Thursday, December 18, 2008

Sulyap sa Kasaysayan, Suri sa Pulitika


Pa-gabi na noon. Pagkalabas na pagkalabas ko sa Katedral noong Gaudete Sunday ay tumuloy na ako sa San Jose Town Plaza para panoorin ang isang palabas na pinamagatang “Mga Sulyap sa Kasaysayan ng Occidental Mindoro” noong December 14, 2008, isang araw bago ang ika-64 na Taong Anibersaryo ng San Jose Liberation. Ang presentasyong ito ay idinerehe’t pinamahalaan nina Prof. Gil C. Manuel ng Occidental Mindoro Historical Society at Mr. Luis Sumajit, Jr. Nilahukan ito ng may limampung mga kabataang babae at lalake na pawang sa tingin ko ay may hinaharap sa teatro at iba pang kaugnay na larangan ng sining.

Apaw ang tao sa plaza. Binaybay ng palabas ang ilan sa mahahalagang bahagi at yugto ng kasaysayan ng aming lalawigan. Bilib at saludo ako kaya wala akong masabi sa ganda ng palabas sa punto ng choreography, productions design, costume, sounds and lighting at halos lahat ng teknikal na aspeto nito. Bagama’t superb ang palabas at nakapag-bigay nga ito ng impormasyon ay bitin naman ito sa hamon. Tigmak sa trivia pero tigang sa pamumukaw ng damdamin. Kunsabagay “sulyap” nga naman ito at hindi “suri” sa kasaysayan…

Noong 1950s ang San Jose Liberation ay isa sa mga tampok na okasyon sa loob ng taon. Sabi ng mga matatanda, maliban sa bonggang selebrasyon, dito rin itinatampok ang aming mga lokal na bayani ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig na hindi ko na rin maisa-isa maliban kina Fermin Baretto ang alkalde noon ng San Jose-Pandurucan na pinugutan ng ulo ng mga sundalong Hapon sa may Ilog Busuanga at lider-gerilyang sina Vincent Fortune, Sr. at Lawrence Cooper. Mga kuwento na una kong narinig sa mga bibig ng aking lolo at lola. Mga kuwento nang kanilang buhay noong sa Tunnel, Central pa raw sila naka-tira.

Sa kanyang sulatin na pinamagatang “Mindoro: Key That Unlocked RP Liberation” na lumabas sa Philippine Daily Inquirer (PDI) noong December 15, 2007 ay ganito isinalarawan ng local historian na si Rodolfo Meim Acebes AKA “Ka Bise” ang Mindoro Landing: “At dawn of Dec. 15, 1944, R/Adm. Arthur D. Struble, the leader of the naval force, ordered the bombardment of San Jose-Pandurucan to clear it for the landing of the liberation forces. Gen. Douglas MacArthur was right; there were not many Japanese soldiers in Mindoro to meet his force. They retreated to the mountains while the others were left to guard their radio equipment”.

At idinugtong pa ni Acebes, “At 7:10 a.m., the 24th Infantry Division with 11,780 combat men, 9,516 Army Air Force and 5,901 service troops landed at the Red Beach in Caminawit Point, White Beach in Barrio Bubog, Blue Beach in Barrio San Agustin and Green Beach across the Bugsanga River. It was followed by the landing of VII Amphibious Forces carrying 16,500 soldiers with 27,600 tons of supplies.”

Bagama’t hindi na bago sa akin ang ilang istorya na aking napanood dahil nai-kuwento na nga ito sa akin at nabasa ko na rin sa sulatin ng mga Mindoro historian na sina G. Rudy Candelario at Ka Bise ay mas nag-enjoy ako sa panonood ng sayaw at kanta ng mga kabataan sa entablado. Napa-indak rin ako at napa-kanta habang pinapatugtog ang mga awiting matagal ko nang hindi naririnig tulad ng “You Are the Sunshine of My Life”, “Hello Dolly” at “Twist and Shout”. Naaliw ako sa indayog ng mga batang mananayaw. Muli sa aking buhay…

Ngunit palibhasa siguro ay salat ako sa kaalaman sa katutubong sayaw (o sa sayawan in general), noong gabing iyon ko lang nalaman na ang sayaw na “Pandanggo sa Ilaw” pala ay dito sa Kanlurang Mindoro nagsimula partikular sa Bayan ng Lubang. Kaya naman pala sa sayaw na ito ipinangalan ng yumaong social scientist na si Prof. Remigio Agpalo ang pamagat ng isa niyang aklat na “Pandanggo sa Ilaw: The Politics of Occidental Mindoro” na inilimbag noong 1965. Totoo pa rin ngayon ang kanyang political analysis: “Because Philippine society is hierarchical, politics based on personality and patronage has been prevalent. As "Pandanggo sa Ilaw" politics, this resembles the manipulative as well as the graceful movements of politicians who compete for power in the political arena” (p. 86).

Siyanga pala, kabilang sa mga panauhing pandangal sa palabas ay sina Mayor Romulo M. Festin ng San Jose, Bokal Roderick Q. Agas at Governor Josephine Y. Ramirez-Sato. S’yempre pa dahil sa kanilang presensya, hindi mo na kailangang maging si Madam Rosa para mahulaan na ang Pamahalaang Panlalawigan ang siyang nag-pondo dito. As expected, wala ni anino ng mga taga-kabilang political camp sa crowd.

Tinapos ang palabas sa pamamagitan ng talumpati ni Governor at ni Meyor at noong gabing bisperas ng Mindoro Liberation, hindi lamang balik-1944 ang simoy hangin kundi fast forwarded-2010 na kaagad…

3 comments:

  1. eh di history in a perpective of a gay ang ngyari?at any rate, historical pa rin, di ba. kaya lang because of the "gay culture" (i am not homophobic)our historical perspective is twisted, specially if it has political colors. Eh bakit kaya di nag-apology si Mr. Sato sa mga kawalanghiyaan ng mga kalahi niya? Many comfort women are still waiting for the official apology of the Japanese government.
    Sayang di ko napanood, kaya im not really in the position to critique.

    ReplyDelete
  2. Wala sa doon si Mr. William Sato. Di naman malimit na sumasama kay Gov. Sato

    ReplyDelete