Thursday, July 31, 2008

Pundido Na


Hindi notaryado kaya sarkastiko ang pagkaka-banat ng dalawang dokumento na may isang linggo na umanong ikinalat sa buong lalawigan. Pero okey lang. Nag-litanya ang mga ito ng umano’y anomalya sa loob ng Occidental Mindoro Electric Cooperative (OMECO) at ng General Manager (GM) nito mismo. Dalawa ang ipinamudmod na liham sa media, mga bahay, tanggapan at indibidwal,- isang English at isang Tagalog. At kahapon ko lang ito nabasa.

Patuya kundi man satiric ang estilo ng sumulat at isa lang ang tiyak ko: marami itong nalalaman sa loob ng nasabing tanggapan. Detalyado ang kanyang figures at legitimate din naman ang kanyang (kanilang?) concerns. Balita ko ay hindi pinag-ukulan ng pansin ng Board of Directors (BOD) ng OMECO ang nilalaman (o ang mga akusasyon) ng liham dahil sa “hearsay” lang ito,... kasi wala nga naman itong lagda at wala ring legal bearing. (“moral” meron tiyak!) Nangangahulugan rin ba na walang katotohanan ang mga bintang na ito dahil anonymous ang gumawa? Tama ba ang katwiran na hindi ito p’wedeng imbestigahan ng BOD dahil sa hindi nagpakilala ang nag-aakusa?

Maraming paratang,..may opisyal, may personal. Kumbaga sa putahe ay Chop Suey na. Sige, subukan nating ilagay sa kapsula ang laman ng “palibot-liham” na ihahanay ko nang patanong:

More or less 2 M pesos na nga ba ang kabuuuang utang ng OMECO sa National Power Corporation o Napocor ngayon? Lumobo na nga ba sa 1 Million Pesos ang hindi na-liquidate na cash advance ni GM Alex C. Labrador? Umaaabot nga ba sa P 30,000 ang halaga ng foodstuff na buwan-buwang isinusuhol ng GM sa mga Napocor at National Electrification Administration (NEA) officials sa Maynila? Nag-hire nga ba sila ng isang System Loss Consultant na P50,000 ang sweldo kada buwan? May kutsabahan nga ba si GM at ang kanyang Finance Manager? Hindi nga ba transparent ang inyong Monthly Financial Report? Totoo bang gumastos ang OMECO Board sa kanilang recent travel sa Lubang ng halagang P200,000 simula June 23 hanggang July 1, 2008?

Sampol pa lang ‘yan at hindi ko isinagad. Hindi ko na isinama ang mga sa tingin ko ay masyadong personal o kaya naman ay walang direktang kinalaman sa mga OMECO Member-Consumer na katulad ko....

Noon ko pa sinasabi na mapupundi at mapupundi rin ang mga Mindorenyo at parang kidlat nilang ibubuga ang kanilang mga hinaing at galit. Mga pagkilos na hindi na kailangan pang ipa-notaryo sa abugado!

1 comment:

  1. tama ho kayo ka norman marami nang mga katiwalian sa omeco, tambak na rin pala ang utang kaya pala hapit sila sa pagsingil isang buwan palang na ma delay puputulan na agad ang consumer tapos lagi namang walang kuryente patay sindi lalo dito sa area ng sablayan . ang kapal ng mukha ng mga taga omeco

    ReplyDelete