Tuesday, April 29, 2008

Pustahan Tayo

Pustahan tayo. Oo, ikaw nga. Ikaw na kasalukuyang nagbabasa ng post na ito. May kakilala, kaibigan, kababaryo, o kamag-anak kang OFW ano? Tama ako ‘di ba? Ngayon, tingnan mo ang oras ngayon sa bahaging kanang ibaba ng iyong computer at kapag alam mo na kung anong oras na, hulaan mo kung ano ang ginagawa niya sa ibang bansa sa oras na ito.

Tama ka. Maaaring siya ay naglalampaso ng magarang ‘flat’ sa Kowloon, naghuhugas ng plato sa isang restoran sa Boston, o baka naman nanlilimahid sa grasa sa Riyahd.

Teka, matanong nga kita,... ano ba ang impresyon mo sa mga OFW? Mga meteryalistiko ba at mukhang pera (dolyar)? O mga biktima lamang ng labis na kahirapan ng buhay sa bansa? Alinman dito ang iyong palagay, tiyak ko na kung hindi ka nakikisimpatya ay naiinggit ka sa kanila. At kung naniniwala ka na sila ay ultra materyalistiko at mukhang dolyar, nasubukan mo na bang ugatin ang kanilang naging desisyon sa kanilang pang-kabuhayang kalagayan dito sa Pilipinas?

Sa maniwala ka o hindi, karamihan sa ating mga OFW ay hindi rin kampante sa ganoong buhay. Sagad sa hirap at malayo sa minamahal. Ngunit lahat sila ay umaasa na sana ay dumating ang panahon na magwawakas din ang eksodo ng mga migranteng manggagawa at sila ay maka-balik na sa lupang tinubuan. Kailan kaya darating iyon?

Naaalala ko tuloy ang mensahe sa isang poster na nabasa ko sa isang NGO office: “I dream of a society where families are not broken up by an urgent need for survival”. Maniwala ka, ganito rin ang mensaheng kipkip sa dibdib ng lahat nating kababayang OFW. Sa Madrid, sa Canada, sa China, etc.

Pero kahanga-hanga ang kuwento sa atin noon ng isa nating kakilalang medtek. Sa Amerika raw siya pinagta-trabaho ng kanyang Daddy. “Ano ang gagawin mo dito sa Mindoro, magiging taga-eksamin ka lang ng ihi ng Mangyan?” Bulyaw sa kanya ng matanda. “E,..Ano naman ang kaibahan ng ihi ng Amerikano sa ihi ng Mangyan?” tanong ng alibughang anak. Muntik na tuloy atakihin sa puso si Daddy!

At binabati ko kayong mga migranteng manggagawang Pilipino ngayong Mayo a-Uno na bumisita sa blog na ito ng isang makabuluhang Araw ng Paggawa!

Pero pustahan tayo ulit. Sigurado akong wala kang makikitang babaeng Intsik (na taga Hong Kong) na kasambahay o yaya ng sinumang mayamang pamilya sa Dona Consuelo Subdivision. Hindi ka makakasumpong ng kahit isang Koreanong piyon sa ginagawang tulay sa Concepcion, Calintaan ngayon. Wala kang maite-teybol na batam-batang Haponesa sa red light district sa Pag-Asa (o sa “Gitna”). Hindi ka rin makakakita ng Amerikanang nars na nag-aalaga ng pasyenteng magsasaka sa district hospital sa Murtha.

Piso mo tama barko. Hinding-hindi ka mananalo sa ating pustahan!

Friday, April 25, 2008

Hayuma...Hubileyo...Hamon

Naghahayuma ang mga magingisda kapag masama ang panahon, matumal ang huli at iba pang pagkakataong nagbibigay sila ng panahon para sa panibagong paghahanda hindi lamang ng kanilang lambat kundi ng kanilang sarili. Kaya sa bawat punit sa lambat na kanilang hinahayuma ay pagsasariwa ng kanilang karanasan sa laot,.. sa panghuhuli ng isda,- maliit man o malalaki, matumal man o sagana. Ang bawat pagtatapos ng panahon ng paghahayuma ay isang panibagong hamon. Ganyan ko pinagnilayan at inilalarawan ang katatapos na Apostolic Vicariate of San Jose Pastoral Assembly 2008 na dinaluhan ng mga pari, lider-layko at mga madre ng Bikaryato.

Natapos kaninang tanghali ng halos limang araw na asembleya na ginanap sa San Isidro Labrador Formation Center (SILFC) sa bayan ng San Jose. Nagsimula noong Lunes (Abril 21) ang makasaysayang pagtitipon na may temang, “Pagsasalo ng Pamilya sa Hapag ng Pananampalataya”.

Naging tampok dito ang muling pagtatalakay sa mga present concern katulad ng Pamayanang Kristiyano (PAKRIS)/Basic Ecclesial Communities o BEC, programang pastoral at mga usaping kaugnay ng rekurso o resources. Ang nasabing event ay inilunsad sa diwa ng ika-25 Taon o Silver Jubilee ng ating paglalakbay bilang isang lokal na Simbahan. Naging participants dito ang more or less 120 delegates mula sa labing pitong parokya, labing isang bayan at apat na Vicariate’s Forane (VF) sa Occidental Mindoro.

Kagaya nang aking binabanggit sa itaas, nalalapit na kami sa Hubileyo ng pagkakatatag ng aming Simbahan simula nang ito ay maihiwalay mula sa Bikaryato Apostoliko ng Calapan noong ika- 2 ng Hulyo, twenty five years ago.

Sa homiliya ng aming Vicar General na si Msgr. Ruben S. Villanueva (AKA “Fr. Jun”) sa Misang Pasasalamat kanina, sinabi niya na ang aming misyon ay hindi upang i-proclaim ang aming mga sarili kundi si Hesus. As usual, may diin at alingawngaw ang kanyang tinig: “..Huhulihin natin at lalambatin ang mga bagay na hindi natin nahuhuli at nalambat sa nagdaang dalawampu’t-limang taon!!...” at sa aking kinauupuan ay napabulong ako't napalunok, “.... so help us God.”

Wednesday, April 23, 2008

Vic, Dondon at Aida

Hindi pa rin nakakauwi dito sa Mindoro ang aking mga kaibigan at kasamang manggagawa sa Bikaryato Apostoliko ng San Jose na sina Vic Barrios at Norberto “Dondon” Eugenio, Jr. Sina Vic at Dondon ay mga program host ng dalawang kilalang entertainment (musical) program ng DZVT na may malawak na following sa buong MIMAROPA. Si Vic ang may hawak ng top rated “Dial 1369” at si Dondon naman ang ang anchor ng “Text and Request”, mga panghapong programa sa istasyon ng radyo na pinapangasiwaan ng Social Communication Apostolate ng Simbahang lokal.

Silang dalawa ay kabilang sa may tatlumpu’t-walong mga pasahero ng M/V Aida-I ng San Nicolas Shipping Lines na lumubog sa karagatang nasasakupan ng South China Sea noong araw Lunes (Abril 21, 2008) bandang alas-dose ng tanghali. Halos tumagal sila ng apat na oras na palutang-lutang sa karagatan hanggang sa mailigtas sila ng isang Australian cargo vessel na M/V Lowland na napadaan sa maalong karagatan. Ang Aida -I ay isang malaking pump boat na umano ay kargado ng kalakal at pasahero kaya ito lumubog. Ang mag-buddy ay galing sa coverage ng “Awitan sa Pamayanan” sa Brgy. Edupoy, Algeciras, Palawan na tinangkilik naman nang mga taga-roon at naging isang successful event prior to the incident. Pauwi na sila noon dito sa San Jose nang ito ay lumubog, wala pa silang limang oras na naglalayag paalis sa pantalan ng Edupoy.

Casualty sa sea tragedy ang isang Blandina Dangkal Dundun ng Manamoc, Concepcion, Palawan. Tatlo katao pa ang kasalukuyang nawawala habang 34 katao naman ang nailigtas na nagtamo lamang ng mga sugat, pasa at gasgas sa katawan. Kanina ay nagpasya silang sumakay muli sa isang pampasaherong pump boat at inaasahang darating bukas (sana naman ay wala nang aberya silang maranasan!).

Inulan ng iba’t-ibang mga mensahe mula sa kanilang mga tagahanga (listener) ang text line ng DZVT mula pa noong Lunes hanggang kahapon na nagpapahayag ng mga mensahe at panalangin para sa dalawang nilalang na bahagi na ng kanilang pang-araw-araw na buhay.

Sa kabila ng karanasang ito, alam ko na sina Vic at Dondon ay hindi titigil sa pagsusumikap na marating at makapiling ang kanilang mga tagahanga at tagapakinig sa mga “tawid-dagat” na lugar na naaabot ng DZVT. Mas naipakita nila ang kanilang dedikasyon sa paglilingkod sa inyo hindi lamang sa pagbibigay ng inspirasyon sa pamamagitan ng pagbati at biruan, sa pagpapatugtog ng mga paborito ninyong awitin, mga request at dedication at iba pa sa himpapawid. Ipinakita nila ito through testing the waters, wika nga,.. sa pagsuong sa malakas na amihan (sakay ng bulok na pampasaherong bangka!). Mas lalo silang hahangaan ngayon ng kanilang mga tagapakinig at kaiinggitan ng katulad nilang mga entertainment DJs and hosts sa lalawigan na 'di pa naranasang maka-hulagpos sa kanilang comfort zones. Kagaya ng isang seasoned warrior na mas hinahangaan sa actual combat,…. kung papaano niya nagapi ang kanilang mga kalaban,….kaysa sa panahong tinatanggap niya ang kanyang medalya at tropeo at iba pang cosmetic na parangal.

Tayong mga social communicators ay hindi dapat nadadala. Dahil kapag tayo ay nadala, nakakahiya sa Diyos na humirang sa atin sa gawain (trabaho) at bokasyong ito. Baka isipin Niya na hindi tayo nagtitiwala sa kanya. Pagtitiwalang may pagsunod sa Kanyang kalooban.

Friday, April 18, 2008

Dadalaw sa Amin si GMA

Opisyal na tiniyak kanina ni Governor Josephine Ramirez-Sato sa programang “Pintig ng Bayan” sa DZVT na bibisita sa Kanlurang Mindoro si Pangulong Gloria Macapagal- Arroyo sa Miyerkules (April 23) pero malabo pa kung saang barangay sakop ng San Jose isasagawa ang pakikipag-pulong sa ating mga ka-lalawigan. Layunin umano ng pagdalaw na alamin ang sitwasyon ng produksyon ng palay sa probinsya kaalinsabay nang paglalaan at pagbibigay ng ayudang pang-agrikultura sa tinaguriang food basket ng MIMAROPA, alinsunod sa FIELDS Initiative ng Department of Agriculture o DA.

FIELDS stands for Fertilizer, Irrigation, Education and trainings for farmers and fisherfolks, Loans and Dryers and other post-harvest facilities, and Seeds of the high-yielding, hybrid varieties. Isa itong P43.7 billion package na tinawag nilang intervention measures para umano iangat ang farm productivity to achieve food security and self-sufficiency sa buong bansa.

Pero tanong ng isang listener namin kanina, “Hindi kaya matalakay sa GMA visit ang isyu ng pagmimina?”. May katwiran ang aming texter. Ano nga naman ang silbi ng pagpapa-unlad ng agrikultura kung pinahihintulutan naman ang Mindoro Nickel Project (MNP) na isinusulong ng Intex Resources na aktibo ngayong kumikilos sa lalawigan?

Ang MNP ay inaasahang magbubungkal sa may 9,730 ektaryang bulu-bundukin at patag na lupaing sakop ng Brgy. Pag-Asa sa Sablayan at Brgy. Villa Cerveza sa Victoria, Oriental Mindoro. Bahagi lamang ito ng kabuuang 442,664 ektaryang saklaw ng lahat ng aplikasyon. Ang buong Occidental Mindoro ay may sukat na 587,000 ektarya lamang! Sa bahagi pa lamang ng eksplorasyon ay ilang libong puno na kaya ang kanilang maitutumba? Ano ang magiging epekto nito sa tatlong pangunahing watershed ng Isla ng Mindoro, ang Ibulo, Aglubang at Buraboy? Papaano sasabihing walang epekto sa kabuhayan ng mga mangingisda kung ang mine tailings ay sa dagat nila itatapon? Papaano sasabihing hindi ito makakaapekto sa ating pagsasaka kung ang tubig na gagamitin sa paghuhugas ng lasong kemikal ay aabot sa 1.15 million liters kada oras? May problema na nga tayo sa irigasyon, madadagdagan pa ang ating kakumpitensya sa paggamit ng tubig para sa ating mga sakahan. Remember, ilang aspetong pang-agrikultura pa lang ang ating tiningnan. Sampol pa lang ‘yan. Marami pang moral at legal na dahilan kung bakit natin ito tinututulan.

Sulyapan natin ang ilang epekto nito sa mga Mangyan bilang mga magsasaka at sa Indigenous Peoples’ Rights Act o IPRA. Ang 9,700 hectare-mining area ay nasa loob ng ancestral domain claim ng mga tribong Alangan at Tadyawan. Kapag pinakialaman ito ng mga minero, maitataboy muli ang mga Mangyan mula sa kanilang economic base.

Magiging walang saysay ang FIELDS Initiative ng DA kung ang mga opisyal ng Mines and Geosciences Bureau (MGB)-Region IV ng DENR ay daig pa ang mga spokesperson ng mining company kapag nagpapaliwanag tungkol sa MNP. Asahan mo pa,.. e, binigyan nila ito ng ng exploration permit noong March 14, 1997 (Mindex Resources Development, Inc. pa noon ang ngayon ay Intex Resources) kaya siguro nila ito idinidepensa. Anumang tulong sa mga magsasaka at sa industriya ng agrikultura ay magiging ampaw sa matatalim na pangil ng kumpanyang minero. Matatapon lang ang anumang farm productivity measure na tulad nito at kasamang aanurin ng mine tailings kapag nagkataon.

Maisip sana ito ng ating pangulo at ng ating gobernador sa pagbisita sa atin ni PGMA sa April 23. Earth Day commemoration nga pala sa Martes.

Thursday, April 10, 2008

Asin-dero

Sabi ni Phytagoras na isang Greek thinker na ipinanganak around 570 BC,- “Salt is born of the purest of parents: the sun and the sea...” at gusto kong idagdag ngayong 2008 AD, “..nourished by calloused hands of a salt farm worker.”

Malapit sa akin ang usapin ng pag-aasin sapagkat labor union leader noon ang aking tatay sa Salt Industry of the Philippines, Inc. Isa ito sa pinakamalaking pabrika ng iodized salt sa bansa na pag-aari ng Tabacalera Philippines na matatagpuan sa Brgy. Bubog dito sa San Jose. Ang “Salt” ay itinatag noong April 27, 1955 at nagsara hanggang sa maisalin sa Aquafil noong 1980s na nang lumaon ay ipinailalim sa CARP after EDSA 1 ang malawak na lupaing sakop nito.

Bagama’t wala nang ganoon kalaking pabrika ng asin dito, tatlong bayan sa Occidental Mindoro ang kilala sa nasabing industriya. Ang mga bayan ng San Jose at Magsaysay sa mainland at ang Looc sa Isla ng Lubang. Hindi ba’t sabi ng mga halal na opisyal namin ay 40% ng table salt sa bansa ay galing dito?

Taong 1970 nang magsimula ang industriya ng asin sa Looc. Ang produksyon nito ay naunang isinuplay sa mga bayang sakop ng mainland Mindoro nung wala pang mga asinan sa San Jose at Magsaysay. Malakas ang produksyon sa buwan ng Enero hanggang Mayo ng bawat taon. Sa kasalukuyan, mas malalaki nang ‘di hamak ang mga asinan sa San Jose at Magsaysay kumpara sa Looc. Tinatayang 64,800 bags ng asin sa 45 kg./bag ang inaani kada taon sa nasabing bayan mula sa humigi’t-kumulang na 66 na ektaryang asinan dito.

Sa Magsaysay naman, sa panahon ng tag-araw, simula Enero hanggang Mayo (lalo na kapag ganito katindi ang sikat ng araw) hindi bababa sa 753,600 bags ang nalilikha mula sa tinatayang 333 ektaryang asinan. Ang bentahan ng asin ay mula P 1.00 hanggang P 2.50 kada sako na siyang farm price nito.

Mas malawak naman ang asinan sa San Jose na may kabuuang sukat na 435 na ektarya na tinataya namang umaani ng humigi’t-kumulang sa 730,000 bags sa nasabing mga buwan. Sa San Jose ay mayroong 13,469 salt beds na karamihang may sukat na 18’x 20’.

Sinasabi na ang mga bigating Chinese buyer sa atin ay kinabibilangan nina Joseph Yao, Piao Hiao at Richard Lim. Sila ang nagdidikta ng presyo na inaabot lamang ng P 30.00 kada sako (kung minsan ay mas mababa pa!) kapag panahon ng “tagkiriwi” (lean months) mula Agosto hanggang Setyembre kada taon. May ilang negosyante rin na nagdadala ng produkto sa isla ng Panay at sa mga lalawigan sa Luzon.

May tatlong major players sa industriya ng asin: ang mga kapitalista o buyer, ang may-ari ng asinan at ang mga mag-aasin. Nagpapautang ang mga kapitalista ng pera sa mga may-ari ng asinan na ginagamit sa pre and post operation (pagpapalinis ng banigan, pag-aayos ng kanal, pagpapatubig, at iba pa) nito. Nakikinabang dito nang higit ang buyer o kapitalista dahil hindi na tataas pa ang presyo ng produkto habang hindi bayad sa kanyang utang ang may-ari ng asinan. Ang mga tinawag nating “Asin-dero”,.. ang mag-aasin na siyang kumakayod, naghahakot at nagmi-maintain ng banigan ang dehado dahil sa hindi makatarungang partihan (70/30) pabor sa may-ari ng asinan!

Sa kabila nang pagmamalaki natin sa dami ng produksyon ng table salt sa bansa, nananatiling pobre ang ating maliliit na “Asin-dero”. At sa pagitan ng “the sun and the sea” na sinasabi ni Phytagoras, naroroon sila at ang kanilang pamilya na nagtitiis sa hirap!

Tuesday, April 8, 2008

Labas-Magbay

Wala pa ring malinaw na balita hinggil sa insidente ng pag-puga ng tatlong inmates sa Magbay Provincial Jail sa San Jose, Occidental Mindoro noong ika-1 ng Abril, 2008 na nakilalang sina Junjun Talamisan na may kasong murder, kasama ang sina Jeffrey Servano at Edmund Estuesta. Oo,.. April Fools Day noon nang sila ay “maloko” ng mga bilanggo. Hay,..buhay!

Si Talamisan ay napatay ng mga tauhan ng BJMP at local police matapos umanong mang-hostage ng isang bata nang siya ay abutan ng mga awtoridad sa Brgy. Bayotbot sa nasabi ring munisipalidad. Ayon sa report ng pulisya, tinutukan ng kutsilyo ni Talamisan ang hostage nang siya ay barilin ng isang pulis pero nag-jam ang baril nito hanggang sa mag-agawan sila sa patalim at habang sila ay nag-papambuno, nasaksak ng pulis sa dibdib ang nasukol na pugante na siyang ikinamatay nito.

Kung paniniwalaan ang news report na lumabas sa Pilipino Star Ngayon noong Abril 3, taong kasalukuyan, ang mga bilanggo ay umakyat umano sa perimeter fence kaya naka-takas bandang alas dos y medya ng hapon that day.

Si Servano ay itinuring na Public Enemy No. 1 sa kalapit na Bayan ng Magsaysay na ang notoriety ay bukambibig hanggang sa karatig na Barangay ng Mapaya. Maliban sa ilang reklamo ng pagnanakaw, may kaso pa ito ng rape bagama’t hindi humantong sa korte. Pangalawang ulit na niya itong pagtakas mula sa kamay ng batas. Mga pulis ng Magsaysay ang sumakote kay Servano kaya ito muling naibalik sa kulungan hanggang sa ito ay tumakas sa Magbay Jail noong nakaraang Huwebes. As of this posting, on going pa rin ang ginagawang investigation at manhunt operation ng San Jose Police Station ukol sa pagtakas.

Sana sa huli ay maging malinaw sa madla kung sila ay tumakas mula sa jail o mula sa ibang lugar. Bakit ‘kanyo? Simula kasi nang ang kulungang ito ay ilipat mula sa Bonifacio St. sa Brgy. Poblacion III ng San Jose patungong Brgy. Magbay noong late 70s, hindi lamang may mahaba itong listahan ng mga insidente ng pagtakas, may ulat din na may mga pagkakataong nagpapalabas ng mga inmate dito para sa ilang pagawaing (pagtatanim ng palay, paggagapas, pagtatayo ng antenna,.. at iba pa) pang-gobyerno at pribado nang walang Court Order.

Sino ang makakalimot sa kaso ni Elizabeth Albacino na naganap noong ika-14 ng Agosto, 2003, maglilimang taon na ngayon ang nakalilipas? Si Elizabeth na noon ay disi-sais anyos na high school student ay ginahasa at pinatay sa Sitio Upper B1, Brgy. Central, San Jose. Pinatay siya sa pamamagitan ng pagpalo ng malaking tipak ng bato sa ulo. Ang itinuturong salarin dito ay grupo ng mga pinalalabas na bilanggo sa nasabing jail upang mag-trabaho sa pribadong palayan o bukid.

Hanggang ngayon, katulad ng pagtakas ng mga bilanggo noong isang linggo, wala pa ring linaw ang kaso ng kaawa-awang si Elizabeth. Yung mga tao at grupong dati’y mainit sa pagsuporta sa kaso (ni Elizabeth) ay naging ningas cogon lang,.. na huwag naman sanang kahantungan ng imbestigasyon sa pagkakatakas ng mga bilanggo noong nakaraang Martes.

Dagdag na detalye,- in case hindi ninyo alam, katulad ng ibang panlalawigang bilangguan sa bansa, ang Magbay Provincial Jail ay under ng Provincial Governor.

For the record , sa kaso ni Albacino, ang governor noon ay si JTV habang ngayon sa pagtakas nina Servano, et al, ay si Gov. Nene Sato.

Friday, April 4, 2008

STL v. OVC

Natatandaan ko pa kung kailan ko siya unang nakita nang personal at nakausap. Ito ay noong ika-27 ng Mayo 2006 nang maglunsad kami ng isang symposium kaugnay sa Small Town Lottery o STL. Tampok na naging panauhing tagapagsalita dito ang Church leader na tawagin muna nating “OVC”.

Umabot sa 210 participants na kinabibilangan ng religious at civic leaders ng Kanlurang Mindoro ang dumalo dito. Ito ay ginanap sa San Isidro Labrador Formation Center o SILFC sa Labangan Poblacion sa bayan ng San Jose. Symposium na naging hudyat para sa Simbahan na suriin, pagnilayan, manindigan at kumilos kontra STL.

Natatandaan ko rin na bago ito ay lumagda sa isang Nagkakaisang Pahayag hinggil sa STL sina Obispo Antonio P. Palang, SVD, DD at Punong Panlalawigan Josephine Y. Ramirez-Sato noong ika-19 ng Mayo, 2006. Ito ay binasa sa mga pulpito nang sumunod na pang-Linggong Misa sa lahat ng Parokya matapos itong mapagtibay noon. Sa buod ng pahayag, kapwa tinawagan ng pansin ng Obispo at ng Gobernador ang Sangguniang Panlalawigan (SP) na bawiin nito ang naunang pinagtibay na Resolution No. 163; S. 2005 ukol sa pagpasok ng STL sa probinsya. Pero halos hindi ko na marinig ngayon na nagsasalita si Governor Nene hinggil sa STL.

Noon pa man ay parang nahulaan ko na ang mangyayari sapul nang unang isalang sa hapag ng junta provincial ang nasabing usapin. Simula nang pag-usapan ang ilang mga teknikalidad hinggil dito. Halimbawa ay kung may awtoridad ba ang SP na mag-suspindi ng operasyon. Tanong nga ng isa sa kanila noon: “Kung saka-sakaling manindigan tayo na ipatigil ang operasyon, kanino at saan ito ipapatungkol o ihahain? Sa Punong Lalawigan ba, sa ating Kinatawan sa Kongreso, sa PCSO, sa PNP, sa Royal Viva o kay GMA?” Para sa akin kasi, sa mga lehislasyon kadalasan,- ang ultra-teknikal na pagbusisi ay maituturing na ring tahasang pagpanig kaya ito'y isang tandisang pag-babalatkayo!

Sa sesyon ng SP noong Hunyo 19, 2006, nagsumite ang Royal Viva Research Corporation,- ang korporasyong pinahintulutan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na siyang awtorisadong magpatakbo ng STL sa lalawigan, ng isang liham pahayag para sa rekonsiderasyon sa panukalang suspensyon ng operasyon ng STL.

Ayon pa sa Royal Viva, may signipikanteng ambag ang STL sa kita ng mga LGU maliban sa lumikha ito ng trabaho sa ating mga kalalawigan. Sa nasabi ring liham na naka-address kay Bise Gobernador Mario Gene Mendiola at sa buong SP, ipinagunita ng korporasyon na ang inisyatiba ng pagpasok nila sa Kanlurang Mindoro ay mula rin sa partikular na august body sa bisa ng isang resolusyon ng SP noong taong iyon. Ito umano ang nagtulak kay PCSO Chairman Sergio Osmena Valencia na buksan sa lalawigan ang operasyon. Ipinagdiinan pa sa liham na ang STL ay legal sa bisa ng RA 1169 at PD No. 1157 at PCSO Board Resolution No. 118, S. 1987.

Iniulat din na ang korporasyon ay nakapag-remit na ng hindi kukulangin sa total na P 1,558,647.12 sa mga tukoy na munisipyo at Pamahalaang Lalawigan sa unang dalawang buwan (Abril at Mayo 2006) pa lang ng operasyon nito. Sinong pulitiko nga naman ang makakatanggi dito? Hindi lang ‘yan, ang pinag-kagastusan sa mga ito ay hindi malinaw kung dokumentado o inu-audit. Kabilang kung magkano talaga ang napupunta sa kabang yaman (e,.. yung sa bulsa?) ng mga LGU at kung papaano ito ginagasta.

Isa pa, kung talagang test run for one year lang ang STL, bakit yata kumbaga sa immigrant ay mukhang overstaying na ito (bagama’t legal at hindi nagti-TNT!). Noong Abril 2007 pa sana natapos ang operasyon nito. Pero balita ko, mismong PCSO ang muling nag-isyu ng kasalukuyang permit nito.

Nakikinabang ba dito ang mga mahihirap na mamamayan sa anyo ng serbisyong panlipunan? O baka naman ang isyu ng kawalan ng political will ng incumbent officials ay ginagamit lamang ng kanilang political rivals for political propaganda against their enemies? Sa ganito, pakitang-tao lang ang katulad na action and pronouncements KUNG HINDI ito tulak ng “pagpapalit-puso”, personal discernment and renewal o kanyang moral conviction.

Tunay nga ba na ang STL ay kawanggawa o gatasang baka lang ng mga sugarol ding opisyal? (o pareho?). Mga tanong na hindi pa rin nasasagot hanggang ngayon. Kahit iba na ang komposisyon o kaya ay may bagong mandato na naman ang ating mga lider pulitiko. Maliban pa sa katotohanang ang sugal ay isang bisyo at ang bisyo ay hindi maaaring ikarangal ninuman. Ang moralidad ay mas pangunahin kaysa sa pulitika. Ang pagiging morally upright ay ang first and foremost na dapat na taglay ng isang tao,.. lalung-lalo na ng isang lider ng lalawigan.

Tanong pa : Sa bagong permit ba ng STL mula sa PCSO ay malinaw na nakalagay kung ilang bola ang maari nilang gawin sa loob ng isang araw? Kung isa isang araw lang ang pinahihintulutan, malinaw na ang ikalawang bola ay illegal!

Hanggang ngayon, kung gaano ang pananabik ko nung bago ilunsad ang STL symposium na makita si “OVC”, ay sabik na rin akong makitang kumikilos ang pamahalaang lokal na mawala ang STL dito. Gayundin ang political figures na wala ngayon sa spotlight. Pero parang mabibigo ‘ata ako. O bibiguin yata nila ako. Pero sabi nga noong ka-klase ko sa hayskul na parating nababasted ng kanyang bawat babaeng niligawan, “... ang pagka-dala ng mga bigo ay mas nakamamatay kaysa sa kanilang kabiguan.” Tuloy ang laban ng mga broken hearted na tulad namin!

Naku,... muntik ko nang makalimutan, si “OVC” nga pala ay si Archbishop Oscar V. Cruz, DD, ng Archdiocese of Lingayen-Dagupan na isang kilalang anti-gambling advocate, kritiko ng pamahalaang GMA, eksperto sa Canon Law at dating CBCP President. Pero human as he is,.. mayroon din siyang ilang mga actions and pronouncements (lalung-lalo na yaong tungkol sa GMA administration) na hindi katanggap-tanggap sa ilan o karamihan sa atin.

Dagdag pa, si OVC nga rin pala, sa pamamagitan ng kanyang itinatag na samahang tinawag na Krusadang Bayan Laban sa Jueteng, ay ginawaran ng mataas na “Parangal Para sa Manananggal” si JTV during his term as governor,- kasama ang ilang alkalde na kaalyado ng dating gobernador, dahil sa pag-papatigil sa jueteng sa Occidental Mindoro ilang taon na ang nakalilipas.

Friday, March 28, 2008

Hindi Mapalagay

Ipalagay natin na may ganitong kuwento dito sa Occidental Mindoro kahit wala (?):

“Mayroon isang pulitiko na nuno ng yaman. Ang kanyang negosyo ay kaliwa’t kanan. May legal na at umano ay may illegal pa. Walang sinumang may tapang na ibuko siya bilang drug at gambling lord pero ito ang totoo. Katotohanang malabong lumitaw kung legal na pagpapatunay lamang ang aasahan mo. Kanya ang batas sa bayang iyon. Sangkot din siya sa katiwalian at korupsiyon bagama’t ibinasura lahat ang mga kasong inihain laban sa kanya. Tuwing halalan ay garapalan siyang gumagawa ng pandaraya,.. pamimili ng boto, pananakot, at iba pa,- sa tulong ng kanyang mga alipores, kaya wala siyang katalu-talo. Gaano man siya magpakitang-tao, alam ng lahat na siya ay isang public sinner at siyempre pa,.. hindi niya ito inaamin!”

Pero noong Linggo ay nagkaroon ng isang Thanksgiving Mass sa Simbahan na inisponsor ng ating palamarang pulitiko at siyempre, tumatanggap siya ng Banal na Komunyon.

Ipalagay natin na ito ang ating challenge (ala reality TV) :

Kunwari ay ikaw ang Minister of Holy Communion (paring nagpapa-komunyon), sa sitwasyong ito, alin dito ang iyong magiging katwiran?:

Una: “BIBIGYAN KO SIYA ng komunyon. Tungkulin ko ito pero hindi ang busisiin pa ang kanyang ginagawa bilang public servant. Bahala na siya sa Diyos at problema na niya kung siya ay patuloy na magkakasala o kung siya ay wala sa State of Sanctifying Grace sa pagtanggap niya nito. Hindi ba dapat lang na lalo siyang tumanggap ng komunyon kasi ito ay paraan ng pakikiisa niya sa Panginoon? Para sa lahat naman talaga ang komunyon, ‘di ba?,..banal man o makasalanan. Bakit ako makikialam sa kanyang buhay-pulitikal,.. e di para na rin akong pulitiko o kakampi ng kanyang mga kalaban sa pulitika? Lampas na ito sa katungkulan ko bilang pastor. Sino naman ako para husgahan ang isang tao.”

Ikalawa: “HINDI KO SIYA BIBIGYAN. Responsibilidad ko bilang Minister of Holy Communion na magpasya kung sino-sino ang aking mga paku-komunyunin at tiyakin ang pagiging karapat-dapat (worthiness) ng tatanggap (recepient) ng Pinaka-dakila at Sagradong Katawan at Dugo ni Kristo. Kapag nagbigay kasi ako ng komunyon sa taong hindi karapat-dapat sa aking paghusga, lalong maglulubog ito sa mga sitwasyong kontra kabanalan, hindi lamang sa kanya na tumanggap nito kundi maging sa Banal na Eukaristiya at sa mismong Katawan at Dugo ni Kristo. Bakit ko ibibigay sa aso ang isang bagay na banal? (Mt. 7:6)”

Sa sitwasyong ito, uulitin ko,.. alin sa dalawa ang iyong magiging katwiran? Ako? Hindi ko alam. Pang pari at pang obispo (o moral theologian) na ‘yan. HINDI NA NAMIN ALAM ANG SAGOT D’YAN!

Pero ganito ang mga tanong ng ordinary citizens and taxpayers na tulad ko:

· Alin sa dalawang ito ang nag-e-educate? Ang nagtuturo kung ano ang tunay at dapat na maging gawi ng mga pulitiko? Ng pagiging banal ng pulitika?
· Alin dito ang katwirang magagamit ng ating masamang pulitiko upang iwasan at 'di paglimian ang kanyang mga kasalanan?
· Hindi kaya isipin ng tao (lalung-lalo ng kanyang mga biktima) na binabasbasan (kinakatigan) pa ng Simbahan ang kabalbalan (kasalanan) ng pulitikong ito?
· Alin sa dalawang ito ang kahit papaano’y magtitiyak na hindi na siya mas lalo pang makapamiminsala sa mas nakararami? Sa mga mas malalaking iskandalo at anomalya?

Sa mga katanungang ito rin kami HINDI MAPALAGAY bilang layko!

Tuesday, March 25, 2008

Pareho Lang Sila

PAREHO na tiniyak kamakailan nang mortal na magkaaway at prominenteng political figure sa lalawigan ng Kanlurang Mindoro,- na sina Jose T. Villarosa (JTV) at Ricardo “Ding “ Quintos, na handa silang magpatawad sa mga taong nagkasala sa kanila bagama’t hindi nila tinukoy ang (o kung ito ay..) pagpapatawad sa isa’t-isa. PAREHO na sa mga labi nila noong Semana Santa namutawi,- sa pamamagitan ng national at local media,… ang kataga ng PAGPAPATAWAD.

PAREHO ngunit masaklap isipin, bagama’t legal na karapatan naman ito ng bawat isa sa kanila, pag-iisipan daw ni Quintos kung ihahabla niya ang ilang mahistrado ng Court of Appeals (CA) hinggil sa pagbaliktad ng appellate court sa kasong murder kontra kay JTV at ilan pang sentensyado sa pagpatay sa kanyang mga anak na sina Michael at Paul. Gayundin ang posibilidad ng pag-dedemanda ni JTV kay Judge Teresa Yadao ng QCRTC sa lisyang hatol nito (ayon sa CA) sanhi ng pagkakapiit ng dalawang ulit ni JTV. Hindi natin alam kung mauuwi o hindi ang legal na usaping ito sa PAGPAPATAWAD. In the first place, hindi naman yata tayo intresado dito. Masakit isiping mas intresado yata tayo hindi sa pagkakasundo ng dalawang panig kundi sa kanilang patuloy na “gantihan”!

PAREHO na alam tiyak ng magagaling na lalakeng ito kung ano ang tunay na kahulugan ng PAGPAPATAWAD. Na ito ay tinatawag na final form of love. Ang taong hindi raw nagpapatawad ay isang buhong na winawasak ang tulay na tangi niyang daraanan patungo sa Diyos. Pero papaano mo nga naman patatawarin ang isang taong ayaw umamin sa kasalanan? O ‘yung taong humingi nga ng “sorry” ay ayaw naming sabihin kung “I’m sorry” for what? Siguro ay sasabihin ninyo sa akin: “Ikaw kaya ang lumagay sa sitwasyon ko? Tingnan ko lang!”.

PAREHO na ang PAGPAPATAWAD ay hamon (challenge) at handog (gift). Maliban sa katotohanang ito ay isang tinatawag na gospel imperative (cf Mt. 6:14-15; Lk. 6:36-37; Mt. 5:23) na dapat nating sundin at tupdin. Hindi madali ang magpatawad kung kaya ito ay isang hamon. At para ito ay magawa, kailangan natin dito ang panahon (time) at tulong (help) mula sa ibang tao. Sa isang banda, ito ay isang handog sapagkat mahalagang bagay ito na ating ibabahagi sa iba. Sabi nga ni Reinhold Niebur, “Forgiveness is the end point of human life”. Walang katuturan ang buhay kung wala nito. Ito ang mga puntos na dapat yakapin ng bawat biktima ng inhustisya, ng pagmamalabis ng ibang tao, o ng persekusyon, halimbawa.

PAREHO na kung kaya nating patawarin ang ibang tao, patawarin din natin ang ating sarili. Handog at hamon din natin ito sa ating pagkatao. Ang PAGPAPATAWAD ay tunay na natatanging bagay na hiningi natin sa Diyos para sa kapwa. Sana ay maging totoo sa pagpapatawad na ito hindi lamang sina JTV at Quintos ngunit pati na rin ang kani-kanilang mga alipores. Sa mga tagasunod sa kapwa nila tagasunod (bulag man o mulat, bayaran man o gratis!)

PAREHO mo ako sa pananaw na ayaw nating maging kapareho lamang tayo ng ating kaaway. Sa PAGPAPATAWAD lamang tayo nagiging mas marangal kaysa sa ating kaaway, kagalit at katunggali. Kung hindi tayo magpapatawad, magiging mas masahol pa tayo sa taong ating kinamumuhian. Wala na tayong pinagkaiba sa taong masama. Kaya masasabi natin na ganito: “Dapat ay ANGAT tayo sa ating kaaway!” Dapat ay hindi natin sila kapareho.

PAREHO ang naging pagbigkas nina JTV at Quintos na kapwa sila naging biktima ng inhustisya. Si JTV, halos dalawang taon na nakulong sa kasalanang hindi niya ginawa at wala umano siyang direktang kinalaman. Si Quintos naman ay namatayan ng dalawang anak sa pamamaraang madugo at marahas. Parehong masakit na kapalaran ng dalawang magagaling na lalakeng hindi maipagkakailang kapwa naghangad at nagkaroon kapangyarihang pulitikal sa lalawigan.

PAREHO lang sila!

---------
(Putok na ang balita na si JTV ay uuwi sa araw ng Biyernes (Marso 28, 2008) at balita ko magkakaroon ng Misang Pasasalamat sa Katedral ni San Jose. Inaasahang ito ay dadaluhan ng kanyang mga taga-suporta at kaibigan. Magkakaroon din daw ng full media coverage.)

Wednesday, March 19, 2008

Kontrobersyal!

Kahapon ay Martes Santo, at sa diwa ng Semana Santa ay balikan natin ang pangyayari sa buhay ni Hesus sa huling Martes na ito ng Kanyang buhay. Ito ay tinatawag ng mga teologo na “Day of Controversy” sapagkat dito sinukat ng kanyang mga kaaway ang kanyang pagiging Anak ng Diyos. Dito siya inulan ng mga tanong katulad ng ukol sa authority, kung marapat magbabayad ng buwis (sa Cesar) at kung ano ang pinakamahalagang kautusan,.. at iba pang kontrobersya.

Speaking of controversy, mukhang kontrobersyal din ang ginawang pag-baliktad kahapon ng 5th Division ng Court of Appeals o CA sa naunang hatol ni Judge Teresa Yadao ng Quezon City Regional Trial Court sa dating Gobernador at Congressman, na nanalo ring Kapitan sa Brgy. Bubog, San Jose, Occidental Mindoro na si Jose Tapales-Villarosa na lalong kilala sa tawag na JTV. Si JTV ay asawa ni Deputy Speaker Ma. Amelita “Girlie” Villarosa.

Ayon sa CA, hindi sapat ang ebidensiya upang idiin at hatulan si JTV sa kasong pagpatay sa magkapatid na Michael at Paul Quintos noong 1997. Maliban kay Villarosa, pinawalang-sala rin ang tatlong iba pang naunang nahatulan na sina Gelito Bautista, Mario Tobias at Ruben Balaguer. Habang sinusugan naman ng CA ang guilty verdict sa tatlong pang co-accused ng dating gobernador.

Sa aming panayam sa “Pintig ng Bayan” sa radio DZVT kanina kay G. Ricardo Quintos, ama nina Paul at Michael, hindi umano siya naniniwala na tunay ngang pinaboran ng CA si Villarosa hanggat hindi siya nakakabasa ng resolusyon ng nabanggit na hukuman. Pero ang utos ng pagpapalaya ay pumutok kaagad at nakumpirma kanina ring umaga sa mga pambansang news agency. Kinapanayam si JTV sa Makati Medical Center kung saan siya ay naka-confine dahil sa umano ay kanser sa baga.

Abangan na lang natin ang susunod pang mga inaasahang magiging kontrobersyal ring reaksyon dito ng mga Mindorenyo. Tatapusin lang marahil nila ang Mahal na Araw.

Tuesday, March 18, 2008

Sa Mata ng Maya

Kung susulyapan mula sa mata ng Ibong Maya sa himpapawid ang ekonomiya ng Kanlurang Mindoro ay ganito ang itsura:

Tinatayang aabot sa 80% ng ating populasyon ang umaasa sa pagsasaka at kasunod ng Nueva Ecija, pangalawa ito sa rice producing provinces sa Luzon. Ang dami ng ani tuwing cropping season ang siyang nagdidikta ng presyo ng bentahan sa mga sentrong pamilihan. Sa kabuuan, ang ating ekonomiya ay nananatiling rice-based.

May dalawang pamunuan (tanggapan) ng National Food Authority (NFA) sa lalawigan. Isang nakabase sa San Jose at isa sa Mamburao. Magkagayunman, 75% ng kabuuang ani ng taga-Kanlurang Mindoro ay nabibili ng mga rice trader (pinabulaanan ng panlalawigang tanggapan ng NFA ang datos na ito pero pinaninindigan naman na totoo ito ng mga grupong magsasaka!).

Dahil sa pagtaas ng presyo ng mga farm input katulad ng abono, pestisidyo, gasolina’t krudo (para sa makinang patubig), tumataas din ang presyo ng produksiyon. Sa isang pag-aaral noong 1997 hanggang 2003, ang production cost ay tumaas ng 47% bawat ektarya samantalang ang kinikita ay nanatili. May mga ulat ding bumababa na ang produksiyon natin ng palay dahil hindi na kayang ibigay ng mga magsasaka ang lahat ng kinakailangang inputs sa sakahan.

Isa pang structural problem ay ang kakulangan ng irigasyon. Hindi lamang kawalan ng irrigation canal , kundi dahil sa ang mga river system ng probinsiya ay wala nang sapat na volume ng tubig para mag-supply sa pangangailangan ng mga magsasaka. Problema ring malaki ang serbisyong dapat sana ay ibinibigay ng National Irrigation Administration o NIA kagaya ng pagmi-maintain ng lumang kanal at pag-papagawa ng daluyan ng tubig patungo sa ating sakahan, gayung regular naman ang paniningil nila ng upa sa mga magsasaka.

Maliban sa palay, produkto rin ng lalawigan ang mais, sibuyas, bawang, tabako at mga gulay. Kabilang din sa produksiyon ng Kanlurang Mindoro ang bangus, asin, alimango at sugpo. Tinatayang nagmumula sa ating probinsiya ang 40% ng table salt sa bansa. Pero sa kabila nito ay subukan mong maki-pamuhay kundi man ay pumasyal sa mga mag-aasin sa San Jose at Magsaysay at madarama mo kung gaano ka-miserable ang kanilang buhay. Madarama mo ang pambabarat ng mga may-ari ng asinan (na kanilang amo) sa presyo ng asin na sila rin (salt farm owners) ang bumibili at nagtatakda ng presyo.

Mula sa mga magsasaka, bumaling naman tayo sa sitwasyon ng mga mangingisda ng Kanlurang Mindoro.

Kakaunti na rin ang nahuhuling isda sa ating karagatan. Tinatayang ang average na huling isda ay 2 kilo na lamang noong 2007, mula sa 20 kilo bawat araw tatlumpong taon ang nakalilipas. Kung wala kang bangkang de-motor na magdadala sa iyo sa laot ay hindi ka na mgkakaroon ng magandang huli. Alam ito ng mga mangingisda sa baybaying barangay ng lalawigan, kagaya ng Adela (sa Rizal), Bubog at San Agustin (sa San Jose), Concepcion (sa Calintaan), Ligaya ( sa Sablayan), at iba pa.

Ang itinuturong dahilan ng pagkaunti ng nahuhuling isda ay ang overfishing. Sinasabing mula noong 1965 ay nariyan na’t bumabandera ang mga malalaking mangingisda malapit sa South China Sea. Isang sitwasyon na noon pa man ay dume-dehado na sa ating maliliit na mamamalakaya. Karagdagan pa dito ang paggamit ng mga paraang mapang-wasak,- ang pakaras, trawl at paputok (na umano’y ginagawa ng mga illegalista mula sa ibang probinsiya). Patuloy rin ang pagkasira ng mga bakawan at bahurang tirahan ng isda at iba pang lamang-dagat.

Kahapon nga, palibhasa Semana Santa ngayon,... wala ka nang mabiling isda sa palengke. Sa mahal kasi ng presyo nito ngayon, iniluluwas na lang ang mga huli sa Navotas at Malabon dahil mas malaki ang kikitain kapag doon nila ito ibabagsak. Yung mga tersera klase na lang ang iniwan sa atin,.. kakaunti pa!

Hindi ba naka-babahala ang ganitong sitwasyong pang-ekonomiya? Marapat lang na pagtuunan ito ng pansin ng mga “Agila” na binigyang- kapangyarihan nating mga Maya noong isang taon!

----------------
(Ang datos ay halaw sa modyul ng isang Political Education Project na tinawag na “Eleksyong Pinoy” na inilunsad ng Social Services Commission (SSC) ng Bikaryato Apostoliko ng San Jose noong Marso, 2007.-NAN)

Monday, March 17, 2008

Pang Isports Pa....

Tuwing nakikita ng aking tatlong taong gulang na anak na si Pipay sa telebisyon ang basketbolistang si Pau Gasol (ng Memphis Grizzlies dati na Los Angeles Lakers na ngayon) sa NBA, kakalabitin niya ako at sasabihing, “Tay, syut si Jesus, o”.

Alam n’yo naman ang mga bata, lahat yata ng lalakeng mestiso, medyo mahaba ang buhok at may makapal na balbas ay napagkakamalang si Hesus.

Pero teka, may sinasabi nga ba ang Bibliya tungkol sa mga atleta? O ang ating Simbahan sa isports sa pangkalahatan? Siyempre naman, dahil sa lahat ng dimensyon ng buhay ng tao,- pang-kaluluwa man yan o pang-katawan, ang Simbahan ang nagsisilbing Ina at Guro.

Noong sports writer pa lang ako sa “The Image” sa Occidental Mindoro National College (OMNC), hindi ako agad makumbinsi na maaaring iugnay ang isports sa espiritwalidad ng tao hanggang sa mabasa ko ang tulang isinulat ni Grantland Rice na pinamagatang “Alumnus Football”.

Ang alam ko lang noon, ang palakasang (isports) nabanggit lang sa Bibliya ay yung wrestling sa pagitan ni Jacob at ng Diyos. Kung may Cable TV na siguro noon ay nag-agawan sa pag-cover nito ng ESPN at EWTN. Pinaghalo kasi itong religious at sporting event!

Pwera biro, alam n’yo ba na ang Simbahang Katolika ay may tinatawag na Vatican’s Office of Sports na itinatag ni Papa Juan Pablo II? At noong ika-27 ng Mayo 1982 ay tila ganito ang naging buod ng kanyang talumpati sa International Olympic Committee:

Marangal ang tingin at punong-puno ng pagtangkilik ang Simbahan sa isports sapagkat itinuturing nito (Simbahan) na ang ating katawan kumbaga ay “obra maestra” ng paglikha. Kung ang isports ay isinasagawa sa tamang pamamaraan,- walang kinikilingan, ‘di namamayani ang dayaan, tapat at bukal ng kapatiran, itinatampok at itinataas nito ang dangal ng tao, na hindi naman dapat nauuwi sa bulag na paghanga at pagsamba. Ang isports ay isang makapangyarihang elemento ng moral at panlipunang pagkakatuto.


Nauna rito, si Pope Pius XII ay nagpalabas din noong Hulyo 29, 1945 ng isang sulatin na pinamagatang “Sports at the Service of the Spirit” na nagsasabing ang mahusay na pangangatawan at kaisipan ay daluyan ng paghahanap ng katotohanan, … daan ng pagsunod at paglilingkod sa ating Manlilikha.

Ang isang Kristiyano ay hindi dapat maging utak-talunan at para hindi ito mangyari ay dapat maging displinado tayo. Ang Kristiyano ay hindi boksingerong umaasa lamang sa tsamba. Sa wika nga ay below par performance. Sanayin natin ang ating sarili sa patuloy na sakripisyo at ensayo. Sa ganitong paraan lamang tayo magiging karapat-dapat na “Atleta ni Kristo”. Lunes Santo man o sa lahat ng araw sa buhay mo.

Sabi nga ni Pau Gasol sa isang interview noong maging MVP siya,- kahit nabalian ng tuhod at manalo ang kanyang Team Spain sa FIBA World Championship sa Japan noong 2006, na pinanood din namin ni Pipay sa Basketball TV, “There are no short cuts to victory.”

Wednesday, March 12, 2008

"Trip" to Baguio

Sa panaginip, gusto ko sanang sumalubong kahapon sa pagdating ng barko sa piyer ng Caminawit at iladlad ang streamer na may nakasulat na, “WELCOME BACK ...”. Para ito sa mga opisyales na um-attend sa Seminar on Barangay Governance sa Baguio City noong isang linggo.

Ang “promotor” (read: nag-organize) ng seminar na ito ay ang panlalawigang tanggapan ng Department of the Interior and Local Government o DILG. Two hundred eighty (280) participants ang dumalo mula sa iba’t-ibang barangay sa 11 municipalities ng Kanlurang Mindoro. Ayon sa isang insider sa Association of Barangay Councils o ABC sa San Jose, hindi bababa sa P15,000 kada tao ang ginastos ng bawat barangay sa official travel na ito sa tinaguriang Summer Capital of the Philippines. Kaya kung ating susumahin, tumataginting na almost 4.2 million pesos ang kabuuang ginastos dito. Halagang mas malaki sana ang maitutulong kung mauuwi sa basic services ng isang mahirap na barangay.

Sa konsepto ng training/seminar, ang expected participants dito ay yaong mga first time elected officials pero hindi ito nasunod. Kahit ‘yung second and third- termers ay namasya...este, dumalo rin at nagbigay ng P5,500 per head food and accommodation fee sa Sky Rise Hotel sa downtown ng nasabing lungsod. Mabuti naman at kahit papaano ay nakalimutan nila ang reyalidad na sa kani-kanilang barangay ay laganap ang malnutrisyon, talamak ang mga illegal na droga, pamumutol ng kahoy at pangingisda at iba pang panlipunang sitwasyong naglalarawan sa malalang kahirapan sa kanayunan.

Sa kabila nito, saludo naman ang mga participants sa husay ng tagapagsalita na si Atty. Genaro Jose Moreno, Jr. ng DILG National Office bagama’t kakaunti lamang umanong hand-outs ang naipamigay ng secretariat.

Sabi ng ilang mga kasali dito : “Inggit lang kayo na mga hindi nakasama!”,.. “E, anong masama doon? May pondo naman exclusively intended para riyan”,... “Masyado naman kayong kill joy. Ang mga travel na ganyan ay incentive para sa mga barangay officials..”

Walang masama at marami naman talagang natututunan sa ganitong mga pag-aaral pero depende rin yan sa mga participants kung ano ang kanilang tunay na layunin sa pag-attend. Ang matuto at isabuhay ang mga napag-aralan sa aktuwal na pamumuno o ang lantaran lamang na pamamasyal? Kung sa bagay, pwede nga namang pag-isahin ang paglalaro at pag-aaral. Sabi nga, "All work and no play makes Kap a dull boy!"

Pero ang hindi ko lang maintindihan ay kung bakit kinakailangan pa na sa malayong lugar ito isagawa. Wala bang ibang pamamaraan upang hindi ito maging ganito ka-gastos? Hindi ba pwedeng dito na lang ito gawin sa isang bayan sa atin? Mga tanong ko lang iyan bilang taxpayer.

Sa likod nga pala sana ng streamer ko na may naka-sulat na “WELCOME BACK..” ay may karugtong at naka-tatak na, "...TO REALITY!”

Monday, March 10, 2008

Ang Basketbol sa Amin

Hindi kumpleto ang summer vacation ng mga estudyante at ang piyestang bayan kung walang basketbol,- kung walang pa-liga o San Jose Summer Basketball League (SJSBL). At kung mayroon man, parang apoy na kumakalat ang kuwentuhan sa pagbubukas o opening nito. Kasing init ng liyab itong tinatangkilik ng madla.

Kagaya ng ibang lalawigan dito man sa atin ang basketbol ay mas masahol pa sa relihiyon. Bakit ‘ka n’yo? Aba e,.. walang bayan at barangay dito sa Pilipinas na walang basketball court. Kahit nga sa Mangyan (upland) communities ay mayroon nito. Mas maraming palaruan ng basketbol sa bansa kaysa sa mga kapilya at simbahan. Hindi ba’t sa mga “mananampalataya” ng “relihiyong” ito na naimbento ni Jaimes Naismith, “santo” halos ang turing kina James Yap at Asi Taulava, habang tila “propeta” naman sina Kobe Bryant at LeBron James?

Balita ko, 1964 pa nagsimula ang tradisyong ito dito sa amin. Inumpisahan daw ito ni Tirso Abeleda sa siyang alkalde noon ng aming bayan. Sabi rin nila, noong sementeryo pa ang lugar na kinatatayuan ngayon ng Mayor Juan G. Santos Memorial Gymnasium (yes, noong 40s to 50s sementeryo lugar na ‘yan!) ay sa harap ng munisipyo pa ang palaruan hanggang sa ito ay maging plaza at itinayo ang dati’y wala pang bubong na gymnasium sa kasalukuyan nitong puwesto.

Halos imposible nang masugsog natin ang kasaysayan ng tradisyong ito dahil sa kakapusan namin sa pang-kasaysayang datos at reperensiya. O baka naman sa kakapusan namin sa mga taong seseryoso pag-sasaliksik ukol dito. Basta ang alam ko, noong ako ay nanlilimahid pang bata na gagala-gala sa tulay ng Pandurucan ay kinabaliwan ko na ang San Jose Summer Basketball League. Ang mga koponan kagaya ng Loyzaga Lumber Mill at National Food Authority (NFA) na bersyon namin ng Crispa at Toyota sa PBA; ang mga “import” tulad nina Fred Demetrio (ng ER Squibb sa PBA dati), Chito Plaza (ng Cosmos Bottlers sa MICAA dati) at marami pang iba. May mga “import” pa nga na piniling makapag-asawa at manirahan sa amin kagaya nina Boying Lizardo at Jojo Mangahas, to name a few, wika nga.

Konting trivia lang : alam n’yo ba na bago sumikat sa PBA ang UST star player na si Pido Jarencio ay naglaro ito sa SJSBL sa team ng PC-INP? Si Nelson Asaytono ay naglaro noong late 80s sa Provincial Capitol Tamaraws sa SJSBL bago siya maging varsity player ng National University Bulldogs hanggang sa PBA? Sampol lang ‘yan. Marami pa. At ito ang mas matindi: ang tinaguriang greatest Filipino basketeer of all time at Olympian na si Carlos “Caloy” Loyzaga ay dito sa amin ipinanganak.

Pero ang aming mainit na pagtanggap sa SJSBL ay unti-unti tumamlay nitong mga huling taon. May mga pagkakataon pa ngang may fiesta at summer sa amin na walang liga. Sinisisi ng iba ang pagkakaroon ng Cable TV sa amin kung bakit nawalan na ng gana sa SJSB ang aming mga kababayan. Pero bakit sa mga baryo ay patok pa rin ang basketbol kahit may TV? Sabi ko naman ay kulang lang sa packaging and promotion at mga seryosong tao na gagampan dito. At una sa lahat ay ang pagiging kontento na lang sa kung ano ang naririyan na. Ang kawalan ng inobasyon at pagbabago... o pagiging kuntento na siyang mortal na kaaway ng pagiging excellent.

Lugi raw,... maanomalya raw,... may problema raw (ang mga reperi pati ang mga organizer),..letsetera. Palagay naman ng iba, instrumento lang daw ito sa pulitika. At komo instrumentong pang-eleksyon lang, walang na sumiseryoso sa tunay na pagpapa-unlad ng isports sa amin lalo na sa lokal na basketbol. “Okey lang dahil kahit aandap-andap, at least ay buhay pa ang tradisyong ito”, sabi ng ibang fanatic. Kasi nga, hindi na ito kasing alab nang dati. Nawalan na nga ito ng init.

Noong ika-8 ng Marso ay pormal na binuksan ang SJSBL para sa taong 2008. Hindi man ito naging kasing-sigla nang dating ng mga opening kumpara noong 1980s, at least marami ring sumali dito. Ang paliga ngayong taon ay inisponsor ni Hon. Romulo “Muloy” Festin, ang aming meyor.

Pero bago ito, mga bandang alas dos ng madaling araw on that same date, nasunog ang isa sa mga sentrong komersyal malapit sa Pamilihang Bayan ng San Jose, sa kanto ng Bonifacio at Liboro Sts. Tinatayang halos kinse milyones ang halaga ng naabong mga ari-arian pero salamat na lang at walang namatay. Tinupok nito ang mga gusaling may barberya, panaderya, karinderya, tailoring, tindahan ng patuka sa manok at iba pa.

Ito ang mas “mainit” na pinag-uusapan hanggang ngayon at hindi ang pagbubukas ng San Jose Summer Basketball League 2008. Tsk,.. tsk,.. Fire Prevention Month pa naman ngayon!

Monday, March 3, 2008

Disisyete na ang DZVT

Sa ika-6 ng Marso ay Anibersaryo ng DZVT na tinatawag ding “Tinig ng Pamayanang Kristiyano..” at ang inyo pong lingkod, para sa mga hindi pa nakababatid ay isa sa tatlong regular na program hosts ng “Pintig ng Bayan”, ang longest running talk show sa lalawigan ng Kanlurang Mindoro.

Pero ako nga ba ay brodkaster? Parang hindi, e. Unang-una kasi, hindi naman ako kumuha ng anumang kurso na may kinalaman sa mass communication. AB-Sociology ang kinuha ko sa Divine Word College-San Jose at ang natapos ko ay Bachelor in Secondary Education sa OMNC. Ikalawa, hindi ako akreditado ng Kapisanan ng mga Brodkaster sa Pilipinas o KBP. Expired na amg lisensya ko noon pa ‘atang 2002. Ikatlo, ang aking boses (sabi nila) ay hindi pang-radyo (pero ang mukha ko raw, pang-TV!! Joke!..). Ikaapat, ako ay aksidental na brodkaster lang sapagkat hindi naman talaga ito ang inaplayan kong trabaho. Naatasan lamang akong gampanan ito bilang bahagi ng gawain ko bilang worker ng panlipunang apostolado ng Simbahang lokal.

Sa totoo lang, mas kampante ako sa pagsusulat kaysa sa pagsasalita sa radyo. Ewan ko kung bakit gayung wala naman akong pwedeng ipagmalaking kuwento, nobela o anumang obra. Sa dulo ng prusisyon, isa lang ang tiyak: tayo ay manggagawa lamang na sumusunod sa anumang atas ng mga nakatataas sa atin at nagsisikap na matuto’t lumago sa alinmang “arena” tayo isabak. Siguro ay dahil nung bata pa ako ay hindi talaga ako nagiliw sa pakikinig ng radyo bagkus ang pagbabasa ng komiks at Liwayway ang aking libangan.

Pero sa ating may katagalan na ring pagmamasid at “pagsawsaw” sa gawain ng radyo at broadcasting sa ating probinsiya, sa aking palagay, ang isa sa nag-liligaw sa mga mamamayan ng Kanlurang Mindoro sa katotohanan at pagiging atrasado ng ating kaisipan ay hindi lamang ang mga lokal na pulitiko kundi ang kanilang mga propagandistang brodkaster. Bagama’t may bahagi tayong lahat dito, sila ang nagpapalala sa sitwasyon. Sitwasyong ginagatungan ng mga istasyon ng radyo na mekanismo ng mga pulitiko sa kanilang mithiing pansarili at mga brodkaster na tila may pampulitikal na etiketa na sa kani-kanilang noo. Tabi-tabi po!

Sa aking palagay pa (na maaaring mali), ang aandap-andap na sitwasyon ng malayang pamamahayag sa lalawigan ay pinalalala ng katotohanang ito. Suriin natin ito kaaalinsabay ng pagsusuri ninyo (ng madla,.kayo na aming mga taga-pakinig) sa karakter, katangian at gawi naming mga lokal na brodkaster. Magandang paksa ito sa susunod na posting. I-reserba muna natin ‘to.

Pero over and above ng isyung ito, tanong ko sa sarili: “Brodkaster na nga ba ako?”. Oo, dahil narito pa ako. Wala na akong ligtas. Hindi lang iyon, naging bahagi pa ako ng ika-17 Anibersaryo ng “Radyo Totoo” sa Mindoro!

Thursday, February 28, 2008

Lagot Kayo sa FF!

Kaming mga batang nagpapatintero noon sa liwanag ng buwan ay kaagad magpupulasan at kakaripas ng takbo pauwi kapag may mananakot at bubulong nang, “Ayan na ang F.F.… lagot kayo!”. Ang “F.F.” ay pinaikling tawag sa F.F. Cruz na isang construction company. Ayon sa pumutok (o pumatok?) na urban legend noon, ang kumpanya raw na ito ay nag-aabduct ng bata at papatayin upang “ipadugo” (o i-daga?) sa mga kongkreto’t bagong gawang kalsada at tulay para raw tumibay.

Tuwang-tuwa naman si Nanay kasi hindi na gagabihin sa pag-uwi ang kanyang mga anak sa labas (…ng bahay!). Ang PC (Philippine Constabulary) officers rin noon ay kampante na mababawasan ang teach ins at political discussion sessions ng mga aktibista dahil sa mga kuwentong tulad nito. Para rin siguro si Tatay at ang kanyang mga kumpare ay ito ang pulutanin, imbes na ang kapalpakan ng administrasyong Marcos, habang sila’y tumatagay. Ngayon ay 2008 na at naniniwala akong ito ay kuwentong bayan lang na likha ng kolektibong imahinasyon o isang klasikal na halimbawa lang ng urban legend. Katulad ng mga text message na kumakalat ngayon na may mga nawawalang bata umano na dinudukot ang kanilang mga lamang-loob para ibenta.

Pero ito ang totoo hinggil sa F.F. Cruz at hindi ito isang urban legend,.. ha : ang F.F. Cruz ay isang construction company na responsable sa malalaking pagawaing pang-inprastruktura sa Occidental at Oriental Mindoro noong Dekada 70 hanggang 80. Kilala sa buong bansa ang kumpanyang ito hanggang ngayon. Maliban sa construction, ang F.F. Cruz ay namuhunan din sa mina noong 1984. Ito ay sa pamamagitan ng Bulalacao Coal Mines Inc o BCMI sa may 15,000 ektaryang lupain na lubos namang tinutulan ng mga Mangyan. Noon at ngayon. Ang Pangulo ng BCMI ay si Philip F. Cruz nang itigil pansamantala ang eksplorasyon o proyekto.

Walang direktang makapagsabi ngayon kung ano ang tunay na dahilan kung bakit ito tumigil (o pinatigil) maliban sa ilang haka-haka na hindi pa umano “hinog” noon ang karbong miminahin. Noong Marso 1987 ay ipinag-utos ng mga awtoridad sa Maynila ang pag-papatigil dahil nasa loob ito ng lupaing ninuno ng mga katutubo. May mga bali-balita ring ang nagtaboy sa F.F. Cruz na itigil ang eksplorasyon ng mina ay ang malakas na puwersa ng NPA sa Roxas, Mansalay at Bulalacao o ROMANBUL area. Hindi bababa sa 16 na milyong piso umano ang naging lugi ng F.F. Cruz sa proyekto. Hanggang ngayon ay hindi pa malinaw at walang datos na makita hinggil sa paghinto ng operasyon.

Sa report kamakailan ng Alyansa Laban sa Mina (Alamin) at Mangyan Mission ng Bikaryato Apostoliko ng Calapan, ang sakop ng eksplorasyon ay ‘di bababa sa 250,000 ektaryang lupain. Inisyuhan ito ng Environmental Compliance Certificate o ECC noong Hulyo 11, 1984 na may bisa hanggang Hulyo 10, 2010. Isa itong renewable contract term na patuloy pa ring sinasaligan ng kumpanya. Dagdag pa ng Mangyan Mission at ng Alamin, aktibo na naman sa gawaing pre-exploration ang F.F. Cruz at nananatiling legal na tuntungan nito ay PD 972 o Coal Development Act of 1976.

Pero patuloy na naninindigan ang Pinagkausahan Hanunuo Mangyan sa Daga Ginurang o PHADAG na hindi nila papayagang muling buksan ang pagmimina sa Brgy. Cambunang, sakop ng Bulalacao. Sayang nga naman ang higit sa 30 taon nilang pakikibaka para sa pagkilala, karapatan at proteksyon sa kanilang lupain. Noong isang taon kasi, isinumite ng PHADAG sa National Commission for the Indigenous People o NCIP ang kanilang aplikasyon para sa CADT sa may 32,000 ektarya ng lupaing ninuno ng mga Hanunuo sa Mansalay at Bulalacao. Nasa antas na ito ng pagsasa-proseso sa pangunguna ng Special Provincial Task Force o SPTF, isang multi-agency body na siyang nag-aasikaso sa aplikasyon.

Sa pamamagitan ng isang Pahayag ng Pagtutol na pinagtibay sa kanilang Pangkalahatang Asembliya na ginanap sa Sitio Banti, Brgy. San Roque, Bulalacao noong ika-25 ng Pebrero, 2008,- iginiit nila ang mga karapatang nasasaad sa RA 8371 o IPRA, lalung-lalo ang probisyon sa free and prior informed consent. Isang pahayag na habang binabalangkas ng mga lider ay sinabayan ng pagda-daniw (ritwal) ng mga kababaihan at “gurangon” para umano maliwanagan ang isipan ng mga minero sa gagawin nilang pagwasak sa ating likas na yaman. Oo, kitang-kita ko nang gawin nila ang mga ito. Nandoon ako, e..

Kaya ngayon, Mangyan man o “Damuong” (tawag ng mga Hanunuo sa mga Kristiyano o taga-patag), kapag narinig natin ang salitang “Bulalacao Coal Mine” o “FF Cruz”, imbes na kumaripas ng takbo papauwi ay lumabas tayo ng ating mga tahanan at harapin sila nang mahinahon ngunit may tapang at paninindigan.

Hindi katulad noong tayo ay mga bata pang nagpapatintero sa liwanag ng buwan!

Friday, February 22, 2008

Si Karyo at ang Pulitikong Ayaw Kong Pangalanan

Tawagin na lang natin siyang “Karyo”. Ayon sa ilang kuwento si Karyo daw ay dating bilanggo at marami raw napatay bago siya napadpad sa lugar namin. Sa kabila nito, ang mga batang kasing-edad ko noon ay itinuturing na ordinaryong tao lang si Karyo. Hindi namin siya kinatatakutan. Oo, isang karaniwang mamamayan lang si Karyo sa mga karaniwang araw. Maliban na lamang kapag Mahal na Araw o Biyernes Santo, kung kailan siya ang bida sa aming mga musmos na uzi(sero) noon.

Lumilibot siya sa buong baryo at mag-isang nag-pipinitensiya. Naglalakad sa ilalim ng matinding sikat ng araw habang hinahampas ang duguang katawan. May alalay pa siyang taga-hiwa sa likod ng blade kundi man ay basag na bote. At paminsan-minsang rumurositas sa pag-haplit sa likod habang naka-dapa’t nagdarasal si Karyo sa bungad ng aming kapilya at bawat bisita (“kubol” ang tawag namin.) na kanyang madaanan.

Iwan muna natin si Karyo. Naniniwala ka ba na sa mga Mahal na Araw lamang higit na napa-dadalisay ang ating pananampalataya at espiritwalidad? Hindi muna natin pag-uusapan dito ang iyong tugon sa tanong na iyan. Pero siguro ay maniniwala ka kung sasabihin ko sa iyo na kung gaano ka-sigla ang ating espiritwalidad,- kagaya ng gulong ng ating sasakyan ay dapat tsine-tsek ap natin ito tuwing tayo ay magbibiyahe. Kaya kumbaga, ang mga Mahal na Araw ay ang pinaka-angkop na panahon kung kailan available ang “vulcanizing shop” (“bulkitan” ang tawag namin) kung kinakailangan natin ang natatanging tulong. Dapat na regular nating sinisiyasat ang kargang hangin ng ating gulong,... pati ang reserba.

Simple lang kung bakit. Una, dahil sa kasaysayan ng Kristiyanismo ay umaawas ang kuwento ukol sa mga tao o personalidad na sa ngalan ng espiritwalidad at pananampalataya ay gumawa ng kabuktutan at nagsasabi ng kasinungalingan. Kagaya ng buktot na’y sinungaling pang pulitikong nasa isip ko ngayon (pero‘di ko sasabihin sa inyo kung sino!). O kaya ay yaong mga katulad ni Karyo na sinusugatan ang sarili sa ngalan ng espiritwalidad.

Sa ibang lugar nga (bagama’t hindi sa mga Kristiyano), may mga taong hindi naliligo nang kung ilang taon upang umano ay patunayan ang kanilang pagmamahal sa Diyos. Hindi ba’t may anti-Communist vigilante group noon sa Mindanaw na sa ngalan ni Kristo ay pinupugutan ng ulo ang bawat nabibihag nilang NPA? Sabi nga ni Sr. Melanie Svoboda, SND sa isa niyang lathalain, “History is clear: the spirituality of Christians has not always been healthy. On the contrary it has been sick. Very sick!”. Lahat nang ito sa ating akala ay pagsunod kay Hesus ngunit sa katotohanan ay hindi naman pala.

Ikalawa,- ako, ikaw, si Karyo. Pati ‘yung pulitikong ayaw kong pangalanan,.. lahat tayo,- ay inaasahan ni Hesus na maging kanyang disipulo. Kaya mahalagang palagi nating sinisiyasat ang ating katayuang pang-espiritwal. Sapagkat kung gaano ka-authentic ang ating pananampalataya ay ganoon tayo ka-epektibo sa ating pagiging disipulo,- sa ating tahanan, lugar pagawaan, parokya, komunidad, at daigdig.

Huwag lamang sanang matali sa pamamaraan ni Karyo ang ating pagsasakripisyo ngayong Mahal na Araw. Sakripisyong kabilang ang pagbubunyag ng mga gawain ng buktot na pulitikong ayaw kong pangalanan!

---------------

(Kumbaga sa pelikula ay advance screening ito. Lalabas pa lamang ang sulating ito sa AVSJ Bigkis Balita sa kanyang edisyong pang-Mahal na Araw ngayong Marso 2008)

Thursday, February 21, 2008

"Enter the Dragon": Trenta'y Singko Anyos Na

Kung mayroong pelikulang halos may dalawampu’t-limang ulit ko na ‘atang napanood (at patuloy pang pinapanood sa DVD) ay ang “Enter the Dragon” ni Bruce Lee. Ang pelikulang ito na idinirehe ni Robert Clouse ay una kong napanood sa Golden Gate Theatre ng pamilya Castillo. Ito ay ang lugar na kinatatayuan ngayon ng Novo dito sa San Jose.

Maliban kay Lee, gumanap din dito ang mga Hollywood stars na sina John Saxon, Jim Kelly, Robert Wall, Anna Capri at ilang Chinese actors sa pangunguna ni Kien Shih sa papel na Han. Ang martial art film classic na ito na may original title na “Blood and Steel”ay isinulat ni Michael Allin at prinodyus ng Warner Brothers exactly 35 years ago. February rin noon taong 1973 nang ito ay matapos i-shooting at ini-release noong August 19 nang nasabi ring taon sa Amerika. Huwag na ninyo akong tanungin kung anong grade ako nang una ko itong mapanood. Ang masasabi ko lang, me kadobol pa ang pelikula noong araw. Isang Tagalog at isang English.

Hindi ko ikukuwento dito ang synopsis, plot, sequels, fight scenes, o iba pang detalye’t inside story tungkol sa “Enter the Dragon”. Gusto ko lang ibahagi sa inyo na ang “Enter the Dragon” o si Bruce Lee in particular ay “ipinakilala” ko noon pa sa aking katorse anyos na ngayon na panganay at kaisa-isahang anak na lalaki. Kagaya nang kung papaano halimbawa “ipinakilala” sa kanya ng telebisyon o media si Bugs Bunny at ang Disney World, hanggang kay Tim Duncan at ang NBA, si The Undertaker at ang WWF,- nang hindi ko alam. Sa mga pagkakataong nakakaligtas siya sa aking “parental guidance”.

Unang niyang nakilala si Lee,- hindi lamang bilang isang martial artist kundi isang philosopher, sa kauna-unahang librong iniregalo ko kay Yobhel na may pamagat na “Letters of the Dragon -Volume 5” noong graduation niya sa San Jose Pilot Elementary School. Ito ay isinulat nina John Little at ng balo ni Lee na si Linda Lee Cadwell. Isang regalo na naglalayong maging intresado siya sa martial art partikular sa Jet Kune Do, imbes na sa cosmetology at iba pang kaugnay na interes, bagama't nasa kanya na iyon kung 'yun talaga ang gusto niya. Pero sa halip na sa Kung Fu siya magkahilig ay sa Pilosopiya siya naging ganado. Mabuti na iyon kaysa sa iba pa!

Kadalasan, may nais tayong mangyari sa ating mga anak na hindi natutupad ayon sa ating inaasahan. Ang mahalaga ay kung papaano tayo nakikipag-ugnayan sa kanila at sa bawat events of our life .. bilang mga ama ng tahanan. Kagaya ngayon, maikuwento ko lang,- hindi namin pagsasawaang panoorin ng sabay ang “Enter the Dragon” o kaya ay patuloy itong pag-usapan kapag walang ibang magawa,- kapag nag-aasaran ... kapag naghaharutan. Sabi nga ni Bruce Lee, “Life is a constant process of relating”.

Wednesday, February 20, 2008

Mahirap Magmahal ng Mahirap

Valentine’s Day kamakailan at kung may pinaka-hot and best selling topic sa panulaan, nobela, self-help books, theological treaties, awitin, homiliya, commercial, talk show mula sa iba’t-ibang kultura sa planeta, ay ang salitang “love” o “pag-ibig”.

Ang pag-ibig ay paksang hindi nagagasgas pero gasgas na at patuloy pang ginagasgas. Ang gulo ko ‘no? Pero sa usapin ng pananampalataya, kung may mga bagay na mahirap maunawaan at maintindihan ngunit naglilinaw ng ating pagkilala, pagkakatagpo at pananampalataya sa Diyos, iyan ay tinatawag na misteryo.

Sabi nga nila, “Love is the most used and abused term in the dictionary”. Salitang mabilis mamutawi sa bibig ng isang Kristiyano kahit tungo sa kahulugang batay lamang sa kanyang pansariling kagustuhan at adhikain,- sosyal, pampulitika man, pang-kultura o pang-ekonomiya. Pinipilit tayo ng ilang makapangyarihang tao sa lipunan na lapatan ang salitang “pag-ibig” ng kahulugang kinakatigan lamang ng kanilang uri.

Halimbawa, kapag may negosyanteng naglalagay ng bubog (o anumang elemento) sa kanilang tindang asukal (na inireport namin sa DZVT kamakailan) at iba pang gumagawa ng pandaraya ay sinabi mong unawain na lang sa ngalan ng “pag-ibig sa kapwa at/o kaaway”, bilang biktima ng situation of injustice ay hindi kita mauunawaan. Gaano man ako ka-banal o ka-makasalanan. Lalung-lalo na kung ang bini-biktima nila ay ang ibang tao,- yaong mga mahihirap, walang tinig at walang pangalan sa lipunan.

Totoo, maaari mong ibigay ang iyong kabilang pisngi kung iyong nanaisin subalit kapag ang pananampal (pagmamalabis/pagpapahirap) ay ginagawa sa harap mo sa iyong kapwa,- lalung-lalo na yaong mga hamak at aba, kung tumatalima ka sa Diyos sa atas na “mahalin mo ang iyong kapwa …” ay ‘di mo hahahayaang sila’y mapahamak o masaktan.

Hindi ba’t ang tumayo at ipaglaban ang kapwa ay pagpapakita ng dakilang pag-ibig sa Diyos? Kabilang na yaong mga kababayan nating biktima ng panlilinlang ng mga pinuno ng ating pamahalaang lokal. Sabi nga ng isang theologian, “Anger is NOT the opposite of love, it’s selfishness”. Ang galit ay maaaring maging aksyon ng taong nagmamahal sa kapwa ngunit kaylanman, ang isang taong maka-sarili ay hindi tunay na nagbabahagi ng pag-ibig sa tunay na kahulugan nito.

Sabi pa nila (kadalasan ng mga tiwaling lider at kanilang mga propagandista!) huwag daw tayong magalit o magsalita ng masama sapagkat ang taong umiibig ay hindi nagagalit. Ipasa-Diyos na lang daw natin sila at ipagdasal sapagkat ang pag-ibig daw ay nagpapatawad. Ewan ko pero ang pag-ibig, kagaya ng pagmamahal ni Nanay, ay hindi lamang nang-aalo ngunit ito rin ay namamalo!

Misteryo talaga ang pag-ibig. Hindi mo malaman kung ito ay naghahatid ng problema o solusyon, panlipunan man o personal, kolektibo man o indibidwal. Kasi nga ang pag-ibig ay may iba’t-ibang pamamaraan, hugis at anyo.

Basta ako, naniniwala sa sinabi ni Hugh Bishop:”Love is not an emotion. It is a policy’. Kaya pala tunay na mahirap ang magmahal. Sa Roma 12:9-21 ay hinahamon tayo na maging tunay ang ating pag-ibig anumang pamamaraan ito, hugis at anyo. Dito rin ay inaatasan tayo na huwag magmataas, kundi makisama sa mga mahihirap at “mamuhay nang marangal sa lahat ng panahon….”

Kumbaga, ang pag-ibig ay parehong nagpapahirap at nagpapagaan ng buhay. Layunin ng buhay na tayo ay matutong umibig, gaano man ito kahirap. Therefore, loving is a skill we must learn in life.

Kung ating mamahalin ang mga mahihirap, inaapi at pinag-sasamantalahan at kongkreto tayong tumutugon sa kanilang mga problema at suliranin, inihahayag natin sa kanila at kinikilala ang kanilang kahalagahan sa lipunan. Hinayahaan din nating matuklasan nila na sila ay mahalaga at natatangi. Madali at hindi mahirap mahalin ang mga mahihirap sapagkat marami sila at hindi mahirap hanapin. Nandyan lang sila sa tabi-tabi. Hindi kagaya ng dream girl o kaya ay prince charming mo. O kaya ng mambabatas mo na mas marami pang naitalang travel abroad kaysa sa pag-papanukala ng mga batas na national in scope.

Siyempre pa, hindi ito ang paksa ng pag-ibig na ating napapanood sa mga TV show tuwing Valentines Day, kundi yaong may kinalaman sa date, lovers, dinner by candle light, hotel at motel at iba pang romantisismo. Ang pag-ibig sa kapwa : mga inaapi, pinagsasamantalahan at mahihina,- ay ang pang-araw-araw na panawagan sa atin ni Hesus.

Monday, January 28, 2008

Barrera vs. Tria III

San Ramon, Mexico- Sa ikatlong pagkakataon ay muling magtutuos bukas sina Mario Leon Antonio Barrera at Julio Cesar Chavez Tria, Jr. para sa pandaigdigang kampeonato sa flyweight division ng WBC. Ang muling paghaharap nina Barrera at Tria ay gaganapin sa Comelecta Grand Arena bukas ng umaga. Inaasahang pinaghalong tuwa at lungkot na naman ang hatid nito sa mga mamamayan ng San Ramon.

Matatandaan na noong nakaraang Martes, Enero 22, 2008, sa kanilang ikalawang paghaharap, tinalo ni Barrera ang kampiyong si Tria sa pamamagitan ng technical knock out o TKO nang ideklara ni Referee Jaime Sergio Jacinto si Barrera bilang siyang official winner. Bunga ito ng resulta ng pagbibilang kung sino sa dalawang boksingero ang may pinaka-maraming pinakawalang suntok, batay sa physical count na isinagawa ng nasabing reperi noong gabi ring iyon. Ang Barrera vs. Tria – II ay ginanap sa Rueda del Toro Corazon-Cuarenta Y Cinco o RTC45, sa Pueblo del San Jose.

Nakuha ni Tria kay Barrera ang korona sa kanilang unang sagupaan sa El Eleccion noong Mayo 14, 2007. Ang pamatay na estilo ni Barrera ay tinawag ng kanyang kampo na jab, turn and vow movement na tinatawag ring JTV move. Galaw na atas at batas na sinusunod ng lahat ng mga boksingero sa Villa-Rocha Stable. Ito ay ang pinaghalong pagggamit ng legal na suntok, pag-ikot ng katawan at illegal na panghe-head butt o paggamit ng ulo.

Sa kanilang ikalawang sagupaan, kinuwestion ng kampo ni Tria ang aksiyong ginawa ni Jacinto sapagkat naibilang daw pati yaong mga suntok na hindi tumama. Matibay naman ang paniniwala ni Jacinto na siya ay naging patas sa kanyang hatol. Sa ambush interview ng mga mamamahayag noon ay sinabi niya, “Binigyan ko siya (Tria) ng pagkakataong mag counter punch pero hindi niya nagawa..” sabay talilis sakay ng kanyang bagung-bagong kotse.

Ang tatayong reperi sa ikatlong bakbakan bukas nina Tria at Barrera ay si Renato Diaz Sarmiento na kilalang kaeskuwela ni Jose Rufino Ramirez-Sotto, na trainer ni Tria. Ang labanan ay hatid sa atin ng Pangs and Claws Promotion.

Wednesday, January 23, 2008

Birtdey Ko Ngayon!

Enero 23 rin nang ako ay ipinanganak at birtdey ko nga ngayong araw. Pero itago na lang natin kung ilang taon na ako. Ang bagay na hindi natin maitatago ay ang katotohanang noong medyo bata pa tayo ay marami tayong kabulastugang nagawa sa buhay na ngayon ay pinagsisihan na natin. Mula sa pagpapasimuno sa rambulan hanggang sa pagkakaroon ng maraming kalokohan. Katulad ng isang tipikal na batang kalye, tumikin din tayo noon ng bisyo. Maliban sa isa : ang pagsusugal. Itatago ko dito ang mga dahilan kung bakit. Ngunit sa buong buhay ko, ni hindi ko nasubukang magsugal.

Enero 23 rin ng taong 2005 (birtdey ko rin noon) nang ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ay magpalabas ng pahayag na tinawag na “Pahayag ng CBCP Hinggil sa Pagsusugal” na nang lumaon ay siyang naging opisyal na pahayag na Kapulungan ng mga Obispo hinggil sa naturang isyu (bisyo).

Patunay lamang na ang mga lider ng Simbahang Katoliko ay seryosong binibigyang-pansin ang penomena ng sugal sa bansa. Dito rin nililinaw na ang sugal ay mananatiling immoral kahit ang mga nagpapasugal ay nag-aambag pa para sa charity o kawanggawa at marami pang iba. Tuwiran ding tinuligsa sa pahayag ang pagsusugal. Sa huling bahagi, nananawagan ito sa mga Simbahang Lokal at mga Pamayanang Kristiyano para sa mga pastoral na pagkilos. Legal man o hindi ang haharaping sugal.

Taong 2005 din nang pormal na pinapasok dito sa Kanlurang Mindoro ang STL o Small Town Lottery. Ito ay sa pamamagitan ng Sangguniang Panlalawigan (SP) Resolution No. 163 S. 2005 na inisponsor ni Hon. Manuel Mintu ng Sablayan at pinangalawahan ni Hon. Vicente Camandang ng San Jose at pinagtibay noong Setyembre 26, 2005.

Pero noong ika-23 ng Hulyo, 2007 ay nagpalabas rin ang SP ng Resolution No. 67 S. 2007 na himihiling sa PCSO na itigil na ang operasyon ng STL sa Occidental Mindoro. Pero palibhasa ang STL ay may mandato mula sa pamahalaang pambansa o Malakanyang, patuloy na namamayagpag ang STL sa ating lalawigan na ngayon ay magta-tatlong taon na. Silensyo na rin sa isyu ang mga LGU at mga pulitikong maiingay noong eleksyon.

Noong ika-3 ng Agosto 2007 ay nagpalabas din ng pahayag si Obispo Antonio P. Palang, SVD, DD hinggil sa STL at patuloy itong nanawagan na magkaisa ang mga taga-Occidental Mindoro sa pagpapatigil ng operasyon ng STL simula sa antas ng pamayanan. Isa ito sa mga isyung tinutukan sa paggunita ng Taon ng Panlipunang Pagmamalasakit sa Bikaryato simula Hulyo 1, 2006 hanggang Hunyo 30, 2007.

Dapat na ina-assess o tinatasa na natin ang STL kung ito ay nakakabuti at nakakasama sa ating probinsiya. Kagaya nang alam natin na lampas na sa isang taong test run period para dito. Ang tanong natin: May “buhay” bang permit ito ngayon o wala? Kung mayroon, sino (o aling lupon o ahensiya) kaya ang nag-isyu? Samantala, tila nag-tengang kawali ang PCSO sa Resolution No. 48, S. 2006 at Resolution No. 67 S. 2007 ng ating Sangguniang Panlalawigan. Hay, buhay!

“Kuripot ka kasi kaya hindi ka natutong magsugal”, reaksyon ng mga ka-opisina ko sa post na ito. “Hindi puwedeng maging sugarol ang kuripot.”, dagdag pa nila. Kasi nga, kahit birtdey ko ngayon, hindi ko man lang sila pina-canton!

Tuesday, January 22, 2008

Bahaghari

Kinulayan mo ang langit
Pinawi mo ang sungit ng panahon ...
Sa himpapawid ay isa kang atraksiyon
At sa dulo mo’y naroroon daw
Ang kayamanan at tagumpay.

Ngunit kumukupas ba o nawawala
Ang makulay na bahaghari
Kapag gabi na at madilim na?

Bahaghari ...
Pinamumugaran ng mga hari
Ngunit sila’y hindi naka-bahag,
Tinitingala ng mga aliping
Kinakalyo ang palad.
At ang talampakan
Ay habang panahong naka-babad sa linang!

Kung ako ay gagawa ng isang bahaghari,
Ang aking gagawin ay bahagharing tuwid
At hindi baluktot,
Nakasayad sa lupa’t
Lumulutang sa dagat ...

Isang bahagharing lagi kong kasalamuha
Sa tagumpay, kabiguan ....
Sa kasaganan, pagdaralita,
At hindi isang bahagharing ‘di
Namin maabot
Kaya tinitingala ....
Isang bahagharing biyaya ng lupa
Isang bahagharing dinidilig ng dugo at luha.


----------
(Eksaktong 21 taon na ang nakalipas nang maganap ang tinaguriang Mendiola Massacre. Noong ika-22 ng Enero, 1987, labing tatlong mga magsasaka ang namatay sanhi ng pamamaril ng mga sundalo. May mga magsasakang Mindorenyo ang nasugatan sa insidenteng iyon sa tulay ng Mendiola sa Maynila. Bitbit nila noon ang isyu ng pagsasa-ilalim sa Aquafil Estate sa CARP. Ngayon ay naipamahagi na ang mga lupaing ito bagamat may ilan pang mga legal na usapin sa pagitan ng ilang grupo ng petisyunero at panlalawigang tanggapan ng DAR.)

Monday, January 21, 2008

Ang Ebanghelyo Ayon sa Iyo

Ama ka ng tahanan
Oo at hindi Mateo, Marcos, Lucas o Juan
Ang iyong pangalan
Ngunit katulad nila ay sumusulat ka rin ng kasaysayan.

Bilang magulang
Sa loob at labas ng inyong tahanan
Lumilikha ka rin ng ebanghelyo’t tipan
Bawat araw na espesyal man o karaniwan.

Sa mga gawain at salita
Mga halimbawang banal at dakila
Sa mata ng Diyos at kapwa
Tungkuling ‘di maiaadya.

Isang kabanata bawat oras
Talata bawat minutong lumilipas
Sa iyong kamay bawat kumpas
Sa iyong bibig bawat bigkas.

Sapagkat para sa munting anak mo
Ang una niyang mauunawaan at masisino
Ay hindi ang isinulat nina Juan, Lucas, Marcos at Mateo
Kundi ang ebanghelyo ayon sa iyo!

------
(Ngayong araw na ito ay simula ng National Bible Week na ipinagdiriwang siyempre sa buong bansa. Ang tema para sa taong ito ay : “God’s Word: Source of Justice, Reconciliation and Peace”. Sa Enero 27 ang National Bible Sunday na siyang kulminasyon nito. Magsasagawa ng series of activities kagaya ng Bible Sharing at Bible Quiz Bee ang Worship Committee ng Parish Pastoral Council ng Saint Joseph the Worker Parish-Cathedral.)

Thursday, January 17, 2008

Buhay Mangingisda

Ewan ko kung sinasadya ito o hindi: ang motto ng dalawang naging obispo ng Kanlurang Mindoro ay magka-ugnay. Ang sa yumaong si Kgg. Vicente C. Manuel, SVD, DD ay “In Verbo Tuo”(o “Sa Iyong Salita”) mula sa Lk 5:5 : “Sa iyong salita, ihuhulog ko ang lambat.” Ang sa kasalukuyang punong pastol naman na si Bishop Antonio P. Palang, SVD, DD ay “Duc in Altum” na mula sa naunang Lk. 5:4 na ang ibig sabihin ay, “ihulog sa kalaliman”. Kapwa ito tumutukoy sa pangingisda.

Sinasabi sa Bagong Tipan na ang naunang alagad ni Hesus ay mga mamamalakaya o mangingisda. Espesyal nga siguro ang partikular na sektor na ito sa ating lipunan pero subukan mong manirahan sa (isla ng) Iling at Ambulong sa bayan ng San Jose at tunay kang magdadalawang-isip kung ang mga mangingisda sa mata ng mga lokal na opisyal ay espesyal nga o hindi.

At ang Pilipinas ay biniyayaan nang malawak na pook-pangisdaan na may sukat na 212,160,231 ektaryang tubig-alat at tabang. Dito nabubuhay ang humigi’t-kumulang sa 2,400 na iba’t-ibang species ng isda at iba pang produktong lawa, dagat at ilog. Ayon sa talaan, hindi kukulangin sa 6.24 na milyong mamamayang Pilipino ang umaasa sa pangingisda bilang kanilang pangunahing ikinabubuhay.

Ang isa sa malaking suliranin ng lalawigan, ayon sa mga pag-aaral ay ang tinatawag na over fishing. Tinatayang malaking porsyento ng kasalukuyang huli ng mangingisdang Mindorenyo ay sisisid at magiging isang ganap na krisis sa susunod na dalawampung taon. May mga ulat pa rin ng illegal na pangingisda mula sa mga baybaying pamayanan sa Magsaysay at San Jose na hindi pa rin lubusang naaapula.

Noong huling bahagi ng taong 2005 at unang bahagi ng 2006 ay naging tampok ang isyu ng tinatawag na ‘pakaras”. Isa itong pamamaraan ng pagkuha ng seaweeds (bola-bola) sa ilalim ng dagat na ginagamitan ng malalaking kalaykay na bakal. Winawasak nito ang mga bahura (coral reef) na kanlungan at tirahan ng isda at iba pang lamang-dagat. Sana ay huwag na itong maulit.

Pero bilib noon ng pamahalaang bayan na malaki ang maitutulong ng industriyang ito sa kabang yaman ng munisipyo. Nakalimutan nila na ang nabanggit na likas-yaman ay may limitasyon kaya mas mahalaga ang patuloy na pakinabang dito kaysa sa panandaliang kita ng pamahalaan at ilang indibidwal. Hindi ba kailangan nating maingat na matimbang ang ganansiyang pang-ekonomiya nito at ang pagkasirang maidudulot nito sa kalikasan?

Dagdag pa, walang malakas na samahang pang-mangingisda (PO, kooperatiba o anuman) ang naitatag lalung-lalo na sa bahagi ng SAMARICA (San Jose, Magsaysay, Rizal at Calintaan). Bihira ang nagbibigay ng pansin sa pag-oorganisa at pagpapalakas ng ganitong samahang pam-pamalakaya kaya halos hindi maabot ng serbisyo ang sektor na ito.

Sa Lukas 5:1-11 inilalarawan ang isang espesyal na katangian (kalikasan) ng mga mangingisda: ang kanilang pagiging labis na matiyaga. Likas na mahirap maghintay nang magdamag ng walang tiyak na ganansiya. Ngunit sabi nila, ganito talaga ang tunay na pagiging disipulo. Ang tunay na paglilingkod.

At para sa bawat bagong Simon Pedro at mga anak ni Zebedeo ng ating panahon, simple lang ang sa atin ay mga salitang mahirap bigyang kahulugan:

Ang buhay ay dagat,
Ang kalayaan ay lambat,.
Ang dangal ay isda.
Ngunit ngayon ….
Hindi na masagana ang dagat,
Gulanit na ang lambat,
Wala ng isda.

Wednesday, January 16, 2008

Tumatagos sa Lahat ang Karapatang Pantao

Hindi ko alam kung ako ay malulungkot o matatawa sa pagtanggap ko sa nominasyong ito. Matatawa sapagkat ako lang ang nominado sa kategoryang ito ng human rights kung kaya walang kahirap-hirap akong naging instant nominee sa first ever Grand Alumni Homecoming ng ating alma mater ngayong 2007.

Malungkot dahil kung tutuusin, ang usapin ng karapatang pantao ay hindi natin maaaring ikahon sa isang kategorya lang. Ito ay dapat tumatagos sa pagsasakatuparan ng ating piniling propesyon at sa ating everyday life, wika nga.

Ang pagtataguyod, pagtatanggol at pagsasabuhay ng karapatang pantao ay ang palagian nating mithiin bilang guro, duktor, manunulat, brodkaster, abogado, negosyante, pulitiko, magsasaka, mangingisda o anumang larangan ng buhay. Katulad ng ating pananampalataya, ito ay dapat na gabay natin sa ating bawat gawain sa opisina, pagawaan, sa laot at maging sa bukid. Ang karapatang pantao ay tumatagos sa lahat ng larangan ng buhay.

Kaya tayong lahat ay potensyal na human rights advocate!

Inaasahan tayong magtataguyod sa dangal ng tao at maging responsible sa ating kapwa sa lahat ng oras. Sa anumang uri man tayo ng lupa tumubo, lumago at namunga,- katulad ng isang punong-kahoy.

Salamat sa Occidental Mindoro National College (OMNC) Alumni Association Federation Officers ngayong taon sa nominasyong ito. Kaalinsabay ng pasasalamat sa ating mga naging guro na kapiling natin ngayon.

Hayan sila ….
Batiin natin sila ….
Palakpakan natin sila…

Nais kong espesyal na pasalamatan ang tatlo sa aking mga naging guro noon sa kolehiyo na malaki ang naging ambag sa aking kinasapitan sa buhay. Mga guro natin noon na kahit gawaran natin ng parangal ay pisikal na nating hindi makakapiling ….

Kay Sir Fabring Pandiño sa pagtuturong may dangal ng tao sa pagsusumikap.
Kay Ma’am Zeny Roldan sa pagtitiyak na may dangal ng tao sa pagiging mahinahon.
Kay Ma’am Luming Remo sa pagpapamalay na may dangal ng tao sa panlipunang pakikiisa. At kay Ma'am Adelle Camus sa paghihikayat na may dangal ng tao sa literatura...

(Pause for a while)

Sila na kagaya ni Jose Rizal na ang ika-111 taon ng kamatayan ay ating ginugunita ngayong araw na ito,- ay ginawang sangguniang aklat, tisa at pisara ang kanilang buhay upang tayo ay matuto.

Sabi ko kanina, tayong lahat ay potensyal na human rights advocate. Halimbawa, mula sa presidente hanggang sa mga guro, hanggang sa guwardiya, hanggang sa janitor ng isang paaralan, lahat tayo ay marapat na nagtataguyod, nagtatanggol at nagsasabuhay ng karapatang pantao ng ating kapwa.

Ang masaklap, kung tayong lahat ay potensyal na human rights advocate, tayong lahat ay potensyal ding human rights violator. Maaaring hindi natin namamalayan na tayo ay lumalabag na, sumasagka at walang pakialam sa karapatan ng iba: ka-trabaho, ka-pamilya at kababayan.

Ang dalangin lang natin, lahat sana ng ating alumnus mula sa OMNC ay matapat na magtataguyod, magtatanggol at magsasabuhay ng karapatang pantao sa legal at moral na aspeto nito.

Muli, maraming salamat at magandang gabi.

----------
(Pero hindi ko nai-share ang speech na ito dahil hindi ako sinuwerte na makuha ang prestigious na Achievement Award. At saka akala ko kasi, bibigyan ng pagkakataong mag-speech lahat ng nominado kaya nag-prepare ako. Yun pala, yung mga awardee lang ang may acceptance speech,…tsk. Kaya para hindi masayang, ipinaskil ko na lang dito sa blog na ‘to. Eniwey, ginanap ang Awards’ Night noong ika-30 ng Disyembre 2007 sa OMNC Main Campus sa San Jose bilang part ng aming Grand Alumni Homecoming. Dalawa sa apat na awardee ay ang aking pinsan na si Eunice C. Novio, isang manunulat (sumulat ng nobelang “Rin-Ay”) at ka-klase sa hayskul na si Hon. Rolando “Boy” C. Ilustre, barangay kagawad ng Caminawit. Deserving naman silang lahat (sniff!).)

Tuesday, January 15, 2008

Tutubi ... Tutubi

Kay sigla at kay laya ng mga tutubi
Tutubing-karayom at tutubing-kalabaw
Na mas malalaki.
Katatapos lang ng tag-ulan,
O anong saya nilang lumilipad
Doon sa gitna ng parang.

Ngunit isang umaga ang mga tutubi
Ay biglang nawala,
Binulabog ng mga boses na paos
At ng dagundong
Ng mga higanteng tutubing-bakal
Na ang akala ng mga tunay na tutubi
Ay kanilang mga panginoon!

Ito’y tutubing tao ang lumikha
Bumubuga ng punglo upang pumuksa!
Tunay nga bang ang mga imbensyong
Katulad ng tutubing bakal ay kailangan
Sa pagtatanggol at panananggalang?

Ang tugon ng Mangyan ay “Hindi”
Sapagkat katulad ng bala
Ang gutom,
Ang kahirapan,
Ang karamdaman
At kamangmangan
Ay nakakapamuksa rin
Hindi nga lang biglaan
Kundi dahan-dahan!

Tutubi … tutubi
Ibig rin naming maging tutubi,
Masigla at malayang lumilipad
Sa gitna ng parang …
Na ‘di binubulabog at pinangkukubli
Ng mga sundalong salbahe
At mga rebeldeng mapanghi!

------
(Noong Pebrero 17 hanggang 19, 2005 lumikas ang may 300 daang pamilyang Mangyan sa 3 lugar na sakop ng Brgy. Poypoy, Calintaan, Occidental Mindoro mula sa aerial bombardment ng militar gamit ang helicopter habang kanilang tinutugis ang mga NPA hanggang sa Bundok ng Iglit-Baco. Hirap ang inabot ng mga katutubo sa evacuation site dahil sa pagkakalayo nila sa kanilang mga pamayanan, sakahan at kaingin sa loob ng halos tatlong buwan.)

Monday, January 14, 2008

Papaano Ginagawa ang Tula?

Nagtatakbuhan ang mga daga sa kisame
At ang mga lamok ay umuugong sa paligid ng tagpiang kulambo
Na wari’y nagkakantahan, nagpapasalamat sa isang gabing maalinsangan.
Bumalikwas ako at binuksan ang ilaw..
–“Pasado alas-dose na pala.”

-“Salamat naman at tuloy-tuloy ang serbisyo ng OMECO ngayon”.

May dumaang humahaginit na traysikel sa kalsada … papalayo,
At ang matinis na ugong ay unti-unting nilamon ng katahimikan,
Saglit na katahimikang pinunit ng tunog
Ng binabalasang mga pitsa ng madyong at tilaok ng manok,
Na sinabayan pa ng alulong ng asong gala.

-“Pak!”
Pinagmasdan ko ang sariwang dugo sa palad
At pinitik ito sa sahig na durog ang katawan.
-“Totoo kayang babaeng lamok lang ang nangangagat?
Di ba ang babaeng tao rin?”

Dinampot ko ang astrey, posporo at sigarilyo,
Muling pumasok sa loob ng kulambo at nahiga sa kama.
Kayhirap dalawin ng antok kapag Oktubreng maalinsangan.
Kaya binuksan ko ang transistor sa gawing ulunan ng aking higaan,-
Malakas ang pikap sa istasyon.
Nagkukomentaryo ang anawnser hinggil sa suhulan sa Malakanyang
Sikat na naman ulit ang lalawigan.
Binanggit pa paulit-ulit ang pangalan ng aming kinatawan.

-“P’we!”
Lumagpak sa bibig ko ang abo ng aking sigarilyo.
Pinatay ko ang ilaw, radyo at ang sigarilyo …
Ang astray at posporo ay inilagay sa ilalim ng kama.
Bumigat at humapdi ang mga talukap ng aking mata …

“Zzzz…”
Hindi ko na narinig ang mga daga sa kisame,
Ang ugong ng mga lamok,
Ang mga ingay sa madyungan,
Ang tilaok ng manok at alulong ng asong gala.

“Zzzz…”
Dalawang maliliit na kamay ang yumugyog sa aking balikat …
Mataas na pala ang araw,-
-”Kuya, gising na. Turuan mo akong gumawa ng tula.”
Si Boyet, bitbit ang kanyang kuwaderno at lapis.
-“Homework namin Kuya. Papaano ba ginagawa ang tula?”

Bata pa si Boyet ….
Hindi niya kayang magmasid at makinig sa paligid
O dili kaya’y bumuo ng katotohanan sa loob ng panaginip.
Oo, kahit na ang mga malasadong makata na katulad ko
Ay dapat na magising at bumangon
Sa malalakas na yugtog ng panahon,
Upang makapiglas sa pagka-bagot
Sa isang umagang likha ng gabing nagdaan,-
Sa umaalingasaw na Ilog Pandurucan!

Templo ng mga Anino

Sa loob ng templo ng mga aninong may sari-saring kulay
Ay walang pumapasok na tunay na liwanag.
Si Edison din ba ang lumikha sa mga buntala
Na nagsasalita’t gumagalaw sa likod ng kamera,-
Sa mukha ng puting telon na mistulang dambana
Sa loob ng templo ng mga anino,
At sa mga astronomong busog ang mata,
Aliw ang kaluluwa ngunit hungkag ang sikmura?

Ang mga buntala at mensahe sa mukha
Ng puting tabing ay parang isang armadang
Patuloy na sumasakop sa dagat ng ating imahinasyon ….

Upang iligaw iyon sa nagdudumilat na katotohanan,…
Sa loob at labas ng templo ng mga anino
Kagaya ng Green Cinema 2.

-------
(Wala na ni isa mang sinehan sa Oksidental Mindoro. Kahit na ang sine kadalasan ay inaaliw lang tayo, nakaka-miss din ang mga sinehan na naging bahagi ng ating kamusmusan at nagdaan. Sa San Jose nga, ‘yung dating Levi Rama Theater ay naging Jollibee na.)