Thursday, August 21, 2008

Pit(i)kin!

Naglunsad ng dalawang community consultations ang mga tauhan ng SEASTEMS Inc. na siyang nag-aasikaso ng social preparation para sa panukalang oil exploration ng Pitkin Petroleum Ltd. noong araw ng Sabado at Linggo,- Agosto 16 at 17, 2008, sa Brgy. Burgos sa Sablayan at Brgy. Purnaga sa Magsaysay. Sina Ms. Taresita Agravante kasama ang kanyang kabiyak na si Mr. Joseph Agravante ang siyang tumatayong team leaders sa konsultasyon. Kasama ako sa ilang uninvited outsiders na nag-observe sa ginawa nilang consultation cum IEC.

Ganito more or less and laman ng kanilang in-put: Ang Magneto-telluric (MT) survey na gagawin sa 23 barangay sa Oriental at Occidental Mindoro ay may habang 78 kilometro. Ito ay isang pamamaraan, katulad nang ginagawa sa ilang bahagi ng Pilipinas para maghanap ng mapagkukunan ng enerhiya katulad ng langis, bio-fuel, geothermal at iba pa. Ang magsasagawa ng MT survey dito sa atin, kagaya nang aking binaggit sa nakaraan kong post, ay ang Pitkin Petroleum Limited (PPL) at Phoenix Geophysics.

Maraming mga “DAW” at “RAW” na sinasabi ang DOE regarding MT survey: ito ay pamamaraang ligtas, di-mapanira at epektibong pamamaraan (kuno) ito para tuklasin ang mga likas-yaman na nasa kaila-ilaliman ng lupa. Makikita sa pamamagitan ng prosesong ito, halimbawa kung may langis sa mga lugar na sinurvey.

Sa pagsasagawa ng MT survey ay gagamit ng tinatawag na Magneto-telluric Acquisition System na binubuo ng Digital Acquisition Unit na siyang magre-rekord ng mga datos na makakalap mula sa iba pang mga instrumento; electric lines or cables na gagamitin bilang antenna o dipoles para sukatin ang electric fields mula sa ilalim ng lupa; batteries para magkaroon ito ng kuryente; at coils na mga alambreng nagsusukat naman ng magnetic fields mula sa ilalim ng lupa. Ang datos na hinggil sa natural electromagnetic waves ng lupa ay pag-aaralan ng mga eksperto para alamin ang naka-imbak na likas-yaman sa ilalim ng lupa.

Ang panukalang SC 53 MT survey dito sa atin ay naglalayong maka-kalap ng additional geophysical information sa mga nauna nang isinagawang eksplorasyon dito noong Dekada ’80. Remember PNOC and Delta Exploration? Maraming mga isyu at tanong ang hindi tuwirang nalinawan na ibinato ng mga lider-barangay, lider-katutubo at mga mamamayang dumalo. Nagbahagi rin ng ilang karanasan at agam-agam si Sr. Malou Baaco, DC ukol sa proyekto. Halimbawa ay ang pagtitiyak na walang epekto sa tao at kalikasan ang mga susunod pang phase nito,- kagaya ng seismic survey na inamin na gagamit sila ng “low grade” dynamite, at ang drilling and rigging phase gayung ibang kumpanya o kontrata naman ang gagawa nito.

Sa konsultasyon sa Burgos ay binasa ni Peping Poyngon, lider ng Fakasadean Mangaguyang Tao-Buid Daga, Inc. o FAMATODI ang kanilang position paper hinggil sa isyu na noon pang ika-8 ng Oktubre, 2007 pinagtibay ng kanilang tribu. Ayon sa kalatas, “Malalapastangan ng anumang pagmimina ang aming mga sagradong lugar sa loob ng lupaing ninuno. Magdudulot ito ng walang kapanatagan ng loob ng mga tao at ito ay sagka sa Indigenous Peoples Rights Act o IPRA...”

Noon pa man ay may basbas na ni Gov. Josephine Ramirez-Sato ang Onshore South Mindoro Field Survey. Sa kanyang sulat kay Mr. Ismael U. Ocampo, Hepe ng Petroleum Resources Development Division ng DOE noong October 17, 2006, ay binigyan ng permiso ang gawain. Noong hindi pa Pitkin ang may hawak sa proyekto, ang LAXMI Organic Industries ang gagawa nito.

Kapwa tinutulan ng mga opisyales ng dalawang barangay ang balak na eksplorasyon. Baka umano sila na naman ang sisihin ng taumbayan sa pinsalang maidudulot nito sa kalikasan at sa pamayanan. Sinabi ni Bgry. Kagawad Julio Suyat ng Burgos na kagaya ng isang cell site na itinayo sa isang bundok sa kanilang lugar na nag-resulta ng pagbaha at landslide, hindi tinupad ng kumpanya ang pangakong tulong sa barangay.

In the final analysis, ibinulong sa akin ng aking katabing matanda sa Purnaga: “Sa kaliwa’t-kanang kurapsiyon ngayon sa itaas (national government), kung papaanong pinag-kakaperahan ng mga taong gobyerno ang mga maliliit at malalaking proyekto, habang ang mga mahihirap ay pumipila sa bigas, anumang proyekto,- mabuti man o masama, mula sa pambansang pamahalaan ay kina-dadalaan na kaya tinututulan naming mga taga-bukid ...” “May tiwala kami kahit konti sa ating mga lokal na pulitiko,... sa national leadership lang ‘alang-‘ala!”, dagdag pa niya.

By the way, ‘ala pa ring opisyal na tindig dito ang Simbahang lokal.....

Wednesday, August 20, 2008

Mga Linyang Immortal


May mga pelikulang Pinoy na napanood natin noon halimbawa sa Levi Rama at Golden Gate Theatre, na kahit na lumipas ang panahon ay may mga linya o dialogue na hindi natin malilimutan at naaalala natin bigla ang pamagat ng pelikula. Mga linya na pwede ring maging linya ng mga Mindorenyo sa bawat panlipunan nating buhay. Ilang halimbawa lang:

“Para kang karinderyang bukas sa lahat nang gustong kumain.”
Vilma Santos. “Palimos ng Pag-Ibig”
(...na pwede ring sabihin sa mga pulitikong walang sariling prinsipyo at palipat-lipat ng mga kaalyado!)

“Ayoko ng masikip! Ayoko ng mabaho! Ayoko ng putik!”
Maricel Soriano. “Kaya Kong Abutin ang Langit”
(...na pwede ring isigaw ng mga regular na namamalengke sa San Jose Public Market!)

“Ikaw pala. Ikaw pala ang sinasabi ng asawa ko na asawa mo na asawa ng bayan!”
Laurice Guillen. “Nagalit ang Buwan sa Haba ng Gabi”
(...na pwede ring tunghayaw ng misis ng isang babaerong Meyor sa kerida ng mister niya)

“Baka nakalimutan mo, sampid ka lang dito!”
Maricel Soriano. “Pinulot ka Lang sa Lupa”
(...na pwede ring sabihin sa dayong naghahari-harian dito sa atin!)

“Trabaho lang ito, walang personalan.”
Rudy Fernandez. “Markang Bungo 1”
(...na gusto kong sabihin sa mga pulitikong pulpol!)

Tuesday, August 19, 2008

May Naka-Palanca Na Pala Akong Kababayan

“Magkano ba
ang giniling na laman
at isang kilong hita?”
“Papisil nga
kung sariwa pa.
May bawas ba
pag lamas na?”

“Puwede bang igisa?
O kilawin kaya?
Masarap ba?
Baka nakakasuya.
Nakakadighay ba?
Hindi nakakabitin.
Makatas ba?
Baka naman panat na.”

Aba, mamang ano
wala kayo sa palengke.
Babae ang kausap ninyo.

---------
(Opisyal na kulminasyon ng Linggo ng Wika ngayong araw, Agosto 19. Sa San Jose rin ipinanganak at lumaki ang sumulat ng tula sa itaas. Ang kanyang entry na may pamagat na “Ulahing” ay nanalo ng parangal sa 1989 Palanca Awards for Literature. Ang tulang itinampok natin sa post na ito ay may pamagat na “Ang Lalakeng Akala Niya ay Nasa Palengke Siya”. Siya ay si Rowena PeƱaflor-Festin na nagtapos ng hayskul sa Saint Joseph School noong 1982. Natisod ko lang ang impormasyong ito sa http://dwcsjom.googlepages.com -NAN )

Thursday, August 14, 2008

Ala-ala ni Elizabeth

Limang taon na ang nakalilipas ngayon. Noon ay ika-14 rin ng Agosto, 2003 nang walang-awang ginahasa at pinaslang ng tatlong kalalakihan ang noo’y labing-anim na taong gulang at second year high school student na si Elizabeth Albacino sa Sitio B-1, Barangay Central, San Jose, Occidental Mindoro. Ang mga suspek ay bilanggo sa Magbay Provincial Jail sa nasabi ring lugar. Papaano 'kanyo nakagagawa pa ng krimen ang isang bilanggo?

Hindi man kasi ninyo naitatanong, dito kasi sa amin, ang mga bilanggo noon (hanggang ngayon ba?) ay nakalalabas ng karsel o selda para magtrabaho nang walang upa sa pribadong sakahan o bukid ng ilang “matataas na tao” sa lalawigan.

Kayang palabasin ng kanilang impluwensiya ang mga bilanggo kahit walang court order. Kung hindi man sa mga pribadong pa-trabaho, ginagamit din ang mga kaawa-awang bilanggo sa mga pa-trabaho ng pamahalaang panlalawigan (regardless kung sino ang governor!) kagaya ng pagtatayo ng tore at antenna ng radyo ng ilang tanggapang-bayan. At palibhasa mga halang ang kaluluwa at mga habitual offender na, ang mga pinalalabas na inmate o detainees ay nakakagawa pa uli ng krimen. Lalung-lalo halimbawa ang brutal na panggagahasa at pagpatay kay Elizabeth Albacino noong 2003. Pinatay siya sa pamamagitan ng malalakas na pukpok ng isang mabigat na bagay sa ulo (na pinaghihinalaang isang malaking tipak ng bato), ayon sa autopsy report noon.

Ang Albacino Rape-Murder Case ay ang aking naging buhay na halimbawa hanggang ngayon kung gaano ka-palpak magtrabaho noon sa crime scene at investigation ang aming local PNP. Kumusta kaya ngayon?

Ngayon ay tila limot na ng panahon ang pangyayari. Ang mga organisasyon at samahang noon ay mainit na nakikibaka para sa katarungan sa kanyang pagka-matay ay nanamlay na. Hanggang sa kasalukuyan ay nabibinbin pa rin sa hukuman ang kaso... Halos hindi na umaasa ang mga kaanak ni Elizabeth na makakamit nila ang hustisya. Ibiniyahe na sa Muntinlupa ang bilanggo na siyang pangunahing suspek sa krimen.

May ilang bulong-bulungan, bagama’t walang pruweba, pero totoo kaya na ang nakagawiang pagpapalabas ng mga bilanggo sa Magbay Provincial Jail ay practice pa hanggang ngayon? Kabilang nga ba ang ilang convicted o suspected rapist at murderer?

Ang isa pang naka-lulungkot, hindi napanagot ang mga “matataas na tao” nag-utos para palabasin ng jail ang mga bilanggong iyon exactly 5 years ago today. Isa lamang ang tiyak ko,- may mantsa rin ng dugo ni Elizabeth Albacino ang kanilang mga kamay... at ito ang magiging pangunahing ebidensiya ng Dakilang Hukom laban sa kanila balang-araw kapag sila ay hinatulan Niya....

Wednesday, August 13, 2008

Petrolyo sa Mindoro


Sumulat sa Office of the Mayor ng Sablayan noong ika-15 ng Hulyo (at marahil sa lahat ng mga alkalde ng ilang tukoy na bayan sa Oksi) sina OIC Director Alicia N. Reyes at Assistant Director Ismael U. Ocampo ng Energy Resources Development Bureau ng Department of Energy (DOE) hinggil sa on-going Information, Education and Communication (IEC) campaign sa ilulunsad na particular survey towards a petroleum exploration project sa Kanlurang Mindoro. Kaya sirit sila ngayon sa pagpunta sa mga baryo para sa EIC at ilang pang community activities.

Ayon sa sulat, “... the DOE has awarded the Petroleum Service Contract No. (SC) 53 to Pitkin Petroleum Ltd. (Pitkin) after approval of the Farm-in Agreement on 11 June 2008. SC 53 covers and area of 645,000 hectares in on-shore .... “. Target ng Pitkin na kaagad na maglunsad ng tinatawag na magneto-telluric (MT) survey para kumalap ng mga siyentipikong datos (o seismic data) at ilan pang dagdag na impormasyon hinggil sa area.

Ang mga tatamaan ng MT survey sa Occidental Mindoro ay kinabibilangan ng Sablayan (Sta. Lucia, San Nicolas, Gen. Emilio Aguinaldo, Ligaya at Burgos); Calintaan (Malpalon, Poypoy at Tanyag); Rizal (Limlim (Rizal), Manoot, Sto Nino at Aguas): San Jose (Central, Camburay, Mabini, at Magbay); Magsaysay (Paclolo at Gapasan). Ayon sa Pilkin, tinatayang matatapos ang MT survey sa 23 barangay sa loob lamang daw ng 60 days. Tinatayang 78 kilometro ang ang haba ng lugar na sakop ng pag-aaral. Maliban sa Pitkin at sa DOE, tampok rin sa proyektong ito ang mga kumpanyang SEASTEMS Inc. at Phoenix Geophysics na siyang gagawa ng survey.

Kung ating paniniwalaan ang mga departamento at kumpanyang ito, malaking tulong ang proyekto sa nararanasang krisis sa langis ngayon ng bansa. Sa pamamagitan nito (kuno) ay mababawasan ang aangkating petrolyo ng Pilipinas mula sa ibang bansa. Hayagang ipinagmamalaki sa publiko ni Gov. Josephine Ramirez-Sato ang pagsuporta dito ng kanyang pamahalaan. Sa kabila ito ng pag-aaproba ng Pamahalaang Panlalawigan sa 25 year large scale mining moratorium sa mga bayan ng Sablayan at Abra de Ilog.

Inamin ng Pitkin na siyang Service Contractor ng proyekto na may ilang identified impact ang mga gawain kagaya ng soil disturbance, disturbance to vegetation, including dust, waste and noise generation. Ang MT survey in general ay may ganitong mga activity: burying of coils and pots; transfer/movement from one survey station to another; among others. In short, suri-aral tayo kabayan...

Ang reaksyon dito ng ilang organisadong grupo sa lalawigan? Ano ang MT survey? Papaano ito ginagawa? Ano ang tayo dito ng Simbahang Lokal?... All that and more when we return (Parang "Fantasy Hoop" 'no?) ....!!!

Saturday, August 9, 2008

Mindoro QuizTion Part 1


Tanong:

1. Sino ang dating gobernador na sumusuporta sa pagmimina partikular sa Intex Resources at sa Mindoro Nickel Project?
a.Jose T. Villarosa
b.Pedro O. Medalla, Jr.
c.Pareho sila

2. Totoo bang nagsama na sina Gov. Josephine Ramirez-Sato at si Bokal Rod Agas ng District 2?
a. Oo
b. Hindi
c. Alanganin (pa sila sa isa’t-isa)

3. Sinong Mindoro radio personality turned politician ang nag-report noon sa himpapawid nang: “...isang bangkay ang natagpuang patay...”?
a.Bokal Nathan Cruz
b.Vice President Noli de Castro
c.Wala

4. Maliban sa bayan ng Sablayan, aling bayan pa sa Occidental Mindoro ang nagpapatupad ng 25-year large scale mining moratorium sa pamamagitan ng isang ordinansa?
a.San Jose
b.Mamburao
c.Abra de Ilog

---------
(Sagot: 1. (b) Pedro Medalla, Jr. Isa siya sa mga resource speakers ng Intex sa isang forum na pinamagatang “Mindoro Nickel, Gateway to Mindoro’s Future” na ginanap sa Hollywood Palm Beach sa Puerto Galera, Oriental Mindoro noong May 15-16, 2008; 2. (Oo). Nagsama sina Sato (bilang interviewee) at Agas (bilang program host) sa re-broadcast ng “Tinig ng Lalawigan” noong July 26, mula 7:00 – 8:00 AM na sabayang inere sa DZVT at DWDO; 3. (c). Wala ... wala akong patunay na nangyari o totoo nga ang kuwentong ito! 4. (c) Abra de Ilog. Ito ay ang Ordinance No. 106-2008 na pinagtibay ni Mayor Eric A. Constantino at ni Acting Presiding Officer/SB Member Iluminado E. Ricalde noong June 2, 2008 dahil may karamdaman noon si Vice Mayor Floro A. Castillo.)

Thursday, August 7, 2008

Trivia de Konsumi(dor)


Dapat na malaman ng mga consumer ng OMECO (Occidental Mindoro Electric Cooperative) na .....

...... ang accumulated losses nito noong 2007 ay umabot sa P 215,966,663 kumpara sa 162,301,558 noong 2006.

..... ang current liability nito base noong isang taon ay P 187, 739,886 kumpara sa 156,849,699 noong taong 2006.

..... kung mag-papatuloy ang katulad na laki ng pagkalugi tulad noong 2007 na P 42M, sa susunod na taong 2009 ay magkakaroon na ng negative na capital contribution dahil ang natitira na net nito ay P 24M.

..... habang paliit nang paliit ang natitirang capital contribution ay palaki naman ng palaki ang percentage ng current liabilities sa kabuuang assets na noong 2005 ay 28%, 50% noong 2006 at sa taong 2007 ay naging 60% na.

..... hindi nakatutulong ang OMECO sa gutom na dinaranas ngayon ng mga Mindorenyong api na sa lipunan ay ganitong mga istatistika pa ang itatambad mo sa kanila! (Tsk ...tsk... ‘pag hindi ka naman nakunsumi, oo..)

..... mababasa natin sa Isaias 58:10 ang ganito: “... Kung nagmamalasakit ka para sa nagugutom at bibigyang-ginhawa ang mga api, ang liwanag mo’y magniningning sa karimlan, ang iyong gabi ay matutulad sa katanghaliang-tapat”.

--------
(Sorry po. Wala yatang kinalaman yung trivia 'dun sa Biblical passage.-NAN)

Tuesday, August 5, 2008

Recall at Sangkalan


Last week pa ay may umiikot na umanong pinapipirmahan sa ilang tukoy na barangay sa San Jose para i-recall si Mayor Romulo “Muloy” Festin ng aking bayang sinilangan. Ayon sa mga bulung-bulungan na, ewan ko kung totoo,- ang nag-initiate 'di umano sa recall process ay ang kampo ni dating kongresista, dating gobernador, dating in-mate at ngayon ay (Bubog) Brgy. Chairman Jose T. Villarosa o JTV. Ngunit ang sabi naman ng iba, ang tunay na pasimuno nito ay ilang lokal na cause oriented groups na hindi pa naman napa-pangalanan hanggang sa isinusulat ito. Ngunit matatandaan na matapos siyang maabsuwelto sa Quintos Double Murder Case, si JTV ay nagpahayag na (uli) ng kanyang hangaring maging alkalde ng San Jose.

Ang recall ayon sa Local Government Code (RA 7160)ay isang “method of removal of an elective official for loss of confidence...” Wala raw improvement ang San Jose. May lagay daw mula sa STL si Mayor Muloy na 700 thousand pesos every month at ilang pang paratang ng graft and corruption. (Halaw mula sa mga ikinakalat na polyetos ngayon kaugnay ng recall ng grupong tinatawag na Recall Muloy Movement).

Ang Section 29 ng RA 7160 ay nagbibigay ng garantiya sa paglulunsad ng isang recall process kung kailan ang mga rehistradong botante ng isang Local Government Unit o LGU ay makapag-e-exercise ng power of recall para sa “loss of confidence over a local elected official”. Ang initiation of recall process ay maaring padaanin sa dalawa: Una, sa pamamagitan ng Local Preparatory Assembly (LPA) at adoption of Resolution by majority of the LPA. Ikalawa, (na malamang na tinahak ng kaso kontra kay Mayor Muloy) ay ang written petition by at least 25% of the total number of registered voters of the LGU (municipality)...” Ang bahaging ito ang kasalukuyang ipinu-proseso ng mga pasimuno ng recall. Walang panahong itinatakda dito ang batas, huwag lamang lumampas sa huling taon ng termino ng taong subject of recall na hindi rin maaring mag-resign habang in progress ang recall process.

Matapos ito, ang Written Petition ay isa-submit sa Commission on Elections (COMELEC) at sa partikular na kasong ito ay sa opisina ni Municipal Election Officer Rogelio Balayan para i-post ito sa loob ng 10 hanggang 20 araw at i-verify ang mga nakalap na signature. Matapos ang verification, ia-announce ng COMELEC ang pagtanggap ng mga kandidato at kasama sa mga kandidato ang taong subject of recall. Matapos ito ay itatakda ng COMELEC ang petsa ng Recall Elections na hindi dapat lumampas sa 30 days at 45 days naman kung sa probinsiya. Matatapos lamang ang proseso ng recall matapos ang eleksiyon at mai-proklama ang mga nanalo... Ganyan ka-haba, at komo mahaba ay magastos ang prosesong ito...

Bagama’t tumanggi kahapon sa isang panayam sa DZVT si Mr. Balayan, inamin naman nito na ito ay isang mahabang proseso. Sari-sari ang lumabas na opinyon dito ng mga taga San Jose, lalung-lalo na ang kani-kanilang mga kabig sa pulitika... Hintayin na lang daw ang 2010. Sabi naman ng iba, dapat nang palitan si Mayor Muloy dahil lubog na ang bayan... Sabi ng kampo ni Mayor Muloy, itulong na lang sa mga mahihirap ang gagastusin dito. Sagot naman ng kabilang kampo, e ‘di yung halaga sa over pricing na lang ang itulong sa mga mahihirap... Gamit ang kani-kanilang mga kaalyado at/o pag-aaring istasyon ng radyo, batuhan na naman sila ngayon ng akusasyon. Para pamagat ng isang pelikula ni Eddie Romero,-“Ganito sila noon, ganito pa rin sila ngayon”!

Pero anu’t-ano man, sa pampulitikang prosesong ito ay gagawin na namang sangkalan ang mga mamamayan ng Pandurucan.

Monday, August 4, 2008

Kuwentuhang Pari


Ngayon ay Feast Day ni St. John Mary Vianney na Patron ng mga Diocesan Priest at ang buwan ng Agosto ay ideneklara bilang “Buwan ng mga Pari” dito sa Bikaryato ng San Jose (lang ba?). Announcement ito sa aming mga lay worker noong Biyernes sa aming first Friday Mass, challenging us na ihanay ang diwa ng temang ito sa aming pang-araw-araw na gawain at least for this month....

Nabasa ko minsan (hindi ko na matandaan kung saan) na may pangunahing pagkakaiba raw ang papel ng mga pari noong panahon ng Matandang Tipan kumpara sa Bagong Tipan. Sa New Testament, hindi lamang daw natatali ang pari sa mga kung tawagin ay ‘sacrificial sphere’ o iba pang gawain na wika nga ay ginagawa lamang sa “harap ng altar”. At through the ages ay sumunod sa linyang ito ang Vatican II na nag-deklarang: "Priests by sacred ordination and mission which they receive from the bishops are promoted to the service of Christ the Teacher, Priest and King."
At sabi nga ng isang writer ng EzineArticles na si Antony Innocent kaugnay ng sinasabi ng Konseho, “This threefold mission of Christ can be and is realized in a variety of ways. In this call is to be realized the roles of a servant, leader, manager, counselor, missionary, minister of the word, dispenser of the sacraments, teacher of faith, a social activist, a reformer, conscience of the society and much more. Besides all these, he is the Vicar of Christ and ordained representative of the world's largest institution - 'The One Holy Apostolic Catholic Church'. All these indicate that a priest unlike a lone tree that swings and sways to make no observable difference in its surroundings, is a crucial figure in the society. He has a specific and tremendous responsibility to fulfill in the society he lives in. His thoughts, words and deeds have very serious global effects”.

Pero papaano kaya ‘yung mga paring lumabas na sa pagka-pari? Halimbawa, yung mga dating pari na ngayon ay kabig na ng mga “mababait” na pulitiko? O ‘yung mga dating “Father” na ngayon ay mouth piece at instrumento na nang panggo-goyo ng mga minero? At iba pang taliwas sa inihanay sa itaas ni Innocent. Abswelto na ba sila?

Isa lang ang malinaw, ang epekto ng anumang kamaliang magagawa ng isang pari ay hindi lamang sumasalamin sa buo niyang buhay kundi mayroon rin itong epekto, gaano man kaliit o ka-gaan,- sa buhay ng mga tao at pamayanang “nahaplos” ng kanyang ministeryo o pagka-pari.

By the way, Si St. John Mary Vianney na ipinanganak noong May 8, 1786 ay na-canonized noong 1925 ni Pope Pius XI at ang AKA niya ay “Cure’of Ars” na tinagurian ng isang modern writer na, "..a man on a journey with a goal before him at all times..."

Friday, August 1, 2008

Istak-Ap



Ganitoangsitwasyonnglipunansaamin:

Walangpatlangbuongtaonanggimikngmgapulitikoatkabignilanglihim.
Hindimapatidnapagsisinungalingngmgamineroparasapuhunangkimkim
Walangtamangespasyoparasabatasatpagigingtaimtim
Habangkamiaylalongibinubulidngmganamumunosaamin...

Kailangannaminangtunaynaliderkundimanteknisiyangnag-aral
Sapagkatkamiaymistulangisangcomputernanag-istak-apangspacebar!

Thursday, July 31, 2008

Pundido Na


Hindi notaryado kaya sarkastiko ang pagkaka-banat ng dalawang dokumento na may isang linggo na umanong ikinalat sa buong lalawigan. Pero okey lang. Nag-litanya ang mga ito ng umano’y anomalya sa loob ng Occidental Mindoro Electric Cooperative (OMECO) at ng General Manager (GM) nito mismo. Dalawa ang ipinamudmod na liham sa media, mga bahay, tanggapan at indibidwal,- isang English at isang Tagalog. At kahapon ko lang ito nabasa.

Patuya kundi man satiric ang estilo ng sumulat at isa lang ang tiyak ko: marami itong nalalaman sa loob ng nasabing tanggapan. Detalyado ang kanyang figures at legitimate din naman ang kanyang (kanilang?) concerns. Balita ko ay hindi pinag-ukulan ng pansin ng Board of Directors (BOD) ng OMECO ang nilalaman (o ang mga akusasyon) ng liham dahil sa “hearsay” lang ito,... kasi wala nga naman itong lagda at wala ring legal bearing. (“moral” meron tiyak!) Nangangahulugan rin ba na walang katotohanan ang mga bintang na ito dahil anonymous ang gumawa? Tama ba ang katwiran na hindi ito p’wedeng imbestigahan ng BOD dahil sa hindi nagpakilala ang nag-aakusa?

Maraming paratang,..may opisyal, may personal. Kumbaga sa putahe ay Chop Suey na. Sige, subukan nating ilagay sa kapsula ang laman ng “palibot-liham” na ihahanay ko nang patanong:

More or less 2 M pesos na nga ba ang kabuuuang utang ng OMECO sa National Power Corporation o Napocor ngayon? Lumobo na nga ba sa 1 Million Pesos ang hindi na-liquidate na cash advance ni GM Alex C. Labrador? Umaaabot nga ba sa P 30,000 ang halaga ng foodstuff na buwan-buwang isinusuhol ng GM sa mga Napocor at National Electrification Administration (NEA) officials sa Maynila? Nag-hire nga ba sila ng isang System Loss Consultant na P50,000 ang sweldo kada buwan? May kutsabahan nga ba si GM at ang kanyang Finance Manager? Hindi nga ba transparent ang inyong Monthly Financial Report? Totoo bang gumastos ang OMECO Board sa kanilang recent travel sa Lubang ng halagang P200,000 simula June 23 hanggang July 1, 2008?

Sampol pa lang ‘yan at hindi ko isinagad. Hindi ko na isinama ang mga sa tingin ko ay masyadong personal o kaya naman ay walang direktang kinalaman sa mga OMECO Member-Consumer na katulad ko....

Noon ko pa sinasabi na mapupundi at mapupundi rin ang mga Mindorenyo at parang kidlat nilang ibubuga ang kanilang mga hinaing at galit. Mga pagkilos na hindi na kailangan pang ipa-notaryo sa abugado!

Tuesday, July 29, 2008

Sa Bahay Lang...


“Ilan ang anak mo?”, tanong ko sa ka-kuwentuhan kong Barangay Tanod. “Lima,. sampung taon ang pinaka-matanda.”

“May trabaho ba ang misis mo?” “Wala,.. sa bahay lang.”

“Anong ginagawa niya sa araw-araw?” “Madaling-araw siya kung gumising, nag-iigib ng tubig, nagwawalis ng bakuran, nagluluto ng almusal. Sa bandang pa-tanghali, maglalaba at pagkatapos ay pupunta sa tumana at mangunguha ng gulay. Pagkatapos ay magluluto, mag-papaligo ng mga bata at magpapa-suso ng aming bunso at pangalawa sa bunso.”

“Umuuwi ka ba tuwing tanghali?” “Hindi na.. malayo, e. Nagpapa-hatid na lang ako ng baon sa kanya.- mga tatlong kilometro ang layo ng Barangay Hall namin...”

“At ‘pag uwi niya?”, “E,‘di patutulugin niya ang mga bata o aalagaan. Bago magluto ng hapunan ay magpapakain siya ng baboy at magpapatuka ng manok. Maghahanda siya ng hapunan para sa pag-uwi ko ay kakain na kami.”

“Nahihiga ba siya kaagad pagka-tapos ng hapunan?” “Mas nauuna akong natutulog. Marami pa siyang ginagawa bago matulog. Naghuhugas ng plato, tumutulong gumawa ng assignment ng mga bata, nanunulsi at namamalantsa. Alas diyes na ng gabi kung siya ay mahiga. Kapag may ronda kami, hihintayin niya akong umuwi at sabay kaming maghahapunan.”

“Sabi mo walang trabaho ang misis mo?” “Wala nga,... sa bahay lang siya!”

--------------
(Kadalasan, ang pananaw nating mga kalalakihan sa salitang “trabaho” ay yaon lamang may sweldo at ginagawa sa ‘workplaces’ at hindi sa bahay. Wala bang gender sensitivity awareness program ang mga barangay official dito sa Kanlurang Mindoro o related topic man lang kaya sa mga seminar?)

Patabaing Biik



“Intex Resources has also undertaken nursery development activities,
producing over 27,000 seedlings for fruit-bearing trees and industrial crops such as abaca, rattan and bamboo, thereby reducing “slash-and-burn” or “kaingin” practices....”

“Another 100,000 seedlings are also raised in separate nurseries for the eventual
reforestation programs within and surrounding the exploration area. Eventually this will contribute to the protection and preservation of Mindoro’s watershed – a key aspect of responsible mining.....”

(From Intex Resources Press Statement; May 16, 2007)

--------
A,... ang Occidental Mindoro pala (ang kalikasan o ang watersheds dito)ay parang biik na palalakihin muna, patatabain at saka kakatayin?

Friday, July 25, 2008

Iligtas ang Calawagan at Calavite


Upang siguro ay lubusang ma-protektahan ang ganda at yaman ng kalikasan sa bayan ng Paluan, lalung-lalo na ang pamosong Bundok Calavite at Calawagan River (na makikita sa larawan sa gawing kanan),- ay pinagtibay ng Sangguniang Bayan (SB) nito ang Resolution No. 16; Series of 2008. Pinagtibay ito sa pamamagitan ng SB session noong Mayo 19, 2008. Matingkad na binabanggit dito ang “vehement objection ..... to any large scale operations...” na maaaring i-propose (o buksan) sa kanilang munisipalidad. Ang resolusyon ay isinulong ni Hon. Michael O. Diaz na unanimously approved naman ng SB. Attested ito ni Municipal Vice-Mayor at Presiding Officer Edgar P. Barrientos at inaprobahan ni Mayor Abelardo S. Pangilinan ng nasabing bayan.

Bagama’t ito ay isang resolution lang (as we all know and isang reso ay temporary lamang), maganda na rin itong take-off sa mga anti-mining moves doon. Kumbaga, may ulo na ng pakong pupukpukin. Mayroon nang uumpisahan sa pag-uusap. Sabi nga sa isang bahagi ng dokumento: ”...large-scale mining operations would endanger the environmental integrity of the whole municipality to the detriment of the present and future generations of PalueƱos...”

Maliban kina Diaz, Barrientos at Pangilinan, lumagda din sa resolusyon sina Hon. Demosthenes R. ViaƱa, Antonio L. Tinaliga, Willard F. Sanchez, Joemarie T. Velandria, Melvin T. Tagumpay at ABC President Lynette C. Torreliza.

HV Kuwarenta


Narinig ko sa DZVT kani-kanina lang ang mensahe ni Occidental Mindoro Bishop Antonio P. Palang tungkol sa 40th Anniversary ng “Humanae Vitae”. At ang pananaw niya sa kabanalan ng buhay sa diwa ng sulatin.

Eksaktong 40 anyos na ngayong araw na ito ang “Humanae Vitae”. Ang Encyclical Letter na isinulat ni Pope Paul VI dahil ika-25 rin noon ng Hulyo taong 1968 nang ito ay isa-publiko. Sa kanyang sampung taong panunungkulan, wala nang sumunod pa ditong encyclical si Pope Paul VI.

Pero ganito ko lang ka-simpleng naunawaan ang (mensahe ng) “Humanae Vitae”: “Kayong mga mag-asawa, maging responsable kayo. Magsama at magtuwang kayo hindi lamang sa sarap kundi PATI sa hirap. Huwag lamang PAG-PAPASARAP ang inyong isipin at gawin. Ang pagpapahalaga sa karapatan at responsibilidad ay ang UNANG HAKBANG sa pagpapabanal ng buhay mo at ng iba.”

Ang pandaigdigang sitwasyong mag-asawa simula noong 1968 hanggang sa kasalukuyan ay nagpapatuloy at lalong lumalala kaya nananatiling napapanahon pa rin ang mga panawagan at hamon ng Simbahan na naka-ukit sa “Humanae Vitae”. Ang kontrasepsyon ayon sa ilang datos ng Simbahan ay naging daan sa penomenal na pagtaas ng antas ng mga kaso ng adultery at out-of-wedlock births.

Kabi-kabilang batikos din ngayon ang inabot ng mga lider Katoliko partikular si Arsobispo Jesus A. Dosado, CM ng Ozamiz. Ito ay dahil sa kautusan nitong huwag bigyan ng komunyon ang mga pulitikong sumusuporta sa umano’y anti-life bills.

Sabi naman ng iba, huwag lang ilimita ang communion ban sa mga pulitiko. Isama pati ang mga PARI! Ipagbawal din ang pagpapa-komunyon ng mga paring Katoliko na sexual molesters and offenders (lalung-lalo na yung mga pedophile!), nagpapa-gamit ng kontraseptibo o nagpa-abort ng/sa kani-kanilang sekswal partners, at yung mga hayagan o patagong sumusuporta sa mga pulitikong nag-susulong ng anti-life bills kapalit ng limpak-limpak na donasyon para sa pondo ng parokya....(?)Ewan...

Change topic. Paalala pa nga ng isang pari na si Fr. Paul Marx, “When you sow contraception, you reap abortion..” At ang mensaheng iyan ay para sa lahat: pagano, binyagan, pari at layko. Oo, para sa lahat. Katulad ng “Humanae Vitae” na itinampok kanina ng Obispo sa radyo.

Wednesday, July 23, 2008

Kung Bahay Lang ....


Puwedeng larawan ito ng Kanlurang Mindoro. Mga mamamayang doble kayod,- nagpapa-renta ng bahay, naglalako ng samu’t-saring paninda kabilang ang litsong manok at baboy,- at kung anu-ano pang pagkaka-kitaan. Sa kabila ng pagsusumikap ay hindi pa rin tayo umaasenso. Hindi na tayo tuma-“tahan” sa ating tahanan. Luging tindahan na ang ating bahay. Niluma na nang panahon ang pamamaraan at estilo ng pamumuno ng ating mga lider-pulitiko habang ang mga kapit-bahay (kapit-lalawigan) natin ay magagara nang mansyon at ang pangarap nating maging katulad nila ay tila isa na lamang ilusyon.

Kung hindi tayo magigising sa katotohanan.......

Kung ang Kanlurang Mindoro ay BAHAY at hindi LALAWIGAN!

--------
(Larawang kuha ni Bb. Teresita D. Tacderan sa Rizal St. Brgy. 4, Mamburao, Occidental Mindoro noong ika-19 ng Hulyo 2008-NAN)

Monday, July 21, 2008

Isang Paggunita sa Talayob Massacre


Eksaktong limang taon na ngayon ang nakalilipas mula nang maganap ang tinawag naming Talayob Massacre....

Isang araw bago ang insidente,- noong ika- 20 ng Hulyo, 2003 , bandang alas-kuwatro ng hapon, pumunta si Lenlen Baticulin, isang dalagitang Mangyan, sa bahay ng kanyang mga kaanak sa Barangay Purnaga, Magsaysay, Occidental Mindoro. Bahay ng mag-asawang Roger at Olivia Blanco (kapatid ni Lenlen si Olivia. Si Olivia noon ay walong buwang buntis) at mga pamangkin na sina John-john Kevin, 3 taon; at Dexter, 1 ½ taon, upang yayain na manalukan sa Brgy. Nicolas, sakop din ng nasabing bayan. Nang hapon ding iyon ay nagdesisyon sii Lenlen na doon na magpalipas nang gabi.

Si Lenlen na noon ay disais anyos pa lamang ay nasa unang taon sa sekondarya at mag-aaral ng Paaralang Mangyan na Angkop sa Kulturang Inaalagaan o PAMANAKA, isang Mangyan alternative school na pinangangasiwaan ng Mangyan Mission ng Bikaryato ng San Jose.

Isa lamang sana itong karaniwang umaga sa isang matahimik na pamayanan. Ika-21 noon ng Hulyo, taong 2003 bandang alas-5 ng umaga, Habang abala ang lahat sa paghahanda para sa kanilang pagpunta sa baryo, nag-aayos ng zipper ng bag si Lenlen, naghuhugas ng kalderong paglulutuan ng baon si Olivia, naghahanda ng mga damit si Roger, samantalang ang dalawang maliliit na pamangkin ay masayang naglalaro sa ibabaw ng mesa sa labas ng kanilang bahay.

Binasag ang katahimikan ng sunod-sunod na mga putok ng baril. Agad bumagsak mula sa mesa si Dexter, duguan at tadtad ng punglo ang katawan. Narinig ni Lenlen ang sigaw ng kanyang bayaw na si Roger, “Si Toto...may tama!!”. Matapos ang unang sigwa ng mga putok ay tinakbo ni Olivia si Roger na noo’y kalung-kalong ang wala nang buhay na si Dexter. Kitang-kita rin ni Lenlen ang pamangking si John-john na lumundag sa mesa upang pumunta sa mga magulang, subalit sunod-sunod na putok muli ang umalingawngaw, bago pa man nakalapit sa mga magulang si John-john ay tinamaan na rin ito ng mga bala sa likod.

Dinapaan ni Roger ang kanyang buong pamilya sa pag-aakalang maililigtas pa niya ang mga ito sa putok ng mga baril Sumisigaw sa panaghoy noon si Olivia, “Bakit ninyo kami ginaganito? Wala kaming kasalanan sa inyo!”

Subalit nilunod na lamang ng mga putok ng baril ang mga sigaw at panaghoy ng pamilya. Agad na binawian nang buhay ang mag-asawang Roger at Olivia. Pagkatapos pa nang ilang mga putok ay wala nang natirang buhay sa buong pamilya Blanco,- isang pamilyang Mangyan.

Nang inaakala ni Lenlen na tapos na ang putukan ay sinubukan niyang lumabas nang bahay upang magtago sa halamanan. Ngunit sunod-sunod na putok ang kanyang narinig na mukhang sa direksiyon niya patungo. Agad siyang gumapang palabas at humingi nang saklolo sa kanilang mga kapit-bahay. Nilapitan naman siya nang isang babaeng kapit-bahay at sinabing pasasamahan siya sa asawa’t anak nito kung saan man siya magpapahatid.

Kinaumagahan, kaagad nagsagawa nang sariling imbestigasyon at dokumentasyon ang Social Services Commission (SSC) at Mangyan Mission kaugnay sa naganap na insidente. Pagkatapos makakalap nang mahahalagang datos at ebidensiya ay agad itong nagsampa nang kasong kriminal laban sa ilang matataas na opisyal ng 16th Infantry Batallion ng Philippine Army (PA) sa Fiscal’s Office sa San Jose, Occidental Mindoro ng kasong multiple murder. Bago pa man ang mauwi sa hukuman ang kaso, ang mga sundalong direktang sangkot sa pagpatay ay inilipat na nang destino.

Sumulat noon sina Rev. Fr. Rodrigo Salazar, Coordinator, Mangyan Mission; Rev. Fr. Mario Ronquillo, Chancellor kay Secretary Eduardo Ermita na noon ay Chief Presidential Adviser on the Peace Process upang humingi ng ayuda.

Hiniling nila na sa pamamagitan ng OPAPP ay makahingi ito nang tulong sa mga ahensiya ng pamahalaan at mga institusyong nagbibigay ng suportang legal upang mapabilis ang paglilitis ng kaso at mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng buong pamilya Blanco. Nangangamba rin sila na baka magkaroon ng white wash sa kaso at matulad sa iba pang kaso na sangkot ang militar at mabasura lamang ito. Ipinadala ang sulat noong ika-walo ng Agosto, 2003.

Hindi dito natapos ang paghingi nang tulong ng SSC at Mangyan Missiom, umapela din ito maging ang mga lokal na lider ng pamahalaan upang matutukan ang pagresolba sa nasabing kaso.

Maigting ang naging pagtatalo sa husgado kung saan dapat litisin ang kaso. Sa Maynila ba o dito sa Mindoro? Sa korte ba ng sibilyan o ng militar? Sa mismong Regional Trial Court dito sa San Jose pinagtibay na ang pamamaslang umano ay ginawa habang ang mga militar ay nasa tour of duty kung kaya sa korte ng militar sila dapat na litisin. Ito nga ang pinagtibay at hanggang ngayon ang kaso ng mga Blanco ay eksaktong limang taon nang nabibinbin sa (mga) hukuman.

Sa isang panayam kay Col. Fernando L. Mesa (na ngayon ay heneral na), sinabi nitong walang katotohanan ang paratang sa kanila na sinadya nila ang pamamaril. Naipit lamang daw ang mga ito sa bakbakan ng militar at New Peoples Army (NPA). Ito umano ay isang legitimate encounter.

Sa isang dayalogo sa pagitan ng PASAKAMI at ng mga militar, nagbigay ng umano’y tulong na salapi ang 16th IB na nagkakahalaga ng apat na libong piso. Sa mga Mangyan, walang katumbas na halaga ang buhay ng tao.

Kung nabubuhay lamang sila ngayon ay apat na taon na sana ang batang ipinagbubutis ni Olivia, walong taon na si John-john,- samantalang anim na taon na si Dexter.

Kung sila ay nabubuhay lamang, suguro ay abala na naman sila ngayon sa paghahanda para sa talukan para meron silang maitustos sa pangangailangan ng kanilang lumalaking pamilya. Sana katulad nang dati payapa at tahimik silang namumuhay....nangangarap ......para sa magandang kinabukasan ng kanilang mga anak.

Limang taong singkad na pala ang mabilis na lumipas subalit ang hustisyang nais makamit nang mga biktima at pamilya nito ay lubhang napakailap sa kanilang lahat.

Saturday, July 19, 2008

"Communion Ban" sa Oksi?


May balita akong isa ang kongresista ng Occidental Mindoro na si Deputy Speaker Ma. Amelita C. Villarosa sa mga co-author ni Rep. Edcel Lagman ng Albay ng House Bill No. 17 (A.K.A “Reproductive Health Care Bill”) na may titulong: “An Act Providing for a National Policy on Reproductive Health, Responsible Parenthood and Population Development and for other Purposes”. Ang panukalang batas ay ipinasa noon pang taong 2007.

Anumang tanggi nang mga mambabatas, sa pananaw ng Simbahang Katoliko, ito ay hindi katanggap-tanggap. Medyo umaagwat na nga sa usapin at isyung ito ang Malakanyang. Kabilang ang ilang co-authors nito. Ayon sa mga sumusuporta dito, ang HB No. 17 ay hindi pro-abortion o kaya naman ay ukol sa sexual promiscuity kundi para sa adbokasiya para sa reproductive health na isa umano sa mga batayang karapatan ng mga mamamayan. Sabi naman ng iba, bina-black mail lang ng Simbahan ang pamahalaan.

Sabi naman ni Fr. Melvin Castro, Executive Secretary CBCP Episcopal Commission on Family and life, ".... any artificial means to control human body especially in its fertility is contrary to the Gospel. This is not just invented by the Church."

Si Rep. Janette Loreto-Garin (1st District of Iloilo) bilang doktor by profession ay ang pinaka-vocal na supporter nito. Si Madam Girlie ay hindi ko pa ni minsang narinig na nagsalita tungkol sa “Reproductive Health Care Bill" sa local media. Ewan ko sa national media. Hindi ba isa si Madam Girlie sa mga co-author nito?

Sa pagdidiin sa paninindigan ng Simbahang Katoliko kontra sa aborsiyon, opisyal na inihayag ni Ozamiz Archbishop Jesus A. Dosado, CM na ang mga pulitikong Katoliko ay hindi dapat bigyan ng komunyon hanggang sila ay hindi nakapagtitika sa kanilang umano’y (panlipunang)kasalanan. Sa Ozamiz ay opisyal na nag-impose kamakailan si Archbishop Dosado ng communion ban sa mga umano’y sa pananaw ng Simbahan ay “nagtataguyod ng aborsiyon” bagama’t hindi naman tahasan o direktang tinutukoy sa mga lumagda sa HB No. 17 o sa Senate Bill No. 43 na siyang bersyon nito sa Senado.

Hindi natin tatalakayin at palalawakin pa dito ang debate. Bahala na diyan ang mga eksperto. Hindi naman ako pari at lalong hindi ako pulitiko. May mas credible sa atin sa isyung ‘yan para tumalakay.

Iwan muna natin ang HB No. 17. Pangkalahatan muna nating tingnan ang issue ng communion ban...

Mayroon lang akong tanong: “Papaano kung maaprobahan ang panukala na i-adopt sa buong bansa ang ginawa ni Archbishop Dosado? Kung ipatupad ito dito sa ating Bikaryato?” Ewan ko.... hindi ko alam kung ano ang mangyayari. Tiyak na lalong pag-iinitan ng mga lokal na pulitiko ang ilan nating pari at mga taong-Simbahan na kina-aasaran nila.

Pero bago ko ito tapusin, siyempre gusto kong i-quote si Archbishop Oscar Cruz ng Lingayen-Dagupan at isang world acclaimed Cannonist hinggil sa usapin (may kaugnayan man ito o wala sa ating pinag-uusapan): “It is the priest’s duty to act against public sinners. If a priest or a bishop does not punish a public sinner, it is the priest or the bishop who will err.”

Sinabi niya ‘yan. Nabasa ko iyan sa CBCP News On-line kahapon. Maniwala man kayo o hindi, - sa akin o sa kanya!

Friday, July 18, 2008

May Isa Pa ....


Hindi lang Mindoro Nickel Project (MNP) ng Intex Resources ang kasalukuyang gumigiri-giri sa lalawigan para mag-mina. Isa rin itong malaking mining project pero hindi nga lang korporasyong dayuhan. Pinoy na Pinoy daw ito ‘pre. Ito ay ang Agusan Petroleum and Mineral Corporation o APMC. Sulyapan lang muna natin ang ilang mga importanteng datos hinggil sa kumpanyang ito:

Rehistrado ito sa Securities and Exchange Commission o SEC noong July 24, 1995 with SEC Registration No. AS095-007434. layunin ng APMC (“Agusan” na lang ang itawag natin para maalala natin na ito ang “aagusan” ng lahat ng kikitain nila!) na maka-kuha ng permit sa pamahalaan para mag-explore at umano ay mag-develop ng mga lugar para sa potential na pagkakaroon ng gold, silver, copper, iron at iba pang metallic na mineral as well as non-metallic mineral. At may target na initial exploration cost na Four Million Five Hundred Thousand Pesos (4,500,000.00).

Noong February 26, 1996 ay nag-file na ang Agusan ng aplikasyon nito para sa FTAA (AFTA-IV-B005) sa Mines and Geosciences Bureau (MGB) Regional Office na sumasakop sa mga bayan ng San Teodoro at Baco sa Oriental Mindoro at sa bayan ng Abra de Ilog dito sa Oksi. Bubungkalin ng Agusan ang may 46,050.6483 ektarya sa kabuuan. Sa Abra de Ilog at tatamaan ang mga barangay ng Tibag, Lumang Bayan, Maalisis, Balao, Tuay, Wawa, Tara, Pulo at Tugan.

Kagaya ng MNP ay mayroon din silang “promises” (that are made to be....?): “(1) pursue sound and systematic exploration program...; (2) maintain a cost effective operation to make certain the viability and sustainability of the project; and, (3) ensure that an environmentally- friendly or benign (parang tumor/cyst‘huh?-NAN) mining operation can be put in place....” (from Agusan’s Environmental Work Program)

Kung sa MNP ay pagdududa ang anti-mining groups sa Free and Prior Informed Consent o FPIC process sa National Commission on the Indigenous Peoples o NCIP-Occidental Mindoro. Kaya bantay sarado rin dito ang mga samahang katutubo hindi lamang sa Oksi kundi maging sa Oriental. Salamat na lamang at matibay pa ring naninindigan ang pamahalaang Bayan ng Abra de Ilog sa kanilang 25-year Large Scale Mining Moratorium. Palaban pa rin si Mayor Eric Abalos Constantino, Vice-Mayor Floro Castillo at kanilang Sangguniang Bayan o SB. Kunsabagay, kung hindi nila gagawin ito at masisira ang kalikasan, papaanong “aarya” ang Abra?

Pero sino ba ang may-ari ng Agusan?

Ang kumpanya raw na ito ayon sa ilang bali-balita ay pag-aari nang kilalang negosyante na si Ramon Ang. Pangulo at Chief Operating Officer ng San Miguel Corporation (SMC). May tsismis din: Hindi kaya dummy lang si Ang nang umano’y kroni ni Marcos noon na si Eduardo “Danding” Cojuanco?

Ang FTAA nga pala sa normal na daloy nito ay ang pagpapatibay ng kasunduan para sa tulong pinansiyal at teknikal sa pagitan ng gobyerno at ng kumpanyang minero. Sa ilalim ng FTAA, ang kumpanyang minero ay magkakaroon ng full control sa industriya ng mina sa bansa habang sa iba naman ay ang kumpanya ay mabibigyan lamang ng mineral production sharing agreement ng pamahalaan.

Kapit kabayan sa isa pang laban....

Wednesday, July 16, 2008

Giyera sa Aguas


Taong 2006 pa umano nang simulang maghasik ng lagim sa Brgy. Aguas at Pitogo sa bayan ng Rizal, Occidental Mindoro ang mga armadong kalalakihang ito. Tinatakot nila ang mga karaniwang magsasaka kung kaya ang mga ito ay hindi na makapagsaka sa kasalukuyan. Noong unang linggo ng Hulyo ay napasabak sa bakbakan ang mga itinalaga doong civilian volunteers na ikinasugat ng isa sa kanila. Kaagad namang naglunsad ng operasyon ang PNP-Rizal ngunit hindi na nila inabutan ang mga bandido sa pangunguna nang isang Meno Andres, 24 anyos na mamamayan din ng nasabing lugar.

Noong ika-3 ng Hulyo, 2008, personal na dumalaw si Gov. Josephine Ramirez-Sato sa lugar kasama ang ilang matataas na lider ng probinsiya kabilang ang mga opisyales ng Philippine Army at PNP. Nagbigay siya ng apat na araw na palugit para sumuko si Andres at ang kanyang mga kasamahan ngunit makalipas ang takdang palugit ay hindi pa rin tumugon ang mga armadong grupo. May bali-balita rin, batay sa text messages sa kanilang mga kaanak na hindi umano sila susuko. Inatasan ng gobernador ang Philippine Army na tuldukan na ang mga karahasang ito sa loob ng 15 araw.

Sa isang munting pagpupulong sa pamayanan, ipinahayag ng mga mamamayan doon ang kanilang takot at iba pang dulot nito. Higit sa 20 pamilya sa Sitio Surong ay nagsilikas dahil sa matinding pangamba. Naatala din ang pag-aaral sa Hacienda Yap Barangay High School. Dito rin napag-alaman ng mga awtoridad na ang gang ay mayroong mga matataas na kalibre ng baril,- kagaya ng M-14 at Galil, maliban pa sa ilang mababang kalibre kagaya ng Carbine at Shotgun. Simula noong 2006, anim na tao na ang naitatalang napapatay ng gang na binubuo nang may hindi bababa sa lima katao. Dito rin inihayag ng gobernador ang halagang P 200,000. pabuya sa ulo ni Andres at sa makapagtuturo ng kanilang kinaroroonan.

Taktika daw nitong si Andres, ayon sa mga taga-roon na bitbitin ang kanyang mga anak at asawa sa tuwing siya ay tutugisin ng mga pulis at ginagawa niyang human shield ang mga ito. At sa bawat pagkakataong mayroon itong naitutumba, ito ay lumalabas ng lalawigan para magpalamig at kapag hindi na siya mainit ay muling magbabalik sa lugar.

Kaya noong Martes (ika-8 ng Hulyo) ay naglunsad ng opensiba ang militar para madakip, buhay man o patay, ang tinatawag na “Andres Gang”. Nagsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng 407th Police Provincial Mobile Group (PPMG) at ang Elite Platoon ng 80th IB ng Philippine Army. Pero ang kakatwa, sa proseso ng kanilang pagsuyod para masilo ang “Andres Gang” ay encampment ng New People’s Army (NPA) na malapit sa lugar ang bumulaga sa kanila. Ang grupong bumubuo sa 40 katao, ayon sa pulisya ay pinamumunuan ni Jovito Marquez o “Ka Basay” na siyang lider ng Platoon Guerilla (PlaGuer) na siyang combatant mobile group ng NPA sa buong isla ng Mindoro.

Kinumpirma ni Police Supt. Cecilio Ison na nagkaroon nga nang engkuwentro noong araw na iyon,- NPA laban sa mga sundalo - na tumagal ng halos tatlong oras sa isang pook sa Brgy. Aguas na tinatawag na Hacienda Yap. Ibinunyag ito sa DZVT ng opisyal noong ika-14 ng Hulyo, taong kasalukuyan. Inamin ng militar na sila ay gumamit ng helikopter, V-150 at Simba vehicle sa nasabing operasyon kabilang ang mga rocket at 50-caliber machine gun.

Sa panayam kay PNP Provincial Director Audie Encina-Arroyo noong araw ding iyon, sinabi niya na sila ay naka-samsam nang mga claymore mine, mga granada at mga subersibong dokumento sa lugar na pinagkampuhan.

May lumalabas ngunit hindi kumpirmadong ulat na kaya naroroon ang mga NPA ay misyon din nilang likidahin ang gang dahil sa kabi-kabilang reklamo sa kanila ng mga mamamayan. Kapwa target ng Army at ng NPA ang “Andres Gang” at dahil nga ang mga sundalo at rebeldeng Komunista ang nagka-bulagaan,- parang mailap na labuyo itong naka-takas sa kanila. Ngunit ang ulat na ito ay pinabulaanan ni Lt. Col. Arnulfo Burgos, Battalion Commander ng 80th Infantry Batallion ng PA. Ayon kay Burgos, ang operasyon ng LaGuer ay walang kaugnayan kay Andres at sa kanyang mga gawaing kriminal.

Walang naitalang casualty sa panig ng pamahalaan ngunit isa ang namatay sa panig ng NPA na umano ay medical officer ng grupo. (Ewan ko kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa ito pinapangalanan ng militar) Walang sibilyan na nadamay sa enkuwentro taliwas sa lumabas sa mga national tabloid. Tumakas ang mga NPA sa may bulu-bunduking bahagi ng Monte Claro at Batasan. Lalong lumaganap ang takot ng mga mamamayan sapagkat hindi na lamang na-concentrate ang operation sa bayan bahagi ng Aguas at Pitogo kundi tumawid pa ito sa dalawa pang barangay ng Batasan at Monte Claro. Naniniwala ang militar na may mga sugatang rebelde na dapat mabigyan nang lunas kaya nanawagan silang magbibigay ng tulong sa ganitong sitwasyon.

Huling nagkaroon nang enkuwentro sa pagitan ng NPA at ng militar noong nakaraang buwan ng Pebrero...

Sa panayam sa “Pintig ng Bayan” kahapon, inamin ni Burgos at ni Capt. Julio Cayandag, Operations Officer ng 80th IB na itong si Andres ay dating asset ng militar na hindi maayos na na-handle. Nagkaroon umano ito ng kaugnayan sa isang opisyal ng noon ng 16th IB na hinalinhinan ng 80th IB sa Mindoro dalawang taon na ang nakalilipas. Kapwa nila tiniyak na back to normal na ang sitwasyon sa naturang mga lugar kahit hindi pa nila nakikita kahit anino ni Andres...

------------------

Whew! Naulit lang ang ganitong istorya sa Kanlurang Mindoro. Naaalala ko tuloy ang kuwento noong late 80s ni Noel "Rex" Verdadero at ang kanyang gang of bandits... Hay,- buhay!

Monday, July 7, 2008

Ang Mindoro ay Atin


Magandang Tanghali po sa inyong lahat.

Sa oras pong ito ay inaasahan ko na ako ay magkakaroon nang pagkakataong makapagsalita bilang kinatawan ng hanay nating mga katutubo dito sa Oksidental Mindoro. Naalala ko po nang ako ay manumpa sa Malakanyang bilang PCB Chairman, sinabi ng pangulo (Gloria Macapagal-Arroyo) na, “... sa ilalim ng Batas IPRA, Malaki ang paggalang ng ating pamahalaan sa mga katutubo subalit mayroon siyang isang termino (salita) na iniwan, na sa pagmimina ay mayroon ding isang batas na ilalapit sa mga katutubo...”.

Sa pagkakataong ito bilang ako po ay isang katutubo at isang Mangyan sa lalawigan dito Occidental Mindoro at gayundin sa Oriental,- kilalanin natin ang ating sarili bilang isang katutubo. Tanungin natin kung anong tribo tayo at anong kultura ang ating dinadala. Tayo ay kinilala ng pamahalaan sa ilalim ng IPRA o Batas 8371 na siyang ginamit ng pamahalaan upang iangat tayo sa ibang mamamayan na noon ay tila hindi tayo pinapansin. Pero sa pagkakataon pong ito na tayo ay hinahamon sa isang pagsubok kung saan ay nakasalalay ang ating salinlahi, alalahanin natin na ang lahat ng iyan ay ipinagkatiwala sa atin nang ating mga ninuno - ang lahat ng bagay na nariyan sa ating kapaligiran. Alalahanin po natin na hindi atin iyan. Iyan po ay pamana sa atin ng ating mga ninuno. Kaya nga sa mga kamay rin natin ito nakasalalay. Kapag nagdesisyon tayo nang wala sa kultura at wala sa batas, hindi tayo makapagbibigay ng magandang pamana sa ating salinlahi.

Isang punto lang po ang gusto kong itanong sa ating lahat na mga katutubo:”(Nasa) Kultura ba na ipinamana ng ating mga ninuno ang pagmimina? O kaya, may kultura ba tayong mga katutubo na minahin ang ating lupaing ninuno na inihabilin sa atin na (nang) maayos?” Gusto ba nating ipamana sa ating mga anak at sa mga aanakin pa ang kapaligirang wala nang lupa? Alalahanin po natin na ang Mindoro ay atin. Kasabay nang pagkatatag at alinmang pangalan ng pook o lugar dito ay Mangyan ang nagbigay niyan. Dahil ang lahat ng bagay at pangalan ng lugar ... bawat lugar na ito ay buhay, karanasan at kasaysayan ng ating mga ninuno.

Sana po sa pagkakataong ito, ilagay natin nang maayos,... lingunin ang nakaraan.. pag-aralan natin ang ating haharapin. May Mangyan pa kayang tatawagin pagkalipas nang dalawampu’t limang taon? Masasabi bang ikaw ay isang katutubo na ipinagtatanggol at pinuprotektahan ng Batas IPRA kung hindi ka na katutubo dahil ninakaw o wala na sa iyo ang iyong sariling kultura? Napakahalaga nang habilin at lagi nating isipin na ang lupa ay buhay. Anumang bagay na naririyan ay siyang nagbibigay at tumutugon sa ating pangangailangan sa araw-araw.

Lumipas po ang mahabang panahon na hinanap natin ang pagkalinga ng pamahalaan subalit tayo ay nanatiling buhay hanggang ngayon. Sa isang pagkakataong hindi natin alam, ang puno’t dulo nang ating kahihinatnan, tayo ay mag-ingat baka tayo mahulog sa butas (bitag). Sa tindi ng batas na nagsasaad ng karapatan na ibinigay sa ating mga katutubo, na ang pag-aari at na sinaklawan ng lupaing ninuno ay mula sa itaas at hanggang sa kailaliman. Kaaalinsabay nang sinasabing free and prior informed consent, gusto ko lang bigyang diin na hanapin ang katapat ng batas na ito sa ating kultura. Ang FPIC ay hindi lang po sa batas kundi kailangang ibatay ito sa kultura. Dahil ang pinakamahalagang nilalaman ng Batas IPRA ay ang aming kultura. Kung wala ang kultura sa batas ay balewala din ang batas.

Ito lang po ang mensaheng nais kong iparating: sana ang lahat ng bagay na inihabilin sa atin nang ating mga ninuno ay panatilihin natin at pangalagaan para sa mga kabataan nating isisilang pa upang hindi nila tayo masisi sa huli. Tandaan natin na ang Mindoro ay atin at asahan natin at huwag alisin sapagkat ito ay dapat na makapiling natin habang buhay.

Maraming salamat po at magandang tanghali sa inyong lahat....

-----------------
(Talumpati ni Silda Sanuton, isang lider ng tribong Iraya sa Occidental Mindoro sa kanyang mensahe sa Consultative Community Assembly (CCA) para sa aplikasyon ng Aglubang Mining Corporation na ginanap sa Feliz del Mar Resort sa Sablayan, Occidental Mindoro noong ika-3 ng Hulyo 2008)

Saturday, July 5, 2008

NCIP Napandale .... CCA Sabit?

Isinagawa noong araw ng Huwebes (Hulyo 3, 2008) sa Sablayan ang isang Community Consultative Assembly (o CCA) na inilunsad nga ng NCIP-Occidental Mindoro. Ang gawain ay isa sa mga requirement sa proseso ng Free and Prior Informed Consent (FPIC) na dapat daanan bago simulan ang anumang gawaing pang-kaunlaran batay sa Indigenous Peoples Rights Act of 1997 o IPRA. Sa bisa ng NCIP Administrative Order No. 01 S. 2006, ang nasabing pulong konsultasyon ay inilunsad.

Nauna rito ay naka-amoy na nang hindi maganda kapwa ang Mangyan Mission ng Bikaryato ng San Jose at ng Calapan,- at mga tribo at samahang Mangyan kabilang ang mga PO at NGO sa buong Isla ng Mindoro na lumalaban sa Mindoro Nickel Project (MNP) at Intex Resources Corporation. Una ay ang pagkakaroon nang limitasyon sa bilang ng mga inimbitahan. Ayon kay Fr. Rodrigo Salazar, SVD tila sinadyang hindi binigyan ng imbitasyon o ipinaalam man lamang sa dalawang Mangyan Mission offices ang pagdaraos ng nasabing CCA.

Sa katunayan may balita pa ayon mismo kay Vice-Mayor Eduardo Gadiano na bago pormal na simulan ang asembliya ay isinara ang gate ng resort at hindi pinapasok ang mga taga-munisipyo ng Sablayan. Sa bayan ng Sablayan ay pinaiiral ang General Ordinance No. 2007-60o3b na nagpapatibay sa batas nang pagkakaroon ng 25-year moratorium sa mga large scale mining project sa kanilang bayan. Kaugnay nito, binigyang-diin ni Bokal Randolph Ignacio ng Unang Distrito ng lalawigan ng Occidental Mindoro, bilang kinatawan ni Gov. Jasephine Ramirez-Sato, na pinagtibay na ng Sangguniang Panlalawigan ang nasabing ordinansa.Idinagdag pa niya na sa pagmimina, ang mga kumpanya lamang ang kikita at hindi ang mga Mindorenyo.

Sa mga panimulang pananalita pa lamang ay umarangkada na ang mga anti-mining messages na inumpisahan ni Sablayan Mayor Godofredo Mintu. Sa kanyang mensahe ay maigting siyang nanindigan sa kanilang ipinatutupad na ordinansa. Direkta niyang sinabi sa mga taga-Intex na naroroon na, “...handa kaming makipag-tulungan sa lahat ng mga proyektong inyong ipapasok sa Sablayan pero huwag lamang ang pagmimina...” Sa panig naman ni Gadiano, sinabi niya na ang ipinatutupad na ordinansa ay may katapat na kaparusahan sa sinumang lalabag dito. Naroon din at nagbigay ng pahayag bilang LGU ang kinatawan ni Mayor Alfredo Ortega, Jr. ng Victoria, Oriental Mindoro na si G. Vincent Gahol na naghanay nang ilang mahahalagang datos kaugnay ng pagkilos ng mina sa kanilang bayan at ilang pahayag ng pagtutol dito ng kanilang pamahalaang lokal.

Ang mga nanguna sa paglulunsad ng CCA Atty. Alexander “Dan” Restor, legal officer ng NCIP-Occidental Mindoro; Engr. Narcisa Eder, OIC-Provincial Officer; at Ms. Eden Cenon, OIC-Field Officer sa Sablayan Service Center. Kasama rin ng FPIC Team si Atty. Bert Almonte, legal officer naman sa Oriental Mindoro.

May lumabas na bulung-bulungan na ang may 150 na mga Mangyang kabilang sa mga grupong pro-mining na Kabilogan at Sadaki na mula sa Oriental Mindoro ay “hinakot” ng Intex. Pero ang alingasngas na ito ay hindi nakumpirma ngunit hindi rin napasinungalingan.


Sa unang kalahating araw ng pagtitipon ay na-domina nang mga “hindi imbitadong” tao at grupo ang talakayan na pawang tumatayo sa posisyong kontra-mina. Kabilang si Brgy. Captain Boyet Esteban na nagpahayag nang pagtataka kung bakit hindi sa isang lugar sa Pag-Asa (na siyang host barangay ng MNP sa Sablayan) ito ginawa upang madama ang tunay na community spirit ng CCA.

Kapwa puno ng emosyon ang binitiwang salita ng mga Mangyan Mission Coordinators ng Apostolic Vicariate of San Jose (AVSJ) at Apostolic Vicariate of Calapan (AVC) na sina Fr. Anthony “Tonton” Tria, SVD, at Fr. Edu Gariguez, ayon sa pagkakasunod (na verbatim kong ipu-post next time-NAN). Kasunod nila ay ang maikli ngunit malamang mensahe naman ni PCB Chairman Silda Sanuton na siyang Pangalawang Pangulo ng Pantribung Samahan sa Kanlurang Mindoro o PASAKAMI. Maliban sa kanila, kasama rin sa mga nag-“gate crash” sina Msgr. Ruben “Jun” Villanueva, Vicar General ng AVSJ at hindi bababa sa 15 madre mula sa iba’t-ibang kongregasyon.

Kinahapunan, as usual ay pro-mining stance at mga positibong epekto umano ng mina ang teknikal na ibinahagi ni Regional Director Roland de Jesus ng Mines and Geo-Sciences Bureau (MGB) ng DENR. Ayon sa kanya, ang Mining Act of 1995 ay nagluwal ng mga responsable at maka-kalikasang probisyon sa industriya ng mina. Sa panig naman ng Intex Resources Corporation (AKA Aglubang Mining Corporation) ay same old line naman ang naging presentasyon.

Ipinakilala nila ang kanilang kumpanya. Inihayag ang mga teknikal na bahagi ng kanilang operasyon at ang kanilang kasalukuyang mga ginagawa sa pamayanan. Tiniyak nang kanilang mga taga-pagsalita sa pangunguna ni Mr. Andy Pestano, Community Relations Officer ng Intex, na sila ay maninindigan sa prinsipyo ng responsible mining sa lahat nang kanilang mga gagawin. Tampok sa presentasyon ang iba’t-ibang buting maidudulot umano ng MNP....

Matinding baliktaktakan ang kinauwian ng bahaging Open Forum. Samut-saring isyu na ang lumutang. Ang tungkol sa pagiging lehitimong tribung Mangyan ng tinatawag nilang “Ruwang” na mga miyembro ng PO na Kabilogan at Sadaki; ang pagsasabing ang konsultasyon iyon ay para lamang sa kanila na direktang tatamaan ng MNP; ang pagkakaunawa ng mga katutubo sa FPIC; at iba pang kaugnay na bagay hindi lamang ng mining kundi ng IPRA.

At ang nakakatawa pa, imbes na ang direktang atakihin ng mga katutubo ay ang Intex, ay lubos na napandale ay ang NCIP-Occidental Mindoro na naunang inulan ng paratang na nakikipag-kutsabahan umano sa Intex sa ilang mga gawain laban sa kultura at ninanais ng mga Mangyan. Nanindigan naman si Atty. Restor na magsampa ng kaukulang kaso laban sa mga tauhan ng NCIP na kurap at hindi tumutupad sa kanilang tungkulin.

In short, sa paghahanda pa lamang ang CCA ay magulo na at punong-puno ng kontrobersiya kaya marahil idineklara itong failure ng mga anti-mining na dumalo,- yung mga official delegates man o yung mga “gate crasher”. Bagamat ayaw na ituring itong ganito ng NCIP-Occidental Mindoro. Pero malalaman lamang natin kung ano talaga ang kinauwian ng CCA batay sa kanilang ihahaing documented report sa mga concerned bodies anumang araw mula ngayon.

Iisa lang ang malinaw, gagawi ang NCIP at magpa-facilitate uli sa iba pang prosesong pang-FPIC. Sa kabilang banda, ang mga anti-mining groups sa Occidental Mindoro at Oriental Mindoro,- LGU, PO at NGO, Simbahan, Mangyan o taga-patag man,- ay mukhang nagsimula nang magpakita ng kanilang tunay na pagkakaisa kontra sa mina,... partikular sa Mindoro Nickel Project.

Friday, July 4, 2008

Ang Opisyal na Stand ng Bikaryato sa Mina

Bilang isa sa mga pangunahing requirements sa proseso ng Free and Prior Informed Consent o FPIC ng National Commission on the Indigenous Peoples o NCIP- Occidental Mindoro kahapon, Hulyo 3, 2008 ang Consultative Community Meeting sa Feliz del Mar Resort sa Sablayan, Occidental Mindoro. Dito nagkita-kita ang may humigit-kumulang sa 200 na mga pro and anti mining groups sa buong isla ng Mindoro, katutubo man o taga-patag, mga LGU representatives at PO at NGO. At sa mga susunod na post ay magbibigay tayo nang iba pang balita hinggil sa okasyon. Isa-isa lang...

Ito muna : naging okasyon din ito upang muling ihayag ng Apostoliko Bikaryato ng San Jose ang kanyang pinaka-huling pahayag ukol sa pagmimina na binasa kahapon ni Msgr. Ruben “Jun” Villanueva, ang Vicar General ng ating Simbahang Lokal:

------------------


PAHAYAG NG PAGPAPANIBAGO
SA PANINIDIGANG LABAN SA PAGMIMINA SA DIWA NG IKA-25 ANIBERSARYO NG BIKARYATO APOSTOLIKO NG SAN JOSE

“Kailangan matutunan ng mananampalataya ang pinakamalalim na kahulugan at kahalagahan ng lahat ng nilikha, at ang pagkiling nito tungo sa pagpupuri sa Diyos.”

(Lumen Gentium, 36)

Apat na taong singkad na ang nakalilipas, ika-29 ng Nobyembre, 2004 noon nang unang magpalabas ang Bikaryato Apostoliko ng San Jose ng isang opisyal na pahayag tungkol sa balaking pagmimina sa Kanlurang Mindoro na pinamagatang “Pahayag ng Pagtutol ng Social Services Commission (SSC) at Vicarial Indigenous Peoples Apostolate (VIPACO) ng Bikaryato Apostoliko ng San Jose Laban sa Malawakang Pagmimina sa Buong Isla ng Mindoro”. Ang Pahayag ay nagbibigay-diin sa mga sumusunod : Una, ang malawakang pagmimina ay labag sa ating Saligang Batas; Ikalawa, ang pagmimina ay tandisang paglabag sa IPRA; At ikatlo, Ang industriya ng pagmimina ay hindi tugon sa lumalalang krisis sa ekonomiya. Sa ganitong diwa ay ating pinapanibago ang ating paninindigan kontra sa pagmimina habang tayo ay lumilingon at sama-samang humaharap sa panibagong bukas – sa konteksto ng Hubileyo ng ating Bikaryato.

Muli ay naninindigan ang ating Simbahang Lokal na isang mito o kasinungalingan ang ipinangangalandakan ng mga korporasyon ng mina sa lalawigan, partikular ang Intex Resources Corporation, na ang kanilang gagawin o kasalukuyang ginagawa ay “responsible mining”. Ang mina, kaylan man o saan man ay amba sa normal nating buhay,- panlipunan man o pangkalikasan. Ito ang tuntungan ng ating nagkakaisang tinig na tutulan ang Mindoro Nickel Project (MNP) na bubungkal sa may 9,730 ektaryang lupain na sakop ng Occidental at Oriental Mindoro.

KAYA DAHIL DITO, ang Bikaryato Apostoliko ng San Jose ay nakikiisa sa pagkilos ng mga pamahalaang sibil o LGU, sa mga pantribung samahan ng mga Mangyan at mga maka-kalikasang NGO sa buong Isla ng Mindoro na humihiling na ihinto ang pag-puproseso ng mga aplikasyon para sa FTAA at MPSA ng Intex Resources Corporation at ng iba pang kumpanya sa isla ; bumalangkas, magpatibay at magpatupad ng mga lokal na batas upang masuri at tutulan ang pagpasok ng pagmimina (sa alinmang antas nito) sa kani-kanilang munisipyo; at maging sensitibo tayo sa hinaing, tradisyon at kultura ng mga Mangyan tungo sa pampamayanan at pantribung pagpapasya.

Hamon sa mga parokya at mga Vicariate Forane ang patuloy na paglulunsad ng talakayan at pagninilay ukol sa usapin ng pagmimina sa antas ng Pamayanang Kristiyano, ang manindigan batay sa panlipunang turo ng Simbahan, kaalinsabay ng ilang tukoy at kolektibong pagkilos laban sa MNP at kasalukuyang hakbang ng Intex Resources Corporation. Mga mapayapa ngunit aktibong pakikisangkot sa anumang legal na anyong ating nanaisin.

Pagpalain tayo lagi ng Diyos sa pagtataguyod ng ating mga layunin bilang mga ka-manlilikha Niya at tagapagtaguyod ng kalikasan.


(Signed)
+ANTONIO P. PALANG, SVD, DD
Obispo
Bikaryato Apostoliko ng San Jose


2 Hulyo, 2008
Ika-25 Anibersaryo ng Bikaryato Apostoliko ng San Jose

Tuesday, July 1, 2008

"Friendship" Ayon kay Agustin

Kami at ang aming mga kaibigang pari ay madalas magkita-kita sa isang simpleng hapag upang ipagdiwang, katulad ninyo,- ang ilang okasyon pati ang aming pagkakaibigan o friendship.

NAIIBA ang isang hapunang iyon dahil sa ilang mga bagay. Una ay dahil ginanap ito sa isang restaurant at hindi sa refectory ng Saint Joseph Seminary o ng San Isidro Labrador Formation Center. Ikalawa ay dahil may nag-libre sa lahat ng kinain namin (salamat sa donor ...). Hayaan ninyo na sa amin na lang ang ikatlong dahilan ...

Pero ito lang ang maidadagdag ko. Pitong pari at isang deacon na ngayon na si Rev. Ronald Panganiban (inordenan siya kahapon)ang kasama namin na pawang mga naging seminarista lahat ng St. Augustine Major Seminary (Tagaytay). Para sa progress ng aking topic ngayon, subukan nating i-connect ang virtue ng friendship sa mga kaisipan dito ni San Agustin ng Hippo.

Ayon sa aklat na "If Augustine Were Alive" ni Theodore Tack, OSA (sa p. 35)kapag ikinumpres mo raw lahat nang naisulat ni St. Augustine tungkol sa friendship o pakikipag-kaibigan,- mauuwi lamang ito sa tatlong pangunahing ideya:

First : “Friendship is essential”. It is essential for our well-being in this world, but true friendship, which is alone is lasting only exists when it is inspired and welded together by God. Second : “Friendship pre-supposes love”. It is a meeting of hearts and mutual sharing of burdens in the likeness of what Jesus did for us. Third : “Friendship is characterized by confidence and frankness”. Its broadest interpretation is to be extended to all. Friendship obliges one to speak up, it also obliges the other to be willing to accept the friends effort to help, painful though this maybe at times...

Bilib kahit ang mga non-believer ng kanyang panahon sa mga pananaw niya tungkol sa pagkakaibigan o friendship lalo na ang tila babala niyang ito: “Whenever a person is without a friend not a single thing in the world appears friendly to him.” (Mula sa “Letters” 130, 20.4) Sabi nga ng awtor na si Thomas Smith, si San Agustin ay ang “first Christian writer to elaborate a theory of Christian friendship”.

Malinaw din sa mga sulatin ni St. Augustine na mas madaling i-cultivate ang friendship sa mismong loob ng ating tahanan hanggang sa ating mga pamayanan. Lalo na sa "loob" ng ating Bikaryato. Ang diwang ito ay maging isa sana sa maraming hamon sa atin sa ating pagdiriwang ng ika-25 taon ng pagkakatatag ng ating Lokal na Simbahan ngayong araw .....

Happy Silver Anniversary sa lahat ng mananampalatayang Katoliko na taga-Occidental Mindoro!!!

Sunday, June 22, 2008

Mindoro Big 3 and Our Watersheds

Hindi ko alam kung napa-paranoia na ang mga anti-mining advocate sa Occidental Mindoro o sadyang kaduda-duda ang bagong development sa usapin ng environmental protection in general and specifically sa mining issue dito sa amin. From out of the blue kasi,- habang ang mga community organizer ng Intex Resources Corp are working on their social preparation, ay parang bullfrogs sa latian sa pag-kokak para ma-attract towards a pro-mining stance ang mga private social institutions,- bigla na lamang umutlaw ang House Bill (HB) No. 3180. Masisisi ba natin ang mga katulad ni Walter "Bongbong" Marquez,- Secretary General ng KAAGAPAY PO-NGO network na naka-base sa Sablayan, na hindi mag-isip o mag-duda rito?

Kamakailan ay binalangkas sa 14th Congress ng Pilipinas sa kanilang First Regular Session ang HB 3180. The proposal was introduced by the three legislators ng Isla ng Mindoro na sina Rodolfo G. Valencia, Alfonso V. Umali at Ma. Amelita C. Villarosa ng aming lalawigan na tatawagin ko at least sa post na ito na Mindoro Big 3. Ang panukalang batas ay may pamagat na “An Act Declaring the Areas Around and between Aglubang-Ibolo Rivers in the Municipalities of Baco, Naujan and Victoria, All in the Province of Oriental Mindoro A Protected Watershed Landscape Under the National Integrated Protected Areas System, and for other Purposes”. Ewan namin kung sinadya o nagkataon lang pero ang lugar ng ilog Aglubang at Ibolo ay ang sentro ng operasyon ng Mindoro Nickel Project o MNP.

Ang HB ay kasalukuyang nasa tanggapan ni Rep. Ignacio “Iggy” Arroyo na siyang chairman ng House Committee on Natural Resources. Hindi natuloy ang naka-takdang pagdinig kamakailan dahil hindi umano sumipot sina Valencia, Umali at Villarosa na mga nag-isponsor nga nito. Ang pagdinig ay muli na lang itatakda in the future... marahil. Let us hope na present na sila sa susunod!

Tampok sa HB 3180 ay ang panukalang pamamahala sa ilog ng Aglubang-Ibolo na sumasakop sa apat na bayang nabanggit na naunang naideklara na protected watershed landscape sa ilalim ng National Integrated Protected Areas System o NIPAS. Ayon sa kanila, “ ..the most potent legal weapon for the reversal of this on-going destruction of this river systems and its surroundings is the enactment of this bill into law to ensure sustainable rehabilitation, protection and conservation of the area...” Tanong ko lang: Bakit kaya ang ipinanukala ay maging isang protected watershed landscape at hindi na lang maging national park na ang epekto, kung ihahambing sa basketbol, ay high-percentage shot?

Pero on the outset at least sa akin, ang HB 3180 ng tatlong mambabatas ng isla ay pabor hindi lamang sa kalikasan kundi maging sa mga anti-mining advocates. Sa espeho ng isang karaniwang mamamayan, tunay itong maka-kalikasan. Kung may hidden agenda man dito ay bantay ala-Jaworski mula sa mga mamamayan ang tanging katapat nito. Ang ikinadududa rin ni Vice-Mayor Eduardo Gadiano ng Sablayan ay ang istipulasyon sa Sec. 12; No. 12-d na ipinagbabawal ang mineral exploration or extraction gaano man ito kalawak sa loob ng nasabing lugar na walang permiso o authorization mula sa itatatag na Protected Area Management Board o PAMB. Ang nakakatakot, ayon pa kay Gadiano sa aming panayam sa radyo noong Miyerkules, baka layong palabnawin nito sa lupon ang proseso sa pagkuha ng mga rekisitos lalung-lalo na sa pag-mimina. Malaking kuwentiyon din umano ang bilang ng representasyon ng LGU ng dalawang lalawigan. Minimal lang umano ang magiging bahagi nila dito. Baka ma-itsa pwera na raw nang tuluyan sa board ang mga local executive.

Okay,.. let us give them the benefit of the doubt. Pero sana naman ay walang interes sa negosyo (o makinabang) sa/ng mina sinuman sa tatlong kinatawan. Kasi kapag meron, kumbaga sa laro ni Jaworski, baka ii-steal lang nila sa Intex ang bola at kapag lumaon ay sila (o isa sa kanila) ang magpapasa, magdi-dribol at magsu-syut nito. Talo ang kalikasan ng Mindoro. Talo ang mga Mindorenyo. Huwag sana ako mag-dilang anghel. Huwag po!...Huwag po!

Sunday, June 15, 2008

Pandurucan Olympian


“Sino ang kaisa-isang atleta na ipinanganak sa Occidental Mindoro na nakapaglaro sa Olympics?” Tanong ko sa isang batang aking kahuntahan isang gabi habang pinag-uusapan namin ang ilang bagay tungkol sa nalalapit Beijing Olympics sa August 8, 2008. Maraming pangalan ang kanyang inihanay mula sa iba’t-ibang sporting event ngunit sablay lahat ng kanyang hula. “Sirit na...” may tamang duda niyang bulalas.

Unang nilaro ang basketball sa Summer Olympics noong taong 1936 matapos gawin itong demonstration sports noong 1904 at 1924. Siya ang tinaguriang greatest Filipino basketball player in history pero bihi-bihira sa atin ang nakaka-alam na kagaya ko, dito rin pala siya sa San Jose ipinanganak. Si Carlos “Caloy” Loyzaga ay isinilang noong ika-29 ng Agosto, 1930 here in my hometown kung saan siya unang natuto ng basketbol. At noong taong 1942, dose anyos pa lang siya noon, mula sa Mindoro ay lumuwas siya ng Maynila at napabilang sa koponang Sta. Mesa Aces. Noon pa man ay kinakitaan na siya ng kakaibang tangkad sa height na 6-foot-3 (na noon ay bihi-bihirang Pinoy ang ganito ka-taas) at pamatay na wika nga ay “sure ball”.

Dalawang ulit na nakapaglaro sa Olympics si Loyzaga,.. noong 1952 sa Helsinki at sa Melbourne noong 1956. Muntik nang maging tatlo ang kanyang Olympic appearance kung hindi lang sana siya nagkaroon ng wrist injury dahil sa paglalaro ng softball kung kaya hindi siya nakasama sa Rome Olympics noong 1960. Si Loyzaga ay kasalukuyang naka-base sa Australia at sakaling hindi n’yo pa alam, siya ang tatay nina Teresa at Bing (na mga showbiz personalities) Chito at Joey (mga ex-PBA players). Si Loyzaga,- kasal kay Vicky Cuerva ay dating naging konsehal ng lungsod ng Maynila at 77 years old na ngayon.

Hitik sa impormasyon ang mga naisulat na hinggil kay G. Caloy “The Big Diffrence” Loyzaga at sa kanyang basketball career at hindi ko na pupuntuhin ang mga iyon dito.
Pero subukan mong pumunta sa pinaka-populated na paaralan sa San Jose ngayon at tanungin mo ang mga estudyante kung kilala nila si Loyzaga at kung alam nila kung saan ito ipinanganak ay malamang “Hindi” ang isasagot nila sa iyo. Huwag na sa mga paaralan. Subukan mo rin sa mga taong naka-tambay sa mga barberya, paradahan ng traysikel, palengke at kahit na sa munisipyo. Imagine,.. isang sikat na athlete sa buong mundo, ‘ni hindi man lamang kilala sa kanyang sinilangang bayan!

Tanong ko lang : “Bakit wala man lamang siyang markang iniwan dito o inilaan sa kanya ng kanyang mga kababayan,- ang mga nagdaan (at kasalukuyang) political leaders natin. Wala man lang kahit na karatula (o tarpaulin kaya) sa bungad ng airport o sa piyer na may nakasulat na ganito: ’Welcome to San Jose, birthplace of Basketball Great Caloy Loyzaga'? O Basketball League o clinic man lang in his honor. O kahit na pormal na ikasa man lamang ang kanyang birthplace visit o iba pang event ..’”

Kunsabagay, wala ngang tunay at sustainable sports program dito ‘yan pa kayang mga ganitong proyekto na sa tingin nila marahil ay mga kabalbalan lang... Walang po kasing kahilig-hilig sa pagsasa-batas at pag-execute ng tunay at totohanang sports development program ang aming mga political leader..

Pero kagaya nang kung papaano may tagong pahina ang bawat kasaysayan, marami pa rin tayong hindi alam kung bakit tila sarado tayo sa interes at impormasyon hinggil sa first ever Olympian from Mindoro bilang kanyang mga kababayan.

Pahabol pa sa akin nung tinedyer: “Kinalimutan kaya ni Loyzaga ang San Jose,- o ang San Jose ang lumimot kay Loyzaga?”. “Valid question!”, ang bigla ko na lamang naibulalas bilang sportswriter sa kolehiyo dati at isang taxpayer ngayon....

Friday, June 13, 2008

Yapak ng mga Banal

Unang yumapak ang mga Kristiyanong misyunero sa baybayin ng Puerto Galera noon taong 1572 na ayon sa mga naunang talaan ng mga Kastila ay ang lugar na unang tinawag na “Mindoro” bago pa man ito maging pangalan ng buong isla.

Ayon sa pananaliksik ni G. Rudy A. Candelario, isang local historian na naka-base sa San Jose sa kanyang sulatin na may pamagat na “The History of Catholic Faith in Occidental Mindoro”, sa isang lumang mapa na masusugsog pa sa taong 1589, ang kinalalagyang lugar ngayon ng nasabing bayan ay may naka-sulat na “Minolo” habang ang isang mapa na dated 1734 ay “Minoro” naman ang naka-lagay. Samakatuwid, ang tunay na “Mindoro” pala ay ang bayan ng Puerto Galera. Ito ang unang mission area ng mga Recollect priests sa panig ngayon ng Oriental Mindoro hanggang sa noong taong 1575 ay umabot sa Baco ang impluwensiya ng mga paring dayuhan.

Taong 1580 naman nang dumating sa Occidental Mindoro,- sa tinawag na Calavite Settlement (Calavite Point ngayon) ang mga misyunero at pagkaraan ng 40 taon, noong 1620 ay tumawid ang misyon sa Lubang.

Pangunahing tauhan sa kasaysayan ng Kristiyanismo sa buong isla ng Mindoro ay isang pari na nagngangalang Diego Luis de Sanvitores na piniling mag-misyon sa bansa noong ika-10 ng Hulyo,1662. Si Padre Sanvitores ay lumibot lulan ng bangka at namuno sa mga sakramento, lalung-lalo na ang pagbibinyag, sa mga bayan ng Sablayan, Sta. Cruz at Mamburao hanggang sa dulong bahagi ng San Jose.

Kasama ng Pilipinong layko na si Pedro Calungsod, si Sanvitores pinatay sa Guam noong ika-1 ng Abril 1672 sa pamamagitan ng sibat at pamamalo sa ulo ng mga mamamayan ng doon dahil sa ginawa niyang pagbibinyag sa isang bata. Na-beatify siya noong October 6, 1986.

Alam natin na maliban kay Sanvitores, may isa pang santo na nag-iwan ng yapak sa Mindoro, si St. Ezekiel Moreno na inordenan bilang pari sa Maynila noong 1897 at ang kanyang unang naging parochial assigment ay sa bayan ng Calapan hanggang sa ang kanyang pagmimisyon ay naka-rating sa Mangarin (San Jose) at maging sa Palawan. Isama pa natin ang kauna-unahang obispo ng Mindoro na si Bp. William Finnemann, SVD na sa bisa ng Protocol No. 2290 ay kinukunsidera para maging santo ng Congregation for the Causes of Saints sa Roma. Si Bishop Finnemann ay idineklara noong ika-7 ng Disyembre 1999 bilang “Servant of God.”

At sa darating na July 1, 2008 ang Apostoliko Bikaryato ng San Jose ay magdiriwang na ng kanyang Silver Jubilee....

Papaano mo sasabihing hindi pinagpala ng Diyos ang mga mamamayan sa islang ito?

Friday, June 6, 2008

Tulay + Kalsada = Kalbaryo




Ang kasaysayan ng pagpapagawa ng mga pangunahing tulay at kalsada sa Occidental Mindoro ay mati-trace natin noong 1973 kung kailan ang buong isla ay isa sa mga naging pilot area sa infra projects sa panahon ni Pangulong Ferdinand E. Marcos. Sa bisa ng Presidential Decree (PD)No.805 ay nilikha ni Marcos ang isang island-wide office na siyang magtitiyak sa malawakang pagpapatupad ng MIRDP o ang Mindoro Intergated Rural Development Program. Sinakop ng programa ang "pagbutas" sa 1,400 kilometrong haba ng kalsada sa lalawigan noon.

Matapos ang walong taong teknikal at legal na paghahanda, dalawang malalaking pagawain sa Occidental at Oriental Mindoro ang sinimulan. Una ay ang pagsasa-ayos ng daan mula San Jose hanggang Mamburao na umaabot sa 170.6 kms ang haba at ang Bulalacao to San Jose road na more or less 37 kms. Ang aking tinutukoy dito ay ang lumang ruta at hindi yung kasalukuyang ginagamit na via Brgy. Nicolas (Magsaysay). Sa unang nabanggit, umaabot sa 200 milyong piso ang inutang ng pamahalaang Marcos sa World Bank (WB) para sa proyekto.

Kung ganito na pala ito kalaon simula nang “butasin”, bakit hanggang ngayon ay tila walang malaking pagbabago sa sitwasyon ng mga kalsada at tulay sa Kanlurang Mindoro? Ito ang sagot ng mga political and social scientists, lalung-lalo na si Volker Schult, sumulat ng aklat na “Mindoro: A Social History of a Philippine Island in the 20th Century” noong 1991: “..at the very onset, the entire project has deficiencies in all aspects: bad management, inadequate planning, corruption and over-bureaucratization.”

Idinagdag pa ni Schult na maliban dito ay maaari rin nating pagbuntuan ng sisi ang masamang panahon (mga bagyo, tag-ulan na nagreresulta ng mga pagbaha) at kahirapan sa pagta-transport ng mga materyales lalung-lalo na ang bakal at semento.

Tunay na mayroon na ring malaking pagbabago sa sitwasyon ng mga kalsada sa lalawigan pero nananatiling hindi ito sapat. Kung ikukumpara natin sa mga kalapit nating lalawigan, atrasado siguro nang hindi lang 30 years ang kalsada dito sa atin. Ang masaklap, maraming mga dyip ang over loaded sa tuwing magbibiyahe lalung-lalo ang mga biyaheng Manoot, Rizal (katulad ng larawan sa dulong itaas). Maraming tulay din ang 'sing tanda na yata nang humukay ng ilog ang edad pero hindi pa rin yari.

Una ay ang Pinamanaan Bridge (larawan sa dulong ibaba) sa San Jose na halos bente anyos na yatang ginagawa ay hindi na natapus-tapos. Kaya nga tinawag din itong "Pinabayaan Bridge" o "Pinagkakitaan Bridge". Isama na rin natin ang Manoot Bridge (larawan sa gitna) sa bayan ng Rizal na dalawang taon nang naka-tiwangwang. Wala pa raw kasing pondo. Kapag panahon ng tag-ulan, lalo na kung panahon ng bagyo, isusumpa mo ang pagbiyahe sa mga lugar na ito. Isa itong kalbaryong totoo.

Balikan natin ang aklat ni Schult. Ganito ang analysis na mababasa natin : "... the project failed to materialize not only because of extreme corruption but of non-involvement and disregard of the common people...."

Sa kongkretong pagha-halimbawa,... wala man lang independent groups sa atin na nag-usisa kung magkano na ang nasayang na pera sa mga tulay ng Pinamanaan at Manoot!

Tuesday, June 3, 2008

Ang Yelo ni Judy Ann Santos at ni Mang Inggo

Kung nanonood ka ng telebisyon ay tiyak na napanood mo na ang infomercial (info ad rin yata ang isa pang tawag doon) ni Judy Ann Santos mula sa First Philippine Holdings, Inc. na sister company ng Manila Electric Company o MERALCO at ng ABS-CBN. Dito ay ikinukumpara ito ni Juday sa isang selopeyn ng yelo na binili mo sa tindahan sa labasan na kahit na buo ang binili mo ay matutunaw iyon pagdating sa inyo at hindi lahat ay iyong magagamit. Ganito rin daw ang system loss na nangyayari sa distribusyon ng kuryente o enerhiya.

Ang reaksyon naman ng GSIS sa infomercial ay ganito more or less: hindi makakatulong ang paggamit ng mga artista sa desperadong attempt nito na mapagtakpan ang mga kakulangan ng MERALCO. Pero huwag nating pag-usapan ngayon ang tungkol sa paggamit sa mga artista sa ganitong propaganda. Huwag 'yan. (Fan ako ni Juday e, he..he..he..)

Ang bigyang diin natin ay ang mga punto ng ad. Una, tila “pamukha” ito ng kumpanya sa mga mamamayan ng Metro-Manila na huwag nang magreklamo sapagkat hindi lamang sila ang sinisingil ng system loss. Pati ang mga taga-Davao o Cebu o anumang lugar sa bansa na may serbisyo ng kuryente ay hindi ligtas dito. At isa pa ay ang pahapyaw na paliwanag na itinatadhana sa batas kung ilang porsyento lamang ng system loss ang puwede nilang ipataw sa mga mamamayan. Sa aking tingin, ang infommercial na iyon ay isang “pamatay-sunog” sa nag-aapoy na usapin sa isyung Lopez vs. Garcia o MERALCO vs. GSIS, kundi man “pagbabangong-puri” sa kanilang kapalpakan. Kapag napanood mo ito at least ay ganito ang kaisipang gusto nilang manatili sa ating isipan: “Okey lang na patuloy tayong magbayad ng malaki at wala silang iba pang dapat gawin para malunasan ang pag-lobo ng ating mga bayarin sa system loss”.

Iyan ang kuwento sa likod ng yelo ni Juday....

Ano nga ba ang system loss? Hindi namin ito sa yelo inihahambing kundi sa isang motorsiklong may tagas ang karburador. Hindi lahat na gasolinang nawawala,- nagagamit man o natatapon,- ay nakatutulong sa inyo sa pagpapatakbo ng makina at upang makarating ka sa iyong pupuntahan. Meron diyang natatapon. At kung mahaba ang ating nilakbay, mas marami ang matatapong gasolina. At kung maikli,.. e di konti lang.. bago ang infomercial ni Judy Ann, ganyan layman’s explanation namin sa “Pintig ng Bayan” sa DZVT hinggil sa system loss.

Sabi ng mga taga-Occidental Mindoro Electric Cooperative o OMECO, mayroong dalawang uri ng system loss: ang technical system loss,- na resulta ng transfer o delivery of power at ang non-technical na resulta naman ng pagnanakaw ng kuryente. Ang system loss charge na binabayaran ng bawat consumer ng OMECO ay nasa PhP 1.0861/kwh. Php0.9717 ang pass on sa NAPOCOR at PhP 0.1144 para sa EVAT sa BIR. Ito ay, katulad ng sinasabi ni Juday,- ayon sa batas at actually sa ruling ng Energy Regulatory Commission o ERC ruling na 14% na systems loss charge na babayaran nating mga consumer.

Ito naman ang kuwento ni Mang Inggo. Siya yung tindero ng yelo noon sa may palengke ng San Jose malapit sa paradahan ng dyip na biyaheng Magsaysay...

Malakas ang yeluhan niya dahil hindi pa uso noon ang ref dito sa amin. Suki ni Mang Inggo ang mga mangingisda, sari-sari store owners at naghahalu-halo sa mga malalayong baryo sa isla hanggang sa bayan ng Calintaan, Rizal at iba pang lugar. Idini-deliber niya ito sa mga paradahan ng sasakyan. Para sa kanyang mga suki, ang yelo ay isinisilid sa lumang sako at nilalagyan ng ipa para hindi kaagad matunaw at matiyak na pakikinabangan nang lubos ng kanyang mga kliyente, malayo man ang maging biyahe nito.

At kapag muli kang bibili sa kanya, puwede ka nang hindi pumunta ng bayan at ipadala na lamang ang iyong sako at ang perang pambili sa drayber o konduktor ng dyip na bumibiyahe sa inyong lugar. Isang impormal na ugnayan ngunit tigib ng pagtitiwala. Dahil sa ganitong pamamaraan ay maraming naging suki si Mang Inggo na lubos na nagagalak sa kanyang serbisyo. Isang serbisyong tiyak, mabilis at tumitingin sa kanilang kapakanan. Walang yelo na gaanong nasasayang o natatapon na hindi nila napapakinabangan. Kailan kaya magiging ganyan ang pananaw ng mga namumuno ng OMECO (o kahit na ng MERALCO) hinggil sa system loss?

Pero ang system loss ay hindi lamang resulta ng kawalan ng direktang solusyon dito ng OMECO. In fairness sa kanila, ang pagnanakaw ng kuryente ay isa sa mga dahilan ng system loss at ito ay may kaakibat na parusa ayon sa RA 7832. Binuo ang OMECO Special Task Force Group upang hulihin ang mga kawatan. Mula Enero 2007 hanggang Marso 2008 ang STG ay naka-huli nang may humigit-kumulang sa 116 na magnanakaw sa buong Oksi.

Wala na ba talagang ibang paraan upang mabawasan man lang ang ating system loss charge? Hanggang kailan tayo magbabayad ng malaki sa mga produktong hindi naman natin pinakinabangan? Ang masaklap, uulitin ko, tila hindi sila intresadong lunasan ito!

Monday, June 2, 2008

Ginawa Nila Ito Noon


Tiyak na kilala ninyo ang mga personalidad dito sa larawang ito. Kuha ito ilang araw bago ang halalan noong isang taon. Nanumpa sila na magiging tapat, malinis at mapayapa sa panahon ng kampanya. Pasensiya na kayo at hindi man nararapat ay napasama ako sa kanila (Ako yung naka green ng polo na naka-talikod!). Hindi ko man nais ay naging facilitator tayo sa kanilang panunumpa sa watawat noon. Sa bayan ng San Jose ito ginanap na ikinasa ng PNP at Comelec provincial offices at PPCRV-Occidental Mindoro na kinatawan ng inyong lingkod.

Huwag na ninyo akong tanungin kung tinupad ba nilang lahat ang kanilang pangako. Ang alam ko lang, malapit na naman ang 2010!