Monday, July 21, 2008

Isang Paggunita sa Talayob Massacre


Eksaktong limang taon na ngayon ang nakalilipas mula nang maganap ang tinawag naming Talayob Massacre....

Isang araw bago ang insidente,- noong ika- 20 ng Hulyo, 2003 , bandang alas-kuwatro ng hapon, pumunta si Lenlen Baticulin, isang dalagitang Mangyan, sa bahay ng kanyang mga kaanak sa Barangay Purnaga, Magsaysay, Occidental Mindoro. Bahay ng mag-asawang Roger at Olivia Blanco (kapatid ni Lenlen si Olivia. Si Olivia noon ay walong buwang buntis) at mga pamangkin na sina John-john Kevin, 3 taon; at Dexter, 1 ½ taon, upang yayain na manalukan sa Brgy. Nicolas, sakop din ng nasabing bayan. Nang hapon ding iyon ay nagdesisyon sii Lenlen na doon na magpalipas nang gabi.

Si Lenlen na noon ay disais anyos pa lamang ay nasa unang taon sa sekondarya at mag-aaral ng Paaralang Mangyan na Angkop sa Kulturang Inaalagaan o PAMANAKA, isang Mangyan alternative school na pinangangasiwaan ng Mangyan Mission ng Bikaryato ng San Jose.

Isa lamang sana itong karaniwang umaga sa isang matahimik na pamayanan. Ika-21 noon ng Hulyo, taong 2003 bandang alas-5 ng umaga, Habang abala ang lahat sa paghahanda para sa kanilang pagpunta sa baryo, nag-aayos ng zipper ng bag si Lenlen, naghuhugas ng kalderong paglulutuan ng baon si Olivia, naghahanda ng mga damit si Roger, samantalang ang dalawang maliliit na pamangkin ay masayang naglalaro sa ibabaw ng mesa sa labas ng kanilang bahay.

Binasag ang katahimikan ng sunod-sunod na mga putok ng baril. Agad bumagsak mula sa mesa si Dexter, duguan at tadtad ng punglo ang katawan. Narinig ni Lenlen ang sigaw ng kanyang bayaw na si Roger, “Si Toto...may tama!!”. Matapos ang unang sigwa ng mga putok ay tinakbo ni Olivia si Roger na noo’y kalung-kalong ang wala nang buhay na si Dexter. Kitang-kita rin ni Lenlen ang pamangking si John-john na lumundag sa mesa upang pumunta sa mga magulang, subalit sunod-sunod na putok muli ang umalingawngaw, bago pa man nakalapit sa mga magulang si John-john ay tinamaan na rin ito ng mga bala sa likod.

Dinapaan ni Roger ang kanyang buong pamilya sa pag-aakalang maililigtas pa niya ang mga ito sa putok ng mga baril Sumisigaw sa panaghoy noon si Olivia, “Bakit ninyo kami ginaganito? Wala kaming kasalanan sa inyo!”

Subalit nilunod na lamang ng mga putok ng baril ang mga sigaw at panaghoy ng pamilya. Agad na binawian nang buhay ang mag-asawang Roger at Olivia. Pagkatapos pa nang ilang mga putok ay wala nang natirang buhay sa buong pamilya Blanco,- isang pamilyang Mangyan.

Nang inaakala ni Lenlen na tapos na ang putukan ay sinubukan niyang lumabas nang bahay upang magtago sa halamanan. Ngunit sunod-sunod na putok ang kanyang narinig na mukhang sa direksiyon niya patungo. Agad siyang gumapang palabas at humingi nang saklolo sa kanilang mga kapit-bahay. Nilapitan naman siya nang isang babaeng kapit-bahay at sinabing pasasamahan siya sa asawa’t anak nito kung saan man siya magpapahatid.

Kinaumagahan, kaagad nagsagawa nang sariling imbestigasyon at dokumentasyon ang Social Services Commission (SSC) at Mangyan Mission kaugnay sa naganap na insidente. Pagkatapos makakalap nang mahahalagang datos at ebidensiya ay agad itong nagsampa nang kasong kriminal laban sa ilang matataas na opisyal ng 16th Infantry Batallion ng Philippine Army (PA) sa Fiscal’s Office sa San Jose, Occidental Mindoro ng kasong multiple murder. Bago pa man ang mauwi sa hukuman ang kaso, ang mga sundalong direktang sangkot sa pagpatay ay inilipat na nang destino.

Sumulat noon sina Rev. Fr. Rodrigo Salazar, Coordinator, Mangyan Mission; Rev. Fr. Mario Ronquillo, Chancellor kay Secretary Eduardo Ermita na noon ay Chief Presidential Adviser on the Peace Process upang humingi ng ayuda.

Hiniling nila na sa pamamagitan ng OPAPP ay makahingi ito nang tulong sa mga ahensiya ng pamahalaan at mga institusyong nagbibigay ng suportang legal upang mapabilis ang paglilitis ng kaso at mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng buong pamilya Blanco. Nangangamba rin sila na baka magkaroon ng white wash sa kaso at matulad sa iba pang kaso na sangkot ang militar at mabasura lamang ito. Ipinadala ang sulat noong ika-walo ng Agosto, 2003.

Hindi dito natapos ang paghingi nang tulong ng SSC at Mangyan Missiom, umapela din ito maging ang mga lokal na lider ng pamahalaan upang matutukan ang pagresolba sa nasabing kaso.

Maigting ang naging pagtatalo sa husgado kung saan dapat litisin ang kaso. Sa Maynila ba o dito sa Mindoro? Sa korte ba ng sibilyan o ng militar? Sa mismong Regional Trial Court dito sa San Jose pinagtibay na ang pamamaslang umano ay ginawa habang ang mga militar ay nasa tour of duty kung kaya sa korte ng militar sila dapat na litisin. Ito nga ang pinagtibay at hanggang ngayon ang kaso ng mga Blanco ay eksaktong limang taon nang nabibinbin sa (mga) hukuman.

Sa isang panayam kay Col. Fernando L. Mesa (na ngayon ay heneral na), sinabi nitong walang katotohanan ang paratang sa kanila na sinadya nila ang pamamaril. Naipit lamang daw ang mga ito sa bakbakan ng militar at New Peoples Army (NPA). Ito umano ay isang legitimate encounter.

Sa isang dayalogo sa pagitan ng PASAKAMI at ng mga militar, nagbigay ng umano’y tulong na salapi ang 16th IB na nagkakahalaga ng apat na libong piso. Sa mga Mangyan, walang katumbas na halaga ang buhay ng tao.

Kung nabubuhay lamang sila ngayon ay apat na taon na sana ang batang ipinagbubutis ni Olivia, walong taon na si John-john,- samantalang anim na taon na si Dexter.

Kung sila ay nabubuhay lamang, suguro ay abala na naman sila ngayon sa paghahanda para sa talukan para meron silang maitustos sa pangangailangan ng kanilang lumalaking pamilya. Sana katulad nang dati payapa at tahimik silang namumuhay....nangangarap ......para sa magandang kinabukasan ng kanilang mga anak.

Limang taong singkad na pala ang mabilis na lumipas subalit ang hustisyang nais makamit nang mga biktima at pamilya nito ay lubhang napakailap sa kanilang lahat.

No comments:

Post a Comment