Wednesday, July 16, 2008
Giyera sa Aguas
Taong 2006 pa umano nang simulang maghasik ng lagim sa Brgy. Aguas at Pitogo sa bayan ng Rizal, Occidental Mindoro ang mga armadong kalalakihang ito. Tinatakot nila ang mga karaniwang magsasaka kung kaya ang mga ito ay hindi na makapagsaka sa kasalukuyan. Noong unang linggo ng Hulyo ay napasabak sa bakbakan ang mga itinalaga doong civilian volunteers na ikinasugat ng isa sa kanila. Kaagad namang naglunsad ng operasyon ang PNP-Rizal ngunit hindi na nila inabutan ang mga bandido sa pangunguna nang isang Meno Andres, 24 anyos na mamamayan din ng nasabing lugar.
Noong ika-3 ng Hulyo, 2008, personal na dumalaw si Gov. Josephine Ramirez-Sato sa lugar kasama ang ilang matataas na lider ng probinsiya kabilang ang mga opisyales ng Philippine Army at PNP. Nagbigay siya ng apat na araw na palugit para sumuko si Andres at ang kanyang mga kasamahan ngunit makalipas ang takdang palugit ay hindi pa rin tumugon ang mga armadong grupo. May bali-balita rin, batay sa text messages sa kanilang mga kaanak na hindi umano sila susuko. Inatasan ng gobernador ang Philippine Army na tuldukan na ang mga karahasang ito sa loob ng 15 araw.
Sa isang munting pagpupulong sa pamayanan, ipinahayag ng mga mamamayan doon ang kanilang takot at iba pang dulot nito. Higit sa 20 pamilya sa Sitio Surong ay nagsilikas dahil sa matinding pangamba. Naatala din ang pag-aaral sa Hacienda Yap Barangay High School. Dito rin napag-alaman ng mga awtoridad na ang gang ay mayroong mga matataas na kalibre ng baril,- kagaya ng M-14 at Galil, maliban pa sa ilang mababang kalibre kagaya ng Carbine at Shotgun. Simula noong 2006, anim na tao na ang naitatalang napapatay ng gang na binubuo nang may hindi bababa sa lima katao. Dito rin inihayag ng gobernador ang halagang P 200,000. pabuya sa ulo ni Andres at sa makapagtuturo ng kanilang kinaroroonan.
Taktika daw nitong si Andres, ayon sa mga taga-roon na bitbitin ang kanyang mga anak at asawa sa tuwing siya ay tutugisin ng mga pulis at ginagawa niyang human shield ang mga ito. At sa bawat pagkakataong mayroon itong naitutumba, ito ay lumalabas ng lalawigan para magpalamig at kapag hindi na siya mainit ay muling magbabalik sa lugar.
Kaya noong Martes (ika-8 ng Hulyo) ay naglunsad ng opensiba ang militar para madakip, buhay man o patay, ang tinatawag na “Andres Gang”. Nagsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng 407th Police Provincial Mobile Group (PPMG) at ang Elite Platoon ng 80th IB ng Philippine Army. Pero ang kakatwa, sa proseso ng kanilang pagsuyod para masilo ang “Andres Gang” ay encampment ng New People’s Army (NPA) na malapit sa lugar ang bumulaga sa kanila. Ang grupong bumubuo sa 40 katao, ayon sa pulisya ay pinamumunuan ni Jovito Marquez o “Ka Basay” na siyang lider ng Platoon Guerilla (PlaGuer) na siyang combatant mobile group ng NPA sa buong isla ng Mindoro.
Kinumpirma ni Police Supt. Cecilio Ison na nagkaroon nga nang engkuwentro noong araw na iyon,- NPA laban sa mga sundalo - na tumagal ng halos tatlong oras sa isang pook sa Brgy. Aguas na tinatawag na Hacienda Yap. Ibinunyag ito sa DZVT ng opisyal noong ika-14 ng Hulyo, taong kasalukuyan. Inamin ng militar na sila ay gumamit ng helikopter, V-150 at Simba vehicle sa nasabing operasyon kabilang ang mga rocket at 50-caliber machine gun.
Sa panayam kay PNP Provincial Director Audie Encina-Arroyo noong araw ding iyon, sinabi niya na sila ay naka-samsam nang mga claymore mine, mga granada at mga subersibong dokumento sa lugar na pinagkampuhan.
May lumalabas ngunit hindi kumpirmadong ulat na kaya naroroon ang mga NPA ay misyon din nilang likidahin ang gang dahil sa kabi-kabilang reklamo sa kanila ng mga mamamayan. Kapwa target ng Army at ng NPA ang “Andres Gang” at dahil nga ang mga sundalo at rebeldeng Komunista ang nagka-bulagaan,- parang mailap na labuyo itong naka-takas sa kanila. Ngunit ang ulat na ito ay pinabulaanan ni Lt. Col. Arnulfo Burgos, Battalion Commander ng 80th Infantry Batallion ng PA. Ayon kay Burgos, ang operasyon ng LaGuer ay walang kaugnayan kay Andres at sa kanyang mga gawaing kriminal.
Walang naitalang casualty sa panig ng pamahalaan ngunit isa ang namatay sa panig ng NPA na umano ay medical officer ng grupo. (Ewan ko kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa ito pinapangalanan ng militar) Walang sibilyan na nadamay sa enkuwentro taliwas sa lumabas sa mga national tabloid. Tumakas ang mga NPA sa may bulu-bunduking bahagi ng Monte Claro at Batasan. Lalong lumaganap ang takot ng mga mamamayan sapagkat hindi na lamang na-concentrate ang operation sa bayan bahagi ng Aguas at Pitogo kundi tumawid pa ito sa dalawa pang barangay ng Batasan at Monte Claro. Naniniwala ang militar na may mga sugatang rebelde na dapat mabigyan nang lunas kaya nanawagan silang magbibigay ng tulong sa ganitong sitwasyon.
Huling nagkaroon nang enkuwentro sa pagitan ng NPA at ng militar noong nakaraang buwan ng Pebrero...
Sa panayam sa “Pintig ng Bayan” kahapon, inamin ni Burgos at ni Capt. Julio Cayandag, Operations Officer ng 80th IB na itong si Andres ay dating asset ng militar na hindi maayos na na-handle. Nagkaroon umano ito ng kaugnayan sa isang opisyal ng noon ng 16th IB na hinalinhinan ng 80th IB sa Mindoro dalawang taon na ang nakalilipas. Kapwa nila tiniyak na back to normal na ang sitwasyon sa naturang mga lugar kahit hindi pa nila nakikita kahit anino ni Andres...
------------------
Whew! Naulit lang ang ganitong istorya sa Kanlurang Mindoro. Naaalala ko tuloy ang kuwento noong late 80s ni Noel "Rex" Verdadero at ang kanyang gang of bandits... Hay,- buhay!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment