Wednesday, December 10, 2008
Si PacMan sa Sablayan
Darating o maaring dumating na mula sa Amerika ngayong araw si Manny Pacquiao mula sa matagumpay niyang laban noong Sabado (Linggo sa ‘Pinas). Sama-sama sa pagbubunyi ang higit na ipapakita ngayon ng mga Pinoy dahil ginto at hindi basta-basta bakal ang nadale ni Manny. Isa na namang ma-alamat na balahibo ang inadorno niya sa kanyang buntal (uri ito ng sombrero na gawa ng mga Tagalog at hindi po ito brand ng glab kagaya ng Cleto Reyes o Everlast!) sa katauhan ni Oscar dela Hoya.
Ipaaalala ko lang (at para sa kabatiran ng mga hindi pa nakaka-alam) na may importanteng papel ang Occidental Mindoro sa boxing career ni Manny Pacquiao partikular ang bayan ng Sablayan. Sa Sablayan Astrodome sa Brgy. Buenavista unang natikman ni PacMan ang panalo bilang propesyunal na boksingero. Tinalo niya sa unanimous decision sa kanilang apat na round na laban si Edmund “Titing” Ignacio noong ika-22 ng Enero, 1995. Si Ignacio ay tubong Oriental Mindoro na halos apat na taon ang tanda kay Pacquiao (November 24, 1974 ipinanganak si Ignacio habang December 17, 1978 naman si Manny). Huling namataan (bagama’t hindi naging ‘sing bagyo ng low pressure area ang kanyang career) sa ibabaw ng ring si Ignacio noong November 16, 2001 nang siya ay matalo sa isang flyweight boxer na nagngangalang Rolly Lunas. Narito ang kartada ni Titing (Edmund na nga kung Edmund!) sa kanyang buong boxing career: 35 fights, 8 wins (with 1 KO), 3 draws and 24 defeats!
Habang si Manny saan mang bansa sa planeta pumunta ay alam ng madla, si Titing Ignacio ay hindi alam kung nasaan na (Paglilinaw: hindi niya kaanu-ano at ka-apelyido lang niya yung isang Bokal na at-large ngayon at hindi rin malaman kung nasaan). Kung nagkataong dito sa San Jose Gymnasium nangyari ang first professional fight ni Pacquiao, baka nag-unahan na ang mga SB Member na gawin si Manny na “adopted son” para may dahilan man lang na maka-hingi ng balato sa kinita nitong dolyares mula sa laban sa Las Vegas. Kung hindi man, karangalan nga namang maging kumbaga sa mapa ay “land mark” ang iyong bayan sa boxing career ng “Pambansang Kamao”.
E,.. kung si Sen. Richard Gordon nga na nagkataon lang na ang isa sa ipinaglalaban sa Senado ay interes ng mga Pilipinong beterano (na hindi lang naman sa Mindoro mayroon) ay ginawang “adopted son” ng Pandurucan. Eniwey, second landing site nga naman ng puwersa ni Gen. Douglas MacArthur ang San Jose sa buong ‘Pinas noong December 15, 1944. Ang gawad na ito ng SB ay mula sa isang inaprobahang Resolution ilang buwan na ang nakalilipas. At matapos na "maampon" si Sen. Gordon, namigay ang senador as Chairman ng Philippine National Red Cross (PNRC)ng maraming biscuit at iba pang sa tingin ko ay Band-Aid na tulong para sa aking mga kababayan…
Hayy...malaki talaga ang kaibahan ng Sablayan keysa sa San Jose. Tsk,..tsk,..
Balik na lang tayo kay Manny. Maligayang pag-uwi sa Pilipinas, PacMan!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment