Tuesday, January 20, 2009

Ating Aroma Beach


Kapag bumiyahe ka sakay ng eroplano papuntang San Jose, ang unang lugar mong mabubungaran ay ang Aroma Beach. Ito rin ang pinaka-madaling pasyalan na maaari mong pagdalhan ng walang gastos kapag may bisita ka galing sa ibang lugar. Maganda ang Aroma kung umaga. Lalung-lalo na kapag kalmada ang dagat at hindi masama ang panahon.

Sama-samang makikita mo dito ang mga morning jogger, mga mangisngisdang humihila ng lambat, mga batang nag-tatampisaw sa dagat, mga naglalakad na buntis at matatandang may rayuma at iba pang mga sakit. Sari-saring uri ng tao mula sa sari-sari ring larangan ng buhay ang makikita dito. May mga cottage na dito matatagpuan at may pagkakataong may mga malalaking bangkang pangisda ang dito ay naka-daong.

Pero kung gaaano kaaliwalas ito sa umaga ay ganoon naman ito ka-delikado kapag dis-oras ng gabi. Noon pa man, simula nang hindi ma-regularisa ang mga cottage dito ay pinagmulan na ito ng maraming krimen. Kung taga-San Jose ka, tiyak ay may kakilala ka na nabugbog dito o nakarinig ka ng kuwento nang rambulan dito. May mga kaso rin ng gang rape at gang war dito na naganap noon, ‘di ba? Naging pugad na nga ito ng mga bagamundo kung gabi: mga tumador, pokpok (hindi mga karpintero ha!), adik, basagulero, bulakbol, TNT lovers at kung anu-ano pa,.. pati ang mga holdaper.

Bawal sanang magtayo dito,- ayon sa isang lumang ordinansa, ng mga permanenteng istruktura pero may lumalabag na cottage owners sa batas na ito. Hindi ko nga alam kung nagbabayad ng tax sa Brgy. San Roque o sa munisipyo ang mga ito. Hindi ko rin alam ko hindi ba delikado sa kalusugan at kapaligiran ‘yung mga palikuran doon. Ni hindi ko nga napakinggang ininspeksyon ang mga iyon ng aming sanidad. Hindi ba pwedeng ipasa na sa LGU ng San Jose ang Aroma Beach para tuluyan itong “luminis” anumang oras?

Ito ang nakakatawa. Minsan, may mga cottage owner na nagtayo ng permanent structures doon at nang may mga nagsabing dapat gibain ang mga ito, ang sagot ba naman nang ilang namumuno ay, “…kung walang opisyal na nag-rereklamo ay hindi kami magde-demolish…” Walandyo. May batas na nga pong nagbabawal. Hindi ba ang dapat ay ipatupad muna ang batas at harapin ang sinumang mag-rereklamong matatamaan? Hay,.. buhay…

Noong ika-9 nga ng Enero, 2009 ay nabiktima ng holdapan sa Aroma Beach sina Ronald Bejelica, 27 anyos na tindero at Luzviminda Sabordo, isang 18 anyos na estudyante na nanakawan ng mga alahas at pera. Pero kinaumagahan ay kaagad na nasakote ng mga pulis sa pangunguna nina PO3 Romeo Jimena at PO3 Ulysses Encila ang mga holdaper na nakilalang sina Maximino Flores @ Allan, 26 anyos, Benny Perucho at Rolando Tanglao, 32 ang edad na mga taga-Brgy. Bubog at Bagong Silang, Brgy. San Roque. Nasakote sila ng PNP sa loob ng bakanteng St. Virginia Cemetery na pag-aari ng negosyanteng si Hai Soy Tan. Isinampa na sa piskalya ang kaso laban sa kanila at sila ay naka-kalaboso na ngayon.

Sa bahagi ng tulang isinulat ni R.L. Yano, na hindi ko kilala na pinamagatang “O, Bayan Kong San Jose, Ipinagmamalaki Kita” na edisyon noong 2005 ng “Kanluran”, ang Opisyal na Pampanitikang Dyornal ng Occidental Mindoro National College o OMNC ay mababasa natin:

“Sa Aroma Beach mong aming iniingatan
Sa tao’y naghahatid ng kaligayahan;
Sa bawat magsing-irog at mga pagdiriwang
Ng mga kaarawan at iba pang kasiyahan.”


….. Iyan ay kung tunay na ligtas tayo sa mga masasamang-loob (sa loob at labas ng gobyerno)!

--------
(Aroma Beach Photo from travbuddy.com/travel-blogs/)

4 comments:

  1. pagtatama: walang BRGY BAGONG SILANG sa San Jose. Ito ay purok na sakop ng Brgy San Roque

    ReplyDelete
  2. Salamat dyoma0607, tama ka. Nagkamali ako kaya in-edit ko na...

    Thanks again.

    ReplyDelete
  3. What? kagilagilalas! NAHULI AGAD ANG MGA SUSPEK? DIYATAT ITO AY ISANG BALITA NA DAPAT IPAGDIWANG, lalo pa't ang nakahuli ay si Gimena! kasi hanggang ngayon ang kaso ko ay di pa nila nalulutas!

    ReplyDelete
  4. dapat kasi maglagay ng outpost ng police sa aroma beach

    ReplyDelete