Tuesday, January 13, 2009
Kuwentong Parang Sine
Ang larawan sa itaas ay kuha ng isa sa mga convener ng Save OMECO Movement nang sila ay pumasyal sa nasabing tanggapan sa Quezon City noong ika-9 ng Enero, 2009 at personal nilang naka-usap si Administrator Edita S. Bueno. Wala ako sa posisyon para ibalita kung ano ang nangyari sa usapan maliban sa pagsasabing ang Mandate,Vision, Mission at Credo pala ng National Electrification Administration o NEA ay akmang-akma at 'di taliwas sa adhikain ng Save OMECO Movement. Hindi mali na gawing tuntungan ang mga ito sa pagkakamit natin ng ating layunin sa pagkilos. Kung totoo ang naka-paskel sa bungad na palapag pa lamang ng kanilang gusali, lumalabas na para talaga sa paglilingkod sa sambayanan ang NEA. Baka si General Manager Alex C. Labrador lang at ang kanyang mga kapanalig ang hindi…
Matapos ang aming biyahe sa Manila via Abra de Ilog, lamog pa ang katawan kaming bumalik agad ng San Jose. At para makapag-relaks nang maayos noong Sabado at Linggo, hinalukay ko ang aking mga VCD collection at walang tingin-tingin na dumampot ng tatlong pelikulang aking papanoorin. Ewan ko ba kung bakit mga lumang Tagalog action films ang aking napag-diskitahan noong umagang iyon.
Palibhasa FPJ fan ako simula noong bata, ang huling kabanata ng “Kapag Puno na ang Salop” sequel ang aking inuna. Siyempre, nag-enjoy ako uli sa verbal confrontations at bakbakan nina Lt. Guerero (Fernando Poe, Jr.) at ang kanyang mortal na kaaway na si Judge Valderama (Eddie Garcia). Pero hindi ko ito tinapos ang pelikula.
Simula kay FPJ ay pelikula naman ni Daboy ang pinanood namin ni Pipay. 1985 pa nang ipinalabas ito sa mga sinehan. Bata pa dito ang yumaong si Rudy Fernandez. Kasama niya dito si George Estregan at ang katambal niya ay si Donna Villa (na hindi pa ‘ata asawa noon ni Carlo J. Caparas). Idinirek ito ng kilalang action director noon na si Manuel “Fyke” Cinco. Ini-scan ko lang ito ng konti.
Ang huli kong pinag-tripan ay kay Lito Lapid na 2001 pa lumabas sa sinehan. Ang stuntman-turned-director na si Baldo Marro ang gumawa nito. Habang pinapanood ko uli ang pelikulang ito ay nanghinayang ako kung bakit namulitika pa si Lito Lapid at hindi na lang nag-artista. Tungkol ito sa isang pulis na na-frame up sa pagnanakaw ng bara ng ginto. Si Isabel Granada ang love interest dito ni Senator Lapid.
Kagaya nang mga tipikal na pelikulang aksyon na gawa sa ‘Pinas, walang kawawaang habulan, suntukan, barilan at patayan ang aking napanood. Ewan ko kung ano ang kahulugan nito pero kung ihahanay mo ang mga pamagat ng tatlong pelikulang aking napanood, parang may kaugnayan ito sa lakad ng Save OMECO Movement sa National Office ng NEA noong Biyernes. O sa maaaring kahinatnan ng kanyang pagiging GM:
“Hindi Ka Na Sisikatan ng Araw”,
“Bilang Na Ang Oras Mo” ….
“Labrador”
----------
(Hindi sana mahalata na gawa-gawaan ko lang ang bahaging sine ng kuwentong ito.)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment