Monday, July 7, 2008

Ang Mindoro ay Atin


Magandang Tanghali po sa inyong lahat.

Sa oras pong ito ay inaasahan ko na ako ay magkakaroon nang pagkakataong makapagsalita bilang kinatawan ng hanay nating mga katutubo dito sa Oksidental Mindoro. Naalala ko po nang ako ay manumpa sa Malakanyang bilang PCB Chairman, sinabi ng pangulo (Gloria Macapagal-Arroyo) na, “... sa ilalim ng Batas IPRA, Malaki ang paggalang ng ating pamahalaan sa mga katutubo subalit mayroon siyang isang termino (salita) na iniwan, na sa pagmimina ay mayroon ding isang batas na ilalapit sa mga katutubo...”.

Sa pagkakataong ito bilang ako po ay isang katutubo at isang Mangyan sa lalawigan dito Occidental Mindoro at gayundin sa Oriental,- kilalanin natin ang ating sarili bilang isang katutubo. Tanungin natin kung anong tribo tayo at anong kultura ang ating dinadala. Tayo ay kinilala ng pamahalaan sa ilalim ng IPRA o Batas 8371 na siyang ginamit ng pamahalaan upang iangat tayo sa ibang mamamayan na noon ay tila hindi tayo pinapansin. Pero sa pagkakataon pong ito na tayo ay hinahamon sa isang pagsubok kung saan ay nakasalalay ang ating salinlahi, alalahanin natin na ang lahat ng iyan ay ipinagkatiwala sa atin nang ating mga ninuno - ang lahat ng bagay na nariyan sa ating kapaligiran. Alalahanin po natin na hindi atin iyan. Iyan po ay pamana sa atin ng ating mga ninuno. Kaya nga sa mga kamay rin natin ito nakasalalay. Kapag nagdesisyon tayo nang wala sa kultura at wala sa batas, hindi tayo makapagbibigay ng magandang pamana sa ating salinlahi.

Isang punto lang po ang gusto kong itanong sa ating lahat na mga katutubo:”(Nasa) Kultura ba na ipinamana ng ating mga ninuno ang pagmimina? O kaya, may kultura ba tayong mga katutubo na minahin ang ating lupaing ninuno na inihabilin sa atin na (nang) maayos?” Gusto ba nating ipamana sa ating mga anak at sa mga aanakin pa ang kapaligirang wala nang lupa? Alalahanin po natin na ang Mindoro ay atin. Kasabay nang pagkatatag at alinmang pangalan ng pook o lugar dito ay Mangyan ang nagbigay niyan. Dahil ang lahat ng bagay at pangalan ng lugar ... bawat lugar na ito ay buhay, karanasan at kasaysayan ng ating mga ninuno.

Sana po sa pagkakataong ito, ilagay natin nang maayos,... lingunin ang nakaraan.. pag-aralan natin ang ating haharapin. May Mangyan pa kayang tatawagin pagkalipas nang dalawampu’t limang taon? Masasabi bang ikaw ay isang katutubo na ipinagtatanggol at pinuprotektahan ng Batas IPRA kung hindi ka na katutubo dahil ninakaw o wala na sa iyo ang iyong sariling kultura? Napakahalaga nang habilin at lagi nating isipin na ang lupa ay buhay. Anumang bagay na naririyan ay siyang nagbibigay at tumutugon sa ating pangangailangan sa araw-araw.

Lumipas po ang mahabang panahon na hinanap natin ang pagkalinga ng pamahalaan subalit tayo ay nanatiling buhay hanggang ngayon. Sa isang pagkakataong hindi natin alam, ang puno’t dulo nang ating kahihinatnan, tayo ay mag-ingat baka tayo mahulog sa butas (bitag). Sa tindi ng batas na nagsasaad ng karapatan na ibinigay sa ating mga katutubo, na ang pag-aari at na sinaklawan ng lupaing ninuno ay mula sa itaas at hanggang sa kailaliman. Kaaalinsabay nang sinasabing free and prior informed consent, gusto ko lang bigyang diin na hanapin ang katapat ng batas na ito sa ating kultura. Ang FPIC ay hindi lang po sa batas kundi kailangang ibatay ito sa kultura. Dahil ang pinakamahalagang nilalaman ng Batas IPRA ay ang aming kultura. Kung wala ang kultura sa batas ay balewala din ang batas.

Ito lang po ang mensaheng nais kong iparating: sana ang lahat ng bagay na inihabilin sa atin nang ating mga ninuno ay panatilihin natin at pangalagaan para sa mga kabataan nating isisilang pa upang hindi nila tayo masisi sa huli. Tandaan natin na ang Mindoro ay atin at asahan natin at huwag alisin sapagkat ito ay dapat na makapiling natin habang buhay.

Maraming salamat po at magandang tanghali sa inyong lahat....

-----------------
(Talumpati ni Silda Sanuton, isang lider ng tribong Iraya sa Occidental Mindoro sa kanyang mensahe sa Consultative Community Assembly (CCA) para sa aplikasyon ng Aglubang Mining Corporation na ginanap sa Feliz del Mar Resort sa Sablayan, Occidental Mindoro noong ika-3 ng Hulyo 2008)

No comments:

Post a Comment