Bilang isa sa mga pangunahing requirements sa proseso ng Free and Prior Informed Consent o FPIC ng National Commission on the Indigenous Peoples o NCIP- Occidental Mindoro kahapon, Hulyo 3, 2008 ang Consultative Community Meeting sa Feliz del Mar Resort sa Sablayan, Occidental Mindoro. Dito nagkita-kita ang may humigit-kumulang sa 200 na mga pro and anti mining groups sa buong isla ng Mindoro, katutubo man o taga-patag, mga LGU representatives at PO at NGO. At sa mga susunod na post ay magbibigay tayo nang iba pang balita hinggil sa okasyon. Isa-isa lang...
Ito muna : naging okasyon din ito upang muling ihayag ng Apostoliko Bikaryato ng San Jose ang kanyang pinaka-huling pahayag ukol sa pagmimina na binasa kahapon ni Msgr. Ruben “Jun” Villanueva, ang Vicar General ng ating Simbahang Lokal:
------------------
PAHAYAG NG PAGPAPANIBAGO
SA PANINIDIGANG LABAN SA PAGMIMINA SA DIWA NG IKA-25 ANIBERSARYO NG BIKARYATO APOSTOLIKO NG SAN JOSE
“Kailangan matutunan ng mananampalataya ang pinakamalalim na kahulugan at kahalagahan ng lahat ng nilikha, at ang pagkiling nito tungo sa pagpupuri sa Diyos.”
(Lumen Gentium, 36)
Apat na taong singkad na ang nakalilipas, ika-29 ng Nobyembre, 2004 noon nang unang magpalabas ang Bikaryato Apostoliko ng San Jose ng isang opisyal na pahayag tungkol sa balaking pagmimina sa Kanlurang Mindoro na pinamagatang “Pahayag ng Pagtutol ng Social Services Commission (SSC) at Vicarial Indigenous Peoples Apostolate (VIPACO) ng Bikaryato Apostoliko ng San Jose Laban sa Malawakang Pagmimina sa Buong Isla ng Mindoro”. Ang Pahayag ay nagbibigay-diin sa mga sumusunod : Una, ang malawakang pagmimina ay labag sa ating Saligang Batas; Ikalawa, ang pagmimina ay tandisang paglabag sa IPRA; At ikatlo, Ang industriya ng pagmimina ay hindi tugon sa lumalalang krisis sa ekonomiya. Sa ganitong diwa ay ating pinapanibago ang ating paninindigan kontra sa pagmimina habang tayo ay lumilingon at sama-samang humaharap sa panibagong bukas – sa konteksto ng Hubileyo ng ating Bikaryato.
Muli ay naninindigan ang ating Simbahang Lokal na isang mito o kasinungalingan ang ipinangangalandakan ng mga korporasyon ng mina sa lalawigan, partikular ang Intex Resources Corporation, na ang kanilang gagawin o kasalukuyang ginagawa ay “responsible mining”. Ang mina, kaylan man o saan man ay amba sa normal nating buhay,- panlipunan man o pangkalikasan. Ito ang tuntungan ng ating nagkakaisang tinig na tutulan ang Mindoro Nickel Project (MNP) na bubungkal sa may 9,730 ektaryang lupain na sakop ng Occidental at Oriental Mindoro.
KAYA DAHIL DITO, ang Bikaryato Apostoliko ng San Jose ay nakikiisa sa pagkilos ng mga pamahalaang sibil o LGU, sa mga pantribung samahan ng mga Mangyan at mga maka-kalikasang NGO sa buong Isla ng Mindoro na humihiling na ihinto ang pag-puproseso ng mga aplikasyon para sa FTAA at MPSA ng Intex Resources Corporation at ng iba pang kumpanya sa isla ; bumalangkas, magpatibay at magpatupad ng mga lokal na batas upang masuri at tutulan ang pagpasok ng pagmimina (sa alinmang antas nito) sa kani-kanilang munisipyo; at maging sensitibo tayo sa hinaing, tradisyon at kultura ng mga Mangyan tungo sa pampamayanan at pantribung pagpapasya.
Hamon sa mga parokya at mga Vicariate Forane ang patuloy na paglulunsad ng talakayan at pagninilay ukol sa usapin ng pagmimina sa antas ng Pamayanang Kristiyano, ang manindigan batay sa panlipunang turo ng Simbahan, kaalinsabay ng ilang tukoy at kolektibong pagkilos laban sa MNP at kasalukuyang hakbang ng Intex Resources Corporation. Mga mapayapa ngunit aktibong pakikisangkot sa anumang legal na anyong ating nanaisin.
Pagpalain tayo lagi ng Diyos sa pagtataguyod ng ating mga layunin bilang mga ka-manlilikha Niya at tagapagtaguyod ng kalikasan.
(Signed)
+ANTONIO P. PALANG, SVD, DD
Obispo
Bikaryato Apostoliko ng San Jose
2 Hulyo, 2008
Ika-25 Anibersaryo ng Bikaryato Apostoliko ng San Jose
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment