Talagang matanda na ‘ata ako. Maraming mga bagay na iniisip at ginagawa ngayon ang mga kabataan na hindi ko maintindihan. Sabi nga nung isang kumpare ko, “Noon para maging pogi ay sinusuklay ang buhok. Ngayon para maging pogi ay ginugulo ang buhok!”
Matanda na talaga ako dahil tatlo na ang aking inaanak sa kasal. At sa Lunes ay may aanakin na naman ako ulit. Wala ako mamahaling bagay na maireregalo sa kanila. Tutal Christian role ko naman bilang Ninong ang gabayan sila sa kanilang buhay may-asawa, bigyan ko na lang kaya ‘yung groom (bahala na ‘yung mga ninang sa bride) ng paalala. Ipapaalala ko sa kanya ang istorya nina Adan at Eba sa Eden pagkatapos ay itatanong ko sa kanya, “Si Eba ba ang puno’t-dulo ng kasalanan ng tao?”. Sabay follow-up, “Hindi ba pareho naman silang naka-tikim o kumain ng forbidden fruit?” At ang ganito ang magiging daloy ng aking one-on-one paalala cum story-telling sa lalaki:
“Alam nating lahat ang istorya nina Adan at Eba kung papaano sila tinukso. Pero bakit parang kay Eba lang ‘ata natin itinambak ang lahat ng sisi? Ganito pa nga sinabi ni Adan: “Ang babaeng ibinigay mo sa akin ang nagbigay sa akin niyan…” Pero nang ibigay ng ahas ang prutas kay Eba, hindi ba niya katabi ang partner niya? Wala ba si Adan sa “scene of the crime”? Sa ibang bersyon ng ilang Bibliya ay nasusulat na magkasama sila nang oras na iyon. Kung magkasama sina Adan at Eba noon sa “crime scene”, bakit hindi niya pinigilan si Eba na kunin ang forbidden fruit gayung siya (Adan) ang unang binigyang babala ni God ukol dito?
Simula pa pala sa Eden (hindi lamang ngayon) ay ang babae na ang gumagawa ng dirty works para sa kanilang esposo. Enjoy na enjoy tiyak noon si Adan sa paglantak sa bunga ng kahinaan ni Eba (Kagaya rin ngayon na ang paminsan-minsang pagiging bungangera ni Misis (na kadalasan ay may balidong dahilan din naman..) ay dakilang katwiran na para i-manhandle siya! O ang pag-mamadyong ni babae ay excuse na sa pambababae ni lalake..). Hindi pinigil ni Adan ang kabiyak at lalong hindi niya ito tinanggihan. Bagkus, sinisi pa niya ang Diyos sa pagbibigay sa kanya ng kaulayaw, kasama at katuwang (na huwag namang mangyaring gagawin mo, inaanak).
Naganyak nga si Eba sa pagkakamit ng “karunungang katulad ng sa Diyos” na kung susuriin ay tila siya lang ang may higit na positive attitude ukol sa paghahanap ng karunungan. Hindi naman siguro si Eba lang ang nagnais nang marubdob sa karunungan. Maaaring may ganito ring mithiin si Adan pero naghintay pa siya nang pagkakataon na gawin ng kanyang asawa ang mga bagay na kaya naman niyang gawin (Halimbawa sa makabagong panahon: Gusto ni Mister pumorma araw-araw pero hindi naman siya tumutulong, kahit umigib man lang ng tubig sa paglalaba ng kanyang pang-videokeng t-shirt.).
Remember, bagamat naunang kumagat si Eba sa prutas ay nang DALAWA na silang nakakain nito ay saka lamang nag-react ang Diyos. PAREHO silang nagkaroon ng probable cause at later naging guilty sa kasong iyon. Pareho as in EQUAL kaya conspirators sila sa mga kauna-unahang krimen ng sanlibutan: theft, bribery, graft and corruption at public scandal(?).
Kaya lahat na PAREHONG ginawa ng lalake at babae bilang mag-asawa, kasal man o sila o hindi,- ay PAREHO dapat harapin, ang bunga man nito ay sumpa o biyaya. PAREHO ninyong tanggapin ang responsibilidad sa inyong mga desisyon. Naiintindihan mo ba ako Ijado?” At sasabihin niya, “Opo, Ninong. Salamat po, Ninong”. At ihahabilin ko rin na sa susunod ay sa Simbahan na sila magpakasal.
Galing ‘no? Hindi ba’t walang mamahaling regalo ang hihigit pa sa paala-alang ito? But the truth is, wala akong pambili ng mamahaling regalo sa Lunes. Wala pa kaming bonus, e…
Wednesday, December 3, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Sagot ko doon sa nag-comment o nagtanong tungkol sa umano sa kaso sa Mamburao. Wala akong alam na impormasyon doon. Pasensya na dahil hindi ko ito alam. At yung pangalan nung binanggit ninyo ay hindi ko kilala. After the holidays ay aasikasuhin namin ito... Nag-banggit po kasi kayo ng pangalan na wala naman akong hawak na anumang datos hinggil dito. Pasensya na...
ReplyDeletePero salamat po sa pagbisita. Baka pwede ring bigyan ninyo ako ng clue kung sino kayo. Happy New Year