Thursday, January 15, 2009

Mahimalang Gamutan


Noong isang gabi ay napanood ko sa "TV Patrol" sa ABS-CBN ang pagkakapanalo ng pelikula ni Nora Aunor na ipinalabas noong 1982 na pinamagatang “Himala” bilang APSA Best Asia Pacific Movie of All Time na iginawad ng CNN. Naungusan ng pelikulang ito ang mga bigating Asian films kagaya ng “Crouching Tiger, Hidden Dragon” ng China na idinirehe ni Ang Lee na nagkamit ng ikatlong puwesto, kabilang ang pamosong “Seven Samurai” ni Akira Kurosawa, na siya namang pumangalawa. Partner sa paligsahan ng CNN at Asia Pacific Screen Awards o APSA. Ang “Himala” ay naka-kuha ng 32% ng mga boto habang inihayag naman ang mga nagwagi sa Australia noon pa 'atang ika-14 ng Nobyembre noong isang taon. Higit sa 32pelikula mula sa 17 bansa ang kalahok dito.

Ano ang konek nito sa ating lalawigan? Ang pelikulang ito ni Direktor Ishmael Bernal at prinudyos ni Bibsy Carballo ay isinulat ni Ricky Lee. Nabasa ko sa kanyang aklat na “Trip to Quiapo” na ang nagbigay sa kanya (Lee) ng inspirasyon sa pagsusulat ng “Himala” ay ang isang umano ay aparisyon ng Mahal na Birhen sa isang dalagita sa Isla ng Cabra sa bayan ng Lubang, sakop ng Occidental Mindoro noong 1967.

Naging kontrobersyal ang pangyayari at maging ang mga lider-pananampalataya noon ay nagtalu-talo kung totoo nga ba ang aparisyon. May mga naniwala, may mga nagduda. Humugos noon sa Cabra ang mga deboto, negosyante, usyusero at kung anu-ano pang klase ng tao mula sa ibang lugar sa Pilipinas at ilang bansa sa mundo. Naging patok noon ang istorya sa radyo, telebisyon at lalung-lalo na sa mga pahayagan. Matagal itong itinampok sa mga isyu noon ng Sunday Times Magazine. Hitik daw ang mga pahina nito sa larawan at panayam hinggil sa pangyayari sa Cabra. Kuwento noon ng lolo ko...

Ang pangyayaring ito sa Isla ng Lubang ay halos limot na ngayon sapagkat sabi ng iba, panahon na rin ang nagpatunay na ito ay huwad. Sabi nila, yaon daw kasing ‘di umano ay pinagpakitaan ng Mahal na Birhen ay hindi naman kinakitaan ng kahit na konting kabanalan nang siya ay nagka-edad na. Hindi kagaya nang mga pinagpakitaan ng Birhen sa mga aparisyong kinikilala ng Simbahang Katoliko.

Hindi ko napanood ang "Himala" kahit na sa alinmang replay nito sa telebisyon, lalo na kapag Mahal na Araw. Sa ilang clips ko lang ito nasilip. At ito ang eksenang malinaw sa akin: ang “pinagpakitaang” dalagita ay nasa gitna ng mga taong may-sakit , sabay sigaw ng, “Walang himala..”

Pinag-uusapan na lang rin natin ang pagpapagaling sa pamamagitan ng pananampalataya, noon nga palang ika-8 ng Enero, 2009, Huwebes ay dumalaw sa aming Bikaryato ang anila ay healing priest na si Fr. Fernando Suarez. Ang kontrobersyal na si Fr. Suarez ay ipinanganak sa Batangas noong 1967 at inordenan noong 2002. Inimbita siya ni Obispo Antonio P. Palang, SVD, DD para pumasyal sa amin ngunit minabuti umano nilang i-maximize ang kanyang presensya kaya nagkaroon ng Healing Mass.

Puno ng tao ang Katedral ng San Jose at apaw hanggang labas. May mga naka-wheel chair, naka-saklay, naka-cast at kung anu-ano pa. Bata, matanda, mayaman, mahirap, lahat ay “pumila” kay Fr. Suarez. Nagsimula ang Misa ng ala-una ng hapon at natapos ang individual pray over, alas kuwatro pasado na ‘ata. Marami bang gumaling? Ewan ko. Pero ‘yung iika-ikang kubrador ng STL na nakita ko noong Huwebes sa Simbahan, hanggang ngayon, iika-ikang kubrador pa rin. Iyong pinagbibintangang tiwaling opisyal ng isang kooperatiba na naroroon, hayun tiwali pa rin daw sabi ng mga tauhan niya(hindi ko kasi alam kung anong sakit ang “ipinagamot” niya).

Ganito raw ang reaksyon ng isa kong kakilala: “Hindi lang ganitong healing ang kailangan natin.” Malamang nga. At iyon ay magiging isang mahimalang gamutan.

9 comments:

  1. Tayo ang gumagawa ng himala. Nakasabay ko sa airport si Fr. Suarez, di lang ako nagkaroon ng pagkakataon na magpa"heal" kasi dami na agad sumugod sa kanya.Maliit lang siya na tao.Isa lang siyang ordinaryong tao, na may ordinaryong mukha. Walang extraordinary. Pero ang una mong masisilayan sa kanya ay ang kapayapaan sa kanyang mukha. Ngunit ang kanyang pananampalataya marahil ay extraordinary.Sana magkaroon tayo ng ganon.
    Maraming beses na rin na sinabi ni Fr. Suarez n ang pagpapagaling ay hindi sa kanya nanggaling kundi sa Diyos.
    Sana nagpa-healing na rin ang mga OPISYAL ng ating BAYAN, para gumaling na sila sa lahat ng kanilang karamdaman. Ang tanong nga lang: tablan kaya sila ng healing powers ni Fr. Suarez?

    ReplyDelete
  2. Kung hindi sila tablan, dalawa lang ang ibig sabihin nito. Sila ang peke, si Fr. Suarez o ang kanilang mga sakit. Baka kasi maliban sa sakit na gusto nilang mawala (gumaling) ay may "sakit" din silang gusto nilang manatili at gusto pang maihawa sa iba.

    Manila girl ka na naman pala ha. Thanks again for the visit

    ReplyDelete
  3. magandang bigyang pansin nating lahat ang koneksyon sa pagitan ng pisikal na karamdaman at ng sosyal na sakit...
    ang ikalawa ay sanhi upang magsimula at maging malala ang una...
    samantalang ang una ay indikasyon ng ikalawa.
    samantalang tunay na ministriya ng simbahan ang pagpapagaling sa mga may karamdaman (sa bibliya, isa ito sa mga "charisms" na ipinagkaloob sa -- halimbawa -- mga disipulo, ako ay nanghihinayang pa rin dahil mukhang hindi nasasapul ng mga lider natin ang mas tunay na dapat unahin. mas direkta at maagap na binibigyang-lunas sana ang mga sakit ng ating lipunan.
    concern na rin lamang pala sa pagpapagaling ng pisikal na sakit, bakit di pa tingnan nang matama ang estado ng departamento ng kalusugan? ang kalagayan ng mga pagamutan? ang sinasahod ng mga midwife at nurses at doktor? ang "accessibility" ng "medical attention" sa mga mahihirap? at marami pang iba...
    hay, naku... kaya dumarami ang mga nanggagamot sa pamamagitan ng kapangyarihan ng dwende, e...

    ReplyDelete
  4. Hindi dwende yung Suarez na ibinabalita ko, pari po siya.

    ReplyDelete
  5. naku, sori po... akala ko talaga yang suarez na yan kumukuha ng kapangyarihang gumamot sa pamamagitan ng dwende...
    di ba maraming ganyan sa san jose, mindoro?
    yung kakilala ko, nagpagamot dyan e...

    ReplyDelete
  6. May kilala din akong magaling na ganyang klase ng manggagamot/albularyo sa bubog, pero di mapagaling ang kanyang kapitbahay na nakatira sa mansion.

    ReplyDelete
  7. Wala naman po sanang ganyanan...

    Pero 'yung manggagamot doon ay kilala ko at sa kanya rin ako nagpapahilot kapag may pilay. Maraming mga bata ang dumadayo sa kanila para magpa-"gamot". Mga "pasyente" na galing sa kung saan-saang lugar.

    Taga-Bubog ka rin ba? Ba't kilala mo si Mang Francing Isla? Dalawa na ang mansyong ('yung isa pala 'Villa') malapit sa kanila, saan po ba doon...?

    ReplyDelete
  8. Kasin, ask ko lang baka pwede mo feature yung yugto ng struggle sa Aquafil at kung ano na ngyari ngayon. Tapos yung mining update baka meron din.

    ReplyDelete
  9. Dear Fellow Member of Filipinos Unite!!!,

    We enjoin you to please copy and paste the Prayer Tag and Link For The Philippines and The Filipinos and post it at your own blog. You can add your other blog/s at the end of the link or if you have only one blog and are already included in the link, you may repeat your blog’s name at the end of the link. Be sure to utter the prayer for 9 consecutive days or as often as you can. Tag as many bloggers as you can, preferably Filipino bloggers. But only bona fide Filipinos will be included in the official registry of all Filipino bloggers. As a service to our fellow members, may we request you to please visit at least 10 members a day- 5 members that you know and 5 members that you do not know so that we can help each other improve our page rankings. Please copy the whole post from the picture to the end of copy sign.

    Thank you very much for your wholehearted support of this project. God bless you and your family always.

    Very respectfully,

    Mel Alarilla of Filipinos Unite!!!

    ReplyDelete