Umabot na sa century mark ang blog na ito at ito na ang aking ika-100 posting dito sa “Pamatok”. Ang kinse anyos kong anak na babae na si Anawim (o Tutz) ang nag-ganyak sa aking mag blog kasi siya ang mas exposed sa computer sa lahat sa amin sa bahay. Ito ay para naman daw lumawak ang maka-basa sa akin maliban sa naabot ng “Bigkis”, ang (dating?)newsletter ng Bikaryato ng San Jose,- kung saan ay isa ako sa mga kolumnistang layko bagama't hindi naman ako tunay na manunulat. Si Tutz ang humimok sa aking pasukin ang cyber space at nalaman kong hindi lang ito pang tinedyer. Kaya ‘yung title ng aking kolum sa aming opisyal na babasahin ay siya ring ginamit kong pamagat. Nagsimula akong mag-post noong ika-14 ng Enero, 2008 sa pamamagitan ng posting na “Templo ng mga Anino” na tungkol sa isang dating sinehan dito sa amin.
Ang buong blog na ito ay parang at pawang pira-piraso ng bubog (broken glass) ng iisang salamin ng lipunan ng Kanlurang Mindoro sa pangkalahatan. Isang salamin na ang lahat ay nakalantad ayon sa abang perspektiba ng nagbabahagi na nagkataong panulat lang ang ginagamit. Mananatiling ang aking target readers ay ang ordinaryong mamamayan at mananampalataya ng Kanlurang Mindoro, o yaong mga may interes sa Kanlurang Mindoro at may anumang pagkakaugnay sa Kanlurang Mindoro, nasaan man sila sa daigdig.
Mananatiling Tagalog o Taglish pa rin ang aking gagamitin kahit grammatically wrong kadalasan ang paggamit ko dito. Wala akong magawa dahil mas masama talaga ang aking English. Wala akong magagawa dahil ito ang wika ko, ang wika natin. Wala akong magawa dahil ito ang mas madali nating maunawaan. Ito ang wikang malapit sa ating puso dahil ginagamit natin ito sa araw-araw,- kapag tayo ay sumisigaw o bumubulong, natutuwa o nagagalit, nagmamahal o nagiging makasarili, nagbibigay o tumatanggap, nangangaral o nang-aasar, nagmumura o nagdarasal. Sa lahat ng karaniwan nating pakikipag-talastasan saan at kanino man. Kagaya nang unang pagtatagpo ng dalawang magkaibigan, magpapakilala ako sa pamamagitan ng pagsasabi ko ng aking tunay na pangalan.
Mananatiling layunin ng blog na ito ay pumukaw at gumanyak sa ating kumilos para sa pagbabago. May maniwala man sa akin o wala. May mga tumigil o may mag-umpisa mang bumasa dito. At hindi ako mawawalan ng loob kung ako ay maging bigo. Basta ang mahalaga, ako ay nakapag-bahagi sa panahong kailangan sapagkat ang pakikibahagi ay isang paraan ng pakikialam. Sa totoo lang, mas nauunawaan ko pa ngayon ang taong walang Diyos kaysa sa taong walang pakialam!
Tsamba lang na may bahid ng pagiging Katoliko ang aking blog. Hindi ito sinasasadya. Nagkataon lang na ako ay isang manggagawa ng aming Simbahang Lokal. Nagkataon lang na nagamit ko ang salandra ng pananampalataya sa aking mga sulatin ngayon. Higit sa lahat, hindi naman ako graduate ng Catholic school at walang pormal na pag-aaral sa Teolohiya. Kung nagkataong sa dati kung buhay ako nag-blog, tinitiyak ko sa inyong hindi ganito ang magiging tema at itsura nito. Maaaring ito ay isang isang bastos o kaya ay puro kabulastugang blog. O kaya ay blog na ang mga mensahe ay katulad ng naka-sulat sa pulang pintura sa mga pader sa Maynila. O anumang blog na tila walang puwang ang pagninilay,- o anumang bagay kaugnay ng espiritwalidad.
Matapos ang aking ika-100 posting ay ipapakita ko pa rin sa iba ang nakikita ko. Tanging ang ibig ko lang ay magbahagi ng kuwento, balita at saloobin sa perspektiba ng aking ginagawa at karanasan sa araw-araw dito sa Kanlurang Mindoro. Makasagasa man ako o makapagpa-angkas. Ipaaalala ko sa lahat sa pamamagitan nito na bahagi din ng mundo ang Kanlurang Mindoro. At palibhasa ako ay nasa “kalagitnaan” na ng buhay, lalong hamon ang winika ni Henry James sa nobelang “Middle Years”: “We work in the dark – we do what we can - we give what we have. Our doubt is our passion and our passion is our task..”
Salamat sa pagiging ka-manlalakbay….
Sunday, December 7, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
minsan lang ako nakapunta sa mindoro dahil namasyal kami sa puerto galera. dati akong nagtrabaho sa haribon foundation at isa sa aming mga sites ay sablayan, mindoro. hangang ngayon, meron pa rin kami mga kaibigan doon na tumutulong sa aming mga proyekto sa pagpapanatili ng ating mga likas na yaman. salamat
ReplyDeletehttp://mhaileon.blogspot.com
Salamat po sa pagbisita. May ilan pang proyekto ang Haribon sa Sablayan at malaki ang kontribusyon nila sa mga inisyatibang pang-kalikasan doon...
ReplyDelete