Isang simple at tahimik (kasi walang media coverage) na Covenant Signing ang isinagawa sa Chancery Building ng Bikaryato Apostoliko ng San Jose sa Mabini St., San Jose, Occidental Mindoro noong ika-2 ng Disyembre, 2008 sa pagitan ng kasundaluhan at mga katutubong Mangyan. Ang seremonya ay sinaksihan ng may 20 kataong kinabibilangan ng mga Philippine Army officer, mga lider ng Pantribung Samahan sa Kanlurang Mindoro o PASAKAMI kabilang ang ilang staff at worker ng Mangyan Mission.
Ang signatories sa bagong Kasunduan ay sina COL. EMMANUEL AMAT, Commanding Officer of the 203rd Brigade, PA and LT. COL ARNULFO BURGOS, Battalion Commander ng 80th IB, PA . Sa panig naman ng PASAKAMI, ang kumatawan ay sina JUANITO LUMAWIG, Chairman at SILDA SANUTON, na Kalihim nito. Ang PASAKAMI ay pederasyon ng mga samahan at tribong Mangyan sa Kanlurang Mindoro.
Naging saksi sa kasunduan sina GOV. JOSEPHINE Y. RAMIREZ-SATO at OBISPO ANTONIO P. PALANG, SVD, DD. kabilang si FR. ANTHONY TRIA, SVD, Mangyan Mission Coordinator. Ang paglagda ng magkabilang panig sa nasabing Kasunduan ay itinuturing na pagkilala at pagpapatibay sa Kasunduan na nilagdaan noong taong 2005 ni dating 203rd Brigade Commander COL. FERNANDO MESA, PA at ng liderato ng PASAKAMI. Ito ay nagtitiyak sa paggalang sa karapatang pantao ng mga katutubo at maging ang pagkilala sa kanilang kultura sa panahong may operasyong militar sa kani-kanilang pamayanan. Sa panig naman ng mga sundalo ay ang pagtitiyak na hindi pagagamit ang mga Mangyan sa ilang tukoy na gawain ng mga rebelde.
May ilang bagay lamang na idinagdag dito kagaya ang pagtitiyak ng kaligtasan ng mga kabataan at kababaihan sa panahon ng operasyong military at pagpapatuloy ng paglulunsad ng mga cultural sensitivity training/seminar na ibibigay ng mga katutubo para sa mga sundalo.
Sa panayam sa “Pintig ng Bayan” sa DZVT noong Miyerkules, binigyang diin ni Burgos na, "This (Covenant) is anchored on the basic principle of human rights." Umaasa naman ang mga pinuno ng tribo na magiging hadlang ito sa paglabag kanilang karapatan tungo sa pagkilala sa kanilang kultura. Naniniwala ang PASAKAMI na malaki ang maitutulong ng regular na dayalogo sa mga sundalo upang maligtas sa digmaan ang mga inosenteng sibilyan at kaagad na mapag-usapan ang mga problema bunsod ng operasyong militar sa lugar ng mga Mangyan na kalimitang pinaglulunsaran nito.
--------
("Naniniwala ka bang magiging tunay na protektor ng karapatang pantao ang mga sundalong 'yan? Psy-war lang 'yan!" Asik sa akin ng isang kakilala matapos kong ibalita ito sa kanya sa telepono. Sabi ko na lang na sa pagkakataong ito para safe ay, "My job is to inform, not to convince" na binigkas noon ni Bernadette Soubirous. Siya 'yung katorse anyos na batang taga Lourdes, France na pinag-pakitaan at sinabihan ng isang Mahiwagang Babae noong 1858 na, "I am the Immaculate Conception", na kapistahan ngayong araw. -NAN)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
oo nga, psy war lang yan. Parang sa mga peace pact ng UN sa mga taga-africa. Lalo pa ngayon na malakas ang kampanya against mining. Dapat nagpa sign din tayo ng covenant na lahat ng aktibista na tutol sa mining eh di rin basta "maglalaho".
ReplyDelete