Tuesday, December 16, 2008
Be Honest
Naka-polo kami ni Dikong Rey (once in a blue moon, lang ‘to!) noong Sabado kasi nga naman, kami ay naimbitahang magbigay ng talk hinggil sa paksang “Ang mga Naka-ambang Pagmimina sa Kanlurang Mindoro” sa Provincial Chapter ng Brotherhood of Christian Businessmen and Professionals o BCBP. Ang Forum ay ginanap sa Sikatuna Beach Hotel sa Brgy. San Roque, San Jose, Occidental Mindoro noong Sabado, December 13, 2008. Ito ay bilang pagpapa-unlak sa isang imbitasyon nga Chapter Chairman nito na si G. Tirso F. Espiritu na kaibigan ko simula nang kami ay mga binata pa sa Bubog. Humigit-kumulang sa 40 na mga kasapi na karamihan ay couples ang naroroon sa kanilang regular na Breakfast Meeting.
Noong nakaraang linggo kasi, ayon sa mga dumalo, nagbigay din ng input ang mga taga- Mindoro Nickel Project (MNP) sa pangunguna ng Intex Resources Corporation. At para naman umano ma-balanse, binigyan rin nila ng pagkakataong kami ay magpaliwanag bilang kinatawan ng Social Services Commission (SSC) ng ating Simbahang Lokal.
Ano nga ba ang BCBP? Pangunahing pundasyon ng pagkakatatag nito ay nagsasabing, “Life in Christ in its fullness for businessmen and professionals”. Sa kongkreto, ang mga sumusunod ang kanilang mandate:
* Creating an atmosphere where love, compassion and justice prevails in the marketplace.
* Overcoming situations of injustice, inequality and abuse.
* Provide a more equitable distribution of profits and benefits to labor.
* Fairness and honesty to the consumer.
Ang BCBP ay ang naglunsad ng nationwide advocacy program na tinatawag na “Be Honest” limang taon na ang nakalilipas na nilahukan ng may 113 Chapters sa bansa. Ang programa ay pangunahing ginagawa sa pamamagitan ng pag-iimprenta at pagsasabit ng mga streamer o pagpapa-tatak ng t-shirt, billboard o anumang bagay na pwedeng paglagyan ng mga pang-madlang mensahe ng programa.
Nagkalat sa downtown San Jose ang mga naglalakihang billboards at very visible ang mga salitang ito sa bawat sulok ng bayan: “BE HONEST. Even if others are not, Even if others will not, Even if others cannot.” Bilib ako sa mensahe at sana ay makanti nito ang kalooban ng sinumang makababasa especially our local elected officials. Kahit papaano, dito sa lalawigan ko ay masasabi nating tagumpay ang “Be Honest Campaign” ng nasabing trans-parochial group. Kaya lang, nang minsang kami ay naka-sakay sa traysikel ni Yob at nabasa niya ang billboard, mayroon siyang itinanong sa akin na hindi ko masagot. Ang sabi ko na lang sa aking panganay, “Hayaan mo ‘pag may naka-usap ako na taga-BCBP ay itatanong ko ‘yan…"
At noong Sabado ay dumating nga ang pagkakataong iyon. Kahit malinaw naming naibahagi ang aming puntos sa pagtutol sa pagmimina, hirap akong makapa kung nabigyan namin sila ng inspirasyong kumilos o hindi. Mukhang na disturb pa ‘ata namin ang grupo. Sabi pa nga ng iba, “Kapag kumilos tayo d’yan, patay tayo! Delikado yan!”. Isa lang ang tiyak ko, mukhang matatagalan pa bago lubusang makasama ng mga katutubong Mangyan at buong Pamayanang Kristiyano ang ilang grupong Simbahan sa mga pagkilos nito kontra sa mina. O sa alinmang isyung panlipunan, kahit na sa paglaban sa katiwalian sa korte at maging sa lansangan. Hindi ko alam kung bakit. Siyanga pala, marami sa kanila ang umuwi na bago pa man namin simulan ang input at kalahati na lang ang natira bago ito matapos!
Sa pagwawakas ng aming input ay itinanong ko sa kanila ‘yung tanong ni Yob sa akin habang nasa traysikel nang minsang pauwi kami sa Bubog, “Be Honest, Even if others are not, Even if others will not, Even if others cannot.”, binasa muna niya ang dilaw na mga titik sa kulay asul na billboard sabay tanong : “Teka ‘Tay,.. Anong gagawin natin kapag kinukurap tayo ng mga taong taong HINDI honest maliban sa personal appeal na ito at prayers na magbago o kaya ay patawarin natin sila?” Kagaya ko nang itanong ito ni Yob sa akin, hindi rin naging kongkreto ang sagot sa akin ng grupo…
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment