ng Mindoro”. Ang Pahayag ay nagbibigay-diin sa mga sumusunod : Una, ang malawakang pagmimina ay labag sa ating Saligang Batas; Ikalawa, ang pagmimina ay tandisang paglabag sa IPRA; At ikatlo, Ang industriya ng pagmimina ay hindi tugon sa lumalalang krisis sa ekonomiya. Sa ganitong diwa ay ating pinapanibago ang ating paninindigan kontra sa pagmimina habang tayo ay lumilingon at sama-samang humaharap sa panibagong bukas – sa konteksto ng Hubileyo ng ating Bikaryato.

Muli ay naninindigan ang ating Simbahang Lokal na isang mito o kasinungalingan ang ipinangangalandakan ng mga korporasyon ng mina sa lalawigan, partikular ang Intex Resources Corporation, na ang kanilang gagawin o kasalukuyang ginagawa ay “responsible mining”. Ang mina, kaylan man o saan man ay amba sa normal nating buhay,- panlipunan man o pangkalikasan. Ito ang tuntungan ng ating nagkakaisang tinig na tutulan ang Mindoro Nickel Project (MNP) na bubungkal sa may 9,730 ektaryang lupain na sakop ng Occidental at Oriental Mindoro.

KAYA DAHIL DITO, ang Bikaryato Apostoliko ng San Jose ay nakikiisa sa pagkilos ng mga pamahalaang sibil o LGU, sa mga pantribung samahan ng mga Mangyan at mga maka-kalikasang NGO sa buong Isla ng Mindoro na humihiling na ihinto ang pag-puproseso ng mga aplikasyon para sa FTAA at MPSA ng Intex Resources Corporation at ng iba pang kumpanya sa isla ; bumalangkas, magpatibay at magpatupad ng mga lokal na batas upang masuri at tutulan ang pagpasok ng pagmimina (sa alinmang antas nito) sa kani-kanilang munisipyo; at maging sensitibo tayo sa hinaing, tradisyon at kultura ng mga Mangyan tungo sa pampamayanan at pantribung pagpapasya.

Hamon sa mga parokya at mga Vicariate Forane ang patuloy na paglulunsad ng talakayan at pagninilay ukol sa usapin ng pagmimina sa antas ng Pamayanang Kristiyano, ang manindigan batay sa panlipunang turo ng Simbahan, kaalinsabay ng ilang tukoy at kolektibong pagkilos laban sa MNP at kasalukuyang hakbang ng Intex Resources Corporation. Mga mapayapa ngunit aktibong pakikisangkot sa anumang legal na anyong ating nanaisin.

Pagpalain tayo lagi ng Diyos sa pagtataguyod ng ating mga layunin bilang mga ka-manlilikha Niya at tagapagtaguyod ng kalikasan.


(Signed)
+ANTONIO P. PALANG, SVD, DD
Obispo
Bikaryato Apostoliko ng San Jose


2 Hulyo, 2008
Ika-25 Anibersaryo ng Bikaryato Apostoliko ng San Jose

Tuesday, July 1, 2008

"Friendship" Ayon kay Agustin

Kami at ang aming mga kaibigang pari ay madalas magkita-kita sa isang simpleng hapag upang ipagdiwang, katulad ninyo,- ang ilang okasyon pati ang aming pagkakaibigan o friendship.

NAIIBA ang isang hapunang iyon dahil sa ilang mga bagay. Una ay dahil ginanap ito sa isang restaurant at hindi sa refectory ng Saint Joseph Seminary o ng San Isidro Labrador Formation Center. Ikalawa ay dahil may nag-libre sa lahat ng kinain namin (salamat sa donor ...). Hayaan ninyo na sa amin na lang ang ikatlong dahilan ...

Pero ito lang ang maidadagdag ko. Pitong pari at isang deacon na ngayon na si Rev. Ronald Panganiban (inordenan siya kahapon)ang kasama namin na pawang mga naging seminarista lahat ng St. Augustine Major Seminary (Tagaytay). Para sa progress ng aking topic ngayon, subukan nating i-connect ang virtue ng friendship sa mga kaisipan dito ni San Agustin ng Hippo.

Ayon sa aklat na "If Augustine Were Alive" ni Theodore Tack, OSA (sa p. 35)kapag ikinumpres mo raw lahat nang naisulat ni St. Augustine tungkol sa friendship o pakikipag-kaibigan,- mauuwi lamang ito sa tatlong pangunahing ideya:

First : “Friendship is essential”. It is essential for our well-being in this world, but true friendship, which is alone is lasting only exists when it is inspired and welded together by God. Second : “Friendship pre-supposes love”. It is a meeting of hearts and mutual sharing of burdens in the likeness of what Jesus did for us. Third : “Friendship is characterized by confidence and frankness”. Its broadest interpretation is to be extended to all. Friendship obliges one to speak up, it also obliges the other to be willing to accept the friends effort to help, painful though this maybe at times...

Bilib kahit ang mga non-believer ng kanyang panahon sa mga pananaw niya tungkol sa pagkakaibigan o friendship lalo na ang tila babala niyang ito: “Whenever a person is without a friend not a single thing in the world appears friendly to him.” (Mula sa “Letters” 130, 20.4) Sabi nga ng awtor na si Thomas Smith, si San Agustin ay ang “first Christian writer to elaborate a theory of Christian friendship”.

Malinaw din sa mga sulatin ni St. Augustine na mas madaling i-cultivate ang friendship sa mismong loob ng ating tahanan hanggang sa ating mga pamayanan. Lalo na sa "loob" ng ating Bikaryato. Ang diwang ito ay maging isa sana sa maraming hamon sa atin sa ating pagdiriwang ng ika-25 taon ng pagkakatatag ng ating Lokal na Simbahan ngayong araw .....

Happy Silver Anniversary sa lahat ng mananampalatayang Katoliko na taga-Occidental Mindoro!!!