Friday, January 9, 2009

Drowing Lang


Isinumite na ni Governor Josephine Ramirez-Sato sa Sangguniang Panlalawigan (SP) noong huling linggo ng Disyembre 2008 ang listahan ng kanyang mga panukalang gastusin para sa taong 2009. As expected, mas malaki ang Provincial Executive Budget ngayon kaysa noong isang taon. Bukod pa dito ang halaga o badyet para sa operational expenses ng Kapitolyo at mga tanggapang panlalawigan

Sa aming panayam kay Vice-Governor Mario Gene J. Mendiola sa “Pintig ng Bayan” sa DZVT noong Miyerkules, sinabi nito na nag-o-over-time na Finance Committee ng Junta Provincial para kaagad na ma-finalize at ma-aprobahan ito ASAP. Ayon kay Mendiola, tinatayang aabot sa P 470 hanggang 480 milyong piso ang nasabing badyet. Nilinaw ni Mendiola sa amin ng aking co-host na si Daisy Del Valle-Leaño, na bagama’t prayoridad pa rin ni Sato ang agrikultura ay binigyang nito ng espesyal na pansin ang serbisyong pangkalusugan. Ganito more or less ang laman ng “listahan”: CT Scanning machine para sa Provincial District Hospital sa Mamburao at ang kontrobersyal na paglilipat ng Murtha District Hospital sa San Jose mula sa Brgy. Murtha patungong national highway na sakop ng Brgy. La Curva (Hindi ako sigurado kung La Curva nga o Bubog. Hindi ko rin alam kung saan ang boundary marker doon), mga brand new medical facilities para sa bagong ospital at ang pagmi-merge umano nito at ng Rizal Community Clinic, ..este, Hospital, in the future…

Isama mo rin sa listahan ang mga infrastructure projects na ang tapnatser ay ang ipatatayong Cold Storage Facilities para sa mga produktong agrikultura sa San Jose, Magsaysay, Rizal at Calintaan o SAMARICA. Joint project daw ang planta ng Provincial Government at LGU ng Rizal. Ang gusali ay ii-erect (itatayo na nga kung itatayo!) sa bayan ng Rizal. Puntirya itong itayo malapit sa “pinakamalinis” na palengke sa buong mundo. Siguro ay pamilyar ka sa public market na ito na malapit sa ilog sa pagitan ng Brgy. Central at Brgy. Sto. Niño. Kapag papunta ka ng San Jose galing ng Calintaan, ito yung nasa gawing kanan ng kalsada at madadaanan mo ito bago ka sumampa sa tulay ng Busuanga.

Bakit “pinakamalinis” na palengke? Ito lang ang palengkeng nakita ko na walang putik, walang tubig sa sahig, walang langaw, walang mga paninda, walang tindero’t tindera, walang namamalengke at walang namimili. Hindi ito nag-operate kahit apat na taon na ‘atang completely finish ang construction nito. Mali yata ang lokasyon. Malayo sa kabayanan. Mataas daw ang upa. Hindi raw napag-aralan mabuti bago itinayo. Wala nga ba itong feasibility study? Hay,..kalimutan na lang natin ang palpak na palengkeng ito…

Mula sa palengke, balik na lang tayo sa bagong ospital. Sabi ni Vice-Governor Gene, malaki-laki na rin daw ang ang nakakalap na halaga ng proyekto mula sa pondo ng mga senador. Si Senate President Juan Ponce-Enrile nagbigay ng P 15 m; Sen. Richard Gordon, P 2 m; Sen. Aquilino Pimentel, Jr., P 15 m. Malaking tipid na nga naman ito sa panukalang executive budget ni Gov. Nene.

Pero huwag sana nating kalilimutan na ang paghahanay na ginawa ni Vice-Governor Mario Gene J. Mendiola ay pawang mga drowing pa lang. Drowing dahil hindi pa aprobado ang nakasalang pa lang na badyet. Kung tutuusin, sabi ng isa naming texter noong Miyerkules, masyado nang huli ang Executive Budget. Dapat ay aprobado na ito bago pa man matapos ang 2008. Ang mga pagkakabalam na ganito, sabi ng iba ay open opportunity daw para sa over spending. Hindi ko alam kung bakit. Mahina ako sa Math, e..

Inuulit ko, drowing pa lang ang pahayag noong Miyerkules ng Bise-Gobernador. Huwag natin itong asahan kaagad. Drowing pa lang daw sabi lalo ng mga malisyosong mag-isip. Walang nga namang nakatitiyak na ang bahagi ng halagang ito ay hindi liligwak sa mga pang-halalang pondo o kuwarta sa illegal na pamumulitika. Kampanyahan baga…

Hindi lang ang kanilang paksyon. Gayundin ang kanilang political rivals sa mga pampublikong pondong nasa kamay nila at inaasahang matatanggap pa ngayong 2009 galing man kung saan at kung kanino…

------
(Ang makikitang larawan sa itaas ay sampol lamang ng mga bagong gawang Barangay Hall sa amin. Sa yari pa lang at kulay ng mga ito ay alam mo na kung alin sa dalawang pulitikang paksyon kabilang ang aming mga kapitan ng barangay. Kuha ni Bb. Teresita D. Tacderan sa kanilang Bahay Pamahalaan sa Brgy. Camburay, San Jose, Kanlurang Mindoro.)

6 comments:

  1. Public money should be maximized to promote the general good. Taxes are paid for the sake of general welfare, and financing projects and programs that pursues the general welfare. SO the question is, does this 'cleanest market' promote the general welfare? Does majority of the people, not withstanding taxpayers, benefit from it?

    I praise them for wrapping the budget up on time but I remain unimpressed by the project line up. The trend today is to put public servicing in the most convenient place for public consumption, this considered vis a vis the gerneral welfare.

    ReplyDelete
  2. Tama ka. Salamat sa mga dagdag at mas malalim na pagsusuri.

    ReplyDelete
  3. the appropriate question is did we choose the right leader to lead san jose or occ. mindoro for that matter? we choose our leader WE suffer the consequences. i really hope that someday occ.mindoro will find the right one, not the trapo nor from a political dynasty, a true, honest, rightful one because we deserve it. san jose has so much potential.

    - francesca

    ReplyDelete
  4. Salamat sa puna at dagdag na pag-aanalisa. Mabuhay kayo..

    ReplyDelete
  5. yung pinakamalinis na palengke ng rizal ay pwedeng magamit... paano? kailangang magkaroon ng proyektong pabahay para sa mga sabungero. di ba malapit na ring mayari yong sabungan sa tabi nong palengke?

    ReplyDelete
  6. sa usapin ng hospital... drowing pa nga lang pero abstract na... mahirap maintindihan ng maliit kong pang-unawa... mayroon namang existing na district hospital sa murtha, mas maraming modernong kagamitan ang maidaragdag kung sa halip na bago ay i-renovate ng maayos yun... ang nakikita ko lang na problema sa murtha district hospital ay,,, malayo sa highway kokonti ang makakakita... bakit pa nga pagagandahin?

    ReplyDelete