Isinagawa noong araw ng Huwebes (Hulyo 3, 2008) sa Sablayan ang isang Community Consultative Assembly (o CCA) na inilunsad nga ng NCIP-Occidental Mindoro. Ang gawain ay isa sa mga requirement sa proseso ng Free and Prior Informed Consent (FPIC) na dapat daanan bago simulan ang anumang gawaing pang-kaunlaran batay sa Indigenous Peoples Rights Act of 1997 o IPRA. Sa bisa ng NCIP Administrative Order No. 01 S. 2006, ang nasabing pulong konsultasyon ay inilunsad.
Nauna rito ay naka-amoy na nang hindi maganda kapwa ang Mangyan Mission ng Bikaryato ng San Jose at ng Calapan,- at mga tribo at samahang Mangyan kabilang ang mga PO at NGO sa buong Isla ng Mindoro na lumalaban sa Mindoro Nickel Project (MNP) at Intex Resources Corporation. Una ay ang pagkakaroon nang limitasyon sa bilang ng mga inimbitahan. Ayon kay Fr. Rodrigo Salazar, SVD tila sinadyang hindi binigyan ng imbitasyon o ipinaalam man lamang sa dalawang Mangyan Mission offices ang pagdaraos ng nasabing CCA.
Sa katunayan may balita pa ayon mismo kay Vice-Mayor Eduardo Gadiano na bago pormal na simulan ang asembliya ay isinara ang gate ng resort at hindi pinapasok ang mga taga-munisipyo ng Sablayan. Sa bayan ng Sablayan ay pinaiiral ang General Ordinance No. 2007-60o3b na nagpapatibay sa batas nang pagkakaroon ng 25-year moratorium sa mga large scale mining project sa kanilang bayan. Kaugnay nito, binigyang-diin ni Bokal Randolph Ignacio ng Unang Distrito ng lalawigan ng Occidental Mindoro, bilang kinatawan ni Gov. Jasephine Ramirez-Sato, na pinagtibay na ng Sangguniang Panlalawigan ang nasabing ordinansa.Idinagdag pa niya na sa pagmimina, ang mga kumpanya lamang ang kikita at hindi ang mga Mindorenyo.
Sa mga panimulang pananalita pa lamang ay umarangkada na ang mga anti-mining messages na inumpisahan ni Sablayan Mayor Godofredo Mintu. Sa kanyang mensahe ay maigting siyang nanindigan sa kanilang ipinatutupad na ordinansa. Direkta niyang sinabi sa mga taga-Intex na naroroon na, “...handa kaming makipag-tulungan sa lahat ng mga proyektong inyong ipapasok sa Sablayan pero huwag lamang ang pagmimina...” Sa panig naman ni Gadiano, sinabi niya na ang ipinatutupad na ordinansa ay may katapat na kaparusahan sa sinumang lalabag dito. Naroon din at nagbigay ng pahayag bilang LGU ang kinatawan ni Mayor Alfredo Ortega, Jr. ng Victoria, Oriental Mindoro na si G. Vincent Gahol na naghanay nang ilang mahahalagang datos kaugnay ng pagkilos ng mina sa kanilang bayan at ilang pahayag ng pagtutol dito ng kanilang pamahalaang lokal.
Ang mga nanguna sa paglulunsad ng CCA Atty. Alexander “Dan” Restor, legal officer ng NCIP-Occidental Mindoro; Engr. Narcisa Eder, OIC-Provincial Officer; at Ms. Eden Cenon, OIC-Field Officer sa Sablayan Service Center. Kasama rin ng FPIC Team si Atty. Bert Almonte, legal officer naman sa Oriental Mindoro.
May lumabas na bulung-bulungan na ang may 150 na mga Mangyang kabilang sa mga grupong pro-mining na Kabilogan at Sadaki na mula sa Oriental Mindoro ay “hinakot” ng Intex. Pero ang alingasngas na ito ay hindi nakumpirma ngunit hindi rin napasinungalingan.
Sa unang kalahating araw ng pagtitipon ay na-domina nang mga “hindi imbitadong” tao at grupo ang talakayan na pawang tumatayo sa posisyong kontra-mina. Kabilang si Brgy. Captain Boyet Esteban na nagpahayag nang pagtataka kung bakit hindi sa isang lugar sa Pag-Asa (na siyang host barangay ng MNP sa Sablayan) ito ginawa upang madama ang tunay na community spirit ng CCA.
Kapwa puno ng emosyon ang binitiwang salita ng mga Mangyan Mission Coordinators ng Apostolic Vicariate of San Jose (AVSJ) at Apostolic Vicariate of Calapan (AVC) na sina Fr. Anthony “Tonton” Tria, SVD, at Fr. Edu Gariguez, ayon sa pagkakasunod (na verbatim kong ipu-post next time-NAN). Kasunod nila ay ang maikli ngunit malamang mensahe naman ni PCB Chairman Silda Sanuton na siyang Pangalawang Pangulo ng Pantribung Samahan sa Kanlurang Mindoro o PASAKAMI. Maliban sa kanila, kasama rin sa mga nag-“gate crash” sina Msgr. Ruben “Jun” Villanueva, Vicar General ng AVSJ at hindi bababa sa 15 madre mula sa iba’t-ibang kongregasyon.
Kinahapunan, as usual ay pro-mining stance at mga positibong epekto umano ng mina ang teknikal na ibinahagi ni Regional Director Roland de Jesus ng Mines and Geo-Sciences Bureau (MGB) ng DENR. Ayon sa kanya, ang Mining Act of 1995 ay nagluwal ng mga responsable at maka-kalikasang probisyon sa industriya ng mina. Sa panig naman ng Intex Resources Corporation (AKA Aglubang Mining Corporation) ay same old line naman ang naging presentasyon.
Ipinakilala nila ang kanilang kumpanya. Inihayag ang mga teknikal na bahagi ng kanilang operasyon at ang kanilang kasalukuyang mga ginagawa sa pamayanan. Tiniyak nang kanilang mga taga-pagsalita sa pangunguna ni Mr. Andy Pestano, Community Relations Officer ng Intex, na sila ay maninindigan sa prinsipyo ng responsible mining sa lahat nang kanilang mga gagawin. Tampok sa presentasyon ang iba’t-ibang buting maidudulot umano ng MNP....
Matinding baliktaktakan ang kinauwian ng bahaging Open Forum. Samut-saring isyu na ang lumutang. Ang tungkol sa pagiging lehitimong tribung Mangyan ng tinatawag nilang “Ruwang” na mga miyembro ng PO na Kabilogan at Sadaki; ang pagsasabing ang konsultasyon iyon ay para lamang sa kanila na direktang tatamaan ng MNP; ang pagkakaunawa ng mga katutubo sa FPIC; at iba pang kaugnay na bagay hindi lamang ng mining kundi ng IPRA.
At ang nakakatawa pa, imbes na ang direktang atakihin ng mga katutubo ay ang Intex, ay lubos na napandale ay ang NCIP-Occidental Mindoro na naunang inulan ng paratang na nakikipag-kutsabahan umano sa Intex sa ilang mga gawain laban sa kultura at ninanais ng mga Mangyan. Nanindigan naman si Atty. Restor na magsampa ng kaukulang kaso laban sa mga tauhan ng NCIP na kurap at hindi tumutupad sa kanilang tungkulin.
In short, sa paghahanda pa lamang ang CCA ay magulo na at punong-puno ng kontrobersiya kaya marahil idineklara itong failure ng mga anti-mining na dumalo,- yung mga official delegates man o yung mga “gate crasher”. Bagamat ayaw na ituring itong ganito ng NCIP-Occidental Mindoro. Pero malalaman lamang natin kung ano talaga ang kinauwian ng CCA batay sa kanilang ihahaing documented report sa mga concerned bodies anumang araw mula ngayon.
Iisa lang ang malinaw, gagawi ang NCIP at magpa-facilitate uli sa iba pang prosesong pang-FPIC. Sa kabilang banda, ang mga anti-mining groups sa Occidental Mindoro at Oriental Mindoro,- LGU, PO at NGO, Simbahan, Mangyan o taga-patag man,- ay mukhang nagsimula nang magpakita ng kanilang tunay na pagkakaisa kontra sa mina,... partikular sa Mindoro Nickel Project.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
norman,
ReplyDeleteandun ka pala sa CCA sa sablayan. pasensya na at di na tayo ngakaroon ng oras para magkakilala at makapagkwentuhan. kinailangan din kasi naming bumalik agad sa oriental.
masyado talagang nag-fast track ang intex para makuha ang fpic. in fact, matapos ang ilang linggo, consensus building naman ang ginawa nila sa oriental.
nalaman naman agad natin yung activity nila kaya nagawa agad ni fr. edu na makausap si gob. panaligan para mag-issue ng cease and desit order sa gagawin nilang activity. ang 25-yr minign moratorium ng probinsya ang tinuntungan ng CDO.
ako ang isa sa inatasan ni Mayor Ortega na iserve ito. ang nangyari pa, gumawa kami ng checkpoint para harangin ang mga tao ng ncip na magsasagawa ng activity. una naming naharang si dating NCIP Commissioner Lagtum Pasag at sumunod si Mario Haba, pangulo ng SADAKI. may ilang oras din namin silang nabinbin sa dahilang pag pinakawalan namin na hindi pa dumadating ang mga taga NCIP-Occidental, posibleng magsumbong ang mga ito na huwag nang tumuloy o mag-iba ng daan. hanggang sa nagkasundo kami na ibigay nila sa akin ang cellphone number ni Bing Eder, nakausap at nagkasundo kami na sa opis ng Kabilogan sa Victoria sila tutuloy at doon ko isiserve ang CDO.
Puro reklamo galing sa kanila ang sumalubong sa akin nung gabi. mula kay pastor telesforo acbayaaan dahil labag daw sa karapatang pantao ng mga mangyan ang "paghuli" namin kay pasag at haba hanggang sa mga litanya ni bing eder at nung engr na taga-NCIP Region (yung kuba).
pero wala silang nagawa kunid ang i-receive ang CDO sabay paalala sa kanila na kung itutuloy nila ang kanialng activity, mapipilitan ang Provincial Government na sampahan sila ng kaso.
marami pang mga bagong developments dito at sa sunod, mas ididetalye ko sa iyo.
enteng, este Vincent Gahol
Enteng,
ReplyDeleteSalamat sa pagbisita at sa mga bagong developments. Sana mayroon din kaming maraming mga kagaya ni Vincent Gahol at Mayor Ortega dito sa oksi. Nandoon nga ako sa Sablayan noon at nasa harap mo ako noong ikaw ay nagsasalita. Hindi lang tayo magkakilala.
Salamat ng marami sa bagong informations.
Mabuhay ang mga Mindorenyong HINDI lamang mga maka-kalikasan kundi bahagi ng kalikasan at naniniwalang ang pagtatanggol ng kalikasan ay pagtatanggol nila ng kanilang mga sarili!
Ang hirap isipin at tanggapin na mga taga-NCIP pa ang siyang community relations office ng mga taga-mining. Nakapanindig balahibo na ang mga taong ito na halatang malaki ang kakulangan sa kaalaman at sobra naman ang pagiging ganid ay silang mga nasa puwestong itinatag ng IPRA. Bakit hindi na lang tayo manawagan ng pagtiwalag ng tanggapang ito. Sali ako diya o di kaya manawagan tayo na palitan lahat ng empleyado sa dahilang sila'y mga kriminal.
ReplyDelete