Thursday, February 26, 2009

Karapatan sa Pagsagot


Sa isang panayam sa isang local FM radio station sa lalawigan kaninang tanghali (na kanyang pag-aari), ang aming kinatawan sa Kongreso ay tahasang naninindigan na siya ay sumusuporta sa isang panukalang batas sa Senado na inisponsor ni Senador Aquilino “Nene” Pimentel ang Senate Bill No. 2150 at sa Kongreso naman ay ang House Bill No. 3306 na isinusulong ni Rep. Monico Puentevella. Ito ay ang palasak na tinatawag ngayong “Right of Reply Bill”. Kagaya ng inaasahan, palung-palo ang Station Manager ng himpilan sa panukalang batas, imbes na sa pagsusulong at pagtataguyod sa batayang karapatang pantao at sa kalayaan sa pamamahayag. Tsk..tsk..

Personally ay kontra ako dito. Uulitin ko, personal kong opinyon ito at walang kinalaman dito ang tindig ng organisasyong aking kinabibilangan o ng DZVT na istasyon ng radyo kung saan ako nag-a-announce. Hindi ko alam kung ano ang opisyal na posisyon dito ng aking mga bossing. Ang layunin ng mga panukalang batas na nag-aatas sa lahat ng media organization na mag-publish o magsa-himpapawid ng mga tugon ng umano’y aggrieved parties ay imposibleng maipatupad. Ang takot ng ilan na maging biktima ng hindi patas na media coverage o interview ay matagal nang tinutugunan ng iba’t-ibang mga mekanismo ng self-regulation kagaya ng ipinatutupad ng Philippine Press Council (PPC), kabilang ang Ethics Body halimbawa ng Philippine Press Insitute (PPI). Maging ang Kapisanan ng mga Brodkaster sa Pilipinas (KBP) ay mayroon na rin 'atang ganitong mekanismo noon pa man at may mga kaakibat itong kaparusahan.

Imbes na lumikha ng mga batas kung papaano kumilos o mag-function ang media, ang pinag-ukulan na lang sana ng pansin ng ating mga mambabatas ay kung papaano i-regularisa ng media ang kani-kanilang mga sarili upang maka-likha ng kapaligirang kaaya-aya tungo sa epektibong pagganap o pagsasakatuparan sa nasabing propesyon. Isa pa sana ay kung papaano ma-reregularisa ang mga lokal o pambansang media institution na direktang pag-aari o impluwensiyado ng mga pulitiko na ginagamit upang wasakin sa ere ang kani-kanilang mga katunggali.

Tunay na lahat ng tao,- pulitiko man o karaniwang mamamayan, ay dapat bigyan ng karapatang sumagot sa mga inaakusa sa kanya o sa kanila. Ang akin lang ay hindi kayang maglaan ng patas na panahon o espasyo para sa mga ganitong pag-reply o kasagutan sapagkat lalabas na ang midya ay maaaring magamit sa iba pa nilang layuning pulitikal, lalo na kapag panahon ng eleksyon. O sa propaganda kaya.

Naniniwala ako na ang bagay na ito ay hindi na kailangan pang isa-batas. May kakayahan ang alinmang midya dito sa Kanlurang Mindoro na hindi pag-aari at direktang impluwensiyado ng mga pulitiko na mag-self regulate. Ang DZVT, Spirit-FM, DZYM at Radyo Natin halimbawa ay kayang i-regulate ang kani-kanilang mga sarili. Kalokohan lang ang panukalang batas na ito sa ganang akin.

Sinasagkaan ng Senate Bill No. 2150 at House Bill No. 3306 mga batayang kalayaan na ginagarantiyahan ng ating Saligang Batas,- ang freedom of the press and freedom of expression. May mga isinasaad pa nga palang multa sa mga hindi tutupad dito.

Ang dalawang panukala ay nagsasaad ng ganito: “all persons…who are accused directly or indirectly of committing, having committed or intending to commit any crime or offense defined by law, or are criticized by innuendo, suggestion or rumor for any lapse in behavior in public or private life shall have the right to reply to charges or criticisms published or printed in newspapers, magazines, newsletters or publications circulated commercially or for free, or aired or broadcast over radio, television, websites, or through any electronic devices.”

Itinatakda rin na ang mga sagot o reply ay dapat, “published or broadcast in the same space of the newspapers, magazine, newsletter or publication, or aired over the same program on radio, television, website or through any electronic device.”

Ganito naman ang pananaw ni Prof. Danilo Arao ng UP College of Mass Communication : “The danger in the right of reply bill is that it would legislate what the media OUGHT to publish or air, while casting a chilling effect that could dissuade the more timorous from publishing or airing what they SHOULD.” Idinagdag pa ng batikang mamamahayag sa kanyang blog na: “The bills would free public officials, especially the corrupt – and they are legion – of accountability and give them carte blanche to force their lies on the suffering public.”

Hindi naman ako ay nag-mamalinis bilang isang local media practitioner. Mayroon din akong malaking pagkukulang marahil sa usaping ito. Naiintindihan ko ang sitwasyon ng mga "kaawa-awang" pulitikong basta na lamang binibira't inaakusahan nang hindi pinasasagot. Sa Kanlurang Mindoro ay ganito ang kalakaran lalung-lalo na sa mga istasyon ng radyong pag-aari o direktang impluwensiyado ng mga pulitiko. Pero ang kasalanan ng ilan ay huwag naman sanang gawing sangkalan sa pakyawang panunupil sa sagradong kalayaan sa pamamahayag at freedom of expression. Kapag nangyari ito, lalong magtatagumpay ang lisyang pamamahala at maling pamumulitika hindi lamang sa ating lalawigan kundi sa buong bansa. At lalong patay tayo diyan kaya...

...Ibasura ang House Bill No. 3306 at Senate Bill No. 2150!!!

---------
(DZVT File Photo. Sen Loren Legarda with Vice-Gov. Mario Gene J. Mendiola in one of her visit to Occidental Mindoro last 2007)

Wednesday, February 25, 2009

Hapon Na Naging Mangyan?


Ganito rin ang aking nararamdaman kapag naaalala ko ang pangyayaring ito. Ilang taon na kasi ang nakalilipas, may isang panayam sa radyo ang isa naming lider ng lalawigan at sinabi niya na kapag naaprobahan ang JPEPA (Japan-Philippines Economic Partnership Agreement) ay tuluyan nang maaayos ang pangunahing mga kalsada sa Occidental Mindoro. Blooper ito sapagkat alam natin na walang kinalaman sa pagpapagawa ng national highway ang nasabing kasunduan. Ang JBIC (Japan Bank for International Cooperation) baka pa mayroong kinalaman. Tampok din ito sa isang pinag-usapang blog post ng aking mga ka-lalawigan noon na maaari ninyong silipin ngayon dito.

Napapahalakhak sa isip nang mag-isa at halos katusan ko ang sarili sa pinaghalong tuwa at inis kapag naaalala ko ito...!

Pero hindi ito ang aking paksa ngayon. Naalala ko lang dahil usapang Japan ang bahig natin ngayon …

Kahapon ay may bisita kaming isang Japanse citizen na si Ms. Chiho Tanaka, Representative ng Volunteer Section ng Japan International Cooperation Agency o JICA. May isang programa kasi ang JICA na pagtutuwangan ng Social Services Commission (SSC) na opisinang kinakatawan ko. Pero hindi rin ang JICA Project na ito ang aking pupuntiryahin ngayon.

Bagamat hindi ito kasama sa itinerary o tunay na pakay kahapon ni Ms. Tanaka, may nakiusap sa amin na kapanayamin ng aming bisita ang isang matandang Mangyan, na 90 anyos na raw,- dahil may hinala ‘ata yung nakiusap sa amin na dating sundalong Hapon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang matanda na tawagin na lang nating Mang Simon. Tunay na may mga kaibigan ang matanda na naniniwalang siya ay isang Hapon. Sa palagay ko nga, mas sila pa ang naniniwala na Japanese straggler ito kaysa sa may katawan! Hindi kaya nase-second childhood na lang ang matandang katutubo?

Si Mang Simon noong medyo malakas-lakas pa ay malimit pumasyal sa ilang kaibigan sa sentrong bayan para bisitahin at tumanggap ng mumunting tulong mula sa mga ito. Kabilang ang ilang pari sa kanyang mga kaibigan. Kuwento sa amin ng isang malimit na maka-huntahan ni Mang Simon, ang matanda daw ay malimit nagsasalita ng lenguwaheng sa kanyang palagay ay wikang Hapon. Pero itong si Mang Simon kaylanman ay hindi nag-claim na siya ay Japanese soldier dati o tunay nga siyang Hapon. Simula kasi nang sumuko si Lt. Hiroo Onoda sa Isla ng Lubang sakop ng Occidental Mindoro, maraming umutlaw na urban legends na sa mga kabundukan ng Mindoro hanggang ngayon ay mayroon pang mga Japanese stragglers na nakikipamuhay sa mga Mangyan o dili kaya naman ay tuluyan nang pinangatawanan umano ang pagiging katutubo. Mga claim na authentic ang ilan pero mas marami ang peke o hoax kagaya ng kaso ng isang 85 anyos na Mangyan na si Sangrayban. Ang kaso ni Capt. Fumio Nakahira na natagpuan sa Mt. Halcon noong Abril 1980 ay napatunayang authentic. At marami pang kuwentong Japanese-Straggler-turned-Mangyan na mababasa sa registry na ito ng Wanpela.

Kahapon ay halos isang oras naming nilakad ang kinaroroonan ni Mang Simon sa Sitio Salapay, isang pamayanan ng mga katutubo sa Brgy. Monte Claro sakop ng bayan ng San Jose. Wala namang problema sa lakad, sanay kami sa ganitong lakaran. Kung minsan nga mas mahaba at mas matagal pa dito ang aming tinatahak. Tumawid kami sa patay na ilog at umakyat ng ilang gulod hanggang sa magharap na nga si Mang Simon at si Ms. Tanaka. Hinayaan namin silang magkasarili. Halos isang oras silang “nag-usap”. Agad silang pinalibutan ng mga batang katutubo, karamihan sa kanila ay kaanak ng matanda.

At komo mahuhuli na kami sa tunay naming pakay sa mga cooperative member na talagang may kinalaman sa JICA Project, kami ay bumalik na sa lugar na kinaroroonan ng aming sasakyan. Habang kami ay naglalakad tinanong ko si Ms. Tanaka tungkol kay Mang Simon. Isang matamis na ngiti lamang ang kanyang iginanti sa akin at isang misteryosong iling. Isa lamang ang tiyak ko, hindi na muling maghaharap pa si Ms. Tanaka at si Mang Simon kaugnay ng isyu ng pagiging straggler ng huli.

Hanggang kaninang umaga ay napapahalakhak ako sa isip nang mag-isa at halos katusan ko ang sarili sa pinaghalong tuwa at inis dahil naalala ko ito...!

-------
(Photo credit: www.wanpela.com.. Relatives of Lt. Hiroo Onoda waiting for him to come down from the mountains of Lubang, Occidental Mindoro)

Saturday, February 21, 2009

Kuwentong Murtha, Problemang Ospital


Noong ika-12 ng Pebrero, 2009 ay nagluwal ng isang premature baby sa Murtha District Hospital dito sa bayan ng San Jose, Occidental Mindoro si Milagros Madrid. Matapos ang ilang araw ay namatay sa loob ng ICU ang sanggol. Sa panayam kay Gng. Filomena Paula na taga Sitio Alitaytayan ng nasabi ring bayan at nanay ni Milagros, wala umanong nakapag-sabi man lamang sa kanila mula sa mga duktor at narses doon na maselan pala ang kalalagayan ng bata matapos itong iluwal. Ni wala din umanong binabanggit na sakit ang duktor na pangunahing tumitingin sa kanyang anak na si Dra. Flor Amaba, MD.

Hinala ni Aling Filomena na ang pagkakaroon noon ng dalawang oras na emergency brown-out sa lugar ang ikinapahamak ng kanyang bagong silang na apo. Maaari umanong huminto rin sa pag-function ang incubator ng bata. Kung siya ang tatanungin, naniniwala ang matanda na nagkaroon ng kapabayaan ang duktor at ang ilang tauhan ng nasabing ospital. Bukod dito, inirereklamo rin niya ang hindi umano magandang ugali ng duktora at ilang staff doon.

Ang Murtha District Hospital ay nasa ilalim ng pamamahala ng Pamahalaang Panlalawigan at ang administrador ng ospital ay si Dr. Noel S. Fernandez, MD. Ang ospital na ito ay ang pinakaabalang ospital ng gobyerno sa lalawigan. Wala itong mga makabagong kagamitan, kulang ang mga bed kung ikukumpara mo sa dami ng admittance araw-araw at higit sa lahat ay under staff pa ito. Maraming gamot ang hindi available, at kung anu-ano pang kakulangan sa usapin ng hospital care. Ang Murtha District Hospital ay luma na ang mga gusali na kung titingnan mo, sa itsura pa lang ng free ward nito ay maaari ka nang matetano at mamatay!

Ang mga pasyente dito ay hindi lamang mga taga-San Jose kundi maging mga taga ibang bayan at ibang lalawigan pa nga na malapit sa San Jose, kagaya ng mga malalapit na isalang barangay ng Northern Palawan at Antique. Ilang gobernador na ang nagpalit-palitan sa lalawigan simula ang ito ay itayo noong 1970’s pero sabi nga ng mga Bisaya, “Amo pa man gihapon…”

Hindi na bago ang ganitong mga kuwento sa Murtha. Mayroon umanong palakasan. Yung mga taga-bayan at kilalang tao raw ay binibigyan ng VIP treatment habang iniitsa-puwera ang mga mahihirap na taga-baryo at lalo na ang mga katutubong Mangyan. Kung ikaw ay taal na taga Occidental Mindoro, tiyak na may ganito ka ring karanasan o alam na karanasan sa ospital na ito dito sa atin. Mga reklamong hindi naman pormal na inihahain sa hukuman o sa alinmang tanggapan. Mga buhay na naglaho sa maaari namang maiwasan. Pinalabas sa ospital si Milagros noong ika-15 ng Pebrero.

Pero sa panayam namin kay Dra. Flor Amaba, itinanggi niya na nagkaroon sila ng kapabayaan. Noon pa umano ay batid na ng ina na pre-mature ang kanyang isisilang. Sa pagsusuri rin umano niya, nalaman niya na hindi sumailalim sa regular na check-up ang ina noong ito ay buntis pa lang. Maliban sa pagiging pre-mature, mayroon pa raw Respiratory Infection Syndrome ang sanggol na bagong luwal. Idinagdag pa niya na tunay na sa pagkakataong iyon ay “potentially at risk” na ang ina at ang sanggol dahil si Milagros noon ay may hypertension. Kaya imposible umanong hindi niya masasabi ang sitwasyon sa pasyente.

Sabi ng isang political camp, malapit nang matapos ang ganitong mga kuwento at eksena sa Murtha. Kapag nailipat na ito sa kanyang bagong proposed site sa National Highway papuntang Brgy. Central. Isa ito sa mga pangunahing proyektong pinaglaanan ng malaking badyet ni Gov. Josephine Y. Ramirez-Sato at pinaglaanan ng pondo ng ilang mga pambansang ahensiya ay pulitiko. Magiging kumpleto umano ito sa mga pasilidad at iba pang kagamitang pang-kalusugan. Sana nga….

Heto ang ratsada ng mga tanong: "Imbes na ituon na lamang ang mga gastusin sa pagpapataas ng antas ng Murtha District Hospital bakit pa ito ililipat?" "Halimbawa sa pagbili ng mga modernong pasilidad imbes na sa kontsruksiyon?" Ilan lamang iyan sa tanong ng mga mamamayan. Wala raw problema sa site, e ba’t ililipat? Bakit imbes na manpower at facilities ay construction ang pag-didiskitahan? Wala ba talagang kapalit ang donation ng lupang pagtatayuan?

Sa mga kinauukulan : Pakisagot na nga po para sa kaliwanagan ng mga ordinaryong Mindorenyo katulad ni Aling Filomena at ng mga intrigerong katulad ko…….

-------
(Photo from the Philippine Information Agency (PIA) website)

Thursday, February 19, 2009

Pit(i)kin! Part 3


Muli na naman naming nakaharap ang mga kinatawan ng Department of Energy (DOE) at Pitkin Petroleum Limited kahapon, hindi na nga lang sa mga pamayanan kundi sa aming sariling teritoryo. Pamilyar na pamilyar na ang mukha namin sa isa’t-isa sapagkat kami ay nagsilbing mga anino nila tuwing sila ay magpupunta sa mga pamayanan para isulong ang Oil Exploration Project dito sa aming lalawigan. Kasama ang mga kasapi ng Pamayanang Kristiyano, mga madre at katutubo, kami ang mga “aninong” bumubuntot-buntot sa kanila noong isang taon. Mga "aninong" bumuntot na rin marahil ng kanilang mga bangungot noon.

Oo, muli na namang napag-kikita dito sa Occidental Mindoro ang mga tauhan ng DOE at Pitkin upang muli ay in-introduce ang tinatawag na Service Contract No. 53. Ang Oil Exploration Project na ito sa isla ng Miindoro at paksa na sa aking mga nakaraang posting na muli mong mababasa sa kategoryang "Pagmimina" ng binabasa ninyong blog ngayon o kaya ay sa posting na ito. Ito ang ilan sa mga dahilan kung bakit dapat na tutulan ang proyektong ito.

Sa kanilang presentasyon na ginanap sa Chancery Building ng Bikaryato Apostoliko ng San Jose kagabi, ika-18 ng Pebrero 2009, sinabi ng mga tagapagsalita ng dalawang ahensiya na target nilang makapaglunsad ng mga asembliya sa dalawampung (20) barangay na sasakupin ng proyekto. Muli nilang susuyurin (at susuyuin)ang tanggapan ng ating mga lokal na halal na lider, kabilang ang mga organisadong grupong pampamahalaan at pribado para ipaliwanag at payagan sila sa gawaing ito.

Sa muling pagsulyap sa mga nakaraan nilang gawain noong isang taon, ang kanilang isinagawang Magneto Telluric Survey (MTS) ay hindi umano siyento porsyentong natapos. Otsenta’y tres porsyento (83%) lamang umano ang kanilang natapos. Mula rin sa orihinal na target na anim (6) na bayan, apat na lang ngayon ang isasailalim sa tinatawag na 2D Seismic Survey. Ang apat (4) na bayang sasakupin na lamang nito ay ang mga bayan ng San Jose, Rizal, Calintaan at Sablayan. Dalawampung (20) barangay naman ang tatamaan nito. Ang Gen. Emilio Aguinaldo, Burgos at Ligaya sa Sablayan; Concepcion, Iriron, Malpalon at Poypoy sa Calintaan; Sto. Nino, San Pedro, Adela, Rizal (Limlim), Pitogo at Aguas sa Rizal; at sa San Jose naman ay ang mga barangay ng San Agustin, Central, San Isidro, Camburay, La Curva, Magbay, Bagong Sikat at ang minamahal naming barangay ni Aiza, ang Brgy. Bubog, ang modelong barangay ng lalawigan. Tinatayang aabutin sa pitong taon ang exploration phase ng proyekto na maaaring ma-extend nang hindi lalampas sa tatlong taon.

Sa matuling paliwanag ang Seismic Survey ay isang pamamaraang gumagamit ng sound waves upang malaman ang uri, kalidad, lalim at lapad ng mga bato sa ilalim ng lupa. Ginagamit ito sa paghahanap ng langis, natural gas, tubig pati mga mineral. Layunin nito na maka-kalap ng dagdag na geophysical na datos upang kumpirmahin ang resulta ng naunang nang isinagawang Magneto-Telluric Survey. Ito ang gawaing magpapatibay ng desisyon kung tutuloy sa susunod na hakbang ng pagtitiyak kung may sapat na langis sa bahaging ito ng ating lalawigan. At ang susunod na hakbang na ito ay ang pagbubutas o drilling. Ang drilling operation ay pangungunahan hindi lamang ng DOE at Pitkin kundi ng Philodrill Corporation at Anglo Philippine Holdings Inc. at Basic Petroleum.

As usual, sa presentasyon ng Pitkin ukol sa SC 53 kagabi ay walang bago. As expected, punong-puno ito ng mga pangako na pangangalagaan nila ang kalikasan at wala umano silang puputuling puno at sisiraing lupa at igagalang din umano nito ang buhay ng mga hayop-ilang. Yun naman daw tungkol sa dinamita o pagsabog, wala naman daw dapat ikatakot sa lindol sapagkat mahinang putok lang naman ang kailangan dito at gagawin daw ito nang malayo sa mga kabayanan. Idinagdag pa nila na ang mga ginamit na dinamita ng Philippine National Oil Company noong taong 1981-1984 ay mas malakas pero hindi ito lumikha ng paglindol sa isla.

Ipinagdiinan din ng aming mga bisita kagabi na ligtas, epektibo at hindi mapanira sa kapaligiran ang gawain. Hindi na raw kailangang magsagawa pa ng Environmental Impact Assessment (EIA) ang proyekto dahil daw sa Memorandum of Agreement (MoA) noong 1999 sa Pagitan ng DOE at Department of Environment and Natural Resources o DENR. Sabi nila….

Mukhang magiging paspasan ang gagawin nilang tirada sa Oil Exploration Phase 2 o ang 2D Seismic Survey dahil ayon na rin sa DOE at Pitkin, hindi p’wede sa tag-ulan ang kanilang instrumento. Mayroon din silang mga eskemang inilatag at na kung saan ay ika-klaster ang bawat bayan at munisipalidad at doon na lamang isasagawa para umano iwasan ang Lupaing Ninuno ng mga katutubong Mangyan.

Sa pagtatapos ng kanilang presentasyon, lumapit sa akin si Engr. Winky Pangilinan ng DOE (na nakilala ko nang kami ay parehong inanyayahan ng Sangguniang Bayan ng Magsaysay sa kanilang session last year. S'yempre, pabor siya at ako naman ay against..) at sinabi : “Long time no see…”At sagot ko sa kanya, “Kita na lang po tayo uli sa mga host community…”

Pitikin ang Pitkin!

--------
(Credit : Social Services Commission (SSC) File Photo taken by Ms. Teresita D. Tacderan)

Monday, February 16, 2009

Sumuko Na


Matapos ang halos anim na buwang pagtatago sa batas ay sumuko na rin kaninang umaga sina Bokal Randolph “Randy” Ignacio ng Unang Distrito ng Kanlurang Mindoro at dating bokal na ngayon ay Assistant Provincial Agriculturist (APA) Peter Alfaro kasama ang close-in security ni former Mamburao Mayor Joel “Big J” Panaligan na si Gaspar Bandoy. Matatandaan na noong Setyembre 2008 ay inisyuhan ng Warrant of Arrest ang tatlo sa kasong Serious Illegal Detention na isinampa sa kanila ni Romulo de Jesus, Jr., guro sa isang paaralan sa nasabing bayan. Kasama ng tatlo sa mandamyento de aresto ang isang Judy Lorenzo na kasalukuyan pa ring at-large. Ang warrant ay ipinalabas ni Judge Ulysses Delgado ng Regional Trial Court (RTC)- Branch 44 sa Mamburao sa rekomendasyon ni Provincial Fiscal Levitico Salcedo.

Ang kaso ay isinampa umano ng mga kaanak ni De Jesus laban sa apat kasama ang ilang John Does. Ang nagsakdal na si De Jesus ay kasalukuyan pa ring at-large dahil naman sa isang kasong may kinalaman sa umano ay pandaraya noong nakaraang halalan noong 2007 na mababasa sa http://i-site.ph/blog/?p=202.

Ang pinag-ugatan, kung tutuusin ng kasong ito ay ang umano’y ballot switching incident na nangyari sa Mamburao Central School noong nakaraang halalan noong 2007 dito sa amin, na noon nga ay kandidato itong si Ignacio habang Provincial Campaign Manager naman ng Dream Team (taguri sa political group ni Gov. Josephine Y. Ramirez-Sato) noon si Alfaro.

Noon pa man ay may mga higing-higing na na lalabas sina Alfaro at Ignacio sa unang bahagi ng taon at kaninang umaga, bandang alas 8:00 at iniskortan sila ng PNP Provincial Director PSSupt. Ceasar Daniel Miranda papunta sa RTC-44. Matapos na dumaan sa ilang proseso sa hukuman ay agad na kinalaboso ang dalawa at kasalukuyang naka-kulong sa Mamburao Provincial Jail.

Sa ganitong mga sitwasyon at komo ang Serious Illegal Detention ay isang heinous crime, walang bail recommended dito. Ang tangi na lamang magagawa ngayon ng kampo nina Alfaro at Ignacio ay ang maghain ng Petition for Bail sa hukuman. Itinaggi naman ng kampo ng mga katunggali ng dalawa sa pulitika na may direktang kinalaman sila sa pagsasampa ng kaso.

May ilang mga kritiko din ng kampo ni Governor Sato na nagsasabing kahit papaano ay liable ang gobernadora sa pagkakanlong sa dalawa noong nagtatago pa ang mga ito sa batas. Kinukuwestiyon din ang umano ay patuloy na pagtanggap ng honorarium at suweldo ng dalawa habang sila ay naka-puga. Ayon pa rin sa kanila ay dapat noon pa sinuspinde ni Vice-Governor Mario Gene J. Mendiola si Ignacio matapos ang kung ilang araw na siyang absent sa Sangguniang Panlalawigan (SP) Session…

Abangan lalo natin ang susunod na kabanata….

…. pero kailan kaya magiging ‘sing dalisay ng tubig-ulan ang pamumulitika dito sa atin?

---------
(Photo grabbed from http://laylasphotoblog.blogspot.com )

Saturday, February 14, 2009

Kailan P'wedeng Mag-"anuhan"


Hindi lang minsan kong narinig o nabasa mula sa mga community health worker dito sa amin at ilang mga feminista ang komentong katulad nito:

“In the Philippine culture, the unreasonable demand of the male partner in sexual relations can hardly be refused by the female partner. In this situation, the natural family planning method is more likely to fail. Kung ganito, ano pa ang pamamaraang mairerekomenda mo kundi artificial method?”

Tiyak na may batayan sila dito at hindi ko ito sasansalain. Tunay na mahalaga ang mga pampayanang pag-aaral at talakayan na naka-batay sa karanasan ng mga kababaihan para mailapat sa pagresolba natin sa isyu ng populasyon. With due respect sa mga may kaisipang ganito, may mga couple din akong kilala na gumagamit ng Natural Family Planning na nagsabing simula nang maging aware sila at gumamit nito ay nagkaroon na nang higit na kakaibang closeness at matinding pagtitinginan silang mag-asawa. Nagbukas ito sa kanila ng palagiang pag-uusap,- sa ibabaw man o malayo sa kama, na hindi nila dating ginagawa bago ang alam-mo-na-kung-anong-aktibidad-ang-ibig-kong- tukuyin. Lalo raw nilang nirespeto at hinangaan ang isa’t-isa. “E, ‘di walang marital rape sa inyo?”, pagbibiro ko. “Mayroong mas malaking tsansa na pagbigyan ang hindi makatwirang pagpupumilit (read: unreasonable demand) ng lalaki kung gumagamit sila ng kontraseptibo. Dahil iisipin niya na walang peligro at tiyak na walang magaganap na pagbubuntis.”

May narinig din akong isang “ligated” na ginang sa isang pamayanan na tahasang inirereklamo ang mga seksuwal na pagmu-molestiya sa kanya ng asawa. Katwiran raw kasi ng lalaki, anong oras man niya gustuhing “umano” ay walang problema dahil ligtas naman sa pagbubuntis si Misis. Samakatuwid, ang paggamit ng kontraseptibo ay nagtitiyak sa isang babae na hindi mabubuntis pero hindi ito nagtitiyak ng paggalang ng lalaki sa kanyang asawa. O kaya ay sa respeto ng mag-asawa sa isa’t-isa.

Hindi ko alam pero sa palagay ko, ang gumagamit ng Natural Family Planning Method o ang sumusunod sa turo na ito ng Simbahan ang may mas malaking posibilidad na igalang ang kanilang mga asawa at hindi ito pagmamalabisan o pagtataksilan. Yaong mga couple na nagsasabing ang mga sakramento at panalangin,- kasama ang buong pamilya, ang gumagabay sa kanila sa pagpapasya at gawaing ito. Sabi pa nila, simple lang naman ang gustong sabihin dito ng Simbahang Katolika : “Magpigil sa panggigigil. Kontrolin ang sarili at maghintay ng tamang panahon sa lahat ng bagay. Anumang sobra ay masama.”

Ang paggamit ba ng artificial method ay nagtutulak na magkaroon ng mas maayos na komunikasyon at magandang relasyon sa mag-asawa kaysa sa Natural Family Planning? Ano raw ba ang mas mahalaga, ang masaganang buhay,- sa pagkain, edukasyon, bahay, damit, kalusugan, at iba pa, o ang maayos na relasyon sa pamilya na kadalasan ay hindi natin nararanasan nang sabay?

Kuwento lang ako ng isa. Batay ito sa karanasan ng isang marriage counselor na kaibigan ng isang kaibigan ko. May magkapatid na parehong babae na kapwa may asawa. Yung mas matanda ay gumagamit ng natural na pamamaraan at yung isa ay artipisyal. Yung gumagamit ng natural ay may apat na anak at yung gumagamit ng artipisyal ay ginustong hindi muna magka-anak (dahil sa isang bagay na may kinalaman sa takbo ng kanyang career). At sa pribadong pag-uusap ng mag-ate ay ang kani-kanilang sex life ang naging paksa. Ang babaeng gumagamit ng kontraseptibo ay nagrereklamo na ang pakiramdam niya ay ginagamit lang siya ng kanyang asawa tuwing sila ay magtatalik. At pakiramdam niya ay obligasyon niyang paligayahin ang kanyang asawa kahit wala sa mood o may nararamdaman siya, kahit ayaw niya.

Sa isang sulok naman ng bahay ay may usapang lalake ring nagaganap. Ang mag-bilas ay nag-uusap din tungkol sa karanasan nila sa seks. Halos maiyak ang lalaking gumagamit ng artipisyal na pamamaraan at more or less ay ganito ang kanyang linya : “Tangna, ‘P’re.. Ano ba ito? Palagi na lang akong nagmamaka-awa sa kanya para mapagbigyan? Parang naawa ako sa sarili sa tuwing ako ay nakiki-usap. Parang sunod-sunuran lang ako at magse-sex lang kami kung kailan niya gusto. Gusto kong mag-usap kami pero, pagod daw siya, masakit ang ulo, may problema sa opisina. Kaya kung minsan nakagagawa ako ng hindi maganda. Ayaw ko rin sanang saktan siya!!”

At sa kanilang pag-uwi, ang mag-asawang gumagamit ng natural na pamamaraan ay nagtatakang tinanong ang isa’t-isa : “Hindi ba sila nag-uusap nang maayos tungkol sa seks? Ayaw ba nila ng sakripisyo hanggang sa pagkakataong puwede na, sa panahong kapwa nila inaasahan at inaasam?" Mga gabing hindi man p’wedeng mag-seks ay may pananabik naman at sabay na ina-anticipate, pinag-uusapan at hinihintay ng dalawang pusong nagmamahalan.”. At sabay nilang idedeklara : “Salamat at ang sex life natin ay okey na okey. Tutulungan natin sila!!”

Kitam. Ang gusto ko lang sabihin, hindi basta na lang pinagsasalpok ang karapatan at responsibilidad ng babae at lalake sa, oo.. patriyarkal na lipunang ito. Sa sistemang ito ay hindi lamang ang babae ang biktima kundi maging ang mga kalalakihan. Kapwa sila biktima ng lipunang hindi gender sensitive, sa kani-kanilang hindi paggalang sa isa’t-isa bilang tao, sa kani-kanilang hindi pagpapahalaga sa kanilang relasyon bilang mag-asawa.

Pero ang problema sa pagiging patriyarkal ng lipunang Pilipino ay malulunasan natin sa hinaharap. Magka-tuwang ang babae at lalake, sa pamamagitan ng gawaing panlipunang kanilang kinikilusan,- sa pamahalaan, pribadong organisasyon at mga Simbahan. Hindi nga lang biglaan kundi dahan-dahan. Moderately, ‘ika nga. Sabi nga ng isa ko pang kaibigan, “Mahirap na kaagad mabaklas ang isang kaisipan at sistemang libong taon nang umiiral…” Wala na akong espasyo pa para sakupin ang over population "myth" na kinontra na ng mga modern demographers na katulad ni Ben Wattenburg,- na obviously ay isang lalake, at ng babeng si Jaqueline Kasun.

Kaya lang, sabi ng mga lider ng ilang pandaigdigang kilusan ng mga radikal na kababaihan: “Kasi ang Diyos ng mga naniniwala sa Diyos ay lalake. Si Hesus na anak daw ng Diyos ay lalake rin!.” Kahit ako ay (pagdidiin: tunay na)lalaki, aaminin kong totoo ang nabasa ko kay Elizabeth Johnson sa kanyang aklat na “Consider Jesus”, “The problem is not that Jesus is a male, but that more males are NOT like Jesus!”,….

… si Hesus na higit sa mga teknikal na pamamaraan o metodo, ay kampiyon ng pakikipag-relasyon tungo sa pagpapaka-banal!

Maligayang Araw ng mga Puso!

-----
(Photo grabbed from http://laylasphotoblog.blogspot.com Thanks)

Tuesday, February 10, 2009

Hilot


Isa sa mga epektibong midyum ng pagpapamulat sa partikular na isyu ay ang pelikula. Especially yaong mga full length movie na ‘di kagaya ng mga documentary films na tadtad ng mga boring na statistics, masyadong intelektuwal ang presentasyon, mga challenge na hindi pinag-uukulang pansin, mga temang kontrobersyal na (sa tingin ng marami ay) nakakatakot lahukan, at iba pa; kaya hindi tumatagos sa kaisipan ng manonood. Mas tumitimo sa damdamin at utak ang mga palabas kagaya ng “Pay It Forward” na pinagbidahan nina Kevin Spacey at Helen Hunt na directed by Mimi Ledder noong taong 2000. Sapagkat buhay ang mga karakter, may continuity ang istorya, at technically-accepted ng masa, kumpletos-rekados ‘ika nga. Besides, kahit ang Guiness Book of World Records noon ay nag-ulat na nangungunang movie addicts,-este,..goers, sa mundo ay mga Pinoy...

Kung kagaya lang noong kapanahunan ko na may limang sinehan dito sa San Jose, kung buhay pa ang Levi Rama, Golden Gate, Green Cinema (1 and 2), at Gem Theater, hindi ko lang aabangan ang pelikulang ito kundi tutulong ako para maging isa itong (tinatawag namin noong) “Benefit Show” at ang proceeds ay p’wedeng gamitin sa adbokasiya para sa pag-papamulat o paghuhubog para sa paninindigan ng Bikaryato sa aborsiyon at responsableng pagmamagulang at iba pang kaugnay na apostolado. Sayang, dedbol na ang industriya ng sinehan dito sa amin…

Sa buong Pilipinas nga pala ay itinakda ngayong buwan ng Pebrero ang tinatawag na “Pro-Life Month” at sa mga parokya dito sa Kanlurang Mindoro ay may ilang aktibidad na naka-ankla sa nasabing tema. Gagawa ako ng paraan para mapanood ang pelikulang ito.

Ang pelikulang aking binabanggit ay ang “Hilot” na idinirehe ni Neal “Buboy” Tan (na director din ng maraming titillating films (TF) noong 80’s at 90’s kagaya ng “Marital Rape” at Check-Inn”) na napanood ko rin ‘yung iba (shh…!).

Ang “Hilot” ay nag-premier showing noong ika-29 ng Enero 2009 na inindorso hindi lamang ng Department of Education (DepEd) kundi ni Sr. Pilar Versoza ng Pro-Life Philippine Foundation, Inc. at iba pa.

Ang synopsis na ginawa ng ClicktheCity.com.Movies ay more or less ganito: “A young girl serves as an assistant to her mother, a traditional “hilot” who performs induced abortions for unwanted pregnancies. As the girl becomes more aware of the consequences of their profession, she comes at odds with her mother, and finds herself in a tough position when one of her classmates approaches her for the procedure..”

Ang “Hilot” ay isang pelikulang tumatagal ng isang oras at kuwarenta minutos na ginawaran ng PG-13 ng MTRCB. Tampok sa pelikulang ito ang mga hindi gaanong sikat na mga child actors na sina BeeJay Morales, Empress Schuck kasama ang mga batikang artista na sina Ricardo Cepeda, Ma. Isabel Lopez at Melisa Mendes sa papel na “Amparo”, ang hilot, ang aborsiyonista.

Sa ginawang film review ni Beverly Grace Andal para sa Pro-Life Philippines ay isinulat niya: “Truly this film moved me. I can say that this was a remarkable piece for it awakens the viewers to the reality of life, the effects of pre-marital sex to the youngsters, the effects of abortion and how people become susceptible to do bad things just to escape from their past…”

Pero pu-pwede pa rin naman. May mga church organization naman na makagagawa ng paraan para maipalabas ito sa mga parokya sa ilang captive audience na lalahukan reflection session pagkatapos. Ewan ko lang kung saan available and VCD o DVD kung meron man silang iprinudyos.

Kahit hindi na uso ang sinehan sa Occidental Mindoro, may available naman ngayong LCD projector at laptop computers na ating magagamit. O kahit privately ay mapanood sana natin ito kahit tapos na ang Pro-Life Month.

Pero marami kaya ang mga katulad ni Amparo sa ating mga pamayanan?.

Sunday, February 8, 2009

Basura... Ginto


BASURA.

Ganito ang kadalasang tagpo na babantad sa iyo sa bawat istratehikong sulok sa bayan ng San Jose lalo na kapag umaga. Ang larawan sa itaas ay kuha sa daan malapit sa main gate ng San Jose Pilot Elementary School. Mga green and white colored garbage bin na naka-kalat sa buong kabayanan at bago mag-tanghali ay hinahakot ng garbage trucks na designed sa pagkakarga nito. Ito ay kung walang aberya ang mga trak at drayber. Ang usual routine ng mga taga Ecological Solid Waste Management Program ng Munisipyo sa ilalim ng Mayor’s Office at ng Municipal Engineering Office ay mag-wawalis sa plaza bago pumutok ang araw at ‘yung mga naka-assign sa trak na hahakot ay iikutan at isasakay ang mga bin at dadalhin sa Municipal Dumpsite sa Brgy. Camburay. Tatlong trak ng garbage bin ang naglalagari mula bayan hanggang Camburay at vice-versa sa pagtatapon ng basura. Dagdag na mga ipinaghahakot ay isang kulay puting dump truck at isang kulay dilaw na hindi ko alam kung ano ang tawag doon. Basta ang alam ko ay ang may plaka ito na SGN 502. Ewan ko kung totoo, sabi ng “ultimo critico” ni Meyor, over-priced raw ang mga bagong equipments na ito. ‘Yung Municipal Dump Site tagilid pa rin ‘ata sa DENR…

Pero mas karima-rimarim tuwing hapon ang garbage bin na naka-lagay sa Public Market malapit dun sa dating Slaughter House. Kung idi-describe ko ito sa inyo ay p’wede kang masuka lalo na kapag mahina ang iyong sikmura. O kung ikaw ay maselan na nasa harap lang ng in-exhume, ina-awtopsiyang naagnas at nagpa-patis na cadaver ay hindi ka na makakain. ("Para ‘yun lang!")

Seriously, noon pa man ay diskumpiyado na kami sa proyektong ito ng munisipyo. Sabi namin, bago sana ipinatupad ito ay nagkaroon muna ng malawakang issue-awareness campaign on garbage segregation at nakapag-latag ng mga polisiya at patakaran para sundin ng general public. Ano-anu ang mga “kaparusahan” ng mga hindi susunod dito? Pero tila hindi ito napag-ukulan ng pansin. Walang kaabog-abog na ikinalat ang mga bin sa iba’t-ibang mga lugar, mga bahayan at public places. Kaya hayun, walang segregation na nangyari down from the households kaya’t lalong malabo ang paghihiwalay ng mga nabubulok at ‘di nabubulok na basura sa mismong pinagtatapunan.

Sabi ni Meyor Muloy, may mga “dugyot” kasi na mamamayan at tama nga rin naman. Akalain mo, ‘yung sinasabi kong eksena sa palengke, nandoon na nga ang bin ay hindi man lang mai-syut ang basura nila doon. Hinahayaan na lamang na manggitata, bangawin at mangamoy sa labas ng basurahan. ‘Yung iba namang residente, pati ba naman mga putol-putol na kahoy ay doon pa itatapon imbes na itabi na lang at gawing panggatong. Katulad sa palengke, tamad din silang itapon sa loob ng bin ang kanilang mga kalat katulad ng tae ng aso, may dugong napkin, gamit na diapers at kung anu-ano pang yucky things. ‘Kinam, dugyot!

Isa pa sa mga nakapagpapalala sa sitwasyon ay ang mga scavengers na nakikipag-unahan sa mga taga-Munisipyo sa mga garbage bin. ‘Yung mga bata ay aakyat at papasok sa loob ng bin, hahalukayin ito at kukunin ang mga mapapakinabangan at ihahagis sa labas ang walang pakinabang. Kaya hayun,.. super-kalat ang kalalabasan. Ganyan ang babantad sa iyo sa bawat umagang kay-gandang iyong inaasahan….

GINTO.

Isang aklat ang aking pinipilit na tapusin ngayon na kahit papaano ay isinisingit ko sa aking mga bakanteng oras. Para akong naka-tagpo ng bara ng ginto sa librong ito dahil muli ay aking na-appreciate ang mga pamana ng panitikang Pilipino.

Itinampok ko ito sa blog post na ito sapagkat ang isa sa tatlong sumulat nito ay taga-rito sa atin sa San Jose, Occidental Mindoro. Ang “Philippine Literary Heritage (From Spanish Period to Present)” ay inilimbag ng Mind Shapers Co. Inc. noong 2009. Ang aking tinutukoy na may-akda ay si Marlyn Guilas-Nuelo, PhD na tapos ng Bachelor in Secondary Education (BSE) major in English sa Divine Word College of San Jose. Kasalukuyan siyang propesor sa aking Alma Mater, ang Occidental Mindoro National College o OMNC.

Sa Introductory Page ng aklat ay ating mababasa: “Filipino literature contains the ideas handed down through the centuries which have been influenced the way Philippines has developed its society and civilization..” Naging nostalgic rin sa akin ito sapagkat muli ko na namang nabasa ang isa sa mga immortal na tula ng isa sa mga paborito kong makatang Pinoy (una si Amado Hernandez) sa kanyang tulang pinamagatang “If A Poem Was Just” na isinulat noon pang 1971 na sa aking palagay sa panahon ngayon ng global financial crisis, political situation ng ‘Pinas at hamon sa modern poetry ay napapanahon pa rin:

“If a poem was just
A bouquet of flowers,
I’d rather be given
A bundle of swamp shoots
Or a bundle of sweet potato tops
Gathered from a mud paddle
Or filched from the bamboo tray
Of a vegetable vendor,
Because I hunger
And my innards have not a nose,
They have no eyes.
Want has long benumbed
My taste buds
So don’t, revered poets of my country,
Don’t offer me verses
If a poem was just
A bouquet of flowers....”


Ang gintong tula na ito sa ating panitikan ay isinulat ni Jesus Manuel Santiago, isang kilalang manunulang aktibista noong Dekada ’70 at naging mang-aawit na nakilala sa pangalang Jess Santiago na lumikha at kumanta ng mga makabayang awitin noon katulad ng “Halina”, “Doon Po Sa Amin”, “Obando” at iba pa

Friday, February 6, 2009

Huli


Ang Balita:

Nahaharap ngayon sa kasong Robbery with Intimidation and Extortion ang isang kilalang local political propagandist na si Alex R. Del Valle. Nasakote ng mga pulis noong Miyerkules, ika-4 ng Pebrero, 2009 bandang alas 6:00 ng umaga sa pamamagitan ng isang entrapment operation ang mamamahayag sa Room 101 ng Mindorenyos Hotel sa Brgy. 9, sa Mamburao, kapitolyong bayan ng Occidental Mindoro, matapos umangan ng marked money na nagkakahalaga ng Isang Daang Libong Piso (P 100,000.00) na umano ay kinikil niya kay dating Congressman, dating Gobernador at ngayon ay Brgy. Captain Jose T. Villarosa, na mahigpit na political rival ni Gov. Josephine Ramirez-Sato. Si Del Valle ay Brgy. Kagawad din ng San Roque, sakop ng bayan ng San Jose.

Dinakip umano ang mamamahayag ng mga tauhan ni Police Senior Inspector Rollifer Jaure Capoquian kasama ang dating Vice-Mayor ng Mamburao na si Nilo Villanueva. Ayon sa pulisya, ang markadong mga salapi ay nakalagay brown envelope at kaagad nga siyang idinitine sa Mamburao Municipal Jail. Kahapon ay nakapag-lagak na ng kaukulang halaga ang suspek para sa kanyang pansamantalang paglaya.

Sa isang panayam kay Villarosa sa isang lokal na radyo, sinabi umano ni Del Valle na ang halagang ito ay para magkaroon ng “peace of mind” ang dating kongresista at para hindi na niya (Del Valle) umano “banatan” ito sa radyo. Si Del Valle ay may programa sa DZVT simula ala-1:00 hanggang alas-2:00 hapon tuwing Sabado na may pamagat na “SA TOtoo Lang..” Ilan sa mga maiinit na episodes ng programa ay ang kanyang panayam kay Joey De Venecia na anak ni dating House Speaker Jose De Venecia na dating kaalyado at family friend ng mga Villarosa hanggang sa maghiwalay na nga ng landas ang mga Villarosa at De Venecia dahil sa ZTE Scandal at mga bagong pulitikang kaganapan sa bansa.

Si Alex Del Valle ay dating regular announcer ng DZVT hanggang sa ito ay maalis at lumipat sa Bambi-FM na pag-aari ng pamilya Villarosa. Siya ay matagal na naging PR man o propagandista ng mga Villarosa hanggang sa lumipat ito sa kampo ni Governor Sato bago ang eleksyon noong isang 2007.

--------------

Ang Pagninilay:

Walang masama sa pagiging propagandista ni Alex Del Valle lalo na at kasama sa kanyang gawain ang pamamandila ng mga programa, proyekto at pampulitikang layon ng kanyang (mga) amo. Ang masama ay kapag lampas na ito sa pamantayang etikal ng isang diyaryista o journalist.

Kung totoo ang paratang, masalimuot at mailalagay sa tubig na mainit ang kanyang career lalung-lalo na sa pulitika. Kagawad pa kasi siya ng Barangay San Roque na binigyan ng mandato ng kanyang mga nasasakupan. Kung mapapatunayan, wala na siyang mukhang ihaharap sa kanyang mga ka-babaryo. Maaaring sa kangkungan ng kasaysayan siya damputin. Pero tanging batas lamang ang makapagsasabing siya ang maysala at anumang gawain na lampas sa itinatadhana ng batas at moralidad, may sala man siya o wala, ay paghamak na sa kanyang pagkatao.

Ang pangyayari ay magsilbi sanang mitsa upang suriin natin,- hubarin muna natin ang ating (partisan) political spectacles, kung ano ang sitwasyon ng mass media practitioners at mga media institutions sa lalawigan, inosente man si Alex Del Valle o maysala. Kung papaano tayo pinaglalaruan at ginagamit ng mga pulitiko sa lahat ng panahon lalung-lalo na kapag eleksyon. Kung papaano tayo pinupulaan, hinahamak, pinagtatawanan ng mga tao kapag naka-talikod. Mga taong hindi naman natin ginawan ng masama at vice-versa. Mga taong hindi naman natin kaaway o kagalit pero itinuturing tayong kaaway dahil lamang kagalit o hindi nila gusto ang ating mga amo. May ilan pa ngang mga kamag-anak natin na dahil sa pulitika ay hindi na tayo binabati. Wala na bang paraan para magsama-sama ang mga kagawad ng lokal na media sa isang tukoy na layuning para sa sariling kabutihan at kagalingan ng sambayanan at hindi ng mga pulitikong tunay na nagpapahirap sa bayan?

Ipalagay na na guilty si Alex Del Valle sa mga akusasyong ito, naging mas marangal na tao na ba tayo kaysa sa kanya? O baka naman siya lang ang nahuli o pinilit na hinuli dahil may mas malalim na pakay? Nangangahulugan ba ito na siya lang ang media man na gumagawa ng ganito sa Occidental Mindoro? O dahil matapang siya at pumasok siya sa bitag? O loko, super loko na kahit pa big time politician sa probinsiya ay lakas-loob niyang in-extort o in-intimidate? O talagang matakaw siya sa pera? Wala tayong dapat ipagmalaki at hindi tayo magiging mas marangal sa kanya kung hindi nga natin ginawa ang paratang sa kanya ay okey lang sa atin kung ang perang isinu-suweldo sa atin o tinatanggap natin ng legal ay mula sa mga pagawaing bayan kaya nasasakripisyo ang kapakanan ng mga mamamayan. Hindi ba katiwalian din ito sa ating panig?

Dapat ding magnilay ang mga namumuno ng lokal na istasyon ng radyo. Hindi komo ito ay paid program o “block timer” ay hindi na natin sila sagutin at wala na tayong pakialam sa kanilang mga pinagsasabi at tinatalakay sa mga programa sa ating himpilan o imonitor man lang nang maigi. Pera o revenue lang ba ang katapat nito sa atin kahit nagagamit na sa pansariling kapakanan at adyenda ng mga host at sponsors ang ating istasyon? Hindi ba puwedeng ang aspetong ito ng revenue ay ibaling na lang natin sa ibang social forces, kagaya ng mga international funding institutions,mga entrepreneurs, cooperatives, corporations o sa ating mga mission partners at iba pa imbes na sa mga pulitiko? Marami pang mga pamamaraang p'wedeng gawin.

Habang buhay mang makulong si Alex Del Valle ay hindi rin mababago ang katotohanang ang mayorya sa mga mamamahayag sa Kanlurang Mindoro ay lubos o tanging sumasalig lamang kaya napapa-ikot ng mga pulitiko. Kung wala kang nakikitang masama dito, may malaking krisis ka sa iyong pagpapahalaga at prinsipyo bilang tao at bilang Kristiyano...

Gusto ko lang idagdag, hindi alam ng mga ordinaryong taga-pakinig ang konsepto ng “paid program” o anumang aspeto sa marketing, technical at iba pa. Hindi nila alam ito at hindi sila entresadong malaman pa. Ang mahalaga ay kung ano ang isyu, kung sino ang kanilang naririnig at kung saan sila nakikinig. Sa kanila, basta kung saang istasyon ka nagsasalita ay taga-roon ka. Ikinukunekta nila ang sinasabi ng nagsasalita mismo at sa himpilang kanilang pinakikinggan. Hindi sapat ang “disclaimer” sa pang-unawa ng mga ordinaryong taong ito, kabilang yaong mga katutubo at ang masa na sinasabi nating tunay nating pinaglilingkuran. Libong beses ko na itong naranasan…

May pag-asa pa tayo, mga kasama,- tayong mga hindi nakikinabang (legal man o illegal, direkta man o hindi, maliit man o malaki, sinasadya man o hindi, kusa mang ibinibigay o pinipilit, at iba pa… Meron pa ba nito sa Occidental Mindoro?) kung gagawin nating salalayan ang pangyayaring ito sa ating mga pagninilay at gawain. May pag-asa pa tayo. Sabi nga ni Nick Quijano sa aklat na “News for Sale (The Corruption and Commercialization of the Philippine Media)” na ipinalabas ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) noong 2004 na sinulat ni Chay Florentino-Hofileña, sa p. 24 :

“In spite of all these I still maintain a positive, and even optimistic, regard for all Filipino journalists. I am confident that even in the face of the wounding issue of corruption, most will still rise to the demands of their profession. ”

... kapag naihiwalay na natin ang mga kaanib ng lokal na midya na may pulitikal na pang-ilong at yaong mga wala at kapag may organisadong grupo ng mamamayan na magbabantay sa ating integridad!

Wednesday, February 4, 2009

Sanib Pulitika


Maigting ang panawagan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa kanyang mga kaalyado sa pulitika: “The unification of Lakas and Kampi must now proceed in earnest and with deliberate speed”.

Ang atas na ito ni GMA ay kanyang ibinulalas sa Executive Meeting sa stalwarts ng dalawang partido noong Huwebes, ika-29 ng Enero, 2009 sa Mimosa Hotel sa Clark, Pampanga. At sa layuning ito ay itinalaga niya si Sec. Gabriel Claudio, na kanyang political adviser na siya ring tatayong head ng bagong tatag na Consolidation and Unification Committee na titiyak na hindi “magsasabong” ang dalawang pro-GMA party sa 2010. Idinagdag pa ni Madam Gloria, “Guided by a common vision and united by a sense of purpose with the best interest of the people at heart, I now ask you to work on a merger with Kampi and fortify the ranks of our merged party so that we may face the electoral process of 2010 with righteousness and confidence.”

Layunin din umano ng Komite na maging responsible sa pade-determina at pagsasa-aktibo sa mga pamantayan at mekanismo sa pagpili ng kandidato sa halalan sa isang taon sa mga posisyong pambansa.

Alam natin na dito sa atin, ang "Dos Marias" sa ating pulitikang lokal ay isang Lakas at isang Kampi. Sinabi ni Claudio sa isang hiwalay na panayam na iniiwasan ng Pangulo ang paghaharap o “engkuwentro” sa pagitan ng mga kandidato ng Kampi at Lakas sa antas lokal kagaya nang nangyari noong 2007. Nagangahulugan ba ito nang pagsasama sa tiket ng dalawang Madam ng Occidental Mindoro sa ilalim ng iisang political banner sa 2010 at hawak-kamay na silang mag-a-appear sa mga campaign sortie? Kung hindi, sino sa kanila ang kakalas sa merger? In the first place, mangyayari kaya ang merger na ito?

Huwag munang mag-alala yung mga lokal nating pulitiko na hindi pa emotionally prepared makasama sa pangangampanya ang kanilang mga dating kagalit at katampuhan o ka-“LQ”. Hindi pa ito sementado. May hassle pang naka-amba’t nakikita. Maaaring maging killjoy ang mga taga-Lakas na loyal (kung may natira pa..) kay Congressman Jose De Venecia at i-frustrate ang merger. Isa pa, mismong si dating Pangulong Fidel V. Ramos, na titular head ng Lakas-CMD ay tutol din daw dito sa dahilang hindi pa niya idini-disclose.

May panukala pa nga pala si Ex-Senator Heherson Alvarez, Executive Vice-President ng Lakas : “We want the merger to start from the bottom.” Ibig sabihin, kung walang pagsasanib sa lokal, walang totoong merger na magaganap. Naniniwala akong walang mangyayaring pagsasanib at least sa local level. Sa huli, kanya-kanya pa rin ‘yan. At pareho silang makatitiyak ng pambansang ayuda sa kampanyahan sa 2010 sa usapin ng logistics, endorsements at iba pa.

Mahahati lang ang partido sa dalawa. Kagaya ng Liberal Party-Atienza Wing at Liberal Party-Drilon Wing noon na sabi ko nga ay pinaghiwalay lang ng “wings”. Depende ‘yan kaninong political “whisper (?)” sila mas makikinig. Sasablay ang dalaw mo (what I mean is,- ng s’yota mo sa iyo…) pero hindi siguro ang hula ko. Period!

Wala nang biruan, sa Occidental Mindoro pagkatapos ng eleksyon, sa mga posisyong pambansa ay mananaig pa rin ang oposisyon. And as usual, wala na silang pakialam sa resulta ng pambansang halalan. Kung sino ang ating mga ibinoto at nanalong senador, bise-presidente at maging presidente. Kagaya kung papaano wala na silang pakialam kung dinaig halimbawa nina Loren at FPJ sina Kabayang Noli (na talagang “kabayan” natin sa Mindoro) at Tita Glo noong 2004. O kung ang mga mamamayan man ay bumoto sa administrasyon o sa oposisyon.

Pagkatapos ng 2010, ang key leaders pa rin ng dalawang local political groups ang ating iboboto at mananalo. May tig-isang term pa kasi sila. Ang crucial at importante lang sa kanila ay ang bilang ng mga alkalde, bise-alkalde at mga bokal kanilang maipapanalo at ma-iluluklok. At doon nila labis na itutuon ang kanilang pondo at ilan pang rekurso, estratehiya sa kampanya, - sa loob man o labas ng batas panghalalan.

Tiyak na magiging magastos ang halalan sa 2010 dahil pati ang mga kasong isasampa sa hukuman resulta ng reklamong pang-eleksyon (sa alinmang antas ng proseso nito) ay kanilang pinansiyal na pagha-handaan. Hindi ka nakatitiyak na makaka-upo ka o mag-iinit ang iyong puwet sa puwesto lalung-lalo na kung ilang pulgada lang ang iyong lamang. Kaya titiyakin nilang dapat ay milya-milya ang layo nito sa kanilang kalaban para makalusot sa asunto sa huli. S’yempre, ang lalim at balong ng kanilang balon ng kuwarta sa kampanya ang siyang magtitiyak niyon! Hindi man natin maibulgar dito kung saan nila ito huhugutin, alam na ninyo kung papaano at saan nila ito babawiin. At kapag bumaha ang kuwarta sa eleksyon, mas maraming nguso ang mamantikaan kaya maraming dudulas (at dadalas) magsalita (o mananahimik dahil mamumu-alan ng sebo!).

Kaya ang mga bata’t baguhan ngunit may kakayanan, mararangal, matitino at karapat-dapat na mga pulitikong walang sapat na pondo ay mag-dadalawang-isip na seryosohin ang kanilang kandidatura o tuluyang aatras na lang. Ang pulitika dito sa atin ay paikot-ikot na lang na parang asong pilit inaabot ang sarili niyang buntot…

Pagkatapos ng 2010,- taga-administrasyon man o taga-oposisyon ang maging pangulo, VP o ang mayorya ng senador at kongresista ay mananatili ang eksena sa larawang makikita sa itaas: Para silang very close at parang magkaisa sa layunin na parang hindi nagka-kanya-kanya na animo tunay na magkatuwang sa pagpapa-unlad ng lalawigan. Oo, mananatiling ganito ang larawan sa itaas…

…. hanggang hindi natin naiisip na kung hindi na talaga mababago ang mga bida sa ating “pelikula ng pulitika”,- ang mga ekstra, ang iskrip, mga eksena, telon at entablado na lang ang ating repormahin sa pamamagitan ng non-partisan means…

---------
(Photo courtesy of Allan Potestades of AVSJ Bigkis Balita)