Thursday, January 29, 2009
Radyo sa Mindoro
Ipalagay na eksena ito sa party headquarters ng isang pulitiko at kausap niya ang isang lider-Mangyan. Panahon ito BAGO ang eleksyon...
Pulitiko : “Hay, salamat,… sa wakas ay umabot rin tayo sa gusto kong mangyari...”
Mangyan : “Pauuwiin mo na ba ako sa amin?”
Pulitiko : “Wala… W-wala sa isip ko ‘yan...”
Mangyan : “May maasahan pa ba kami sa iyo?”
Pulitiko : “Naturalmente! Palagi at patuloy…”
Mangyan : “Hindi ba niloloko mo lang kami…?”
Pulitiko : “Hindi! Nagtatanong ka pa, e….”
Mangyan : “Paglilingkuran mo ba kami nang tapat?”
Pulitiko : “All the time…”
Mangyan : “Ikaw ba ay magiging sakit ng ulo namin?”
Pulitiko : “’Tangna,..Hindi!! Are you crazy???”
Mangyan : “Mapagkakatiwalaan ka ba?”
Pulitiko : “Yes…”
Mangyan : “O, Kaibigan ng aming tribo….”
Para malaman kung ano naman ang pag-uusap PAGKATAPOS ng eleksyon at NANALO na si Pol Pulitiko. Basahin lang simula sa IBABA PATAAS.
Seriously, ang nagtulak sa aking i-post ito ay ang binanggit minsan ni Bapa Sute Montales, isang lider-tribo ng mga Hanunuo sa bayan ng Magsaysay sa isa naming pakikipag-dayalogo sa kanila noong isang taon. Sabi niya : “Iyang mga pulitiko kapag malapit na ang eleksyon, may pahagod-hagod pa sa Mangyan at patapik-tapik sa likod. Pero kapag nanalo na, kapag kakausapin mo ay bigla na lang silang tatalikod…!!!”
Bilang lokal na media ay sumugod kami doon nang magsagawa ng pagkilos ang samahang HAGURA (Nanunuo, Gubatnon at Ratagnon) sa nasabing munisipyo para ipakita ang kanilang pagtutol sa isasagawang Magneto-Telluric Survey kaugnay ng Oil Exploration ng Department of Energy (DOE) sa Sitio Magarang na sakop ng kanilang Lupaing Ninuno. Inimbitahan noon ng Sangguniang Bayan (SB) ng Magsaysay sa pangunguna ni Vice-Mayor Ramon G. Quilit ang mga lider-katutubo para ipahayag ang kanilang panig sa inquiry ng SB. Pero hindi ang mina ang gusto kong tumbukin dito…
Tanging DZVT lamang ang istasyon sa Mindoro na malalimang tumatalakay sa ganitong usapin ng mga Mangyan. Mula sa isyung may kinalaman sa armadong tunggalian na inosenteng Mangyan ang kadalasang biktima; hanggang sa paggamit sa kanila ng mga pulitiko tuwing halalan kagaya nang nangyari sa Paluan noong nakaraang eleksyon. Magka-ugnay ang Mangyan Mission at DZVT,- ang Social Communication Apostolate ng Bikaryato, sa pagsugsog kung saang kampo ng pulis o sundalo dinala halimbawa ang isang inarestong Mangyan; hanggang sa kanilang paninindigan kontra sa mina at oil exploration partikular ng Intex at ng Pitkin. Tanong tuloy ng isa kong kakilala, “Trabaho pa ba ng media ‘yan? Hindi ba ang trabaho n’yo lang ay magbalita ng tama at patas, ng ayon sa mga tunay na pangyayari? Kapag kasama ninyo ang mga Mangyan sa kanilang mga layunin, halimbawa kontra-mina,.. kinakampihan na ninyo sila,.. may kinikilingan na kayo…”
Ang sagot sa mga tanong na ito ay naka-kawing (pasensya sa salitang ginamit ko!) sa isang mas malaking tanong : “Ano ba ang papel ng Mass Media sa lipunan?” O sa konteksto : “Ano ba ang katangian ng mga istasyon ng radyo sa Occidental Mindoro?” Gusto ko mang suriin ito ay hindi ko gagawin. Tulungan ninyo akong sumuri. Marami kasing magagalit sa akin kung sasabihin ko na may dalawang istasyon ng radyo dito na ginamit o ginagamit sa layuning pulitikal ng mga may-ari o namamahala nito. Baka putaktihin na naman ako ng hindi obhetibo at personal na mga argumento mula kay “Alipin ng Langit”. Pagbibintangan na naman ako. Kesyo ako naman daw ay hindi Mass Communication o baka lektyuran uli ako ng Journalism at saka kung anu-ano pa…
Isa sa mga Mass Communication Theories na binabanggit ni Franz-Josef Eilers, SVD sa p.67 ng kanyang aklat na “Communicating in the Community” (An Introduction to Social Communication), ay ang Agenda Setting Theory na nagsasabing ang isa sa main functions ng Mass Media ay ang mag-set ng adyenda at pumili ng mga paksang dapat lamang pag-usapan, depende sa gusto nating ilabas, depende sa ating mga personal o pulitikal na adyenda. Kagaya ng paliwanag ni MS na nai-post ko na minsan.
May mga propagandista ng lokal na pulitiko na aasta o magmamalaking wala silang mga adyendang pulitikal sa kanilang talakayin at mga pag-babalita, pero sana ay maunawaan nila ito: Sa pagsasalita natin sa radyo, iniisip ng tao ang mga sinasabi natin pero hindi nila ito ginagawa. Gayundin, hindi rin nila ginagawa ang mga sinasabi nating dapat nilang isipin. Kaya kailangang madama tayo ng ating mga taga-pakinig hindi lamang sa pamamagitan ng ating mga tinig sa radyo. At wala nang paraang mas madadama tayo kaysa sa pagsama sa kanila sa kanilang bawat karanasan sa pagkakamit ng adhikain sa lipunan …
Kung susumahin natin ang mukha ng Mass Media sa atin, maaaring i-cite ang n. 416 ng Compendium of the Social Doctrine of the Church na ipinalabas noong Hunyo 2004 ng Pontifical Council for Justice and Peace sa Vatican na nagsasabing: “In the world of the media the intrinsic difficulties of communications are often exacerbated by ideology, the desire for profit and political control, rivalry and conflicts between groups and other social evils.”
….At para sa amin, hindi nga lang pala ito trabaho kundi pagsasabuhay din ng pananampalataya!
(P.S.- Salamat din kay Sandi V. ng Wackwits sa konsepto sa itaas na halatang pilit ‘ata ang aking pagkaka-gamit..)
Sunday, January 25, 2009
Makabagong Pilato
“May patunay ka ba na historikal na personalidad si Poncio Pilato? Ang Bibliya ay sinulat para sa pananampalataya, at hindi para magsilbing historikal na tala ng mga pangyayari, di ba?
Hindi kaya si Poncio Pilato ay isinalarawan lamang ng manunulat ng Bibliya sa isang paraang makakasuhay sa layunin nito sa kaniyang pagsusulat? Baka kasi kailangan lamang ng isang magkakanulo kay Hesus, kaya't kailangang maging masama ni Poncio Pilato...Ang tawag dito ay Hagiography...At, oo, ang kasaysayan ay itinatakda hindi lamang ng tunay na nangyari, kundi ng Hagiograpiya...Maaari bang marinig ang iyong bahagi dito?”
Halatang hindi basta-bastang Church-goer ang sumulat, 'di ba? Comment ito sa posting na may pamagat na “Hanggang Ngayon Ba Naman..” ni “Tirador…” kung saan ay na-mention niya (“Tirador..”) si Poncio Pilato. Comment ito noong January 20 sa kalagitnaan ng umuulang comments sa kanya simula nang i-post niya ang “Look Who’s Talking?” na tumitira sa mga host dun sa istasyon ng radyong hindi pag-aari ng Simbahan.
Maganda ehersisyo ng utak ang isyung pinalutang ng nag-comment. May sense ang binukas niyang discussion at hindi mapurol kagaya nung kay “Alipin (daw) ng Langit”. Ewan ko kung magkakilala sila. Anyway...
Oo nga naman. Come to think of it (naks!),.. Masamang tao ba talaga si Pilato? Maliban sa paghuhugas ng kamay, mayroon pa ba siyang ibang kasalanan? Baka nga kaya itinakda lang ito ng Hagiograpiyang sinasabi ng nag-comment.
Sa mga sulating batay o sumasangguni sa Bibliya at sa Bibliya mismo ko unang nakilala si Pilato (hindi ko alam kayo). Hindi lamang sa buong apat na Gospel kundi maging sa Book of Acts at sa Unang Sulat ni San Pablo kay Timoteo mababasa si Pilato. Pero labas sa Bagong Tipan, kung papaano siya namahala sa Judea ay naitala lamang sa pamamagitan ng pagsasangguni sa mga gawa ng Jewish historians na sina Josephus at Philo at ang historyador na Romano na si Tacitus. Nabasa ko lang ang mga ito sa aklat na ibinigay sa akin ni Edith Escalante,.. na taga-Catechetical Coordinating Office (CCO) ng Bikaryato,- na pinamagatang “Who’s Who in the Bible” na published by Reader's Digest na halos katunog din ng “Look Who’s Talking” ni “Tirador"!
Maaring Hagiography nga ito sapagkat kung talagang naging bad boy si Herodes sa buong buhay niya at hindi lamang sa panahon ng paglilitis kay Hesus, bakit ayon sa ilang iskolar ng Bibliya, may sinaunang tradisyon na lumikha ng isang gawa-gawaang (fictitious) “Acts of Pilate” na maihahalintulad natin sa hindi kinikilala o ‘di-awtorisadong ng Simbahang Katoliko na “Gospel of Judas” na naging punto rin ng mga debate ilang taon lang ang nakalilipas. (Pero sabi nga pala ni Fr. Gerard O' Collins, SJ na propesor ng Christology sa Pontifical Gregorian Seminary sa Roma, kagaya ng mga "gospel" ni Maria Magdalena, "it does not merit the name 'gospel' "). Ang “Acts of Pilate” ay naglalaman ng mga fanciful stories re: Jesus Trial. Sa mga post-Biblical Christian literature nga raw ay inilalarawan ni Pilato si Hesus hindi lamang walang-sala o inosente kundi kinilala pa niya ang kabanalan nito. At ito ang mas matindi, ang mga Coptic Christians sa Ehipto ay ibinibilang si Pilato sa hanay ng mga santong kanilang pinararangalan.
Pero may posibilidad ba na walang Pilato sa tunay na buhay? Ewan ko,… pero ang alam ko, totoo man o hindi si Pilato, kung papaano siya ipinakilala sa atin sa layuning tayo ay maging isang tunay na Kristiyanong mananampalataya ay dapat na magtulak sa atin na harapin ang hamon at tawag ni Hesus. Kagaya ng tagpong iyon sa sala ni Pilato. Halimbawa ay kung papaano natin ipagtatanggol ang ating pananampalataya at ang Simbahan sa gitna ng pressure at pambabatikos ng mga makapangyarihang tao o institusyon gamit ang mass media. Kung hindi, bibiguin natin ang mga sumulat nito sa kanilang layon. Isa pa, kung sa “Quest of the Historical Jesus” ay hirap na natin (mga ordinaryong mananampalataya) maunawaan ang mga biblical scholar, dadagdagan pa ba ng “Quest of the Historical Pilate (?)”? Hamon ito sa ating religious leaders kung papaano nila ito ipatatagos sa atin sa pamamaraang abot ng ating pang-unawa sa kanilang kapasidad bilang ating pastol o sa mga gawain pastoral.
Speaking of historical Jesus, ganito ang paliwanag nina Douglas J. Elwood at Patricia L. Magdamo na bumabanggit sa paliwanag rin ni Gunter Bornkamm sa kanilang aklat na “Christ in the Philippine Context” na puro alikabok at inaanay na nang madampot ko sa stock room ng isang parokya. Ewan ko kung outdated na ito at nabasa na kaya "itinago" na. Pero sa p. 313 ay ating mababasa :
“Our task then, in the continuing quest of the historical Jesus “is to seek the history in the central message of the Gospels and in this history to seek the message.” And. “If we are asked to differentiate between the two,” he concludes, “that is only for the purpose of revealing more clearly their inter-connection and inter-penetration.””
Pik-apin ko lang ang mga salitang "inter-connection" at "inter-penetration". Subukan nga nating i-“inter connect” at i-“inter-penetrate” ang kasalukuyang kalalagayan o karanasan at kasaysayan (ang kasaysayan ay hindi lamang ang mga lumipas na kaganapan kundi ang anumang nangyayari ngayon,indibidwal man o kolektibo,-saan mang panig ng mundo, sa mismong mga oras na ito habang binabasa mo ang “Pamatok”) sa Occidental Mindoro at kay Pilato kahit sa isang halimbawa lang…
Pero bago ito, kung ang tangi nating pagbabatayan ay ang Bibliya, totoo man o gawa-gawaan lamang ng mga sumulat nito si Pilato para sa kanilang pam-pananampalatayang layunin , ipinapakita na sa partikular na tagpong iyon,- nang hatulan niya si Hesus, si Pilato ay kinakitaan ng kahinaang likas sa tao. Isinalarawan ni Juan si Pilato bilang isang taong sumunod lamang dahil sa udyok at pananakot ng mga umakusa o nagsakdal kay Hesus : “Subukan mong palayain ang taong iyan at hindi ka na kaibigan ng Cesar” (Jn. 19;12).
Sa ating kasalukuyang konteksto ay maaaring ganito natin ito ii-inter-connect at ii-enter-penetrate: “Kapag umalma ka sa pagmimina at kapag hindi ka nagbigay ng permit sa mga aplikasyon sa pagmimina sa iyong nasasakupan,.. Kapag hindi ka gumawa ng paraan para lumabas na pabor sa Cha-Cha ang mga tao sa iyong teritoryo,…Kapag kinuwestiyon mo at pinahinto ang operasyon ng STL/PCSO sa inyo,..HINDI ka na kaalyado ng Pangulo. Hindi ka na kaibigan ng Malakanyang..”. Isa lang iyan sa maraming halimbawa ng panlipunang sitwasyon dito sa atin. Batay sa lahat ng source sa loob man o sa labas ng Kasulatan, si Pilato ay isang lider ng pamahalaan at katulad ng ating mga lider ay mayroon ding kahinaan. Pero ang mga kahinaang ganito ay hindi dapat gawing excuse sa intensiyonal at patuloy na gawaing labag sa Kristiyanong turo ng pag-ibig at katarungan.
Hindi na mahalaga kung likha lang ng imahinasyon si Pilato, o sinumang tauhan sa Bibliya,- o hindi. Trabaho na iyan ng mga biblical scholar kagaya ni Albert Schweitzer at iba pa. Sa aming mga hindi ordenado at hindi man lang naka-tuntong sa Seminaryo (para mag-aral, ha), ang mas mahalagang pagtuunan namin ng pansin ngayon,- lalung lalo na sa konteksto ng Pilipinas at ng ating lalawigan ay kung papaano namin pag-uugnayin, ilalapat, bibigyang-kahulugan, patatagusin at isasa-buhay ang mga mensahe ng Diyos sa Bibliya sa ating personal na buhay at sa paglikha natin ng kasaysayan. Maging tao man o historical event and experience ang magtulak sa ating gawin ito kasabay ng taimtim na panalangin para sa paggabay ng Espiritu. Mga daan na dapat tahakin ng isang tunay na taga-sunod ni Kristo.
Batay sa ating mga personal, panlipunan at pampulitikang karanasan,- positibo man o negatibo,- noon man ngayon at bukas, at kasaysayang ating nililikha sa bawat araw ng ating buhay,- ang tunay na hahatol kung tayo ay itatanghal sa dakong huli na "kawawang" Pilatong masama na ipininta sa utak ng maraming Kristiyanong Pilipino o ang Pilatong naging mabuti ayon sa ilang tradisyon (at naging instrumento daw ng kaganapan ng misyon ni Hesus at dapat na ikonsidera) kaya binibigyang-pitagan kagaya ng Coptic Christians sa Egypt.
Kagaya nang mensahe ng kuwento ng munting ibon, tusong bata at isang paham, ang sagot dito ay: "Nakasalalay sa ating mga kamay...." Kagaya ng karanasang nagtulak kay Pablo upang magbago...
-----
(Photo Credit: "Ecce Homo" (Behold the Man) painting by Antonio Cisceri grabbed from Wikipedia)
Saturday, January 24, 2009
Gracefully Done Reso?
Para sa mga nag-aabang sa kinahinatnan ng ating "propaganda campaign" para sa OMECO, para sa inyo ang posting na ito.
At tuluyan na ngang nagkaroon ng linaw kung hindi man ay lalong kalituhan kung ano ang kahihinatnan ni Occidental Mindoro Electric Cooperative (OMECO) GM Alex C. Labrador noong ika-20 ng Enero 2009 sa pamamagitan ng ginawang espesyal na pulong sa mismong pambansang tanggapan ng NEA sa Quezon City. Kumpleto ang mga Board of Director (BOD) na doon ay dumalo maliban kay Dir. Leonardo S. Dela Fuente.
Sa pamamagitan ng Resolution No. 01; Series of 2009 ay nabigyan ng aksyon ang naunang Application for Retirement ni GM Labrador. Maaaring ang graceful exit na ito ang kanyang pinili sa mga inihaing mungkahi sa kanya kung siya man ay pinag-hainan ng mga opsyon. Lumalabas na pinili niya ang mag-retiro na lang kaysa sa ma-terminate.
Ang pamagat ng Resolution ay “Resolution Accepting the Application for Retirement of General Manager Alex C. Labrador”. Dito ay sinasabing si GM ay tatagal na lamang sa OMECO hanggang ika-30 ng Abril 2009 kasabay ng pagre-request sa NEA na mag-designate ng Project Supervisor within the transition period. Anonymo,- este,..unanimously approved ang panukala.
Pero ito ang mga “Whereas” na hindi katanggap-tanggap sa ilan:
“….much that the Board is grateful for all the contributions made by GM Labrador during his stint with OMECO….”“
….in grateful acknowledgement and appreciation of the efforts of GM Labrador to surmount the challenges faced by the coop, the Board hereby grants all gratuity benefits and legal retirement entitlements due to the GM as approved by the NEA to be paid on or before 30 April 2009…”
At ito pa :
“….this Board requires the GM to make reconciliatory moves and transfer of accountabilities and to allow him to make important inputs to steer the Coop towards progress and efficient operation…”
Nasaan na ‘yung bigat ng kulay pulang Audit Report ng NEA? Parang lumalabas kasi na hindi totoo ang mga anomalyang natuklasan sa Audit Report na siya ring mga paratang ng Save OMECO Movement.
Tunay na ang mga Mindorenyo (o ang kalakhan sa Pilipino) ay mas binbigyan nang timbang ang damdamin kaysa sa pagkakamit ng katarungan. Lugmok na raw si GM, bakit pa natin sisipain? Sadyang malilimutin at madaling makalimot ang Pinoy.
Naghahasa na kaya ng legal nilang palakol ngayon ang Save Omeco Movement? Abangan…
At para naman sa mga tumutuligsa kamakailan sa akin na hindi ko dapat ginagawa ang mga sulating ito ay naririto ang sinasabi sa n.29 ng Communio Et Progressio: "The process of promoting - in what is sometimes referred to as a "propaganda campaign" - with view to influencing public opinion is justified only when it serves the truth and its objectives and methods accord with the dignity of man and when it promotes causes that are in the public interest. This causes may concern either individuals or groups, one's own country or the world at large.")
-------
(Photo Courtesy of Save OMECO Movement)
Wednesday, January 21, 2009
Ano Ba 'Yan, Konsehal Allan?
Kahapon ay nagkaroon ng sesyon ang Sangguniang Bayan ng San Jose at kung hindi lang sa ilang mga bagay ay ordinaryong sesyon lamang ito. Pero matapos na manumpa kay Mayor Romulo “Muloy” Festin noong Lunes, ika-19 ng Enero 2009, dumalo sa kanyang kauna-unahang appearance dito si SB Member Allan Ismael. Si Ismael ang “napili” o “napisil” (pero sigurado akong hindi “napilit” dahil gusto rin niya ang kasalukuyan niyang puwesto sa pamahalaang lokal!) ng kanilang partido o grupong pulitikal para pumalit sa yumaong si Councilor Cesar C. Asilo sa nasabing lupon.
Kontrobersyal ang kanyang naging Acceptance Speech kahapon. May mga taga-media ang nag-cover nito. Hindi ko na idedetalye pa ito sa aking posting pero kung intresado kayo ay i-klik n’yo na lang ang blog ni Kenkoy @ Tirador ng Kaning Lamig mula sa aking blogroll. Si Ismael ay dating Kapitan ng Brgy. Poblacion II at project officer 'ata ng aming gobernador.
Sa panayam ng aking mga kasamahan kay Ismael kani-kanila lang, sinabi niya na walang nag-endorso sa kanya na mga taong labas sa kanilang partido. Si Ismael ay ka-partido ni Mayor Festin na kaalyado ni Gov. Josephine Ramirez-Sato sa tinatawag na “Dream Team”. Garalgal ang boses na sinabi ni Ismael na tunay lamang na mali ang salitang kanyang nagamit sa talumpati. Kumbaga, slip of the tongue lang daw ito. Hindi dapat na ipinatungkol niya ang salitang “pag-e-endorso” sa aming Obispo. Talaga lamang daw na medyo nawala siya sa kanyang mga sinasabi noon.
Sa matuling sabi ngayon: WALANG endorsement na nangyari o ginawa si Bishop Palang. Hindi pa verified kung totoong nag-endorse nga ang local religious leader ay bakit ito naging subject kaagad ito sa listeners’ opinion portion ng programa? Baka naman nga walang halong malisya ang ginawa nilang ito. Pero sabi ng isang lider ng Pamayanang Kristiyano, “Anuman ang adyenda nila kay Ismael o sa alinmang pulitiko, bakit kailangan pang kaladkarin ang pangalan ng Obispo?”. Nag-paumanhin kaagad si Ismael sa pangyayari. Tinuldukan na rin kanina ng himpilan ng radyo ang usaping sila ang nagsindi. Apoy na sila ang nagsimula. Siyanga pala, bagama't wala itong kinalaman sa isyu, ayon sa aming source, ang dalawang host ng segment ay mga non-Catholic…
Oo nga pala, kahapon ay nanumpa din si President Barack Obama bilang ika-44 na Pangulo ng Estados Unidos at nagkaroon din siya ng blooper sa kanyang oath. Ganito ang sabi ng Yahoo News, mainit-init pa:
“As first-timers on the inaugural stage, no one can blame President Obama and Chief Justice John Roberts for being nervous. Debate initially swirled around who actually messed up the oath, but MSNBC's play-by-play clears it up.”
Dagdag pa. Sa kanyang talumpati (si Ismael po, hindi si Obama) pinasalamatan niya rin si Konsehal Senen Zapanta pero ang gusto naman pala niyang pasalamatan ay si dating Konsehal Senen Delos Reyes. E, hindi naman si Zapanta ang kanyang ka-partido kundi si Delos Reyes. Ano ba 'yan, Konsehal Allan?
Ang dali talagang malito ng isip ng tao, oo… ang mga arsonista pala, pwedeng maging instant bumbero!
-------
(Photo grabbed from http://www.firenuggets.com - Kuha po 'yan sa California hindi sa San Jose..)
Tuesday, January 20, 2009
Ating Aroma Beach
Kapag bumiyahe ka sakay ng eroplano papuntang San Jose, ang unang lugar mong mabubungaran ay ang Aroma Beach. Ito rin ang pinaka-madaling pasyalan na maaari mong pagdalhan ng walang gastos kapag may bisita ka galing sa ibang lugar. Maganda ang Aroma kung umaga. Lalung-lalo na kapag kalmada ang dagat at hindi masama ang panahon.
Sama-samang makikita mo dito ang mga morning jogger, mga mangisngisdang humihila ng lambat, mga batang nag-tatampisaw sa dagat, mga naglalakad na buntis at matatandang may rayuma at iba pang mga sakit. Sari-saring uri ng tao mula sa sari-sari ring larangan ng buhay ang makikita dito. May mga cottage na dito matatagpuan at may pagkakataong may mga malalaking bangkang pangisda ang dito ay naka-daong.
Pero kung gaaano kaaliwalas ito sa umaga ay ganoon naman ito ka-delikado kapag dis-oras ng gabi. Noon pa man, simula nang hindi ma-regularisa ang mga cottage dito ay pinagmulan na ito ng maraming krimen. Kung taga-San Jose ka, tiyak ay may kakilala ka na nabugbog dito o nakarinig ka ng kuwento nang rambulan dito. May mga kaso rin ng gang rape at gang war dito na naganap noon, ‘di ba? Naging pugad na nga ito ng mga bagamundo kung gabi: mga tumador, pokpok (hindi mga karpintero ha!), adik, basagulero, bulakbol, TNT lovers at kung anu-ano pa,.. pati ang mga holdaper.
Bawal sanang magtayo dito,- ayon sa isang lumang ordinansa, ng mga permanenteng istruktura pero may lumalabag na cottage owners sa batas na ito. Hindi ko nga alam kung nagbabayad ng tax sa Brgy. San Roque o sa munisipyo ang mga ito. Hindi ko rin alam ko hindi ba delikado sa kalusugan at kapaligiran ‘yung mga palikuran doon. Ni hindi ko nga napakinggang ininspeksyon ang mga iyon ng aming sanidad. Hindi ba pwedeng ipasa na sa LGU ng San Jose ang Aroma Beach para tuluyan itong “luminis” anumang oras?
Ito ang nakakatawa. Minsan, may mga cottage owner na nagtayo ng permanent structures doon at nang may mga nagsabing dapat gibain ang mga ito, ang sagot ba naman nang ilang namumuno ay, “…kung walang opisyal na nag-rereklamo ay hindi kami magde-demolish…” Walandyo. May batas na nga pong nagbabawal. Hindi ba ang dapat ay ipatupad muna ang batas at harapin ang sinumang mag-rereklamong matatamaan? Hay,.. buhay…
Noong ika-9 nga ng Enero, 2009 ay nabiktima ng holdapan sa Aroma Beach sina Ronald Bejelica, 27 anyos na tindero at Luzviminda Sabordo, isang 18 anyos na estudyante na nanakawan ng mga alahas at pera. Pero kinaumagahan ay kaagad na nasakote ng mga pulis sa pangunguna nina PO3 Romeo Jimena at PO3 Ulysses Encila ang mga holdaper na nakilalang sina Maximino Flores @ Allan, 26 anyos, Benny Perucho at Rolando Tanglao, 32 ang edad na mga taga-Brgy. Bubog at Bagong Silang, Brgy. San Roque. Nasakote sila ng PNP sa loob ng bakanteng St. Virginia Cemetery na pag-aari ng negosyanteng si Hai Soy Tan. Isinampa na sa piskalya ang kaso laban sa kanila at sila ay naka-kalaboso na ngayon.
Sa bahagi ng tulang isinulat ni R.L. Yano, na hindi ko kilala na pinamagatang “O, Bayan Kong San Jose, Ipinagmamalaki Kita” na edisyon noong 2005 ng “Kanluran”, ang Opisyal na Pampanitikang Dyornal ng Occidental Mindoro National College o OMNC ay mababasa natin:
“Sa Aroma Beach mong aming iniingatan
Sa tao’y naghahatid ng kaligayahan;
Sa bawat magsing-irog at mga pagdiriwang
Ng mga kaarawan at iba pang kasiyahan.”
….. Iyan ay kung tunay na ligtas tayo sa mga masasamang-loob (sa loob at labas ng gobyerno)!
--------
(Aroma Beach Photo from travbuddy.com/travel-blogs/)
Thursday, January 15, 2009
Mahimalang Gamutan
Noong isang gabi ay napanood ko sa "TV Patrol" sa ABS-CBN ang pagkakapanalo ng pelikula ni Nora Aunor na ipinalabas noong 1982 na pinamagatang “Himala” bilang APSA Best Asia Pacific Movie of All Time na iginawad ng CNN. Naungusan ng pelikulang ito ang mga bigating Asian films kagaya ng “Crouching Tiger, Hidden Dragon” ng China na idinirehe ni Ang Lee na nagkamit ng ikatlong puwesto, kabilang ang pamosong “Seven Samurai” ni Akira Kurosawa, na siya namang pumangalawa. Partner sa paligsahan ng CNN at Asia Pacific Screen Awards o APSA. Ang “Himala” ay naka-kuha ng 32% ng mga boto habang inihayag naman ang mga nagwagi sa Australia noon pa 'atang ika-14 ng Nobyembre noong isang taon. Higit sa 32pelikula mula sa 17 bansa ang kalahok dito.
Ano ang konek nito sa ating lalawigan? Ang pelikulang ito ni Direktor Ishmael Bernal at prinudyos ni Bibsy Carballo ay isinulat ni Ricky Lee. Nabasa ko sa kanyang aklat na “Trip to Quiapo” na ang nagbigay sa kanya (Lee) ng inspirasyon sa pagsusulat ng “Himala” ay ang isang umano ay aparisyon ng Mahal na Birhen sa isang dalagita sa Isla ng Cabra sa bayan ng Lubang, sakop ng Occidental Mindoro noong 1967.
Naging kontrobersyal ang pangyayari at maging ang mga lider-pananampalataya noon ay nagtalu-talo kung totoo nga ba ang aparisyon. May mga naniwala, may mga nagduda. Humugos noon sa Cabra ang mga deboto, negosyante, usyusero at kung anu-ano pang klase ng tao mula sa ibang lugar sa Pilipinas at ilang bansa sa mundo. Naging patok noon ang istorya sa radyo, telebisyon at lalung-lalo na sa mga pahayagan. Matagal itong itinampok sa mga isyu noon ng Sunday Times Magazine. Hitik daw ang mga pahina nito sa larawan at panayam hinggil sa pangyayari sa Cabra. Kuwento noon ng lolo ko...
Ang pangyayaring ito sa Isla ng Lubang ay halos limot na ngayon sapagkat sabi ng iba, panahon na rin ang nagpatunay na ito ay huwad. Sabi nila, yaon daw kasing ‘di umano ay pinagpakitaan ng Mahal na Birhen ay hindi naman kinakitaan ng kahit na konting kabanalan nang siya ay nagka-edad na. Hindi kagaya nang mga pinagpakitaan ng Birhen sa mga aparisyong kinikilala ng Simbahang Katoliko.
Hindi ko napanood ang "Himala" kahit na sa alinmang replay nito sa telebisyon, lalo na kapag Mahal na Araw. Sa ilang clips ko lang ito nasilip. At ito ang eksenang malinaw sa akin: ang “pinagpakitaang” dalagita ay nasa gitna ng mga taong may-sakit , sabay sigaw ng, “Walang himala..”
Pinag-uusapan na lang rin natin ang pagpapagaling sa pamamagitan ng pananampalataya, noon nga palang ika-8 ng Enero, 2009, Huwebes ay dumalaw sa aming Bikaryato ang anila ay healing priest na si Fr. Fernando Suarez. Ang kontrobersyal na si Fr. Suarez ay ipinanganak sa Batangas noong 1967 at inordenan noong 2002. Inimbita siya ni Obispo Antonio P. Palang, SVD, DD para pumasyal sa amin ngunit minabuti umano nilang i-maximize ang kanyang presensya kaya nagkaroon ng Healing Mass.
Puno ng tao ang Katedral ng San Jose at apaw hanggang labas. May mga naka-wheel chair, naka-saklay, naka-cast at kung anu-ano pa. Bata, matanda, mayaman, mahirap, lahat ay “pumila” kay Fr. Suarez. Nagsimula ang Misa ng ala-una ng hapon at natapos ang individual pray over, alas kuwatro pasado na ‘ata. Marami bang gumaling? Ewan ko. Pero ‘yung iika-ikang kubrador ng STL na nakita ko noong Huwebes sa Simbahan, hanggang ngayon, iika-ikang kubrador pa rin. Iyong pinagbibintangang tiwaling opisyal ng isang kooperatiba na naroroon, hayun tiwali pa rin daw sabi ng mga tauhan niya(hindi ko kasi alam kung anong sakit ang “ipinagamot” niya).
Ganito raw ang reaksyon ng isa kong kakilala: “Hindi lang ganitong healing ang kailangan natin.” Malamang nga. At iyon ay magiging isang mahimalang gamutan.
Tuesday, January 13, 2009
Kuwentong Parang Sine
Ang larawan sa itaas ay kuha ng isa sa mga convener ng Save OMECO Movement nang sila ay pumasyal sa nasabing tanggapan sa Quezon City noong ika-9 ng Enero, 2009 at personal nilang naka-usap si Administrator Edita S. Bueno. Wala ako sa posisyon para ibalita kung ano ang nangyari sa usapan maliban sa pagsasabing ang Mandate,Vision, Mission at Credo pala ng National Electrification Administration o NEA ay akmang-akma at 'di taliwas sa adhikain ng Save OMECO Movement. Hindi mali na gawing tuntungan ang mga ito sa pagkakamit natin ng ating layunin sa pagkilos. Kung totoo ang naka-paskel sa bungad na palapag pa lamang ng kanilang gusali, lumalabas na para talaga sa paglilingkod sa sambayanan ang NEA. Baka si General Manager Alex C. Labrador lang at ang kanyang mga kapanalig ang hindi…
Matapos ang aming biyahe sa Manila via Abra de Ilog, lamog pa ang katawan kaming bumalik agad ng San Jose. At para makapag-relaks nang maayos noong Sabado at Linggo, hinalukay ko ang aking mga VCD collection at walang tingin-tingin na dumampot ng tatlong pelikulang aking papanoorin. Ewan ko ba kung bakit mga lumang Tagalog action films ang aking napag-diskitahan noong umagang iyon.
Palibhasa FPJ fan ako simula noong bata, ang huling kabanata ng “Kapag Puno na ang Salop” sequel ang aking inuna. Siyempre, nag-enjoy ako uli sa verbal confrontations at bakbakan nina Lt. Guerero (Fernando Poe, Jr.) at ang kanyang mortal na kaaway na si Judge Valderama (Eddie Garcia). Pero hindi ko ito tinapos ang pelikula.
Simula kay FPJ ay pelikula naman ni Daboy ang pinanood namin ni Pipay. 1985 pa nang ipinalabas ito sa mga sinehan. Bata pa dito ang yumaong si Rudy Fernandez. Kasama niya dito si George Estregan at ang katambal niya ay si Donna Villa (na hindi pa ‘ata asawa noon ni Carlo J. Caparas). Idinirek ito ng kilalang action director noon na si Manuel “Fyke” Cinco. Ini-scan ko lang ito ng konti.
Ang huli kong pinag-tripan ay kay Lito Lapid na 2001 pa lumabas sa sinehan. Ang stuntman-turned-director na si Baldo Marro ang gumawa nito. Habang pinapanood ko uli ang pelikulang ito ay nanghinayang ako kung bakit namulitika pa si Lito Lapid at hindi na lang nag-artista. Tungkol ito sa isang pulis na na-frame up sa pagnanakaw ng bara ng ginto. Si Isabel Granada ang love interest dito ni Senator Lapid.
Kagaya nang mga tipikal na pelikulang aksyon na gawa sa ‘Pinas, walang kawawaang habulan, suntukan, barilan at patayan ang aking napanood. Ewan ko kung ano ang kahulugan nito pero kung ihahanay mo ang mga pamagat ng tatlong pelikulang aking napanood, parang may kaugnayan ito sa lakad ng Save OMECO Movement sa National Office ng NEA noong Biyernes. O sa maaaring kahinatnan ng kanyang pagiging GM:
“Hindi Ka Na Sisikatan ng Araw”,
“Bilang Na Ang Oras Mo” ….
“Labrador”
----------
(Hindi sana mahalata na gawa-gawaan ko lang ang bahaging sine ng kuwentong ito.)
Sunday, January 11, 2009
'09 Openers
FUNNY TRIVIA. Just for laughs, are you familiar with our local personalities? Let’s have a try. Who is/are…
1. Councilor Joel G. Aguilar:
a). brother of Freddie Aguilar (singer/composer)
b). son of Remedios G. Aguilar (the late councilor)
c). cousin of Ms. Efipania Aguilar (my former teacher in English)
2. Joel Santos-Estaris:
a). Star Records’ new singing sensation
b). a budding movie star
c). the current Chief of Police of San Jose, Occ. Mindoro
3. Ka Higom Maragang:
a). spokesperson of NPA’s Lucio de Guzman Command (Mindoro)
b). nom de guerre of Frank Navarro
c). veteran of “Bay of Pig Invasion”
4. Randolf Ignacio and Peter Alfaro:
a). revived Paul Mc. Cartney’s “Band on the Run”
b). co-starred Harrison Ford in “The Fugitive”
c). are political allies charged with Serious Illegal Detention and still at-large.
--------------
ANSWERS, NEWS. Seriously, they are in our local news recently:
1.) Answer: B. Councilor Joel “Jiji” G. Aguilar accidentally caused the death of a three-year old girl at Brgy. III, San Jose, Occidental Mindoro last January 4, 2009. The toddler who was playing near Aguilar’s black Pajero when accidentally rolled over by the car when the latter was about to leave his friend’s place. The local legislator immediately submitted himself to police authorities for investigation. No charges were filed against him so far. The case, according to reliable sources, was amicably settled. The child expired at around 8 pm of the same day while being treated in a nearby hospital. The incident (or accident) took place at around 6 in the afternoon.
2.) Answer: C. Police Chief Inspector Joel Santos-Estaris, Chief of San Jose Municipal Police Station reported last January 1, 2009 about a Homicide and Double Frustrated Homicide Case in Brgy. Magbay, San Jose, Occidental Mindoro. The victims were identified as Amado Magbanua, Sr., 63; and his son Amado, Jr, 27. According to said PNP report, the suspect is a resident named Ronald Dela Cruz. Based on Estaris’ account, at the height of their (Magbanuas and Dela Cruz) drinking bout there came a heated argument between Dela Cruz and Amado Jr. which prompted the older Magbanua to pacify the two. However, Dela Cruz stabbed Magbanua, Sr. with a bolo hitting his left chest. The younger Magbanua tried to rescue his father but the suspect also wielded his bolo and hit Amado Jr. in the abdomen. Dela Cruz immediately fled with his bolo while the victims were rushed to Zapanta Hospital where Amado, Sr. was declared dead on arrival. This became the first case on the station’s blotter for 2009.
3.) Answer: A. Ka Higom Maragang, a local New Peoples’ Army (NPA) leader issued a Press Release this week entitled, “Kondenahin ang Pampulitikang Persekusyon ng Rehimeng US-Arroyo sa mga Progresibo at Demokratikong Pwersa sa Ilalim ng Oplan Bantay Laya at Papanagutin ang mga Responsable Dito!”. In the media statement, the local Communist group condemned alleged extra judicial killings perpetrated last year by government forces in the whole island of Mindoro. According to the document forwarded to DZVT early this week, necessary actions will be taken by the “revolutionary” forces to punish the perpetrators.
4.) Answer: C. Alfaro and Ignacio are protégées and known party mates of Gov. Josephine R. Sato. Hon. Ulysses D. Delgado of Regional Trial Court (RTC) No. 44 issued a Warrant of Arrest last August 27, 2008 against the Alfaro and Ignacio together with Atty. Judy Lorenzo and Gaspar Bandoy, Sr. Alfaro is the Assistant Provincial Agriculturist while Ignacio is a Provincial Board member. After almost four months of hiding and spending the Holidays “on the road”, will they finally go back to the fold of the law and face their accuser(s) in court early this 2009? The alleged kidnapping happened last 2007 Elections in Mamburao….
------
(Hindi sanay kaya praktis lang nang konti.)
Friday, January 9, 2009
Drowing Lang
Isinumite na ni Governor Josephine Ramirez-Sato sa Sangguniang Panlalawigan (SP) noong huling linggo ng Disyembre 2008 ang listahan ng kanyang mga panukalang gastusin para sa taong 2009. As expected, mas malaki ang Provincial Executive Budget ngayon kaysa noong isang taon. Bukod pa dito ang halaga o badyet para sa operational expenses ng Kapitolyo at mga tanggapang panlalawigan
Sa aming panayam kay Vice-Governor Mario Gene J. Mendiola sa “Pintig ng Bayan” sa DZVT noong Miyerkules, sinabi nito na nag-o-over-time na Finance Committee ng Junta Provincial para kaagad na ma-finalize at ma-aprobahan ito ASAP. Ayon kay Mendiola, tinatayang aabot sa P 470 hanggang 480 milyong piso ang nasabing badyet. Nilinaw ni Mendiola sa amin ng aking co-host na si Daisy Del Valle-Leaño, na bagama’t prayoridad pa rin ni Sato ang agrikultura ay binigyang nito ng espesyal na pansin ang serbisyong pangkalusugan. Ganito more or less ang laman ng “listahan”: CT Scanning machine para sa Provincial District Hospital sa Mamburao at ang kontrobersyal na paglilipat ng Murtha District Hospital sa San Jose mula sa Brgy. Murtha patungong national highway na sakop ng Brgy. La Curva (Hindi ako sigurado kung La Curva nga o Bubog. Hindi ko rin alam kung saan ang boundary marker doon), mga brand new medical facilities para sa bagong ospital at ang pagmi-merge umano nito at ng Rizal Community Clinic, ..este, Hospital, in the future…
Isama mo rin sa listahan ang mga infrastructure projects na ang tapnatser ay ang ipatatayong Cold Storage Facilities para sa mga produktong agrikultura sa San Jose, Magsaysay, Rizal at Calintaan o SAMARICA. Joint project daw ang planta ng Provincial Government at LGU ng Rizal. Ang gusali ay ii-erect (itatayo na nga kung itatayo!) sa bayan ng Rizal. Puntirya itong itayo malapit sa “pinakamalinis” na palengke sa buong mundo. Siguro ay pamilyar ka sa public market na ito na malapit sa ilog sa pagitan ng Brgy. Central at Brgy. Sto. Niño. Kapag papunta ka ng San Jose galing ng Calintaan, ito yung nasa gawing kanan ng kalsada at madadaanan mo ito bago ka sumampa sa tulay ng Busuanga.
Bakit “pinakamalinis” na palengke? Ito lang ang palengkeng nakita ko na walang putik, walang tubig sa sahig, walang langaw, walang mga paninda, walang tindero’t tindera, walang namamalengke at walang namimili. Hindi ito nag-operate kahit apat na taon na ‘atang completely finish ang construction nito. Mali yata ang lokasyon. Malayo sa kabayanan. Mataas daw ang upa. Hindi raw napag-aralan mabuti bago itinayo. Wala nga ba itong feasibility study? Hay,..kalimutan na lang natin ang palpak na palengkeng ito…
Mula sa palengke, balik na lang tayo sa bagong ospital. Sabi ni Vice-Governor Gene, malaki-laki na rin daw ang ang nakakalap na halaga ng proyekto mula sa pondo ng mga senador. Si Senate President Juan Ponce-Enrile nagbigay ng P 15 m; Sen. Richard Gordon, P 2 m; Sen. Aquilino Pimentel, Jr., P 15 m. Malaking tipid na nga naman ito sa panukalang executive budget ni Gov. Nene.
Pero huwag sana nating kalilimutan na ang paghahanay na ginawa ni Vice-Governor Mario Gene J. Mendiola ay pawang mga drowing pa lang. Drowing dahil hindi pa aprobado ang nakasalang pa lang na badyet. Kung tutuusin, sabi ng isa naming texter noong Miyerkules, masyado nang huli ang Executive Budget. Dapat ay aprobado na ito bago pa man matapos ang 2008. Ang mga pagkakabalam na ganito, sabi ng iba ay open opportunity daw para sa over spending. Hindi ko alam kung bakit. Mahina ako sa Math, e..
Inuulit ko, drowing pa lang ang pahayag noong Miyerkules ng Bise-Gobernador. Huwag natin itong asahan kaagad. Drowing pa lang daw sabi lalo ng mga malisyosong mag-isip. Walang nga namang nakatitiyak na ang bahagi ng halagang ito ay hindi liligwak sa mga pang-halalang pondo o kuwarta sa illegal na pamumulitika. Kampanyahan baga…
Hindi lang ang kanilang paksyon. Gayundin ang kanilang political rivals sa mga pampublikong pondong nasa kamay nila at inaasahang matatanggap pa ngayong 2009 galing man kung saan at kung kanino…
------
(Ang makikitang larawan sa itaas ay sampol lamang ng mga bagong gawang Barangay Hall sa amin. Sa yari pa lang at kulay ng mga ito ay alam mo na kung alin sa dalawang pulitikang paksyon kabilang ang aming mga kapitan ng barangay. Kuha ni Bb. Teresita D. Tacderan sa kanilang Bahay Pamahalaan sa Brgy. Camburay, San Jose, Kanlurang Mindoro.)
Wednesday, January 7, 2009
Kampana ng Caguray
Regular na ‘atang nagmi-miting ang grupong ito tuwing ika-30 ng Disyembre ng bawat taon na naglalayong sumaliksik at sumulat ng anumang uugat sa Pandurucan, ang sinaunang pangalan ng aming bayan. Baka makalimutan nga lang ng mga local politician namin na sa 2010 ay Ika-100 Anibersaryo na ng pagkakatatag nito. Sana naman ay bigyan din nila ito ng pansin maliban sa halalang lokal sa taong iyon…
Ibinalita sa akin via e-mail ng pinsan ko na kasama sa tropa, na last week nga ay inilunsad nila ang isang Local History Tour sa tulong ng isang kababayan na si Mr. Ronet Santos na laking Brgy. San Roque. Maliban sa mga barangay ng Mangarin at Central sa San Jose (o Pandurucan), pumasyal din ang grupo ng mga manunulat sa Brgy. Caguray sa bayan naman ng Magsaysay. Maliban sa pagkakatuklas nila na ang Caguray pala ay pinamunuan ng isang babaeng Kapitan del Barrio simula 1978 hanggang 1982 sa katauhan ng 84-anyos na si Modesta Lualhati, nasilayan at nahawakan din nila ang isa sa pinaka-matandang kampana sa Pilipinas. Ang kampana na pinangalagaan ng mga kababaihan katulad ng pangangalaga nila sa pananampalataya.
Sa ipinadalang niyang write-up ay ganito ang Caguray sa isang sulyap: “Historically, Caguray was very rich. It was the first settlement. I assume that the Christian Missionaries found the place populated already because they established a Church here. Church documents show that on 1666 a Jesuit Diego Luis Sanvictores (now known as San Diego) baptized the people here, presumably, the Ratagnons ( a sub-group of Mangyan, natives of Mindoro).”
Ayon sa isang sulatin ni Antoon Postma, ang kampana ng Caguray ay dinala noon pang taong 1896 kaya maaari itong ihanay sa mga kampana ng Balangiga (1863) na ninakaw ng mga sundalong Amerikano matapos nilang i-masaker ang may dalawa hanggang tatlong libong inosenteng Pilipino,- bata, matanda at kababaihan sa lalawigan ng Samar noong 1901 na mabilis pa sa alas-kuwatrong pinatawad ng ating mga lider noon.
Sa mga salitang ito tinapos ni Eunice C. Novio ang kayang sulatin : “Only the Bell stood as silent witness to the unfolding of the history of Caguray. Its sound heard throughout the village was the signal of bondage… or freedom.”
Sana naman ay huwag ma-domina ng pamumulitika ang Sentenaryo ng Pandurucan sa 2010…
-------
(Photo of Caguray Bell courtesy of the History Tour participants)
Monday, January 5, 2009
(Hindi Kailangan)
2009 na (ngayon) pero hindi ba marami pala tayong nakasanayang gawin (at isipin) na kung tutuusin ay pagsasayang lang ng panahon, talino (kung meron) lakas (sana meron pa) at iba pa. Mga bunga ito ng ating lisyang pagpapahalaga (kabilang na ang padalus-dalos na pagpapasya). Kung hindi man, mga bagay na ang pakinabang ay atin lang (o sa ating mga malalapit na kaanak, kaalyado at kapanalig) at walang direkta at konkretong mapapala ang kalakhan sa ating kalalawigan (read: ang mga taong ating kinakatawan sa alinmang larangan). Hindi man tayo taga-Occidental Mindoro.
2009 na (pala). Kunwari ako ay isang lokal na lider (na talo pa ang member ng Harlem Globetrotters kung magbiyahe) at bubuntot-buntot lang sa mga world trip ng aking Lady Boss (sa Japan, sa New Zealand, sa Australia, sa Qatar, sa Amerika, sa Spain, at kung saan-saan pa). Bagay na maaaring may halaga (sa akin at sa tao) pero ang tanong ay HIGIT para kanino?
2009 na ngayon (na sabi ng sa Kalendaryong Tsino ay “Year of the Ox”) at sana ay ma-realize ko na may mga bagay (o kaisipan) na tunay na may halaga (o mahalaga?) ngunit hindi naman mapakinabangan sa isang (tukoy at kongkretong) sitwasyon (o pangyayari at kaganapan) sa lipunang aking ginagalawan at pinamumunuan.
Halimbawa kung ikaw at iyong mga anak ay halos mamatay na sa init at uhaw (sa inyong pagkaka-stranded) sa disyerto, mas mahalaga natural sa iyo (sa ganitong sitwasyon) ang tubig (o anumang maiinom) kaysa sa (may dekorasyong paper bag na puno ng) pera (na pwedeng pambili ng ice water, juice o Coke). May mga bagay na gaano man kahalaga ay hindi naman kailangan.
Iiwasan ko na ito hangga’t maaari (uulitin ko, kung paa ko ang nasa loob ng kanilang sapatos). Sa halip na literal (at figuratively) ay para akong sulimpat na “tagasunod” ni Lady Boss, opisyal kong kukuwestiyunin (nang buong tatag) ang ilan niyang posisyon (at inisyatiba) na batid kong tunay na hindi para sa tao kundi pamumulitika lang niya(Halimbawa kay Pangulong GMA,- ang Cha-Cha, STL, R-VAT, at iba pa). Mga bagay na hindi naman kailangan ng (kalakhan sa) aking mga kababayan.
By the way, may natisod (na kamakailan ay nabuklat ko rin sa p. 34 ng “Stainless Longganisa” ni Bob Ong) pala akong writing tips sa internet na isinulat ng isang Frank L. Visco (na pinamagatang “How to Write Good” at i-Google n’yo na lang kung intresado kayo). Ang kanyang (Visco) Tip No. 6 ay ito: “Parenthetical remarks (however relevant) are unnecessary”.
Tunay na ang karamihan sa ating ginagawa (sa publiko o sa pribadong buhay man) ay may halaga o mahalaga nga (sa ating tingin) pero kadalasan, hindi naman kailangan ...
… Kagaya ng parenthetical remarks. Kagaya ng pagbiyahe abroad na wala namang tunay na pakinabang ang bayan!
--------
Speaking of biyahe, ang Talipapa sa Brgy. Pag-Asa, Sablayan (na nasa larawan sa itaas)ay ang pansamantalang pahingahan ng patang katawan (dulot ng baku-bakong mga kalsada) ng mga commuter sa amin para sa panibagong lakas sa hinaharap na biyahe papunta ng Abra de Ilog o saan mang bayan sa Norte.
Friday, January 2, 2009
Laro sa 2009
Happy New Year po sa inyo.
Ginagamit namin noon ang planning framework na ito na napulot namin sa isang conference sa Tagaytay na aming dinaluhan three years ago na ‘ata. Alam n’yo na rin siguro ang planning approach or method na ito. Ginagamit n’yo rin siguro ito sa inyong mga opisina o samahan. Take-off point dito ang maliit na ebalwasyon sa inyong nagdaang plano at pagkatapos ay ilalapat mo kung saan sa mga hanay ang mga gawaing iyong ititigil (STOP), uumpisahan for the fist time (START) at ipagpapatuloy (SUSTAIN). At pagkakatapos, may mukha na ang iyong listahan ng mga gawain mo para sa 2009. Madali lang ‘di ba? Kayang-kaya mo ‘yan...
Mula sa planning format na ito ay magro-role play tayo. Ipalagay mo na ikaw ang kasalukuyang kongresista, gobernador o isa sa mga elected officials ng Kanlurang Mindoro. Kung ikaw sila, papaano mo ito gagawin o ililista? Kung ikaw sila, anu-anong mga bagay ang iyong UUMPISAHAN, ITITIGIL at IPAGPAPATULOY para sa kagalingan ng lalawigan at sa ikabubuti ng mga mamamayan nito at hindi ang personal o pampulitikang ganansiya? Bilang promotor ng katuwaang (o kalokohang) ito, tulungan ninyo akong ihayag ang ating mga pangarap at adhikain at least sa loob ng taong 2009 para sa ating lalawigan at ipagmalaki natin sa mundo. Gumawa po tayo ng listahan. Malay ninyo sa paraang ito ay magabayan natin sila sa paggampan nila ng kanilang sinumpaang tungkulin sa probinsiya na katungkulan naman natin bilang responsableng mamamayan.
START : Mga bagong bagay na hindi naisip o nagawa ng sinumang pulitiko sa lalawigan. STOP: Mga bagay na dapat mong itigil sapagkat wala namang direktang pakinabang dito ang mga mamamayan. SUSTAIN : Mga naumpisahang proyekto, programa kaugnay ng pamamahala at pamumuno na may pakinabang at dapat na ipagpatuloy. In a way, makagagawa tayo ng isang munting year-end evaluation and please make it objective and reflective. Simple lang ‘di ba?
Okay? Ready, get set...go!!!...
(Note: Paki-gamit na lang ang comment section ng blog na ito para sa inyong “entry”/ listahan o plano. Bago matapos ang Enero 2009 ay pipili kami ng pinaka the best ayon sa aming panlasa at mananalo ng isang souvenir coffee mug ng DZVT na hindi naibenta noong 17th Year Anniversary nito last year. Kasali rin ang mga local politicians sa munting larong ito. Saka na lang natin pag-usapan kung papaano ito maiki-claim, lalung-lalo na yaong mga nasa labas ng bansa....)
---------
(Photo of Mangyan children taken by Reynaldo San Jose at Brgy. Monte Claro, San Jose, Occidental Mindoro. Mga ngiti na punong-puno ng pag-asa katulad ng Bagong Taon)
Subscribe to:
Posts (Atom)