Tuesday, July 29, 2008
Sa Bahay Lang...
“Ilan ang anak mo?”, tanong ko sa ka-kuwentuhan kong Barangay Tanod. “Lima,. sampung taon ang pinaka-matanda.”
“May trabaho ba ang misis mo?” “Wala,.. sa bahay lang.”
“Anong ginagawa niya sa araw-araw?” “Madaling-araw siya kung gumising, nag-iigib ng tubig, nagwawalis ng bakuran, nagluluto ng almusal. Sa bandang pa-tanghali, maglalaba at pagkatapos ay pupunta sa tumana at mangunguha ng gulay. Pagkatapos ay magluluto, mag-papaligo ng mga bata at magpapa-suso ng aming bunso at pangalawa sa bunso.”
“Umuuwi ka ba tuwing tanghali?” “Hindi na.. malayo, e. Nagpapa-hatid na lang ako ng baon sa kanya.- mga tatlong kilometro ang layo ng Barangay Hall namin...”
“At ‘pag uwi niya?”, “E,‘di patutulugin niya ang mga bata o aalagaan. Bago magluto ng hapunan ay magpapakain siya ng baboy at magpapatuka ng manok. Maghahanda siya ng hapunan para sa pag-uwi ko ay kakain na kami.”
“Nahihiga ba siya kaagad pagka-tapos ng hapunan?” “Mas nauuna akong natutulog. Marami pa siyang ginagawa bago matulog. Naghuhugas ng plato, tumutulong gumawa ng assignment ng mga bata, nanunulsi at namamalantsa. Alas diyes na ng gabi kung siya ay mahiga. Kapag may ronda kami, hihintayin niya akong umuwi at sabay kaming maghahapunan.”
“Sabi mo walang trabaho ang misis mo?” “Wala nga,... sa bahay lang siya!”
--------------
(Kadalasan, ang pananaw nating mga kalalakihan sa salitang “trabaho” ay yaon lamang may sweldo at ginagawa sa ‘workplaces’ at hindi sa bahay. Wala bang gender sensitivity awareness program ang mga barangay official dito sa Kanlurang Mindoro o related topic man lang kaya sa mga seminar?)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment