Friday, December 12, 2008

Mula KBP Hanggang NEA


Dumayo pa sa opisina ng NEA (National Electrification Administration) Office sa Diliman ang BOD ng Occidental Mindoro Electric Cooperative (OMECO) noong Martes, December 9, 2008, para magpalitan ng maaanghang na salita. Ang pulong sa pagitan ng BOD ng OMECO at ng mga matataas na opisyales ng NEA ay ipinatawag mismo ng nasabing pambansang ahensiya upang once and for all ay unti-unti nang matuldukan ang isyu ng umano'y maling pamamalakad at pagpapatalsik sa/kay OMECO General Manager Alex C. Labrador. Siya ay imbitado at dumalo rin sa nabanggit na pulong.

Sa pahayag ni Dir. Samuel A. Villar sa DZVT noong Miyerkules, sinabi nito na sa unang bahagi ng pulong ay binaybay ng mga taga-NEA ang kanilang ginawang Audit Report . Ano ang kanilang rekomendasyon batay sa report at iba pang mga dokumentong natanggap nila? Heto ang kanilang hatol ayon sa salaysay ni Villar: “TERMINATION” para kay Labrador o kaya ay mag-“GRACEFUL EXIT” na lang siya. Ngunit ayon sa panayam, hanggang sa huling sandali ay tigas-tanggi si Labrador na bumaba sa puwesto at sinabing bigyan pa siya ng sapat na panahon para pag-isipan ang pagbaba sa poder. Palibhasa nailahad na nila ang kanilang tunay na layon at komo ang usaping ito ay internal na sa mga taga-OMECO, kumalas na sa miting ang mga taga-NEA para bigyang-daan ang OMECO Board Meeting na tatalakay sa kasasapitan ni Labrador.

Sa panimula ng BOD Meeting na ang nag-preside din naman ay si BOD Chairman Jerry R. Villanada ng District II ng San Jose Area,- kaagad na nag-motion si Dir. Arsenio “Boy” C. Samson ng bayan ng Calintaan bilang susog sa naunang rekomendasyon ng NEA para sa termination ni GM. Naging very vocal umano si Dir. Melito C. Pasol, Jr. ng bayan ng Rizal sa pagtatanggol kay Labrador. To cut the long story short,.. wika nga, matapos ang litanya at palitan ng ayon kay Villar ay “very harsh words”, gumawi na rin sa wakas ang miting sa division of the house. Tatlo (3) ang nag-affirm sa recommendation ng NEA habang dalawa (2) naman ang umabsuwelto sa kanilang General Manager. Ang tatlo ay sina Villar, siyempre si Samson at si Dir. Francisco T. Servando. Sa panig naman ng mga pumabor kay Labrador ay sina Dir. Myrna Galindo-Magno ng Magsaysay at saka si Pasol nga. Bilang presiding officer at walang nangyaring tie sa botohan, ayon sa batas ay hindi maaaring bumoto si Villanada. Kaya hayun, sa wakas ay naka-iskor din ang mga anti-GM,- ang mga pro-Save OMECO. At nagkabisa nga ito at tinawag na Resolution No. 138…

Ang siste, may drama pa uling naganap. Ayaw pirmahan ni Villanada bilang Chairman ang Resolution No. 138 at patuloy pa rin nilang kinukuwestiyon ang ginawang proseso ng botohan. Wala umano si San Jose Area District I Director Leonardo S. dela Fuente kaya hindi dapat natuloy ang botohan. Sabi naman nina Servando, Samson at Villar, kahit wala si dela Fuente ay may quorum naman ang pagpapasya at iyon ay ayon naman sa parliamentary rules and procedures. Taasan na naman po sila ng boses. Balitaktakan na naman. (Ang ilan nga sa kanila ay nagpa-tingin ng blood pressure sa clinic sa 4th Floor ng gusali at pawang mga na-hypertension!!)

Noong pa-hapon na ay dumating si Dir. Dela Fuente at sinabing hindi siya napasabihan na umaga pala ang iskedyul ng pulong with NEA kung kaya siya nahuli. Pero ayon kay Samson, imposible ito dahil kasabay nila si dela Fuente na lumuwas ng Maynila. At nang matantiya siguro ng mga pro-GM na may bilang na naman sila, nagpatawag ng regular session at pinagtibay nila ang isang Resolusyon (Resolution No.139) na naglalayong i-quash ang naunang Resolution No. 138. Ang 138 ay ayaw pirmahan ni Villanada as Chair at yung 139 naman ay ayaw ding pirmahan ni Villar bilang Secretary. Kaya hayun, dead lock na naman uli…

Sa puntong ito nila kinailangan ang isang abogado at nag-provide naman ang NEA. Parang ganito more or less ang sabi ng abogado : “Pareho kayong walang mapapala kung hindi ninyo pipirmahan ang mga iyan. Magiging legally walang bisa pareho ang mga papeles”. Kulang na lang siguro na katusan sila at sabihing, “Magsi-tigil na kayo. Para kayong mga bata!!” Papaano mo nga naman iku-quash ang isang papel na ayaw mong kilalanin? Tingin ko lang ito ha, exercise in futility na ang Resolution No. 139. At saka pa lamang nalagdaan ang parehong resolusyon.

Ayon kay Dir. Servando, sa December 15 pa malalaman ang final verdict ng NEA tungkol sa magiging kapalaran ni Alex Labrador. Araw na siyang anibersaryo rin ng tinatawag naming "Mindoro Landing" or "Liberation of Mindoro from (Japanese)Invaders".

Teka, gusto ko rin idagdag na ako kabilang ang dalawa ko pang kasama sa DZVT ay inireklamo sa Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) ni Gng. Marilyn R. Labrador, asawa ni GM at Administrator ng West Mindoro Technological Institute (WMTI), sa pamamagitan ng isang sulat kay KBP President Ms. Maloli K. Espinosa noong November 7, 2008. Nang matanggap namin ang sagot ni Ms. Diana C. Gozum, Chairperson ng KBP-Standards Authority noong November 28, 2008 ukol dito, alam ko na ang reklamo sa amin ay kagaya lang ng OMECO Board Resolution No. 139, - made out of desperation at HINDI na dapat ginawa pa. Sabi nga ni Gary Granada, "Kapag ikaw ay nasa kumunoy, ang pinaka-matalinong pagkilos ay ang HINDI pagkilos!"

3 comments:

  1. Well, thanks for the updates.

    This explains a lot why the daughter of Mr. Labrador who was my classmate in DWC gave me a cold shoulder.

    ReplyDelete
  2. An example of funny things that aren't amusing...haha.

    ReplyDelete
  3. some 'ACCOUNTABLE' and 'RESPONSIBLE' people doesn't seem to care how other people will be affected in their actions and decisions... what more of their family members and loved ones...

    ... malaki epekto niyan sa mga anak at kapamilya.

    ReplyDelete